‘Magsitakbo Kayo sa Paraan na Matatamo Ninyo ang Gantimpala’
“Hindi baga ninyo nalalaman na ang nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Magsitakbo kayo sa paraan na matatamo ninyo iyon.”—1 CORINTO 9:24.
1, 2. (a) Ano ang magiging malaking kasawian para sa isang Kristiyano sa ngayon? (b) Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa 1 Corinto 9:24, at paano ito kumapit sa mga Kristiyano sa Corinto?
IYON sana ang magiging dakilang tugatog ng 12 taon ng puspusang paghahanda. Subalit nang halos sa mahigit na kalagitnaan na ng takbuhan, ang kabataang mananakbo ay natapilok, at sa isang iglap ay naparam ang kaniyang mga pangarap na magtamo ng isang gintong medalya sa Olimpiyada. Sang-ayon sa mga pahayagan ang kaniyang pagkatapilok na iyon ay isang “kasawian.”
2 Subalit, isang lalong malaking kasawian kung ang isang saksi ni Jehova ay hindi makakarating sa dulo ng takbuhan ukol sa buhay, lalung-lalo na ngayon na pagkalapit-lapit na ng ipinangakong Bagong Kaayusan! (2 Pedro 3:13) Kung gayon, angkop ang pagkasabi ni apostol Pablo: “Hindi baga ninyo nalalaman na ang nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbo na lahat, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Magsitakbo kayo sa paraan na matatamo ninyo iyon.” (1 Corinto 9:24) Ang mga iba na nasa sinaunang Corinto noon ay nanganganib na magkamit ng gantimpala sapagkat ang mapag-imbot na ginagawa nila ay yaong kanilang magustuhan, kahit na kanilang ‘masugatan ang mga budhi’ ng iba. (1 Corinto 8:1-4, 10-12) Upang manalo sa takbuhan ay kailangan ng pagsasakripisyo, sapagkat sinabi ni Pablo: “Ang bawat taong nakikipaglaban sa paligsahan ay mapagpigil sa sarili . . . Hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin, upang, pagkatapos na makapangaral ako sa iba, ako naman ay huwag itakwil sa paano man.”—1 Corinto 9:25-27.
3. (a) Anong kalagayan ang umiral sa Colosas na marahil ay humadlang sa mga Kristiyano roon sa pagtatagumpay sa takbuhan? (b) Makabubuti ba noon para sa mga Kristiyano sa Colosas na mag-aral ng pilosopya at mistisismo?
3 Nang malaunan, sa pagsulat sa mga taga-Colosas, si Pablo ay nagbabala ng isa pa ring maaaring maging panganib—mga tao na ‘nanakawan sila ng gantimpalang’ buhay. (Colosas 2:18) Kaya’t paano ngang ang mga Kristiyano ay ‘magsisitakbo sa paraan na matatamo nila iyon’? Iminungkahi ba ng apostol na sila’y mag-aral ng pilosopya at mistisismo upang matagumpay na makipagtalo sa mga bulaang guro? Hindi, sapagkat ang mga Kristiyano ay ‘namatay na sa mga panimulang aral ng sanlibutan’ at dapat na walang anumang kinalaman sa mga pilosopya at mga tradisyon nito.—Colosas 2:20.
4. Paano ang pagtatamo ng “tumpak na kaalaman” ay tutulong noon sa mga Kristiyano sa Colosas?
4 Sa gayon, hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya na magsikap na “mapunô ng tumpak na kaalaman ng kalooban ng [Diyos] sa buong karunungan at espirituwal na pagkakilala.” Oo, ang “tumpak na kaalaman”—hindi ang walang kabuluhang mga haka-haka—ang tutulong sa kanila “upang makalakad na karapat-dapat kay Jehova sa layuning lubusang makalugod sa kaniya.” (Colosas 1:9, 10; tingnan din ang Colosas 3:10.) Totoo, karamihan ng mga Kristiyano sa Colosas ay marahil nasasabi nilang isa-isa ang mga saligang turo ng Kasulatan. Subalit sa pamamagitan ng pag-aaral at pagbubulaybulay, kailangang mahigitan nila ang mga saligang iyon at maging matatag “na nakatayo sa pundasyon” ng Kristo. (Colosas 1:23; 1 Corinto 3:11) Pagkatapos na magtamo ng gayong malalim na unawa, ‘sila’y hindi madadaya ng sinumang tao ng kaakit-akit na mga pananalita.’ (Colosas 2:4) Sa pamamagitan ng sanáy na paggamit ng Salita ng Diyos, kanilang mabisang maibubuwal ang mga sinasabi ng sinumang mananamba sa anghel o tagapagtaguyod ng Judaismo.—Deuteronomio 6:13; Jeremias 31:31-34.
