“Huwag Hayaang Nakawan Kayo ng Gantimpala ng Sinumang Tao”
“Huwag hayaang nakawan kayo ng gantimpala ng sinumang tao na mahilig sa pakunwaring pagpapakumbaba . . . [at] nagpapalalo nang walang kabuluhan sa pamamagitan ng kaniyang kaisipang makalaman.”—COLOSAS 2:18.
1, 2. Paanong maraming tao ang nagpahamak sa walang hanggang kapakanan ng kanilang mga kapuwa-tao, at may alam ba kayong mga iba pang halimbawa nito sa Bibliya?
ANG unang taong nagkasala, si Eva, ay inakay sa kaniyang kamatayan ng isang tuso at mas makapangyarihan sa tao na espiritung nilikha. Ang ikalawang nagkasala, si Adan, ay hinikayat ng kaniyang asawang babae—isang hamak na tao.—1 Timoteo 2:14; Genesis 3:17.
2 Si Eva ang unang-una sa isang mahabang talaan ng mga tao na ang mga panghihikayat, kung pinakinggan, ay nagpahamak sana sa walang hanggang kapakanan ng kanilang mga kapuwa-tao. Pakinggan sila samantalang ang kanilang mga pananalita ay umaalingawngaw sa buong Bibliya! Ang sabi ng asawa ni Potipar kay Jose: “Sipingan mo ako.” (Genesis 39:7) Ang asawa ni Job: “Sumpain mo ang Diyos at mamatay ka!” (Job 2:9) Ang mga Israelita kay Aaron: “Bumangon ka, igawa mo kami ng isang diyos na magpapauna sa amin.” (Exodo 32:1) Si Pedro naman kay Jesu-Kristo: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi mo sasapitin kailanman ang ganito.”—Mateo 16:22.
3. Anong babala ang ibinigay ni Pablo sa Colosas 2:18, kaya’t anong mga tanong ang bumabangon?
3 Malimit ang ganiyang mga panghihikayat ay nagpahamak sa isa sa mga lingkod ni Jehova. Kaya’t bagama’t totoo na ang mga Kristiyano ay “may pakikipagbaka . . . laban sa mga hukbo ng balakyot na mga espiritu,” malimit na ang mga kapuwa-tao na rin ang tuwirang nagbabanta sa kanila. (Efeso 6:12) Kaya naman si apostol Pablo ay nagbabala: “Huwag hayaang nakawan kayo ng gantimpala ng sinumang tao.” (Colosas 2:18) Ano ba ang gantimpalang ito? At bakit ang iba sa mga lingkod ni Jehova ay nawalan nito dahilan sa pagpapadala sa impluwensiya ng di-sakdal na mga tao? Bilang sagot, suriin natin ang mga kalagayan sa Colosas na nag-udyok kay Pablo na magbigay ng babalang ito.
4, 5. (a) Anong impluwensiya ng sarisaring relihiyon ang umiiral noon sa Colosas? (b) Ano ang Gnostisismo, at anong mapanganib na mga epekto ang marahil nagawa nito?
4 Ang Colosas ay isang sentro ng sarisaring relihiyon. Ang katutubong mga taga-Pirgia ay mga taong madaling mapukaw ang damdamin at malalim na ang pagkalugmok sa espiritismo at idolatrosong pamahiin. At nariyan din ang mga Judiong mamamayan sa lunsod na iyan, na nakagapos pa sa Judaismo. Ang pagkamalapit ng Colosas sa isang pangunahing ruta ng pangangalakal ay isang dahilan din kung bakit panay na panay ang datingan doon ng mga nagsisidalaw. Malamang, ang mga banyagang ito ay mahilig na gugulin ang kanilang panahon ng paglilibang sa pagkukuwentuhan o pakikinig ng anumang bagong bagay. (Ihambing ang Gawa 17:21.) Kaya naman ang resulta ay paglaganap ng mga bagong pilosopya, at kabilang na roon ang unti-unting lumalaganap na Gnostisismo. Ganito ang sabi ng iskolar na si R. E. O. White: “Ang gnostisismo ay may taglay na kaisipan na kasinlaganap ng teoriya ng ebolusyon sa ngayon. Marahil ito ay napatanyag noong unang siglo o mas maaga pa at umabot sa tugatog noong ikalawa. Dito’y pinaghalu-halo ang makapilosopyang haka-haka, pamahiin, mga ritwal na may kaugnayan sa mahika, at kung minsan isang panatiko at mahalay na kulto.”
