ELISABET
[Sa Gr., E·lei·saʹbet mula sa Heb., ʼE·li·sheʹvaʽ, nangangahulugang “Ang Aking Diyos ay Sagana; Diyos ng Kasaganaan”].
Ang may-takot sa Diyos na asawa ng saserdoteng si Zacarias at ina ni Juan na Tagapagbautismo. Si Elisabet mismo ay mula sa makasaserdoteng pamilya ni Aaron na Levita. Siya at ang kaniyang asawa ay kapuwa matanda na nang magpakita kay Zacarias ang anghel na si Gabriel sa dakong Banal ng templo at ipatalastas nito na si Elisabet ay magsisilang ng isang lalaki na tatawaging Juan. Nang magdalang-tao si Elisabet, nanatili siyang nakabukod nang limang buwan. Noong ikaanim na buwan ng kaniyang pagdadalang-tao, dinalaw siya ng kaniyang kamag-anak na si Maria. Nang pagkakataong iyon, ang di-pa-naisisilang na si Juan ay lumukso sa bahay-bata ng kaniyang ina, at puspos ng banal na espiritu, pinagpala ni Elisabet si Maria at ang bunga ng bahay-bata nito, anupat tinawag niya itong “ina ng aking Panginoon.”—Luc 1:5-7, 11-13, 24, 39-43.