Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Si Maria ba na naging ina ni Jesus ay nagdadalang-tao na nang siya’y dumalaw sa kaniyang kamag-anak na si Elisabet?
Oo, maliwanag na ganoon nga.
Sa Lucas kabanatang 1, atin munang mababasa ang tungkol sa pagdadalang-tao ni Elisabet, ang asawa ng saserdoteng si Zacarias, na nagsilang kay Juan (na Tagapagbautismo). Nang si Elisabet ay nasa “kaniyang ikaanim na buwan ang anghel na si Gabriel” ay dumalaw kay Maria upang ibalita sa kaniya na siya’y magdadalang-tao at magsisilang sa “Anak ng Kataas-taasan.” (Lucas 1:26, 30-33) Subalit kailan nagdalang-tao si Maria?
Ang ulat ni Lucas ay nagpapatuloy ng paglalahad na si Maria ay kaagad na naglakbay patungong Juda upang dumalaw sa kaniyang nagdadalang-taong kamag-anak na si Elisabet. Nang magkita na ang dalawang babae, ang sanggol sa bahay-bata ni Elisabet (si Juan) ay lumukso. Tinukoy ni Elisabet ‘ang bunga ng bahay-bata ni Maria,’ at tinawag si Maria na “ang ina ng aking Panginoon.” (Lucas 1:39-44) Ang makatuwirang konklusyon samakatuwid ay na si Maria’y naglihi na, anupat siya’y nagdadalang-tao na nang dumalaw siya kay Elisabet.
Ang Lucas 1:56 ay kababasahan: “Pagkatapos si Maria ay nanatiling kasama niya nang mga tatlong buwan, at nagbalik sa kaniyang sariling tahanan.” Ang talatang ito ay hindi nagbibigay ng tiyakang kalkulasyon tungkol sa eksaktong araw sa kalendaryo. Sinasabi nito na “mga tatlong buwan,” anupat nagpapahiwatig na ikasiyam na buwan na ng pagdadalang-tao ni Elisabet.
Pagkatapos na makatulong kay Elisabet noong huling bahagi ng kaniyang pagdadalang-tao, si Maria ay umuwi na sa kaniyang tahanan sa Nasaret. Marahil natanto ni Maria na kapag nagsilang si Elisabet (kay Juan), baka magkaroon ng maraming bisita, na ang ilan sa kanila ay baka mga kamag-anak pa nga. Iyan ay magiging di-angkop o kahiya-hiya para sa isang dalaga na nagdadalang-tao na. Gaano na katagal ang pagdadalang-tao ni Maria nang lisanin niya ang Nasaret? Yamang kasama siya ni Elisabet nang “mga tatlong buwan,” marahil si Maria ay nasa dulo na ng ikatlong buwan o nasa pasimula ng ikaapat na buwan ng kaniyang pagdadalang-tao nang siya’y bumalik sa Nasaret.