Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 3/22 p. 20-24
  • Ang Kabutihan ni Jehova sa “Huling Bahagi ng mga Araw”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kabutihan ni Jehova sa “Huling Bahagi ng mga Araw”
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kabutihan ni Jehova
  • Ang Payo ng Patriarka
  • Pagdagsa sa Bahay ng Diyos
  • Sa Sanlibutang Ito ng Karahasan
  • Ang Saganang Kabutihan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Si Jehova—Ang Sukdulang Halimbawa ng Kabutihan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ang Kahanga-hangang Lawak ng Kabutihan ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • “Napakabuti Niya!”
    Maging Malapít kay Jehova
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 3/22 p. 20-24

Ang Kabutihan ni Jehova sa “Huling Bahagi ng mga Araw”

“Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova.”​—ISAIAS 2:3.

1, 2. (a) Anong malubhang panganib ang nagbabanta ngayon sa sangkatauhan? (b) Ano ang sinasabi ng mga lider ng daigdig tungkol sa Armagedon?

“ANG HULING BAHAGI NG MGA ARAW.” Bakit inuulit-ulit iyan ng hula sa Bibliya? Ibig bang sabihin na ang mga araw ng sangkatauhan ay nabibilang at na ang lupa nating ito at lahat ng buhay na naririto ay papanaw sa isang pangglobong kapahamakan? Ganiyan nga ang malimit banggitin bilang isang posibilidad ng mga lider ng daigdig. Halimbawa, sa isang panayam sa telebisyon noong Enero 13, 1985, ang ministrong panlabas ng Moscow na si Andrei Gromyko ay nagbabala sa mga tao sa Unyong Sobyet na “isang malubhang panganib, isang kapahamakan ang nagbabanta sa buong sangkatauhan.” Isinusog pa niya: “Lahat ng posibleng gawin ay dapat na gawin upang maalis ang panganib na iyan, upang ang Armagedon na kinatatakutan ng mga tao sa loob ng daan-daang taon ay huwag nang mangyari.”

2 Maraming beses din, ang Pangulong Ronald Reagan ng Estados Unidos ay bumabanggit ng Armagedon. Sa New York Daily News ng Oktubre 30, 1983, sinipi ang sinabi niya na: “Tinunghayan ko ang tungkol sa inyong mga sinaunang propeta sa Matandang Tipan at sa mga tanda na nagpapahiwatig ng Armagedon, at naiisip ko kung​—tayo nga kaya ang salinlahi na makakasaksi sa pangyayaring iyan.” Kamakailan, noong Pebrero 8, 1985, iniulat ng The Wall Street Journal: “Sinasabi ng Pangulong Reagan na kaniyang pinag-iisipan at ipinakikipag-usap ang tungkol sa Armagedon, . . . ngunit wala siyang plano para rito.”

3. (a) Ano bang talaga ang Armagedon? (b) Ano ang ibig sabihin ng “huling bahagi ng mga araw”?

3 Oo, ang mga lider ng daigdig ang nagsasalita tungkol sa Armagedon. Subalit kanila kayang natatalos kung ano ang ibig sabihin ng salitang iyan sa Bibliya? Maliwanag na hindi, sapagkat ang Armagedon ay hindi isang gawang-taong digmaan. Ito ang pansansinukob na digmaan ng Diyos na gagamitin niya at ng kaniyang kasamang Hari, si Jesu-Kristo, upang parusahan ang balakyot na mga bansa at balakyot na mga tao. Ito ang sukdulan ng “huling bahagi ng mga araw.” (Daniel 10:14; Apocalipsis 16:14, 16) At ano ba ang ibig sabihin ng “huling bahagi ng mga araw”? Ang mga ibang salin ay isinalin ito na “katapusang bahagi ng mga araw,” “ang bandang dulo ng mga araw.” (Rotherham, Young) Ito’y salin ng mga salitang Hebreo na ’a·charithʹ hay·ya·mimʹ. Sang-ayon sa Theological Dictionary of the Old Testament, malimit na ito’y nangangahulugang “Ang Katapusang Panahon,” na tumutukoy hindi lamang sa hinaharap kundi “kung ano ang kahahantungan ng kasaysayan, samakatuwid ang magiging resulta nito.”

