Hinaharap ng mga Ministro ng Kaharian ang Hamon
“Ano nga si Apolos? Oo, ano si Pablo? Mga ministro na sa pamamagitan nila kayo’y naging mga mananampalataya.”—1 CORINTO 3:5.
1. (a) Sa relihiyon, ano ang hinahamon ngayon, at bakit? (b) Anong imperyo ang pinagbabantaan, at ano ang mangyayari rito?
ANG awtoridad o kapamahalaan ng mga ministro ng relihiyon ay hinahamon ngayon. Higit at higit na ganiyan ang nangyayari samantalang ang mga bahaging pulitikal ng daigdig na ito ay bumabaling laban sa relihiyon, kasali na ang relihiyong “Kristiyano,” at itinuturing ito na isang nagdudulot-pakinabang na pagdaraya. Maging ang mga nagtapos sa mga seminaryo ay hindi kinikilala bilang awtorisado ng batas na mga ministro at sila’y sinusugpo sa mga bansa na bumabaling laban sa relihiyon. Oo, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay sinasalakay at pinagbabantaan ng isang pambuong-lupang pag-atake na hahantong sa pagkalipol nito. Ang makalangit na Awtor ng tunay na pagsamba ang patiunang nagpahiwatig ng tungkol dito at itinakda niya ang kaniyang sariling panahon para sa katuparan ng hulang ito. Ang nabubuhay na mga nilikha sa buong uniberso ay makikinabang buhat sa pagkalawak-lawak na pangyayaring ito!
2. Tungkol sa relihiyon, ano ang mananatili at ano ang hindi mananatili?
2 Gayunman, ang mga nagbangong ito laban sa huwad na relihiyon ay hindi rin mananatili sa pananakop sa lupa, ngunit ang naipagbangong-puring Maylikha ng sansinukob ay mananatili! Oo, at ang tunay na relihiyon ng walang kamatayan at Kataas-taasang Diyos na ito ay mananatili! Kaya naman, bagaman ikinakaila ng bilyun-bilyon sa lupa ang mga ebidensiya, sa mismong sandaling ito ang mga nagsasagawa ng dalisay na pagsamba sa Diyos ay nangabubuhay at aktibo sa lupa. At totoo hanggang ngayon ang sinabi na noong mga ilang siglo nang nakalipas: “Ang kaniyang di nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa nang paglalang ng sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniya mang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, kaya’t wala silang madadahilan.”—Roma 1:20.
3, 4. (a) Paano mapatutunayan na si Jehova ay may mga ministro sa lupa? (b) Paano natin nalalaman na ang relihiyosong mga ministro ng Babilonyang Dakila ay malapit nang mawalan ng trabaho?
3 Nang ang mga salitang iyan ay isulat noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, ang Diyos na Jehova ay mayroong kaniyang mga ministro sa lupa. Kaya naman si apostol Pablo ay nakasulat: “Ano nga si Apolos? Oo, ano si Pablo? Mga ministro na sa pamamagitan nila kayo’y naging mga mananampalataya, kagaya ng ipinagkaloob sa bawat isa ng Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpalago.”—1 Corinto 3:5-9.
4 Si Jehova ay mayroon ding mga ministro sa lupa ngayon. Subalit hindi niya ginagamit ang relihiyosong mga ministro ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Sa katunayan, sila’y malapit nang mawalan ng trabaho. At iyan ay pagka ang Babilonyang Dakila ay nilipol na. Ito’y inihula ng Apocalipsis 16:19 na nagsasabi: “Ang dakilang lunsod ay nabahagi sa tatlo, at ang mga lunsod ng mga bansa ay gumuho; at ang Babilonyang Dakila ay naalaala sa paningin ng Diyos, upang siya’y bigyan ng kopa ng alak ng kabagsikan ng kaniyang kagalitan.”
5. Ano ang nangyari sa sinaunang Babilonya noong 539 B.C.E., at ano rin ang mangyayari sa mga ministro at iba pang mga tagatangkilik ng mga relihiyon ng Babilonyang Dakila?