5. (a) Magbigay ng mga ilang halimbawa ng “malalalim na bagay” na dapat alam at nauunawaan ng isang maygulang na Kristiyano? (b) Paanong ang karanasan ng isa nating kapatid na babae ay nagpapakita ng panganib ng hindi pagkuha ng “tumpak na kaalaman”?
5 Ikaw ba naman ay nakalampas na sa “unang simulain” at sumungaw na sa “malalalim na bagay ng Diyos”? (Hebreo 6:1; 1 Corinto 2:10) Halimbawa, iyo bang maipakikilala ang mababangis na hayop ng Apocalipsis o maipaliliwanag kung ano ang espirituwal na templo? (Apocalipsis, kabanata 13; Hebreo 9:11) Maipaliliwanag mo ba ang batayan sa Kasulatan ng modernong-panahong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova? Alam na alam mo ba ang mga iniaaral ng Bibliya? Isa nating kapatid na babae ang nahirapan na ipagtanggol ang kaniyang mga paniwala nang nakikipag-usap siya sa isang babae tungkol sa Trinidad. Nang malaunan, ang babaing iyon ay nagbigay sa ating kapatid ng babasahin na naninira sa organisasyon ni Jehova. “Ako’y totoong nahapis sa espirituwal,” ang sabi pa ng Saksing ito. Mabuti naman at isang elder ang nagbilad ng mga maling turo ng mga mananalansang at ang ating kapatid ay ipinanumbalik sa pananampalataya. (Judas 22, 23) “Ngayon ay intindido ko na,” aniya, “kung bakit ang Samahan ay laging nagpapayo sa atin na tayo’y manalangin, mag-aral, at magbulaybulay.”
“Pagkatakot sa mga Tao”
6. (a) Ano ang nagsilbing batong katitisuran para sa mga ibang lingkod ng Diyos? Magbigay kayo ng mga ilang halimbawa sa Bibliya. (b) Ano kadalasan ang dahilan ng pagkatakot sa tao?
6 “Ang pagkatakot sa mga tao ang nagdadala ng silo,” ang babala ng taong pantas. (Kawikaan 29:25) At kung minsan ang di-kanais-nais na “pagkatakot sa kamatayan” o ang labis na paghahangad na kalugdan ng iba ang nagtutulak sa isang tao sa silong ito. (Hebreo 2:14, 15) Si Elias, sa pasimula, ay walang takot na nanindigan laban sa mga tagapagtaguyod ng pagsamba kay Baal. Subalit nang si Reyna Jezebel ay mag-utos na siya’y patayin, “siya’y natakot . . . at nagsikap na iligtas ang kaniyang buhay at naparoon sa Beer-sheba.” (1 Hari 19:1-3) Nang gabing arestuhin si Jesus, si apostol Pedro ay napadala rin sa takot sa tao. Bagama’t ipinangalandakan ni Pedro na, “Panginoon, ako’y handang sumama sa iyo maging sa bilangguan man at maging sa kamatayan,” nang siya’y bintangan na isa siya sa mga alagad ni Kristo, “siya’y nagpasimulang manungayaw at manumpa: ‘Hindi ko nakikilala ang tao!’”—Lucas 22:33; Mateo 26:74.
7. (a) Marahil, ano ang talagang dahilan kung bakit ang Kristiyanismo at Judaismo ay pinaghalo ng mga ibang taga-Colosas? (b) Sino sa ngayon ang lumilitaw na parang ganiyan din ang motibo?
7 Ang takot na sila’y di-kalugdan ng iba ang marahil tunay na dahilan kung bakit ang iba’y nagsikap na paghaluin ang Kristiyanismo at Judaismo. Nang ang mga alagad ng Judaismo ay bumangon sa Galacia, ibinilad ni Pablo ang kanilang pagpapaimbabaw, na ang sabi: “Ang lahat na ibig magkaroon ng nakalulugod na anyo sa laman ay siyang pumipilit sa inyo na magpatuli, upang huwag lamang silang pag-usigin.” (Galacia 6:12) Maaari kaya na ang ganiyan ding hangarin na palugdan ang karamihan ang siya ring nag-uudyok na motibo sa iba na nagsialis kamakailan sa organisasyon ni Jehova?
