Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 12/15 p. 13-18
  • Tayo’y Nabubuhay sa Katuparan ng mga Salita ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tayo’y Nabubuhay sa Katuparan ng mga Salita ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Salita ni Jehova
  • “Hindi sa Tinapay Lamang”
  • Binuhay ng mga Salita ni Jehova
  • Nabubuhay Tayo Ngayon sa mga Salita ni Jehova
  • Hinihintay ang Iba Pang mga Utos
  • Gawin Mong Patnubay sa Iyong mga Hakbang ang Salita ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Makatotohanan ba ang Iyong mga Tunguhin?
    Gumising!—2011
  • Ang Salita ni Jehova ay Hindi Nabibigo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Aklat ng Bibliya Bilang 5—Deuteronomio
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 12/15 p. 13-18

Tayo’y Nabubuhay sa Katuparan ng mga Salita ni Jehova

“Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”​—MATEO 4:4.

1. Paanong si Jehova ang Dakilang Tagapaglaan ng Pagkain, ngunit ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga pangangailangan ng tao?

SI Jehova ang Dakilang Tagapaglaan ng Pagkain. Ganiyan niya iniharap ang kaniyang sarili sa tao sa mismong unang kabanata ng Bibliya. (Genesis 1:29, 30) Nang maglaon, ang salmistang si David ay nagpasalamat kay Jehova: “Ang mga mata ng lahat ay nangaghihintay sa iyo, at iyong ibinibigay sa kanila ang kanilang pagkain na angkop sa panahon. Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan ang naisin ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:15, 16) Oo, si Jehova ay naglaan ng saganang pagkain para sa tao at sa hayop. Ngunit may pagkakaiba ito. Samantalang ang mga hayop ay nangangailangan ng pisikal na pagkain lamang, ipinakita naman ni Jesus na ang tao ay nangangailangan ng higit kaysa pisikal na tinapay, o pagkain. Siya’y ‘nabubuhay rin naman sa bawat salita na lumalabas sa bibig ni Jehova.’​—Mateo 4:4.

2. Ano ang dapat nating malaman tungkol sa kahulugan ng mga salita ni Jesus sa Mateo 4:4?

2 Ito’y sinabi ni Jesus bilang tugon kay Satanas, na sumubok noon na tuksuhin Siya upang ang mga bato ay makahimalang gawin niyang mga bato. Hindi iyon ipinagpumilitan ng Diyablo kundi dagling lumipat siya sa isa pang tukso. Batay sa maling paraan ng pagkakapit niya ng Awit 91:11, 12, marahil ay hindi man lamang nauunawaan ni Satanas kung ano ang ibig sabihin ni Jesus sa Kaniyang tugon sa unang tukso. (Mateo 4:3-7) Subalit tayong mga lingkod ni Jehova ay lubhang interesado sa sinabi ni Jesus. Tayo’y naliligayahan na higit pang magsaliksik sa Bibliya upang makinabang nang husto kaya naman maitatanong natin: Ibig bang sabihin ni Jesus na upang lubusang mabuhay, kailangang pag-aralan ng tao at sauluhin ang “bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova”? O ano nga ang ibig niyang sabihin?

Ang mga Salita ni Jehova

3, 4. Ano ang dalawang kahulugan ng mga salitang Griego at Hebreo na isaling “salita”? Magbigay ng halimbawa.

3 Sa pagtugon sa sinabi ni Satanas, sinipi ni Jesus ang Deuteronomio 8:3 ayon sa pagkasalin ng Griegong Septuagint ng kasulatang Hebreong ito. Ang salitang Griego na isinalin (sa Tagalog) na “salita” (rheʹma) ay may dalawang kahulugan. Kung minsan ay isinasalin ito na “pananalita,” “ekspresyon,” o “salita.” Subalit, tulad ng katumbas nito sa Hebreo (da·varʹ), ito’y maaaring mangahulugan din ng “bagay.”

4 Sa Lucas 1:37 ay mababasa natin: “Magsiparoon tayo sa anomang paraan sa Bethlehem at tingnan ang bagay [rheʹma] na ito na nangyari, na ipinaalam sa atin ni Jehova.’” Samakatuwid, lalung-lalo na kung ginagamit na may kaugnayan kay Jehova, ang salitang Griegong ito ay maaaring magpahiwatig ng isang “pananalita,” isang “pahayag,” o isang “salita” ng Diyos. O maaaring magpahiwatig ito ng isang “bagay,” tumutukoy man iyon sa isang “pangyayari,” o “pagkilos” na binanggit, ang resulta ng sinabi, ang salitang natupad.

