Kapayapaan at Katiwasayan—Sa Pamamagitan ng Kaharian ng Diyos
“ANG mga Layunin ng United Nations ay: 1. Upang panatilihin ang internasyonal na kapayapaan at katiwasayan.”—Charter of the United Nations.
Ito ay isang kapuri-puring mithiin, sabihin pa. Subalit gaya ng napansin natin, ang mga resulta ng nakalipas na 40 mga taon ay maliwanag na nagpapakita na ang United Nations ay hindi nagtagumpay sa ‘pagpapanatili ng internasyonal na kapayapaan at katiwasayan.’ Ni ang pagdideklara man nito sa 1986 na ang “Internasyonal na Taon ng Kapayapaan” ay gagawa ng anumang pagkakaiba.a
Isa lamang ang paraan upang magkaroon ng walang hanggang kapayapaan at katiwasayan sa lupang ito—sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo. Ito ang tunay na pamahalaan sa langit na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na idalangin. (Mateo 6:9, 10) Subalit bakit ito magtatagumpay kung saan nabigo ang United Nations? Sa madaling sabi: Ang Kaharian ng Diyos ay magtatagumpay sa mismong mga kadahilanan na ang United Nations ay nabigo.
Higit Pa sa Karunungan ng Tao ang Kinakailangan
Isang dahilan kung bakit ang United Nations ay nakatakdang mabigo ay sapagkat hindi binigyan ng Diyos ang tao ng karunungan o karapatan na pamahalaan ang kaniyang sarili. (Jeremias 10:23) Kaya, walang gawang-taong organisasyon, gaano man kahusay ang layunin nito, ang magtatagumpay sa pagdadala ng kapayapaan at katiwasayan.
Sa kabaligtaran, si Jesu-Kristo, ang hinirang na Hari ng Kaharian ng Diyos, ay laging nagpakita ng nakahihigit sa taong karunungan. (Mateo 13:54) Isang mainam na halimbawa ay ang kaniyang bantog na Sermon sa Bundok. (Mateo, mga kabanatang 5 hanggang 7) Dito ay ipinaliwanag niya kung papaano makakasumpong ng tunay na kaligayahan, kung paano aayusin ang mga gulo o away, kung paano iiwasan ang seksuwal na imoralidad, at kung paano magkakaroon ng isang matatag na kinabukasan. Hindi ba makatuwiran na ang isang pinuno na may gayong karunungan at pagkaunawa sa kalikasan ng tao ay makakaalam kung papaano magkakaroon ng kapayapaan at katiwasayan?
Higit pa riyan, ang matalas na pang-unawa ni Jesus ay nadagdagan pa ng kaniyang makahimalang kakayahang makita ang nasa mga puso ng mga tao upang malaman ang kanilang tunay na pangganyak at panloob na mga pangangatuwiran. (Mateo 9:4; Marcos 2:8) Isip-isipin kung ano ang kahulugan niyan: Ang isang malaking hadlang sa kapayapaan at katiwasayan ngayon ay ang kawalan ng tiwala. Hindi nababatid ang pag-iisip at pangganyak ng iba, ang mga tao at mga bansa ay madalas na nawawalan ng tiwala. Ang kawalan na iyon ng tiwala ay tumatayong isang hadlang sa kapayapaan. Subalit para sa pinuno na “nakakabasa ng puso ng tao,” iyan ay hindi problema.—Juan 2:25, Knox.
Pag-alis sa Nakahihigit-Taong mga Kaaway
Isa pang malaking dahilan kung bakit bigo ang pagsisikap ng United Nations upang magdala ng kapayapaan ay ang impluwensiya ng “pinuno ng sanlibutang ito,” si Satanas na Diyablo. (Juan 12:31) Nalalaman niya at ng kaniyang mga kasamang demonyo na mayroon na lamang silang “kaunting panahon” bago sila ay alisin. Disididong magdala ng ‘kaabahan sa lupa,’ humarang sila sa daan ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagbabaha-bahagi sa sangkatauhan sa pulitikal at pambansang paraan.—Apocalipsis 12:9-12.
Sino ang makapag-aalis ng gayong nakahihigit-taong mga manunulsol ng digmaan? Ang Bibliya ay sumasagot, si Jesu-Kristo, ang isa na tinutukoy na Miguel, na, kasama ang kaniyang mga anghel, ay pinalayas si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa kalangitan. Kaya ating mababasa: “At nakita ko ang isang anghel [si Jesus] na bumaba mula sa langit at hawak ang susi ng kalaliman at isang malaking tanikala. At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at . . . inihagis niya sa kalaliman at sinarahan at tinatakan ang pinto nito.” (Apocalipsis 20:1-3) Kaya si Satanas ay ililigpit. Saka lamang maaaring tamasahin ang buhay sa tunay na kapayapaan at katiwasayan.
Isang “Anak” ng Diyos
Ang ikatlong dahilan kung bakit ang United Nations ay hindi kailanman makapagdadala ng kapayapaan at katiwasayan ay: Ito’y isang anak ng sanlibutang ito at, dahilan sa gayon, minamana nito ang mga kahinaan, kasamaan, at kabulukan na katangian ng mga membrong bansa nito.