8, 9. (a) Paanong ang isang Kristiyano ngayon ay nakikitaan ng takot sa tao? (b) Paano madadaig ang takot na ito?
8 Ang mga Kristiyano ay kailangang magsikap na daigin ang ganiyang mga pagkatakot. Kung ikaw ay nag-aatubili na mangaral sa mga teritoryo na malapit sa inyong tahanan, o ikaw ay tumatangging magpatotoo sa mga kamag-anak, mga kamanggagawa, o mga kamag-aral, alalahanin ang tanong ni Jehova sa Isaias 51:12: “Sino ka na natatakot sa tao na mamamatay, at sa anak ng tao na gagawing parang damo?” (Ihambing ang Mateo 10:28.) Ipaalaala sa iyong sarili na sinumang “nagtitiwala kay Jehova ay ililigtas.” (Kawikaan 29:25) Nadaig ni Pedro ang kaniyang pagkatakot sa tao, at sa kalaunan ay namatay siya na isang martir. (Juan 21:18, 19) At maraming mga kapatid ngayon ang nagpapakita ng ganiyan ding lakas ng loob.
9 Isang misyonero na naglilingkod sa isang bansa na kung saan ibinabawal doon ang pangangaral ang nagsabi: “Pananampalataya ang kailangan upang makadalo ka sa pulong o makapaglingkod, sa pagkaalam mo na posible na ikaw ay darakpin ng pulisya.” Subalit tulad ng salmista ang mga kapatid doon ay nagsabi: “Nasa panig ko si Jehova; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?” (Awit 118:6) At ang gawain sa bansang iyon ay umunlad, at kamakailan kinilala na legal. Ang palagiang pakikibahagi sa ministeryo sa larangan ay tiyak na tutulong sa iyo upang mapasulong din ang ganiyang pagtitiwala kay Jehova.
Mga Ugnayang Pampamilya
10. (a) Anong pangangailangan ang pansansinukob, at paano ito karaniwang nasasapatan? (b) Magbigay ng mga halimbawa sa Bibliya ng mga lalaki na mas malaki ang pagpapahalaga sa kani-kanilang asawa kaysa kaugnayan nila kay Jehova.
10 Isang aklat na pinamagatang The Individual, Marriage, and the Family ang nagsasabi: “Ang isang pansansinukob na pangangailangan ng tao sa lahat ng lipunan at sa lahat ng panig ng lipunan ay yaong pangangailangan na ‘maging bahagi’ siya at ‘maging bahagi’ niya ang iba.” Ang pangangailangang ito ay karaniwan nang nasasapatan sa pamamagitan ng kaayusan ng pamilya, na si Jehova ang nagtatag. (Efeso 3:14, 15) Subalit, malimit na sinasamantala ni Satanas ang ating pagpapahalaga sa mga membro ng pamilya. Ang matinding pagmamahal ni Adan sa kaniyang asawa ang maliwanag na nag-udyok sa kaniya na magwalang-bahala sa ibubunga ng pagsuway at siya’y nakisama na sa paghihimagsik. (1 Timoteo 2:14) At kumusta naman si Solomon? Bagama’t siya’y napatanyag dahil sa karunungan, “nangyari na nang si Solomon ay matanda na ang kaniyang mga asawa ang humila sa kaniya upang mapahilig ang kaniyang puso sa pagsunod sa mga ibang diyos; at ang kaniyang puso ay hindi napatunayang sakdal kay Jehova na kaniyang Diyos . . . At sinimulan ni Solomon na gawin ang masama sa paningin ni Jehova.”—1 Hari 11:4-6.
11. Paanong si Eli ay ‘nagparangal nang higit sa kaniyang mga anak kaysa kay Jehova’?
11 Natatandaan mo ba ang matanda nang si Eli, isang mataas na saserdote ng Israel? Ang kaniyang mga anak na lalaki na sina Hophni at si Phinehas ay “mga lalaking walang kabuluhan” na “hindi kumikilala kay Jehova.” Sila’y nagpakita ng tahasang pagwawalang-bahala sa mga hain kay Jehova at nagkasala ng pakikiapid “sa mga babae na naglilingkod sa pasukan ng tolda ng kapisanan.” Gayunman ay bahagya na lamang tumutol si Eli (“Bakit kayo patuloy na gumagawa ng mga bagay na gaya nito?”), at hindi siya gumawa ng anumang pagsisikap na alisin sila sa kanilang mataas na katungkulan. Ang totoo, kaniyang ‘pinaparangalan ang kaniyang mga anak nang higit kaysa kay Jehova,’ kaya naman ito’y nagbunga ng kaniya—at ng kanilang—kamatayan!—1 Samuel 2:12-17, 22, 23, 29-34; 4:18.