5 Kumusta naman ang mga tao na nananatiling tapat na mga tagatangkilik ng mga sistema ng relihiyon na pinaglilingkuran ng propesyonal na mga ministro ng Babilonyang Dakila? Bueno, pag-usapan natin ang nangyari nang gabing iyon ng 539 B.C.E. nang si Haring Belsasar at ang kaniyang inimbitahang mga mahal na tao ay pumupuri sa mga diyos ng Babilonya sa isang natatanging piging bilang paghamon sa lumulusob na mga Medo at Persiano. Una, pansinin na ang mga nagsasayang iyon ay nabigyang-babala nang kanilang makita ang kahima-himalang sulat-kamay sa pader ng bulwagang pinagpipigingan at nang marinig nila ang pagpapaliwanag tungkol doon ng propeta ni Jehova na si Daniel. Pagkatapos, nang bumagsak ang Babilonya nang mismong gabing iyon, ang hari at marahil ang mga iba pang nakikipagpiging na pumupuri sa mga huwad na diyos ay pinagpapatay ng sumasalakay na mga kongkistadores. (Daniel, kabanata 5) Ang ganiyan ding kapahamakan ang naghihintay sa mga ministro at sa mga taong nananatiling tapat sa mga sistema ng relihiyon ng Babilonyang Dakila.
Kailangang-kailangan ang mga Ministro ng Diyos
6. (a) Sa mapanganib na panahong ito, ano ang kailangang mayroon ang Diyos para sa sangkatauhan? (b) Kailan natapos ang mga Panahong Gentil, at ano ang sinabi ni Jesus tungkol dito?
6 Walang sinumang makatuwirang makapagdududa na talagang tayo ngayon ay nabubuhay sa pinakamapanganib na yugto ng kasaysayan ng tao simula noong pangglobong Baha nang kaarawan ni Noe. (2 Timoteo 3:1-5) Kaya naman mahalaga na ngayon ay kailangan ngang may mga tunay na ministro ang Diyos ni Noe. Tiyak iyan, kung paano nagbigay si Jehova ng babala sa mga tao noong panahon ni Noe at sa mga nagpipiging sa piging ni Belsasar, Siya rin naman ay may apurahang pabalita para sa sangkatauhan sapol noong 1914, nang magsiklab ang unang digmaang pandaigdig. Sa aktuwal, sa isang malawak na paraan ng pagtatawag-pansin sa madla, sa loob ng halos apatnapung taon ang mga lingkod ng Diyos ay tumuro sa taon na iyon bilang palatandaan ng katapusan ng mga Panahong Gentil, na tungkol doo’y sinabi ni Jesus: “Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Gentil, hanggang sa ang mga panahon ng mga Gentil ay matupad.”—Lucas 21:24, King James Version.
7. (a) Hanggang kailang niyurakan ang makalupang Jerusalem ng mga bansang di-Judio? (b) Ano ba ang tinutukoy sa wakas ni Jesus nang kaniyang sabihin na ang Jerusalem ay “yuyurakan ng mga Gentil”?
7 Sa loob ng halos 53 taon pagkatapos ng 1914, o hanggan noong Six-Day War (Anim na Araw na Digmaan) ng 1967, ang makalupang Jerusalem ay nagpatuloy na yurakan ng mga bansang di-Judio. Gayunman, maliwanag na hindi ang tinutukoy ni Jesus noon ay ang Jerusalem sa ngayon ng mga Judio kundi yaong kinakatawan ng lunsod na iyan hanggan noong 607 B.C.E. Subalit ano ba ang kinakatawan nito? Aba, ang Kaharian ng Diyos na Jehova sa ilalim ng kaniyang pinahirang Hari ng maharlikang angkan ni David!—Lucas 1:32; 1 Cronica 29:11.