4. Paano tutungo sa sukdulan ang “Katapusang Panahon,” at ano ang resulta nito?

4 Mayroon na ngayong mahigit na 70 taon, na ang sangkatauhan ay namumuhay sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” na inihula ni Jesus sa Mateo 24:3–25:46. Ang yugtong ito, pasimula noong 1914, ang “Katapusang Panahon” na kung kailan ang mga pangyayari ay pasulong na nagaganap patungo sa sukdulan. Iyan ay sa “malaking kapighatian” pagka lahat ng balakyot na organisasyon ni Satanas ay pinuksa na. (Mateo 24:21, 22) Ang mahalagang resulta ay ang pagbabangong-puri sa banal na pangalan ni Jehova.​—Ezekiel 38:16, 23.

Ang Kabutihan ni Jehova

5. Anong mga salitang pampalakas-loob ang nasa Oseas 3:5?

5 Si Jehova ay isang Diyos na nagpapalakas-loob. Kahanga-hangang mga pananalitang nagpapasigla ang kaniyang pinapangyaring mapasulat sa kaniyang buong Salita, ang Banal na Bibliya! Isa na riyan ang makikita sa Oseas 3:5, na nagsasabi: “Pagkatapos ay magsisibalik ang mga anak ni Israel at hahanapin nga si Jehovang kanilang Diyos, at si David na kanilang hari; at sila nga’y magsisiparoong may takot kay Jehova at sa kaniyang kabutihan sa huling bahagi ng mga araw.”

6. Paanong ang espirituwal na Israel ay naiiba sa mga sekta ng Sangkakristiyanuhan?

6 Isang nalabi ng Israel ang bumalik noong 537 B.C.E. galing sa pagkabihag sa Babilonya upang muling sumamba kay Jehova sa Jerusalem. Gayundin naman sa modernong panahon, noong 1919 ang pinahirang nalabi ng espirituwal na Israel ay ‘bumalik’ galing sa pagkabihag sa organisasyon ni Satanas, at kanilang masikap na ‘hinahanap si Jehova na kanilang Diyos.’ Sila’y ibang-iba sa apostatang mga sekta ng Sangkakristiyanuhan! Wala sa mga ito ang may ibig na kilalanin si Jehova bilang “kanilang Diyos.” Imbis na ‘hanapin si Jehova,’ kanilang iniiwasan ang paggamit sa kaniyang pangalan.

7. Paano pinarangalan ng bayan ni Jehova ang kaniyang pangalan?

7 Sa may pasimula ng “huling bahagi ng mga araw,” ang Enero 1, 1926, labas ng The Watch Tower ay naglathala ng naghahamong artikulo na “Who Will Honor Jehovah?” (Sino ang Magpaparangal kay Jehova?) Ang muling-tinipong nalabi ng espirituwal na Israel ang tumugon sa panawagang iyan, at noong 1931 buong kagalakang tinanggap nila ang pangalang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10, 12) Magpahanggang sa araw na ito sila’y patuloy na nagtatanyag ng pangalan ni Jehova sa mga tao sa lupa. Siyanga pala, noong 1984 ay kanilang inilathala, angaw-angaw na kopya sa maraming wika, ang kaakit-akit at de-kolor na broshur na pinamagatang Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman.

8, 9. (a) Ano ang ibig sabihin ng ‘paghanap kay David na kanilang hari’? (b) Kailan at saan iniluklok ang Hari? (c) Paano naunawaan ng mga lingkod ni Jehova ang bagay na ito?