5. Ano ang kahulugan ng Lucas 1:37?

5 Sa ganiyang pag-unawa, sa Lucas 1:37 ay hindi ibig sabihin na ang Diyos ay maaaring magsalita ng basta ano na lamang. Maaaring totoo iyan tungkol sa tao, kahit na ang kaniyang sinabi ay malayong mangyari o walang kabuluhan. Subalit tungkol sa mga pangungusap ng Diyos, ang kahulugan ng Lucas 1:37 ay na walang salita o pahayag si Jehova na hindi matutupad. Ang ipinahayag ng anghel kay Maria kung gayon ay talagang matutupad. Ang kaisipan na nasa likod ng mga salitang Hebreo at Griego na ginamit para sa “pananalita,” “salita,” “ekspresyon,” o “pahayag” ni Jehova ay buong kagandahang inilalarawan sa aklat ni Isaias. Sinasabi ni Jehova: “Sapagkat kung paanong nag bumubuhos na ulan ay lumalagpak, at ang niyebe mula sa langit ay hindi bumabalik doon, kundi dinidilig ang lupa at pinasisibulan at pinatutubuan ng halaman, at nagbibigay ng binhi sa maghahasik at pagkain sa mangangain, magiging gayon ang aking salita [Hebreo, da·varʹ; Griego, rheʹma] na lumalabas sa aking bibig. Ito’y hindi babalik sa akin nang walang bunga, kundi gagawin nito ang kinalulugdan ko, at tiyakang magtatagumpay ito sa pinagsuguan ko.”​—Isaias 55:10, 11.

“Hindi sa Tinapay Lamang”

6, 7. Ano ang kasaysayan at lugar ng pangyayari na tinutukoy sa Deuteronomio 8:2, 3?

6 Ngayon, sa pagbabalik natin sa tinatalakay, ano ba ang ibig sabihin ni Jesus ng, sa pagsipi sa Deuteronomio 8:3, sinabi niya na “hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salita na lumalabas sa bibig ni Jehova”? (Mateo 4:4) Ibig ba niyang sabihin na ang matuwid na tao ay binubuhay lamang ng mga salita, pananalita, o mga pahayag? Sapat na ba ang kaalaman sa gayong kinasihang mga pahayag na isaulo? Suriin natin ang konteksto sa kasaysayan ng mga salita ni Jesus na sinipi sa Deuteronomio.

7 Ang aklat-aralan sa Bibliya na “All Scripture Is Inspired of God and Beneficial” ay nagbibigay sa atin ng ganitong impormasyon, sa pahina 36: “Ang aklat ng Deuteronomio ay mayroong dinamikong pasabi para sa mga lingkod ni Jehova. Pagkatapos na gumalagala sa ilang ng apatnapung taon, ang mga anak ni Israel ngayon ay nakatayo at papasok na sa Lupain na Ipinangako.” Noon ay taon ng 1473 B.C.E. Ang lugar? Doon sa kapatagan ng Moab. Sa kaniyang ikalawang diskurso sa kapisanan ng mga Israelita, sinabi ni Moises: “Iyong alalahanin ang buong paraan na ipinatnubay sa iyo ni Jehova mong Diyos nang lumalakad ka nitong apatnapung taon sa ilang, upang magpakumbaba ka, at subukin ka upang maalaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyo bagang gaganapin ang kaniyang mga utos o hindi. Kaya pinagpakumbaba ka niya at hinayaang kang magutom at pinakain ka niya ng mana, na hindi mo nakilala ni nakilala man ng iyong mga magulang; upang kaniyang maipakilala sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita na nanggagaling sa bibig ni Jehova.”​—Deuteronomio 8:2, 3.

8. Ano ang naging kalagayan noon ng mga Israelita, at bakit ito pinahintulutan ni Jehova?

8 Guni-gunihin nga! Kung ilang milyong mga Israelita​—matanda at bata, mga lalaki, babae, at mga bata​—ang naglalakad nang may apatnapung mahahabang mga taon sa “malawak at kasindak-sindak na kagubatan, na may makamandag na mga ahas at mga alakdan at sa tigang na lupa ay wala kang [makukuhang] tubig.” (Deuteronomio 8:15) Sila’y nangangailangan noon ng tubig na maiinom at pagkain. Paminsan-minsan, sila’y hinahayaan ni Jehova na mauhaw at magutom. Bakit? Upang ikintal sa kanilang mga isip na “hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”