Sa kabaligtaran, ang Kaharian na magdadala ng kapayapaan at katiwasayan ay inilalarawan sa Apocalipsis 12:5 bilang isang “anak” ng Diyos. Ipinababanaag ng pinuno nito ang mga katangian ng Diyos. Pansinin ang ilan sa nakakaakit na mga katangian na ipinakita ng pinuno nito, si Jesu-Kristo: mapagsakripisyo-sa-sarili na pag-ibig (Juan 15:12, 13); mabait at maawain (Mateo 9:10-13; Lucas 7:36-48); mapagpakumbaba (Juan 13:3-5, 12-17); mahabagin (Marcos 6:30-34); madamayin (Hebreo 2:17, 18; 4:15); matatag sa katuwiran (Isaias 11:4, 5). Hindi ka ba masisiyahang pasakop sa gayong Pinuno?
Kahalili Nito ay ang “Bagong Lupa”
Ang pangwakas na dahilan kung bakit hindi kailanman magtatagumpay ang United Nations sa pagdadala ng kapayapaan ay ipinahiwatig sa mga salita ng dating Kalihim-Panlahat Dag Hammarskjöld na, noong 1953, ay nagsabi: “Ang ating pinakadakilang pag-asa ay na pahintulutan nawa tayong iligtas o ingatan ang matandang lupang ito.” Kung nasa isipan niya ang pagpapanatili sa pambuong-daigdig na sistemang ito ng mga bagay, kung gayon ang mga pagsisikap na iyon na ingatan o iligtas ang “matandang lupa” ay tiyak na mabibigo. Bakit?
Sa isang bagay, ang “matandang lupang” ito ay binubuo ng gawang-taong mga pamahalaan. Itinataguyod ng indibiduwal na mga pamahalaan ang nasyonalismo, na bumabahagi sa tao; idiniriin ng nasyonalismo ang interes o kapakanan ng isang bansa sa halip na ang paghangad sa panlahat na kapakanan ng lahat ng mga bansa. Sinisira ng interes-sa-sarili ang anumang pagsisikap ng United Nations na magdala ng kapayapaan. Gaya ng sabi ng editoryal sa pahayagang Britano na The Guardian: “Yamang walang isa mang membrong bansa ang handang isakripisyo ang kaniyang sariling kapakanan para sa kabutihan ng lahat, ang pag-asa para sa pagbabago ay malabo. Ang tanging tunay na tungkulin ng [United Nations General] Assembly ay magsilbing isang uri ng barometro ng pandaigdig na opinyon. Ang plano nito ay punô ng mga isyu na pinagtalunan na sa loob ng maraming taon na may kaunti kung mayroon mang anumang pagsulong tungo sa solusyon.”
Subalit may higit pang dahilan kung bakit ang mga pagsisikap ng United Nations upang iligtas o ingatan ang “matandang lupa” ay walang kabuluhan: Ito’y laban sa mga layunin ng Diyos. Bakit gayon? Sa paningin ng Diyos ang “matandang lupa” ay hindi na maaaring baguhin pa. Ang binanggit na layunin ng Diyos ay malapit nang matupad. Gaya ng inilarawan ni apostol Juan: “At nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay naparam.” (Apocalipsis 21:1) Sa pag-alis ng gawang-taong mga pamahalaan, aalisin ng Kaharian ng Diyos ang bumabahaging nasyonalismo. Kahalili nito ang “isang bagong lupa,” isang matuwid na kalagayan na lipunan ng tao, ay iiral sa ilalim ng isang makalangit na pamahalaan, ang Kaharian ng Diyos. Saka lamang tatamasahin ng sangkatauhan ang tunay na kapayapaan at katiwasayan sa buong daigdig.
‘Papandayin ang mga Tabak Upang Maging mga Sudsod’
Na ito ay isang makatotohanang pag-asa ay tinitiyak ng mga salita ng isang hula sa Bibliya na nakaukit sa pader na nakaharap sa United Nations. Doon ay binabanggit: “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa. Ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Sinipi mula sa Isaias 2:4.
Hindi, ang United Nations ay hindi nagtagumpay sa paghadlang sa mga bansa na ‘magtaas ng tabak’ laban sa iba. Gayumpaman, may mga tao na nagbibigay ng buháy na patotoo na kanila nang ‘napanday ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.’ Naipakita nila ang isang pagkakaisa na dumadaig sa makalahi at pambansang mga hadlang. Walang anumang panggigipit ang makakapilit sa neutral na mga Kristiyanong ito na “magtaas ng tabak” laban sa kanilang kapuwa. Sino sila? Ang mga Saksi ni Jehova.
Karaniwan nang ang kanilang tugon pagka ginigipit na makibahagi sa mga digmaan ng mga bansa ay ang nangyari sa isang Saksi sa isang Aprikanong bansa na lipós ng pulitikal na terorismo.