5 Sa ganiyang kalagayan, ang relihiyon sa Colosas ay waring naging isang uri ng patuloy na pag-eeksperimento—isang relihiyon ng pinaghalu-halong Judaismo, pilosopyang Griego, at paganong mistisismo. Ang Kristiyanismo kaya ay mapapasadlak din sa ganiyang masalimuot na kalagayan?
‘Ninakawan ng Gantimpala’—Paano?
6. (a) Paanong ang mga salita ni Pablo ay nagsilbing panlaban sa impluwensiya ng mga paganong pilosopya at ng Judaismo? (b) Bakit kinailangan ng mga Kristiyano na “mag-ingat”?
6 Ang mariing liham ni Pablo sa mga taga-Colosas ay naging panlaban marahil sa impluwensiya ng sinuman na naghahangad na ihalo ang Judaismo at paganong pilosopya sa Kristiyanismo. Paulit-ulit, kaniyang itinawag-pansin si Kristo. Si Pablo ay sumulat: “Siya [si Kristo, hindi ang sinumang alagad ng Judaismo o paganong pilosopo] ang maingat na kinatataguan ng lahat ng kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” Ang mga taga-Colosas ay pinayuhan na “patuloy na lumakad kaisa niya [ni Kristo], na nag-uugat at natatayo sa kaniya at matibay sa pananampalataya.” Kung hindi gayon, baka sila mailigaw. Kaya’t si Pablo ay nagbabala: “Mag-ingat kayo: baka may bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopya at walang kabuluhang pagdaraya ayon sa sali’t-saling-sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”—Colosas 2:3, 6-8.
7. (a) Bakit ang mga turo ng paganong pilosopo at mga tagapagtaguyod ng Judaismo ay nakaakit sa mga ibang Kristiyano? (b) Bakit ang kanilang mga turo ay talagang “walang kabuluhang pagdaraya”?
7 Marahil ang mga ibang bagong tagasunod ni Jesu-Kristo ay hindi nakatikim ng mga nakaaakit na bagay ng mistisismo o ng pilosopya. Mayroong mga Judiong Kristiyano na marahil ay may hilig pa rin sa mga lipas nang tradisyon ng Judaismo. Ang mga turo ng mga paganong pilosopo at mga tagapagtaguyod ng Judaismo ay nakaakit nga marahil sa gayong mga tao. Gayunman, bagaman nakakakumbinse o gaano man kahusay magsalita marahil ang mga bulaang gurong ito, sila’y walang naialok kundi “walang kabuluhang pagdaraya.” Sa halip na ipaliwanag ang dalisay na salita ng Diyos, pinauulit-ulit lamang nila “ang mga unang simulain ng sanlibutan”—walang kabuluhang mga pilosopya, mga turo, at mga paniwala. Ang pagyakap sa gayong maling mga kuru-kuro ay magdadala ng kapahamakan para sa isang Kristiyano. Sa gayon, sinabi ni Pablo: “Huwag hayaang nakawan kayo ng gantimpala ng sinumang tao.”—Colosas 2:18.
8. (a) Ano ang “gantimpala,” at anong mga teksto ang nagpapatotoo sa inyong sagot? (b) Paanong ang pinahirang mga Kristiyano ay mananakawan ng “gantimpala”?
8 Ang “gantimpala” ay walang kamatayang buhay sa langit. Ito’y inihahalintulad sa gantimpalang ibinibigay sa nagwaging mananakbo pagkatapos ng isang totoong nakahahapong karera ng takbuhan. (1 Corinto 9:24-27; Filipos 3:14; 2 Timoteo 4:7, 8; Apocalipsis 2:7) Sa katapus-tapusan, tanging ang Diyos na Jehova lamang sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ang maaaring mag-alis sa kaninuman na hindi kuwalipikado sa takbuhan ukol sa buhay. (Juan 5:22, 23) Gayunman, kung isang bulaang guro ang nagdala sa isang Kristiyano sa ilalim ng kaniyang pagtuturo, ang epekto nito ay nanakawin sa kaniya nito ang gantimpala. Ang nadayang tao ay marahil magpapakalayu-layo sa katotohanan na anupa’t hindi na niya maisasagad ang pagtakbo hanggang sa katapusan!