9. Paanong sa pamamagitan ng mga salita ni Jehova ay natustusan ang mga pangangailangan ng mga Israelita?

9 Ano ba ang koneksiyon ng mga pangangailangan ng mga Israelita at ng mga pahayag, o mga salita, na lumalabas sa bibig ni Jehova? Bueno, anong nakikitang mga bagay ang naganap na sa gitna ng mga Israelita bilang resulta ng mga salita ni Jehova? Si Moises ay sumulat: “Ang iyong suot ay hindi naluma sa iyo, ni hindi namaga ang iyong paa nitong apatnapung taon. . . . [Si Jehova] ang naglabas sa iyo ng tubig mula sa batong pingkian; [at siya] ang nagpakain sa iyo ng mana sa ilang.” (Deuteronomio 8:4, 15, 16) Ang koneksiyon ay ito: Hindi sana tinanggap ng mga Israelita ang alinman sa mga bagay na ito kung hindi iniutos ni Jehova na maganap ang mga ito. Sa gayon, ang mga Israelita ay literal na nabuhay “sa bawat salita [o, utos] na lumalabas sa bibig ni Jehova.”

Binuhay ng mga Salita ni Jehova

10, 11. Sa ano pang mga ibang paraan nasustinihan o binuhay ang mga Israelita ng mga sinalita ni Jehova?

10 Bukod sa pagdepende kay Jehova ukol sa gayong materyal na mga panustos na gaya ng pagkain, tubig, at pananamit, paano pang binuhay ang mga Israelita ng mga sinalita ni Jehova? Mayroon din namang mga espirituwal na pakinabang. Sinabi ni Moises sa mga Israelita na pinapangyari ni Jehova na sila’y dumanas ng gayong mga karanasan sa ilang ‘upang sila’y magpakumbaba, masubok upang maalaman kung ano ang nasa kanilang puso, kung sila baga’y susunod o hindi sa kaniyang mga utos.’ Kaniyang isinusog pa: “Alam na alam mo sa iyong sariling puso na kung paanong itinutuwid ng isang tao ang kaniyang anak, itinutuwid ka naman ni Jehova na iyong Diyos . . . upang mapabuti ka sa iyong wakas.”​—Deuteronomio 8:2, 5, 16.

11 Oo, kung lubusang sinamantala ng mga Israelita ang kanilang naging karanasan sa ilang, disin sana’y natuto silang ‘mabuhay sa bawat salita ng bibig ni Jehova,’ hindi lamang sa pamamagitan ng pagkatutong sumunod sa kaniyang nasusulat na mga utos kundi ng aktuwal na pagkaranas ng mga resulta ng mga sinalita ni Jehova sa kanilang buhay bilang isang bansa at sa kani-kanilang sariling mga buhay. Sila’y binigyan ng sapat na pagkakataon upang “tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti.” (Awit 34:8) Ang saganang mga karanasang ito may kaugnayan sa mga sinalita ni Jehova​—kapuwa binigkas at natupad, ang disin sana’y bumuhay sa kanila sa espirituwal.

12, 13. Paano nakaalam si Josue ng mga salita ni Jehova, at ano ang patotoo niya?

12 Si Josue, na humalili kay Moises bilang tagapanguna ng Israel, ay nakaalam ng mga salita ni Jehova sa pamamagitan ng pagsisilid nito sa kaniyang isip. Ang kaniyang pananampalataya ay pinalakas ng pagmamasid niya sa katuparan ng mga ito. Pagkamatay ni Moises, ganito ang sinabi ni Jehova kay Josue: “Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at may pagbubulay-bulay na iyong babasahin araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat na nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo’y iyong pagtatagumpayin ang iyong lakad at kung magkagayo’y kikilos ka nang may karunungan.”​—Josue 1:8.

13 Nang matatapos na ang kaniyang buhay, pagkatapos na may katapatang sumunod sa salita ni Jehova at masaksihan ang katuparan niyaon sa bayan ni Jehova, si Josue ay nakapagsabi: “Sa gayo’y ibinigay ni Jehova sa Israel ang buong lupain na kaniyang isinumpa na kaniyang ibibigay sa kanilang mga ninuno, at kanilang inari iyon at tumahan sila doon. At, binigyan sila ni Jehova ng kapahingahan sa buong palibot, ayon sa lahat ng kaniyang isinumpa sa kanilang mga ninuno, at isa man sa lahat ng kanilang kaaway ay walang tumayo sa harap nila. Lahat ng kanilang kaaway ay ibinigay ni Jehova sa kanilang kamay. Walang pangako [Hebreo, da·varʹ; Griego, rheʹma] na hindi natupad sa lahat ng mabuting ipinangako ni Jehova sa sambahayan ng Israel; lahat ay nangyari.” (Josue 21:43-45) Tunay na si Josue ay binuhay at pinamalaging buháy, hindi ng literal na tinapay lamang, ‘kundi ng bawat salita na lumalabas sa bibig ni Jehova.’​—Mateo 4:4.