Upang mangalap para sa kanilang hukbong gerilya, isang pangkat ng terorista sa bansang ito ang nangingidnap ng mga lalaki at pagkatapos ay pinapipili sila: Maglingkod sa hukbo ng terorista o barilin. Isang araw kinidnap nila ang isa sa mga Saksi ni Jehova. Pinapili siya ng mga lider, na nag-iinuman. Inilagay sa harap niya ang dalawang bote ng beer, itinuro nila ang isa at sinabi na ito ay kumakatawan sa gobyerno, at ang isa ay sa kanilang pangkat ng terorista. ‘Sa kaninong panig ka?’ tanong nila sa kaniya. Ang Saksi ay nag-isip sandali, at napansin ang iba pang kalapit na bote ng beer, kinuha niya ang isa at inilagay ito sa gitna, na ang sabi: ‘Dito ako nakapanig.’ Sabi pa niya: ‘Ako’y neutral, yamang ako ay panig sa Kaharian ng Diyos.’ Pagkatapos nito, siya ay binugbog nang ilang ulit. Pagkatapos siya ay sapilitang pinagtrabaho sa kampo ng mga gerilya, hindi nalalaman kung siya ay babarilin o hindi. Pagkaraan ng walong buwan, siya ay nakatakas nang salakayin ng mga hukbo ng gobyerno ang kampo.
Sinuong ng mga Saksi ni Jehova ang pagkabilanggo, pati na ang kamatayan, kaysa makibahagi sa mga digmaan ng mga bansa. Kaya, sa Nazing Alemanya libu-libo sa kanila ang inilagay sa mga piitang kampo sapagkat ayaw nilang tangkilikin ang kilabot na pamamahala ng Nazi. Daan-daang mga Saksi ang pinatay o namatay sa mga kampo. Gayunman ngayon, na malaon nang wala ang masamang pamahalaan ng Nazi, napakaraming mga Saksi ni Jehova sa Alemanya at sa buong globo.
Subalit bakit nila nagawang ‘pandayin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’? Isang himaton ay masusumpungan sa preambulo ng Charter ng UNESCO, na nagsasabi: “Yamang ang mga digmaan ay nagsisimula sa mga isipan ng tao, ang depensa sa kapayapaan ay dapat na itayo sa mga isipan ng mga tao.”
Kasuwato niyan, tungkol doon sa mga ‘pinapanday ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod,’ ang hula ni Isaias ay nagsasabi, “ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” Bagkus, sa pag-aaral at pagkakapit ng Kasulatan, ‘pinag-aaralan [nila] ang mga daan ng Diyos at lumalakad sa kaniyang mga landas.’ (Isaias 2:3, 4) Sa tulong ng kaniyang banal na espiritu, kanilang ‘binabago ang kanilang isip,’ at nagiging mapayapa.—Roma 12:2, 18.
Ang malinaw na katibayan na ang mga Saksi ni Jehova ay ‘pinanday na ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’ ay nagpapatunay na ang pamumuhay sa kapayapaan at katiwasayan ay posible. Ang kanilang kasalukuyang paraan ng pamumuhay ay nagpapakita sa maliit na paraan kung ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo sa buong lupa sa malapit na hinaharap.
Ang gayon bang pag-asa ay nakakaakit sa iyo? Ang mga Saksi ni Jehova ay malugod na ibabahagi sa iyo ang katibayan na hindi na magtatagal dadalhin ng Kaharian ng Diyos ang walang hanggang kapayapaan at katiwasayan. Bakit hindi makipagkita sa kanila sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito? Matuto ng higit pa kung paano mo maaaring ‘pandayin ang mga tabak upang maging mga sudsod’ ngayon, taglay ang pag-asa na sa malapit na hinaharap ay tamasahin ang buhay sa isang daigdig na wala nang digmaan.
[Talababa]
a Para sa mas detalyadong paliwanag kung bakit hindi nagtagumpay ang United Nations, pakisuyong tingnan ang The Watchtower ng Oktubre 1, 1985.
[Kahon sa pahina 5]
Kung Bakit Nabigo ang United Nations:
◻ Ang karunungan ng tao ay lubhang natatakdaan (Jeremias 10:23)
◻ Binibigo ng impluwensiya ni Satanas ang mga pagsisikap nito (Apocalipsis 12:12)
◻ Anak ito ng sanlibutang ito at minamana ang mga kahinaan nito (1 Juan 5:19)
◻ Sinisikap nitong iligtas ang “matandang lupa,” na salungat sa layunin ng Diyos (1 Juan 2:17)
Kung Bakit Magtatagumpay ang Kaharian ng Diyos
◻ Ang pinuno nito ay may higit-sa-taong karunungan at nakakabasa ng puso ng tao (Juan 2:25)
◻ Aalisin nito ang makademonyong mga manunulsol ng digmaan (Apocalipsis 20:1-3)
◻ Isa itong “anak” ng Diyos, at ipinababanaag ng pinuno nito ang mga katangian ng Diyos (Apocalipsis 12:5)
◻ Itatatag nito ang isang matuwid na “bagong lupa” sa ilalim ng isang makalangit na pamahalaan (Apocalipsis 21:1)
[Larawan sa pahina 7]
Itatatag ng Kaharian ng Diyos ang “isang bagong lupa,” isang matuwid na lipunan ng tao, na iiral sa ilalim ng isang makalangit na pamahalaan