12. (a) Anong babala ang ibinigay ni Jesus tungkol sa mga ugnayang pampamilya? (b) Ano ang makasanlibutang pangangatuwiran ng iba kung tungkol sa mga kamag-anak, ngunit ito ba’y naaayon sa kasulatan?
12 Kung gayon, ang pagpapakita ng katapatan sa mga di-dapat pagpakitaan niyaon ay maaaring humadlang sa iyo sa iyong pagtakbo ukol sa buhay. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Siyang may higit na pagmamahal sa ama o ina kaysa sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at siya na may higit na pagmamahal sa anak na lalaki o anak na babae kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.” (Mateo 10:37; Lucas 14:26) Subalit ano naman kung isang minamahal sa buhay ang umalis sa katotohanan o kaya’y natiwalag? Ikaw ba ay makikisama sa mga makasanlibutan sa kanilang palagay na “ang dugo ay mas matimbang kaysa tubig” at sasama ka na rin sa kamag-anak na iyon kahit sa kapahamakan? O mananampalataya ka sa mga salita ng Awit 27:10: “Sakaling itinakwil ako ng aking sariling ama at ng aking sariling ina, hindi ako pababayaan ni Jehova”?
13. Paano pinatunayan ng mga anak ni Kore ang kanilang katapatan kay Jehova, at papaano sila pinagpala dahil dito?
13 Ang mga anak ni Kore ay may ganiyang pananampalataya. Ang kanilang ama ay nanguna sa paghihimagsik laban sa awtoridad ni Moises at ni Aaron. Gayunman tuwirang pinatunayan ni Jehova na kaniyang tinatangkilik si Moises at si Aaron sa pamamagitan ng pagpatay kay Kore at sa kaniyang mga kasabwat. Gayunman, “ang mga anak ni Kore ay hindi namatay.” (Bilang 16:1-3, 28-32; 26:9-11) Maliwanag na sila’y tumangging sumama sa kanilang ama sa paghihimagsik, at pinagpala naman ni Jehova ang kanilang katapatan sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila. Nang malaunan ang kanilang mga inapo ang nagkapribilehiyo na sumulat ng mga bahagi ng Bibliya!—Tingnan ang superscription ng Awit 42, 44-49, 84, 85, 87, 88.
14. Anong karanasan ang nagpapatunay sa pagpapala na resulta ng pananatiling tapat kay Jehova imbis na sa mga kamag-anak?
14 Gayundin naman na ang resulta ng katapatan sa ngayon ay mga pagpapala. Isang kabataang Saksi ang nagbibida ng naging paninindigan niya at ng kaniyang mga kapatid nang ang kanilang ina, na matagal nang di-aktibo bilang isang Kristiyano, ay pumasok sa isang pag-aasawa na isang pangangalunya. “Aming ipinaalam ang bagay na iyon sa mga matatanda,” ang sabi pa niya, “at yamang si inay ay hindi namin kapisan sa tahanan, aming nilagyan ng hangganan ang pakikisama namin sa kaniya hanggang sa panahon na maituwid ng mga matatanda ang mga bagay-bagay. Iyan ang pinakamahirap na bagay na kinailangang gawin namin noon.” Sinabi ng ina: “Ang inyo bang buhay na walang hanggan ay mas mahalaga sa inyo kaysa akin?” At dito’y ang sagot nila, “Ang aming kaugnayan kay Jehova ay mas mahalaga kaysa anupaman.” Ang babae’y nagising sa katotohanan at taimtim na nagsisi, siya’y napabalik sa dating espirituwalidad, at naglilingkod na naman uli bilang isang aktibong mamamahayag ng mabuting balita.
15. (a) Paano pinayagan ng mga ibang magulang na magsilbing katitisuran ang kanilang sariling mga anak? (b) Paano matutulungan ng isang magulang ang sarili niya at pati kaniyang mga anak upang magtamo ng buhay?