Personalidad ng mga Bulaang Guro
9. Anong apat na mga bagay ang nagpapakilala sa mga bulaang guro na kasa-kasama ng mga taga-Colosas?
9 Kung gayon, mayroon bang anumang paraan na mapagkakakilanlan sa isang tao na ang hangarin ay ‘nakawan ang isang Kristiyano ng gantimpala’? Oo, sapagkat binanggit ni Pablo ang pagkakakilanlan sa personalidad ng mga bulaang guro sa Colosas. Ang gayong tao ay (1) “mahilig sa pakunwaring pagpapakumbaba at sa anyo ng pagsamba ng mga anghel”; (2) “‘naninindigan’ sa mga bagay na kaniyang nakikita”; (3) na “nagpapalalo nang walang kabuluhan sa pamamagitan ng kaniyang kaisipang makalaman”; subalit (4) “hindi siya kumakapit nang mahigpit sa ulo,” si Jesu-Kristo.—Colosas 2:18, 19.
10. Paanong ang mga bulaang guro ay “mahilig sa pakunwaring pagpapakumbaba”?
10 Anong tusong panlilinlang! Pagkatapos na ipagwalang-bahala ang paghatol ni Jesus sa maranyang pag-aayuno, ang bulaang guro ay nagpakita ng isang nakakaakit na pakunwaring pagpapakumbaba. (Mateo 6:16) Totoo nga, ang bulaang guro ay ‘nahilig’ sa paimbabaw na pag-aayuno at iba pang anyo ng pagkakait-sa-sarili. (Colosas 2:20-23) Ang kaniyang malungkot-mukhang hitsura ay maingat na ginawa upang makita na siya’y may anyo ng kabanalan. Totoo naman, ang bulaang guro ay ‘nagkukunwaring matuwid sa harap ng mga tao upang makita nila.’ (Mateo 6:1) Subalit lahat na ito ay isang pagpapaimbabaw, “pakunwaring pagpapakumbaba.” Gaya ng pagkasabi ng The Expositor’s Bible: “Ang isang tao na nakakaalam na siya ay mapagpakumbaba, at kampante kung tungkol dito, na ang mga sulyap ay nagmumula sa sulok ng kaniyang malulungkot na mga mata at tumutunghay sa isang salamin na kung saan makikita niya ang kaniyang sarili, ay hindi mapagpakumbaba.”—Amin ang italiko.
11. (a) Ano ang pagsamba sa mga anghel? (b) Ano ang ebidensiya na umiiral sa Colosas ang pagsamba sa mga anghel?
11 Gayunman, ang pakunwaring pagpapakumbabang ito ay waring nagpapatibay sa isa pang tiwaling gawain—ang “pagsamba sa mga anghel.” Hindi tahasang ipinaliliwanag ni Pablo kung paano ginaganap ang pagsambang ito. Ang ebidensiya ay isa itong anyo ng huwad na pagsamba na umiral sa Colosas ng may daan-daang taon. Isang konsilyo noong ikaapat na siglo sa kalapit na Laodicea ang nagpahayag: “Ang mga Kristiyano ay hindi nararapat na magtakwil sa Iglesya ng Diyos, at . . . tumawag sa pangalan ng mga anghel. . . . Kung sinuman, samakatuwid, ang masusumpungan na nagsasagawa ng lihim na idolatriyang ito, siya’y matakwil.” Gayunman, noong ikalimang siglo ang teologo at iskolar na si Theodoret ay nagpatunay na ang “bisyong ito” ng pagsamba sa mga anghel ay umiiral pa rin doon noong kaniyang kaarawan. Magpahanggang sa araw na ito, ang Iglesya Katolika ay “humihimok sa mga mananampalataya na umibig, gumalang, at manalangin sa mga anghel,” ang resulta’y mga “Misa at mga Banal na Tungkulin sa karangalan ng mga anghel de la guwardiya.”—New Catholic Encyclopedia, tomo I, pahina 515.
12. Paano marahil nangatuwiran noon ang mga bulaang guro na nagsasabing karapat-dapat ang pagsamba sa mga anghel?
12 Sa pamamagitan ng paggamit ng pangangatuwiran na nahahawig sa pangangatuwiran ng mga teologong Katoliko, baka ganito ang sabi ng bulaang guro: ‘Anong dakilang pribilehiyo mayroon ang mga anghel! Hindi baga ang Kautusang Mosaiko ay ipinadala rito sa pamamagitan nila? Hindi baga sila malapit sa Diyos sa langit? Tunay na dapat natin ibigay sa mga makapangyarihang kinapal na ito ang karampatang karangalan! Hindi baga ito’y magpapakita ng tunay na pagpapakumbaba natin? Mangyari pa, ang Diyos ay pagkataas-taas, at tayo namang mga tao ay pagkababa-baba! Kung gayon, ang mga anghel ay maaaring magsilbing ating mga tagapamagitan sa paglapit sa Diyos.’