8. Kanino ibinigay ni Jehova ang kaharian ni David, at bakit hindi makikita ng mga tao ang inihulang pagluluklok?
8 Si Jesu-Kristo ang siyang pagbibigyan ng Diyos na Jehova ng kaharian ng kaniyang ninunong si David noong sinaunang panahon. Sa harap ni Pilato na humahatol noon, sinabi ni Jesus na ang Kaniyang Kaharian ay hindi sa sanlibutang ito, na ang ibig sabihin iyon ay sa langit. (Juan 18:36) Kung gayon, makatuwiran lamang na ang panghinaharap na pagluluklok kay Jesus sa Kaharian sa katapusan ng mga Panahong Gentil ay magaganap sa di nakikitang kalangitan. Sa gayon ang kaniyang pagkaluklok ay hindi makikita ng mga mata ng tao, at iyan ang dahilan kung bakit tayo ni ang mga bansang Gentil ay hindi literal na nakakita sa kaniya na nakaluklok sa kaniyang matuwid at bigay-Diyos na Kaharian noong 1914. Ang mga bansang iyon ay tunay na hindi naniwala na ang pagluluklok na ito ay naganap, bagaman ito ay ibinabalita na ng mga lingkod ni Jehova sapol pa noong 1870’s.
9. (a) Ano ang ginawa ng mga bansa nang walang pagsasaalang-alang sa balita ng Kaharian? (b) Dahilan sa ginawa ng mga bansa noong 1914, ano ang kinailangang gawin?
9 Dahilan sa wala silang pagsasaalang-alang sa balita ng Kaharian, noong taglagas ng 1914 ang mga bansa ay nagdigmaan. Gaya ng inihula sa Awit 2:1-12, pinatunayan nilang sila’y mga kaaway ni Jesus, sila’y tumangging “hagkan” ang bagong kaluluklok na Hari bilang tanda ng kanilang pagpapailalim at pagpapasakop. Kaya, kinailangan na isagawa ang Awit 110:1, 2, na doo’y mababasa natin: “Ang sabi ni Jehova sa aking Panginoon ay: ‘Maupo ka sa aking kanan hanggang sa aking gawing tuntungan mo ang iyong mga kaaway.’ Pararatingin ni Jehova ang setro ng iyong kalakasan mula sa Sion, na sinasabi: ‘Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.’”
10. (a) Sa ilalim ng anong mga kalagayan pinasimulan ni Jesus ang paghahari niya noong 1914? (b) Sino ang mga kumakatawan kay Jehova sa ika-20 siglo?
10 Ang mga mananalansang na Judio ay nagpakita ng kanilang pagkapoot sa mga apostol ni Jesus nang si Jesus ay umupo sa kanan ng Diyos hanggang sa dumating ang panahon na siya’y maghahari sa gitna ng kaniyang mga kaaway. (Gawa 4:24-26) Upang maging katumbas niyan, kaya naman sa gitna ng kaniyang mga kaaway nagsimula ang niluwalhating si Jesu-Kristo ng paghahari nang matapos ang mga Panahong Gentil noong 1914. Sa gayon, sa ika-20 siglong ito, gaya rin noong nakalipas, sa gitna ng mga kaaway mayroon si Jehova na mga tagapagdala ng kaniyang balita, ang kaniyang tunay na mga ministro ng Kaharian. Sila ay kaniyang mga saksi.—Isaias 43:10-12.
Pagtatanggol sa Ating Pagkaministro
11. Sino ang humahamon sa karapatan ng mga Saksi ni Jehova bilang ordinado ng Diyos na mga ministro ng Kaharian?
11 Sa tuwina, kinailangan ng tunay na ordinado-ng-Diyos na mga ministro ng Kaharian na ipagtanggol ang kanilang karapatan ukol sa ministeryo. Tunay na totoo iyan tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa ika-20 siglong ito. Ang kanilang kuwalipikasyon bilang karampatang ordinadong mga ministro ng Diyos ay hinahamon at pinawawalang kabuluhan. Nino? Lalung-lalo na ng mga nagtapos sa mga seminaryo ng teolohiya ng Sangkakristiyanuhan na tumatanggap ng isang sertipiko ng ordinasyon at nagiging mga klerigong upahan. Ang kanilang sarili ay itinuturing nila na nakapag-aral nang husto at may sapat na kakayahan na maging bukod-tanging propesyonal na mga ministro ng Diyos ng Bibliya.