8 Subalit, inihula rin ni Oseas na ang espirituwal na mga anak na ito ay “magsisibalik at hahanapin nga . . . si David na kanilang hari.” Ang likas na Israel ay walang hari sapol nang maibagsak ang mga hari sa angkan ni David noong 607 B.C.E. Nagpasimula noon ang 2,520 mga taon ng pamamahala ng kalikuan​—“ang itinakdang mga panahon sa mga bansa,” o mga Panahong Gentil. (Lucas 21:24; Daniel 4:16) Subalit noong 1914, nang magsimula ang “huling bahagi ng mga araw,” iniluklok ng Diyos ang Isa na inilarawan ni David​—si Jesu-Kristo​—bilang Hari sa Sion, ang “makalangit na Jerusalem.”​—Hebreo 12:22; Awit 2:6.

9 Lahat na ito ay hindi naman agad naunawaan ng mga lingkod ni Jehova sa lupa. Gayunman, ang kanilang paghahanap kay ‘David na ating hari’ ay umabot sa sukdulan nang sa The Watch Tower ng Marso 1, 1925, ay malathala ang artikulong “Birth of the Nation” (Pagsilang ng Bansa). Ito’y nagharap ng matibay na patotoo, nakasalig sa Apocalipsis kabanata 12, na ang Mesianikong Kaharian ni Jehova ay isinilang sa langit noong 1914 at na si Kristo ay ngayon ‘naghahari na sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’​—Awit 110:1, 2, King James Version; Aw 2:1-6.

10. (a) Sino ang “magsisiparoong may takot kay Jehova,” at paano? (b) Bakit napakahalaga “ang pagkatakot kay Jehova”?

10 Ang pinahirang nalabi, at tunay ngang lahat ng nag-alay kay Jehova, ay totoong palaisip tungkol sa kanilang mga pagkakasala noong nakalipas na panahon. Mapagpakumbabang sila’y ‘nagsiparoong may takot kay Jehova,’ at sila’y humingi ng kapatawaran sa kanilang nakaraan na mga pagkakasala. At ngayon samantalang ang “huling bahagi ng mga araw” ay patungo sa sukdulan, ang mga umiibig kay Jehova ay lalo nang nagpapakaingat na sila’y huwag magkasala sa Diyos at sa kaniyang matuwid na mga kautusan. Tayo’y patuloy na ‘magsiparoong may takot kay Jehova,’ na hinahampas ang ating mga katawan, upang magkamit tayo ng pag-asa sa Bagong Kaayusan ng Diyos. (1 Corinto 9:27) Laging tandaan natin na “ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.”​—Awit 111:10.

11. (a) Sa paanong si Jehova ay mabuti? (b) Bakit kailangang tayo’y ‘magsiparoong may takot sa kabutihan ni Jehova’?

11 Paano nga tayo ‘paroroong may takot . . . sa kaniyang kabutihan’? Si Jehova ang sakdal sa kabutihan. Siya ang pinakauliran sa kasakdalan ng kabutihan. Lubusan niyang napaglalaanan ang lahat ng ating pangangailangan. Sa gayon, may pagtitiwalang makapagsasabi tayo na gaya ng sinabi ni David: “Si Jehova ang aking pastol. Hindi ako magkukulang ng anuman. . . . Tunay na ang kabutihan at ang kagandahang-loob ay susunod sa akin sa lahat ng kaarawan ng aking buhay.” (Awit 23:1-6) Ngayon, at hanggang sa katapusan ng “huling bahagi ng mga araw,” tayo’y kailangang ‘pumaroong may takot sa kabutihan ni Jehova,’ nagtitiwala na ang ating mga kasalanan ay matatakpan ng mahal na haing handog ng kaniyang Anak, si Jesus. (1 Juan 2:1, 2) May pasalamat na ating masasabi: “Oh Jehova, . . . anong pagkasaga-sagana ang iyong kabutihan, na iyong inilalaan para sa mga natatakot sa iyo!”​—Awit 31:17, 19.