13. (a) Tama nga ba ang pagsamba sa mga anghel? (b) Paanong ang bulaang guro ay ‘“nanindigan” sa mga bagay na kaniyang nakikita’?
13 Kung gayon, anumang anyo ng pagsamba sa mga anghel ay mali. (1 Timoteo 2:5; Apocalipsis 19:10; 22:8, 9) Subalit ang bulaang guro ay magsisikap na daigin ang ganitong pagtutol at ‘“naninindigan” sa mga bagay na kaniyang nakita.’ Ayon sa The Vocabulary of the Greek Testament, ang pananalitang ito ay ginamit “sa mahiwagang mga relihiyon upang tumukoy sa tugatog na initiation, kung ang mystês [bagong membro] ‘ay nakatungtong na’ sa pasukan ng bagong buhay na ngayon ay tatamasahin niya kasama ng diyos.” Sa pamamagitan ng paggamit ng pananalitang pagano, tinuya ni Pablo ang paraan ng bulaang guro ng pagmamalaki na siya’y may natatanging kaunawaan—marahil pinamamarali pa niya na siya’y may mga mahiwagang pangitain.
14. Paanong ang mga bulaang guro ay ‘nagpapalalo sa pamamagitan ng kaisipang makalaman’?
14 Bagaman nag-aangkin ng espirituwalidad, gayumpaman, ang bulaang guro ay talagang nagpapalalo lamang ng walang kabuluhan sa pamamagitan ng kaniyang makalamang kaisipan. Ang makasalanang laman ang may epekto sa kaniyang punto de-vista at mga motibo. Palibhasa’y siya’y “nagpapalalo” dahil sa pagmamataas at kahambugan, ang kaniyang isip ay nasa “mga gawang masasama.” (Colosas 1:21) Ang pinakamasama, hindi siya kumakapit nang mahigpit sa ulo, si Kristo, sapagkat higit na pinahahalagahan niya ang mga haka-haka ng mga makasanlibutan imbis ng mga turo ni Jesus.
Isang Panganib Pa Rin?
15. (a) Anong mga saloobin ang mapapansin sa mga ibang Kristiyano sa ngayon? (b) Saan ba nanggagaling ang gayong mga saloobin, at paano maihahambing sa payo ng Bibliya?
15 Ang gantimpalang buhay na walang hanggan—maging sa langit man o sa paraisong lupa—ay iniaalok pa rin sa mga lingkod ni Jehova. Totoo, ang Gnostics at ang mga tagapagtaguyod ng Judaismo ay malaon nang pumanaw. Gayunman ay mayroon pa ring mga tao na maaaring humahadlang sa isang Kristiyano sa pagkakamit ng gantimpalang ito. Baka hindi naman kinukusa ang gayon. Gayunman, dahilan sa tinulutan nila na sila’y labis na maapektuhan ng “pilosopya at walang kabuluhang pandaraya” ng sistemang ito, baka ganito ang sabihin nila:
‘Sinisikap ko ngang huwag mandaya, pero mahirap pagka ikaw ay nasa isang negosyo. Ito ay isang daigdig na walang prinsipyo, at kung minsan wala kang magagawa kundi ang kumumpromiso.’ (Ihambing ang ganitong paniwala sa nasa Kawikaan 11:1; Hebreo 13:18.)
‘Ibig mong sabihin na hanggang ngayon ay isa ka lamang ina ng tahanan? Nagbago na ang panahon! Bakit hindi ka maghanapbuhay at nang umasenso ka naman sa iyong buhay!’ (Ihambing ang Kawikaan 31:10-31.)
‘Alam ko na dahil sa aking trabaho ay hindi ako gaanong nakakadalo sa mga pulong at nakakalabas sa paglilingkod. Pero maraming salapi ang kailangan upang masuportahan ang aming pamumuhay. Ano ang masama sa pagkakaroon mo ng mga ilang kaalwanan sa buhay?’ (Tingnan ang pagkakaiba ng ganitong pangangatuwiran sa nasa Lucas 21:34, 35; 1 Timoteo 6:6-8.)
‘Ako’y nagsasawa na ng karirinig sa matatanda na laging binabanggit ang paglilingkod sa larangan! Nagtatrabaho ako nang buong sanlinggo at karapat-dapat naman na magrelaks kung mga dulo ng sanlinggo.’ (Ihambing ang Lucas 13:24; Marcos 12:30.)