12. Ang karapatan ng sinong tanyag na Kristiyano noong unang siglo ang hinamon, at paano dapat malasin ang sinuman na may dalang naiibang uri ng mabuting balita?
12 Ang situwasyon ay nahahawig noong unang siglo C.E. Sa lalawigang Romano ng Galacia, kahit ang kinasihang manunulat ng halos kalahati ng aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay napaharap sa isang pangyayari na doo’y hinamon ang kaniyang kuwalipikasyon bilang isang apostol ni Jesu-Kristo, sapagkat dahil doon ay marami ang nahila sa pag-aalinlangan sa kawastuan ng kaniyang itinuturo bilang pagka-Kristiyano. Kaya siya’y napilitan na sabihin sa mga taga-Galacia: “Ako’y namamangha na kay dali-dali ninyong nagsilipat sa ibang uri ng mabuting balita buhat sa Isa na tumawag sa inyo sa di-sana-nararapat na kagandahang-loob ni Kristo. Subalit ito’y hindi naiiba; kaya lamang ay mayroong mga ilan diyan na lumiligalig sa inyo at ibig na pasamain ang mabuting balita tungkol sa Kristo. Datapuwat, kahit na kami o isang anghel na nagmula sa langit ang mangaral sa inyo ng anumang mabuting balita na iba sa mabuting balita na aming ipinangaral sa inyo, siya’y itakwil ninyo. Gaya ng sinabi na nga namin, muli ko na namang sinasabi ngayon, kung ang sinuman ay mangaral sa inyo ng mabuting balita na iba kaysa inyong tinanggap na, siya’y inyong itakwil.”—Galacia 1:6-9.
13. Bakit di sana nag-alinlangan ang mga taga-Galacia sa pagkaministro ni Pablo?
13 Totoo naman, ang manunulat na iyon, si apostol Pablo, ay hindi natuto ng mga aral Kristiyano sa pamamagitan ng personal na pakikisalamuha kay Jesu-Kristo o sa Kaniyang 12 apostol. Nang malaunan, si Pablo ay gumugol ng ilang panahon kasama ni apostol Pedro, o si Cefas. (Juan 1:42; Galacia 1:18, 19) Subalit bilang pagtatanggol ng kaniyang pagiging isang kuwalipikadong ministro ng mabuting balita buhat sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo, naaring sabihin ni Pablo sa mabuway na mga Kristiyanong taga-Galacia: “Oo, nang kanilang mapag-alaman ang tungkol sa di-sana-nararapat na kagandahang-loob na ipinakita sa akin, ang kanang kamay ng pakikisama ay ibinigay sa akin at kay Bernabe ni Santiago at ni Cefas at ni Juan, sila na mga inaaring haligi, upang kami ay magsiparoon sa mga bansa, at sila’y sa mga tinuli.” (Galacia 2:9) Kaya dapat sanang tinanong ng mga taga-Galaciang ito ang kanilang sarili: Kung ang mga apostol ni Jesus na sina Pedro, Santiago, at Juan ay kumilala kay Pablo bilang isang tagapagdala ng tunay na mabuting balita, anong dahilan mayroon tayo ng pag-aalinlangan sa kaniyang pabalita at paglayo roon?
14. Bakit hindi kataka-taka na ang pagkaministro ng mga Saksi ni Jehova ay hamunin?
14 Subalit kumusta naman ang tungkol sa mga lingkod ni Jehova ngayon? Bueno, yamang ang isang taong katulad na nga ni Pablo ay napilitan na ipagtanggol ang kaniyang mga kakayahan o kuwalipikasyon bilang isang ministro ng Diyos at ni Kristo, bakit tayo magtataka kung tayo, bilang nag-alay, bautismadong mga saksi ni Jehova, ay hinahamon at kailangan pang ipagtanggol natin ang ating katayuan bilang mga ministro ng Kaharian? Mangyari pa, tulad sa kaso ni Pablo, ang ganiyang walang batayang paghamon sa atin ay walang anumang pinatutunayan.