15 Ang iba’y pinapayagan ang kanilang sariling mga anak upang magsilbing katitisuran. Hindi nila kinikilala na “ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng” mga bata, kaya naman ang mga ibang magulang ay pumayag na ang kanilang mga anak ay maging matalik na mga kaibigan ng mga makasanlibutan, dumalo sa di-kanais-nais na mga pagtitipong panlipunan, at makipagkasintahan na kahit na totoong bata pa upang mag-asawa. (Kawikaan 22:15) Ano kalimitan na ang malungkot na ibinubunga ng ganiyang kaluwagan sa disiplina? Ang pagkapariwara ng espirituwalidad. (1 Timoteo 1:19) Pinalulubha pa ng iba ang gayong kamalian sa pamamagitan ng pagtatakip sa nagawang pagkakasala ng kanilang mga anak! (Kawikaan 3:32; 28:13) Gayunman, sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, tinutulungan ng isang magulang ang kaniyang sarili at pati kaniyang mga anak upang magtamo ng gantimpalang buhay.—1 Timoteo 4:16.
Ang Iyong mga Kaibigan—“Pantas” o “Mangmang”?
16. (a) Paano maaaring makaimpluwensiya nang malaki sa atin ang mga kaibigan natin? (b) Sino lalo na ang madaling maimpluwensiyahan ng mga kaibigan, at bakit?
16 Ganito ang sabi ng aklat na Sociology: Human Society: “Ang pagnanasang kaalang-alanganan ka ng iyong matalik na mga kaibigan ay nagdudulot ng matinding panggigipit upang umayon ka sa kanilang mga pamantayan.” Ipinakikita ng aklat na Adolescence na ang mga kabataan ang lalo nang madaling maimpluwensiyahan ng gayong panggigipit. Ang sabi: “[Ito’y dahil] sa mga pagbabago na dinaranas nila sa kanilang mga katawan, mga sariling kuru-kuro, at kaugnayan sa kani-kanilang pamilya. Bilang resulta, ang mga kabataan ay nagsisimulang gumugol ng higit na panahon sa pakikisama sa kanilang mga kaibigan at kaunting panahon lamang sa pakikisama sa kanilang pami-pamilya.”
17. (a) Magbigay ng halimbawa ng katotohanan ng sinasabi ng Kawikaan 13:20. (b) Anong uri ng mga kaibigan ang maituturing na “pantas”? (c) Paano matutularan ng mga kabataan sa ngayon ang halimbawa ng kabataang si Samuel?
17 Hindi dapat kaligtaan ang sinasabi ng Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikisama sa mga mangmang ay mapapariwara.” Inaamin ng isang Kristiyanong kabataang babae: “Lahat ng masasamang kasama na nakasalamuha ko sa aking paaralan ay talagang nagsisimula nang magkaepekto sa akin. Nahuli ko ang sarili ko na nagsasabi ng isang masamang salita sa paaralan sa araw na ito . . . Halos nasabi ko iyon, pero hindi naman pala.” Nakalulungkot sabihin, may mga kabataang Kristiyano na naakay sa ganitong paggawi ng umano’y mga kaibigan. Subalit kung isa kang kabataan na naghahangad na magtamo ng gantimpala, ang hanapin mo’y mga pantas na kaibigan—yaong ang mga kaisipan ay nakahilig sa espirituwal, may matuwid na asal, kanais-nais ang pananalita. Tandaan, ang batang si Samuel ay hindi nakisama sa masasamang anak ni Eli. Siya’y nanatiling magawain sa “paglilingkod kay Jehova,” sa gayo’y hindi nahahawa sa kanilang kalikuan.—1 Samuel 3:1.
Tamuhin ang Gantimpala!
18. (a) Paanong ang mga ilang kapatid, marahil hindi nila sinasadya, ay maaaring makahadlang sa atin sa ating pagtakbo sa karera ng buhay? (b) Ano ang maglalayo sa atin sa gayong masamang impluwensiya?