‘Ang pagpapayunir ay hindi para sa lahat. Isa pa, sa kasalukuyang kabuhayan ay kailangan mo ang edukasyon sa unibersidad kung ibig mong magtagumpay.’ (Tingnan ang kaibahan nito sa nasa Mateo 6:33; 1 Corinto 1:19, 20; 1 Timoteo 6:9-11.)
Ang materyalistiko at makalamang pangangatuwiran ay bahagi at kalakal ng “mga pasimulang aral ng sanlibutan”—ang pangunahing mga alituntunin at paniwala ng mga makasanlibutan! Kung padadala tayo rito ay maaaring lumikha ito ng pinsala sa ating espirituwalidad na hindi malulunasan.
16. Paanong ang mga iba sa ngayon ay nagiging mapagpaimbabaw na mga hukom?
16 Ang sariling-atas na mga hukom at mga guro ay nagsisilbing isa pang panganib. Katulad niyaong mga nasa Colosas, sila’y nagbabangon ng mga isyu na pulos pampersonal o pansarili. Malimit na sila’y makikitaan mo ng “pakunwaring pagpapakumbaba.” (Colosas 2:16-18) Sa kanilang pagbabanal-banalan ay mahahalata mong sila’y may maling motibo—isang hangarin na ang kanilang sarili’y itaas kaysa iba. Kadalasan sila’y “labis-labis na matuwid,” mabilis na lumampas pa sa sinabi o inilathala ng ‘aliping tapat.’ Sa ganoo’y sila ang naglalagay ng gatong sa mga pagtatalu-talo tungkol sa halimbawa’y paglilibang, pangangalaga sa kalusugan, moda ng damit at pag-aayos ng katawan, o paggamit ng mga inuming may alkohol. (Eclesiastes 7:16; Mateo 24:45-47) Sa ganito’y inaalis ang pansin sa mga bagay na espirituwal at itinutuon naman sa mga pita ng laman.—Ihambing ang 1 Timoteo 6:3-5.
17, 18. (a) Paanong ang iba ay ‘naninindigan’ sa kanilang sariling mga kuru-kuro, at bakit ito mapanganib? (b) Ano ang tatalakayin ng ating susunod na aralin?
17 Sa ngayon, may mga iba na lumalabis hanggang sa ‘paninindigan’ sa pansariling mga paniwala sa Kasulatan, o kanilang sinasabi na mayroon silang natatanging pagkaunawa. Isang babae, na isang taon lamang nababautismuhan, ang nagsabi na siya’y kabilang sa mga pinahiran at inisip na dahil dito ay may higit na kahalagahan ang kaniyang mga opinyon. Kaya’t nagpahayag siya ng matinding pagnanasa na “magturo at himukin ang iba” bilang isang may opisyal na tungkulin. (Ngunit tingnan ang 1 Timoteo 2:12.) Yamang kinapopootan ni Jehova ang “pagtataas-sa-sarili at kapalaluan,” dapat na ang mga Kristiyano ay mayroong mahinhing pagkakilala sa kanilang sariling mga opinyon. (Kawikaan 8:13) Kanilang iniiwasan ang silo ng ‘pagpapalalo nang walang kabuluhan sa pamamagitan ng [kanilang] kaisipang makalaman.’ (Colosas 2:18) Sinuman na nagtataguyod ng kanilang sariling mga kuru-kuro at hindi nagpapahalaga sa payo ng hinirang na ‘tapat na alipin’ ni Kristo ay hindi kumakapit nang matatag sa ulo. Kung gayon, tiyak na ang tapat na mga saksi ni Jehova ay dapat na mag-ingat laban sa masamang impluwensiya na magsisilbing tagapagnakaw sa kanila ng gantimpalang buhay.
18 Ginagamit pa rin ni Satanas ang tao upang humadlang sa kaniyang mga kapuwa-tao sa pagtatamo ng buhay. Ano ang ilan sa mga iba pang paraan na ginagamit ng Diyablo ang ganitong pakana? At paanong ang isang saksi ni Jehova ay makakahawak nang mahigpit sa gantimpala?
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong impluwensiya ng relihiyon ang nagsisilbing panganib sa mga Kristiyano sa sinaunang Colosas?
◻ Ano ang mga bagay na nagpapakilala sa mga may layuning nakawan ang mga Kristiyano ng “gantimpala”?
◻ Paano ipinakikita ng mga ibang Kristiyano sa ngayon na sila’y naimpluwensiyahan ng “mga pasimulang aral ng sanlibutan”?
◻ Paanong ang mga bulaang guro ay maaaring makaakay sa mga Kristiyano sa maling landas?