Nabubuhay Tayo Ngayon sa mga Salita ni Jehova

14. (a) Sa pamamagitan ng higit na pagsasaliksik sa Mateo 4:4, paano natin lalong mauunawaan ang ibig sabihin ni Jesus? (b) Ano ang nagpatibay sa nagpahalagang mga Israelita?

14 Pagkatapos na magsaliksik tayo nang higit pa sa binanggit na mga salita na sinipi ni Jesus bilang tugon sa tukso ng Diyablo, lalong higit na nauunawaan natin ang ibig sabihin ni Jesus. Ang konteksto ng kasaysayan at dakong pinangyarihan ng paglalahad ni Moises, na sinipi ni Jesus, ay nagpapakita na ang mga salita ni Jehova na sinusunod ng matuwid na mga lalaki at mga babae upang mabuhay ay hindi lamang mga salitang isinasaulo upang matutuhan. Para sa mga Israelitang iyon, “bawat pahayag ng bibig ni Jehova” ay may kaugnayan sa mana, sa tubig, at sa damit na hindi naluma. Oo, ang mga salita ay sumasaklaw pati sa katuparan, ang kahanga-hangang mga bagay na ginawa ni Jehova para sa kaniyang bayan. Ang kanilang karanasan sa mga bagay na ito, bilang katuparan ng mga sinalita ni Jehova, ang nagpatibay sa nagpapahalagang mga Israelita.

15. Paano tayo binubuhay ng mga salita ni Jehova?

15 Gayundin naman sa ngayon, ang bumubuhay sa mga lingkod ni Jehova ay hindi lamang ang pagbabasa at pag-aaral ng mga sinalita ni Jehova, bagamat ito ay kinakailangan. Iyon ay ang pagkaranas, bilang sama-sama at isa-isa, ng kahanga-hangang paraan ng pakikitungo sa atin ni Jehova at pagkilos niya sa ating kapakanan. Mientras palaisip tayo tungkol sa mga pakikitungo sa atin ni Jehova, lalo namang ang gayong natupad na mga sinalita ay bubuhay sa atin, palalakasin ang ating pananampalataya, ang ating espirituwalidad.

16. (a) Ano ba ang pinagbuhusan ng isip ng isang salmista? (b) Paano tayo gagawa rin niyan, at paano ito tutulong sa atin?

16 Isang salmista ang sumulat: “Aalalahanin ko ang mga gawa ni Jah; sapagkat aalalahanin ko ang iyong kagila-gilalas na mga gawa noong una. At bubulay-bulayin ko nga ang lahat mong mga gawain, at nagmumuni-muni ako tungkol sa iyong mga pakikitungo.” (Awit 77:11, 12) Kung tayo’y magmumuni-muni sa mga gawa, nagawa, gawain, at pakikitungo ni Jehova alang-alang sa kaniyang bayan, na itinuturing na ang mga ito ay isang nakikitang katuparan ng kaniyang mga sinalita, ang mga banal na paglalaang ito ay magiging mistulang espirituwal na pagkain para sa atin. Tayo’y aakayin nito upang magkaroon ng isang lalong matalik na personal na kaugnayan kay Jehova. Tayo’y magiging katulad ni Jesus. Siya’y tumangging ang mga bato ay gawing tinapay nang iutos sa kaniya ng Diyablo na gawin iyon. Gayundin iingatan natin na huwag tulutan na ang materyal na mga bagay o ang sobrang pagkabahala tungkol sa materyal na mga pangangailangan ang umakay sa atin na mahulog sa silo ng Diyablo at umalis sa pagsamba kay Jehova.

17. Paanong si Jesus ay isang kahanga-hangang halimbawa?

17 Sinabi ni Jesus: “Ang pagkain ko ay gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34) Siya’y isang kahanga-hangang halimbawa, na ipinakikita sa atin sa isang praktikal na paraan na “hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”​—Mateo 4:4.

Hinihintay ang Iba Pang mga Utos

18. Anong banal na salita ang natutupad ngayon?

18 Sa pamamagitan ng kaniyang Anak sinabi ni Jehova na “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa” bago dumating ang wakas. (Mateo 24:14) Ang banal na salitang iyan ay kasalukuyang natutupad ngayon bilang resulta ng pambuong daigdig na pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Ikaw ba ay ‘nabubuhay’ sa salitang iyan na nanggagaling sa bibig ni Jehova sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa pangangaral at sa gayo’y pagtanggap ng pagkaing espirituwal dahil sa ginagawa mo ang kaniyang kalooban?