Maging si Jesus man ay Hinamon
15. Sino, na mas mataas kaysa mga apostol, ang hinamon din kung tungkol sa kaniyang karapatang magturo, at sino ang sinabi niyang pinanggalingan ng kaniyang karapatang iyon?
15 Kahit ang Panginoong Jesu-Kristo mismo ay hinamon at napaharap siya sa kaniyang sariling mga kababayan na tumanggi sa kaniya bilang isang awtorisadong ministro ng Diyos. Halimbawa, mababasa natin: “Nang ang kapistahan [ng mga tabernakulo] ay nasa kalagitnaan na, si Jesus ay umahon sa templo at nagsimulang nagturo. Nagsipanggilalas nga ang mga Judio, na nagsabi: ‘Paanong nakakaalam ang taong ito ng mga karunungan, gayong siya’y hindi naman nag-aral sa mga paaralan?’” Tuwirang sinagot sila ni Jesus, na ang sabi: “Ang turo ko ay hindi akin, kundi roon sa nagsugo sa akin. Kung ang sinuman ay nagnanais na gawin ang Kaniyang kalooban, kaniyang makikilala ang turo kung ito baga’y nanggaling sa Diyos o ako’y nagsasalita mula sa aking sarili. Ang nagsasalita nang sa ganang kaniyang sarili’y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian; datapuwat ang humahanap ng kaluwalhatian niyaong sa kaniya’y nagsugo, ang isang ito ay totoo, at sa kaniya’y walang kalikuan.”—Juan 7:14-18.
16. Bakit ang mga relihiyosong lider ng Judaismo ay may paniwalang sila’y may dahilan na pag-alinlanganan ang kakayahan ni Jesus na magturo?
16 Isa lamang taga-Galilea ang tingin kay Jesu-Kristo ng mga relihiyosong lider ng Judaismo. Kung sa bagay, hindi nila inaakala na siya’y hindi marunong bumasa dahilan sa hindi nakapag-aral sa paaralan, lalo na sa katulad ng isang seminaryo ng teolohiya. Sabihin pa, naipakita na ni Jesus na kaniyang nababasa ang teksto ng Hebreong Kasulatan. (Lucas 4:16-21) Ang hindi matanggap ng gayong mga Judio na taga-Judea at Jerusalem ay yaong bagay na ang dating karpinterong ito ay hindi isang teologo at hindi kauri ng mga eskriba, Fariseo, at Saduceo ng kanilang bansa. Kung gayon, bakit nga sa harap ng madla ay magkukunwari siyang alam niya ang kahulugan ng Hebreong Kasulatan at kung paano kumakapit ito, na nagsasalita nang may awtoridad na gaya ng kaniyang ginawa? Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judiong iyon ay totoong bingi ang pakinig sa espirituwal na mga bagay upang makilala nila ang taginting ng kinasihang katotohanan. Sila’y labis-labis na mapagmataas upang tanggapin ang turo ng isang tao na hindi kailanman nagtapos sa isang paaralan ng teolohiya.
“Tinuruan ni Jehova”
17. May kaugnayan kay Jesu-Kristo, sinong Guro ang kinaligtaan ng mga relihiyosong lider na iyon, at ano bang uri ng iskolar si Jesus?
17 Hindi pinansin ng makasanlibutang marurunong na mga Judiong iyon ang Isa na talagang nagturo kay Jesu-Kristo. Aba, ang sariling kahusayan ni Jesus bilang isang guro ay nanggaling sa “pinakadakilang guro sa lahat,” ang Diyos na Jehova! (Job 36:22, Today’s English Version) Tungkol sa ganitong kakayahan ng Diyos, sinabi ni Jesus: “Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga yaon, na wala akong ginagawa sa ganang aking sarili; kundi kung paano ako tinuruan ng Ama ganoon ko sinasalita ang mga bagay na ito.” (Juan 8:28) Sa gayo’y pinatunayan ni Jesus na siya ang pinakamahusay na estudyante sa pansansinukob na paaralan ng pinakamataas na Guro kailanman. Ito’y isang kapurihan sa Kaniya na nagturo sa kaniya. Hindi nga kataka-takang sabihin ng mga taga-Nazaret tungkol sa kanilang dating kababayang ito: “Saan nga kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan at ng mga makapangyarihang gawang ito?”—Mateo 13:54.