12. (a) Paano natin matutularan ang kabutihan ni Jehova? (b) Bakit kailangan na gawin natin ito?

12 Habang ang sanlibutan ni Satanas ay patuloy na napapabaon sa lungaw ng kasamaan, tularan sana natin ang kabutihan ni Jehova sa pamamagitan ng pangangaral sa ating mga kapuwa-tao ng mabuting balita ng Kaharian at pagpapakita sa ating sariling mga buhay ng mga katangian ng kabutihan. Sana’y mapaunlad natin ang mga bunga ng espiritu, kasali na ang kabutihan, sa lahat ng ating mga pakikitungo​—sa ating pami-pamilya, sa atin-ating mga kongregasyon, at sa ating mga pakikisalamuha sa mga tao ng sanlibutan. (Galacia 5:22, 23; Awit 119:65-68) Kailangang gawin natin ito kung ibig nating makaligtas sa “huling bahagi ng mga araw.”

Ang Payo ng Patriarka

13. (a) Sino sa ngayon ang maaaring makinabang sa pagsasaalang-alang ng hula ni Jacob nang siya’y malapit nang mamatay? (b) Ano ang ipinapayo ng hulang iyan?

13 Mga 3,700 taon na ngayon ang lumipas, ang patriarkang si Jacob (pinanganlan ding Israel) ay nanghula nang siya’y malapit nang mamatay. Sa kaniyang 12 mga anak na lalaki, na mga pinuno ng mga tribo ng Israel, sinabi niya: “Magtipon kayong sama-sama upang maisaysay ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa huling bahagi ng mga araw.” Ang kaniyang mga salitang iyan ay kumakapit ngayon sa mga nalalabi ng espirituwal na Israel at kumakapit din sa kanilang mga kasamahan, ang “mga ibang tupa.” Wala sa mga ito ang libreng sumuway sa mga pamantayang-asal ni Jehova, gaya ng ginawa ni Ruben, at hindi rin nila mapapayagang sila’y mahilang gumawa ng mga karahasan na gaya ng ginawa ni Simon at Levi. Bagkus, kailangang paunlarin nila ang mga katangian na gaya ng tibay ng loob, pagtitiwala kay Jehova, at pagkamabunga, gaya ng ipinakita ng iba pang mga anak ni Israel.​—Genesis 49:1, 3-7, 9, 18, 22; Juan 10:16; ihambing ang 2 Pedro 1:8-11.a

14. Anong magkaugnay na dalawang hula tungkol sa “Katapusang Panahon” ang nagbibigay ng payo lalo na para sa “mga ibang tupa”?

14 Gayunman, may natatanging payo para sa mga “ibang tupa” na may pag-asang makaligtas sa “Katapusang Panahon.” Ito’y makikita natin, na para bang idiniriin, sa dalawang magkaugnay na mga hula sa Bibliya, sa Isaias 2:2-5 at Mikas 4:1-5.

Pagdagsa sa Bahay ng Diyos

15. (a) Paano natupad ang Isaias 2:2? (b) Anong pagkakaiba ang nakikita ngayon ng mga taong maaamo, at paano sila tumutugon?

15 Sa Isaias 2:2 ay mababasa: “At mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, at tiyak na matataas sa itaas ng mga burol; at dadagsa roon ang lahat ng bansa.” Sa loob ng 50 taon, sapol noong 1935, ang “kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa” na ito ay nagtitipon sa bahay ng pagsamba kay Jehova, ‘pinupuno ang bahay na iyan ng kaluwalhatian.’ Ang ‘pagdagsang’ ito ay waring tumitindi samantalang ang “huling bahagi ng mga araw” ay palapit nang palapit sa kawakasan. Ang simbolikong bundok ng dalisay na pagsamba kay Jehova ay lalong napapatanyag, anupa’t nakikita ng mga taong maaamo na ito’y naiiba sa sekta-sektang “mga burol” at “mga bundok” ng sanlibutan ni Satanas na walang disiplina. Sila’y ‘lumalabas’ sa huwad na relihiyon at tumatakas sila na parami nang parami sa bundok ng pagsamba kay Jehova.​—Hagai 2:7; Apocalipsis 18:2, 4, 5; Awit 37:10, 11.