19, 20. Ano pang mga ibang banal na salita ang malapit nang lumikha ng kamangha-manghang mga pangyayari?

19 Ang mga iba pang salita ni Jehova ay nakatakdang lumikha ng kamangha-manghang mga pangyayari sa malapit na hinaharap. “Ang sampung sungay” at “ang mabangis na hayop” ay magbabangon laban sa “patutot,” ang Babilonyang Dakila. Oo, ang pagwawasak sa pandaigdig na imperyong iyan ng huwad na relihiyon ng anti-relihiyosong mga bahagi ng United Nations ay magiging isang natatanging pagkilos na resulta ng katuparan ng isa sa mga sinalita ni Jehova.​—Apocalipsis 17:16, 17.

20 Ang isa pang kamangha-manghang banal na salita ay matutupad pagka sa simbolikong paraan ay nilagyan ni Jehova ng “mga pangbingwit” ang mga panga ni Gog, o Satanas, upang hamunin siya at ang kaniyang hukbong panlaban na atakihin ang Kaniyang bayan sa lupa. (Ezekiel 38:2-4, 8-12) Subalit isa pang banal na salita ang magdadala ng pagkapuksa ng mga kampon ni Gog. (Ezekiel 39:1-6)a Ito’y mangangahulugan ng “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har–Magedon. (Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-21) Kagila-gilalas nga na ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay makasaksi sa katuparan ng mga banal na salitang ito at, sa kainitan ng labanan, marinig sa simbolikong paraan ang sinabi pang ito: “Magsitayo kayong panatag at tingnan ninyo ang pagliligtas sa inyo ni Jehova.”​—2 Cronica 20:17.

21. Ang pagsasagawa ng mga salita ni Jehova ay magbibigay-katuparan sa ano pang mga pangyayari?

21 Pagkatapos, upang isagawa ang isa pang banal na salita, igagapos ni Kristo si Satanas at ang kaniyang mga demonyo at ibubulid sila sa kalaliman upang dumoon nang “isang libong taon.” (Apocalipsis 20:1-3) Sa loob ng isang libong taóng iyan ay matutupad ang iba pang mga sinalita ni Jehova, kasali na ang pagkabuhay-muli ng mga patay at “ang pagpapagaling sa mga bansa,” ang masunuring sangkatauhan. (Apocalipsis 20:11-15; 22:1, 2) Sa panahon ng isang-libong-taóng paghuhukom na ito, maliwanag na si Jehova ay magbibigay ng karagdagan pang mga utos, na hindi natin alam sa kasalukuyan, samantalang binubuksan ang mga bagong “balumbon.” (Apocalipsis 20:12) Kagila-gilalas nga na ang mga nakaligtas sa “malaking kapighatian” at ang mga bubuhaying mga patay ay magtamo ng mga utos at patnubay buhat sa higit pang mga tagubiling ito na nakasulat sa nakalulon pang mga “balumbon” na ito ni Jehova at tuparin ang mga ito nang may kaluguran!

22. Tayo’y pinatitibay-loob ngayon na ano ang gawin?

22 Ngayong mayroon tayo ng ganiyang kahanga-hangang pag-asa, lubusang samantalahin natin ang pagkakataon ngayon na alamin ang mga salita ni Jehova at gumawa ng puspusang personal na pag-aaral ng kaniyang Salita at makibahagi sa pangangaral taglay ang patuloy na pagkapalaisip tungkol sa mga pagkilos ni Jehova sa kapakanan natin.

[Talababa]

a Tingnan ang mga kabanata 19, 20 sa “The Nations Shall Know That I Am Jehovah”​—How? na lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Paanong natutuhan ng mga Israelita na mabuhay “sa bawat salita ng bibig ni Jehova”?

◻ Paano magsisilbing espirituwal na pagkain sa mga Israelita ang mga salita ni Jehova?

◻ Paano tayo maaaring mabuhay ngayon sa mga salita ni Jehova?

◻ Anong mga salita ni Jehova ang matutupad pa?

[Larawan sa pahina 14]

Ano ba ang kahulugan sa iyo ng tugon ni Jesus kay Satanas?

[Larawan sa pahina 16]

Ang mga Israelita na nabubuhay “sa bawat salita ng bibig ni Jehova” ay tumanggap ng literal na mga pagpapala

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share