18. (a) Anong uri ng guro ang ibig natin? (b) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pinakadakilang Guro at yaong mga tinuruan Niya?
18 Upang maunawaan ang Bibliya, ang pinakamagaling na guro na posibleng makuha ang ibig natin at kailangan natin. At ang gurong iyan ay ang Kumasi ng Aklat na iyan na wala pang nakadadaig. Sa pagtukoy sa mga membro ng nakikita, makalupang organisasyon ng Gurong iyan noong siya’y nabubuhay rito sa lupa, sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya’y magdala sa akin; at siya’y aking bubuhaying-muli sa huling araw. Nasusulat sa mga Propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ni Jehova.’ Ang bawat nakarinig sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin.” (Juan 6:44, 45) Si Jesus noon ay sumipi sa Isaias 54:13, na nagsasabi: “At lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.”
19. Ang “mga anak” nino ang tuturuan ni Jehova?
19 Subalit, ang tanong natin: Ang “mga anak” nino ang “mga taong tinuruan ni Jehova”? Ang makahulang pangakong iyan ay ginawa sa isang makasagisag na “babae,” isang magiging ina ng “mga anak.” Itong “babae” ay siyang tinutukoy sa Isaias 54:1, na kung saan ay sinasabi: “‘Umawit nang may kagalakan, ikaw na babaing baog na hindi nanganak! Magalak kasabay ng masayang pag-awit at itaas mo ang iyong tinig, ikaw na hindi nagdamdam sa panganganak, sapagkat ang mga anak ng pinabayaang babae ay mas marami kaysa mga anak ng babaing may nagmamay-aring asawa,’ sabi ni Jehova.”
20. Dahilan sa sinasabi ng 2 Corinto 13:5, ano ang kailangang patuloy na gawin ng nag-alay na mga Kristiyano, at ano ang kaugnayan nito tungkol sa kanilang kuwalipikasyon bilang mga ministro ng Kaharian?
20 Yamang si Jehova ang Isa na kumakausap sa ‘babaing’ ito at siyang Guro ng “mga anak” ng babae, tiyak na si Jehova ang kaniyang makasagisag na Asawa, at siya ang tiyak na kaniyang tulad-babaing makalangit na organisasyon. Ang “mga anak” ng ‘babaing’ ito ay mga estudyante ng “pinakadakilang guro sa lahat.” Mangyari pa, kailangan na ang “mga anak” na iyon, ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus, at ang kanilang mga kasamahan, ang “malaking pulutong,” ay patuloy na magkapit ng turo na inilaan ni Jehova. (Apocalipsis 7:9) Tiyak na isang paraan iyan ng pagsunod sa payo ni Pablo: “Laging subukin ninyo kung kayo baga’y nasa pananampalataya, laging suriin ninyo ang inyong sarili.” (2 Corinto 13:5) Kung ang nag-alay, bautismadong mga Kristiyano ay magpapatuloy ng paggawa nito at mananatiling masigasig na mga estudyante ng pinakadakilang Guro, sila’y dapat ngang magkaroon ng kinakailangang kuwalipikasyon bilang mga ministro ng Kaharian na awtorisado ni Jehova. Ating susunod na titingnan kung paanong pinatutunayan ng mga ministro ng Diyos ang kanilang pagkaministro.
Ano ang Masasabi Ninyo?
◻ Paano mo mapatutunayan na si Jehova ay may mga ministro sa lupa?
◻ Ano ang kinakatawan ng Jerusalem na ‘niyurakan ng mga Gentil’?
◻ Dahilan sa ang mga bansa ay hindi nagbigay ng pansin sa Kaharian, ano ang kinailangang gawin ni Jesus?
◻ Bakit hindi kataka-taka na ang pagkaministro ng mga Saksi ni Jehova ay hinahamon?
◻ Ano ang kinaligtaan ng relihiyosong lider na mga Judio na humamon sa kakayahan ni Jesus na magturo?