18 Kung gayon, layuan ang sinuman na maaaring nakawan kayo ng gantimpalang buhay. Mangyari pa, ito’y hindi naman nangangahulugan na maghihinala ka sa iyong mga kapatid. Subalit, kung minsan, marahil hindi sinasadya, ang ilang mga kapatid ay baka nagsasabi ng mga bagay na nagpapahina ng iyong loob. (‘Bakit patuloy na itinutulak mo ang iyong sarili? Sa palagay mo ba’y ikaw lamang ang magtatamo ng buhay?’) At baka marahas na hinahatulan pa nila ang iyong taimtim na mga pagsisikap. (‘Ewan ko kung paano makapagpapayunir ka gayong may pamilya ka. Kaawa-awa naman ang iyong mga anak.’) Datapuwat, alalahanin na tinanggihan ni Jesus ang payo ni Pedro na ‘magpa-easy-easy.’ (Mateo 16:22, 23) Gamitin ang iyong sinanay-sa-Bibliyang mga pandinig upang “subukin ang mga salita,” at huwag magpaimpluwensiya sa mga ang taginting ay hindi naaayon sa katotohanan. (Job 12:11) Alalahanin na sinabi ni Pablo: “Kung ang sinuman ay makikipaglaban sa mga laro, siya’y hindi pinuputungan maliban na kung makipaglaban ayon sa mga alituntunin.” (2 Timoteo 2:5) Oo, ang “mga alituntunin” ng Diyos—hindi ang mga opinyong di maka-Kasulatan—ang kailangang maging patnubay sa iyong kaisipan.—Ihambing ang 1 Corinto 4:3, 4.
19, 20. (a) Paano sinubok ng mga kapatid ni Jose na ipahamak siya, at paano naman tumugon si Jose sa kanilang kalupitan? (b) Paano natin maiiwasan ang pagkatisod sa di-sakdal na mga tao? (c) Ano ang dapat na maging pasiya natin tungkol sa gantimpala, at bakit?
19 Totoo, paminsan-minsan ang isang kapuwa Kristiyano ay baka ‘saksakin’ ka sa pamamagitan ng mga pananalitang di pinag-iisipan. (Kawikaan 12:18) Huwag hayaang mahila ka nito na huminto ng pagtakbo sa takbuhan ukol sa buhay! Alalahanin si Jose. Pinag-isipan ng kaniyang mga kapatid na patayin siya, at bagaman hindi nila itinuloy ang gayon, kanila namang ipinagbili siya sa malupit na pagkaalipin. Gayunman, hindi ito pinayagan ni Jose na sumira sa kaniyang buhay o ‘humila sa kaniya na mapoot kay Jehova.’ (Kawikaan 19:3) Imbis na maghiganti, nang malaunan ay kaniyang binigyan sila ng pagkakataon na magbago ng kalooban. At nang makita niyang sila’y nagsisisi, kaniyang “pinaghahagkan ang lahat ng kaniyang mga kapatid at tumangis siya.” Gaya ng sinabi ni Jacob nang malaunan, “pinamanglaw siya ng mga tagapana [ang naiinggit na mga kapatid ni Jose] at pinana siya at patuloy na nagkimkim ng galit laban sa kaniya.” Gayunman ay sinuklian ni Jose ng kabaitan ang kanilang pagkapoot. Imbis na pahinain ng karanasang iyon, “lumakas ang mga bisig ng kaniyang mga kamay.”—Genesis 37:18-28; 44:15–45:15; 49:23, 24.
20 Imbis na matisod sa di-sakdal na mga tao, patuloy na ‘tumakbo sa paraan na matatamo mo’ ang gantimpala! Tulad ni Jose, palakasin ka sana ng mga pagsubok imbis na magpahina ito sa iyo. (Ihambing ang Santiago 1:2, 3.) Sana’y maging ganiyan na lamang katibay ang iyong pag-ibig sa Diyos na anupa’t walang sinumang tao na magiging pantisod sa iyo. (Awit 119:165) Laging tandaan na iniaalok sa iyo ni Jehova ang gantimpalang buhay na walang hanggan—isang gantimpala na hindi mailalarawan, hindi malilirip. Huwag hayaang nakawin sa iyo ito ng sinumang tao!
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit napakahalaga sa mga Kristiyano ang tumpak na kaalaman?
◻ Paano madadaig ng isa ang pagkatakot sa tao na nakahadlang sa iba ng pagtatamo ng buhay?
◻ Paano maaaring magsilbing isang katitisuran ang sariling pamilya ng isang tao?
◻ Paano dapat tumugon ang isang Kristiyano sa nakasisira ng loob o nakapipinsala pa ngang mga pananalita buhat sa mga kapuwa Kristiyano?