16. (a) Anong panawagan ang sinasagot ngayon ng mga maaamo? (b) Paano pinabibilis ni Jehova ang kaniyang pangako na ‘pabilisin ito’?

16 Ang mga maaamong taong ito ay tumutugon sa panawagan ng Isaias 2:3: “‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ Sapagkat mula sa Sion lalabas ang batas, at ang salita ni Jehova ay mula sa Jerusalem.” Nangyayari na ito, tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako na “pabilisin ito sa takdang panahon.” (Isaias 60:22) Isang dumaraming “malaking pulutong . . . buhat sa lahat ng bansa” ang dumadagsa sa pagsamba kay Jehova. Mayroon nang 138,540 na nabautismuhan noong 1982; 161,896 noong 1983; at 179,421 noong 1984. Ibig nilang maligtas sila at makatawid sa “huling bahagi ng mga araw.”​—Apocalipsis 7:9, 14.

17. (a) Paanong ang mga bagong Saksi ay nakapagpapakita ng pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova? (b) Anong positibong mga utos ang kailangan nating lahat na sundin?

17 Ang mga bagong Saksing ito ay nagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova sa pagdadala sa kanila sa liwanag ng katotohanan, at sila’y masikap na naghahangad na magpakita ng kabutihan sa iba. Kanilang tinatanggap ang turo na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang organisasyon. Taglay ng Kautusan ni Moises ang maraming ‘huwag mong gagawin,’ at wasto namang sundin ng Israel ang mga ito. (Tingnan ang Exodo 20:3-17.) Subalit ang dalawang dakilang mga utos para sa mga Kristiyano, ayon sa sinabi ni Jesus, ay positibong mga utos na ‘ibigin si Jehovang ating Diyos ng ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas, at ang ating kapuwa gaya ng ating sarili.’ (Marcos 12:29-31) Nagkakaisa ang mga Saksi ni Jehova na sumusunod ngayon sa “kautusan” na ipinadadala ng Diyos buhat sa “makalangit na Jerusalem,” at ikinakapit nila ang matuwid na mga simulain nito.

18. (a) Anong uring mga alituntunin ang kailangang sundin natin? (b) Ano ang kabutihan ng pagsunod sa pampalusog na mga alituntunin?

18 Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ang mga lingkod ni Jehova ay hindi na susunod sa anumang mga alituntunin. Pinaaalaala sa atin ni apostol Pablo: “Ganapin ninyo ang lahat ng bagay nang maayos at ayon sa kautusan.” (1 Corinto 14:40, NW Ref. Bi., talababa) Halimbawa, kailangan ang mga ilang alituntunin sa ating mga Kingdom Hall upang makapagtipid tayo sa paggamit ng koryente o upang ang bahay ng pagsamba sa Diyos ay huwag magsilbing laruan ng mga bata pagkatapos ng pulong. Ang mga ulo ng pamilya ay kailangang gumawa ng mga kaayusan, tulad halimbawa ng kaayusan para sa regular na pagsasaalang-alang ng pang-araw-araw na teksto sa Bibliya sa tahanan. Sa mga pamilyang Bethel ay mayroong mga alituntunin, tulad baga ng kahilingan sa mga membro ng pamilya na pagandahin ang mabuting balita sa pamamagitan ng mahinhing pagdaramit at pag-aayos. (1 Timoteo 2:9) Ang “mga balumbon” na bubuksan sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus ay tiyak na may mga alituntunin din na mapapakinabangan ng tao. Isang bentaha ngayon na sumunod tayo sa pampalusog na mga alituntunin para maging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay at dahil sa konsiderasyon sa iba.​—Apocalipsis 20:12; 1 Corinto 10:24; Filipos 2:3, 4.

Sa Sanlibutang Ito ng Karahasan

19, 20. (a) Ano ba ang ikinilos ng mga lingkod ni Jehova ayon sa simulain sa Mikas 4:3? (b) Paano sila nakikinabang dito samantalang sila’y nasa “huling bahagi ng mga araw”?

19 Tayo’y mabilis na papalapit sa panahon na ang kamay ng bawat tao ay “mabubuhat laban sa kamay ng kaniyang kapuwa.” (Zacarias 14:13) Habang ang daigdig ay nagiging lalong tampalasan at marahas, ano ba ang ikinikilos ng mga lingkod ni Jehova? Sila’y kumikilos na kaayon ng Mikas 4:3, na nagsasabi: “Kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging karit.” Itinatakwil ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng uri ng karahasan. “Ni mag-aaral pa man sila ng pakikidigma.” Tiyak, ito’y patuloy na pakikinabangan nila sa buong panahon ng “huling bahagi ng mga araw.” Sila’y nakinabang na nga rito.

20 Halimbawa, sa labas ng magasing Watchtower ng Hulyo 15, 1983, binanggit na ang mga baril ay hindi para sa mga Kristiyano, kaya naman inalis na ng mga Saksi ni Jehova sa New Caledonia ang kanilang mga baril. Hindi nagtagal pagkatapos, isang lokal na grupong pulitikal ang naghalughog sa isang bayan, at sinunog nila ang lahat ng bahay na kung saan sila nakatagpo ng mga baril. Subalit walang mga bahay ng mga Saksi na nasunog. Ang pagkaneutral o kawalang-kinikilingan ang malimit na pinakamagaling na depensa, gaya ng pinatunayan sa Northern Ireland, Lebanon, Zimbabwe, at iba pang mga lupain.

21. (a) Anong panawagan ang dapat nating tugunin, at ano ang dapat na maging pasiya natin kung ibig nating maging tunay na maligaya? (b) Paano natin matitiyak na makakabahagi tayo sa kabutihan ni Jehova?

21 Maligaya tayo kung ating tutugunin ang panawagan ng Isaias 2:5: “Halikayo at magsilakad tayo sa liwanag ni Jehova”! Maligaya rin ang lahat sa atin na may matibay na pasiyang gaya ng ipinahayag ni propeta Mikas na, pagkatapos ilarawan ang malaparaisong katiwasayan at kapayapaan na umiiral sa gitna ng bayan ng Diyos, ay nagpatuloy ng pagsasabi: “Lahat ng bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang Diyos; subalit kami, sa ganang amin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na aming Diyos hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga’y magpakailanman.” Tiyak na ang kabutihan ni Jehova ay ipakikita sa lahat sa atin na nagpapatuloy na mapayapang nagkakaisa sa tunay na pagsamba, upang makaligtas sa “huling bahagi ng mga araw.”

[Talababa]

a Tingnan ang Watchtower ng Hunyo 15 at Hulyo 1, 1962, para sa detalyadong pagtalakay ng hula ni Jacob.

Mga Tanong Bilang Pagsuma

◻ Ano ba ang pagkaunawa mo sa pananalitang “huling bahagi ng mga araw”?

◻ Paano tayo ‘makakaparoong may takot kay Jehova at sa kaniyang kabutihan’?

◻ Anong patnubay ang ibinibigay ng hula ni Jacob nang siya’y malapit nang mamatay?

◻ Anong positibong mga hakbang ang magagawa natin kasuwato ng Isaias 2:2-5 at Mikas 4:1-5?

[Larawan sa pahina 23]

Tayo’y inaanyayahan ni Isaias na “lumakad sa liwanag ni Jehova”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share