Kapayapaan sa Lupa—Isa Lamang Pangarap?
PAGKATAPOS maligtasan ang mga kakilabutan ng Digmaang Pandaigdig II, inasam-asam ng mga tao saanman ang kapayapaan. “Ito na ang ating huling pagkakataon,” sabi ni Heneral Douglas MacArthur. “Kung hindi tayo magpaplano ngayon ng isang mas malaki at mas makatarungang sistema ang Armagedon ay malalapit.”
Nang taon ding iyon ang Charter ng United Nations o Nagkakaisang mga Bansa ay nilagdaan. “Kami ang mga bayan ng Nagkakaisang mga Bansa,” sabi ng preambulo ng Charter, ay “determinadong iligtas ang sumusunod na salinlahi mula sa parusa ng digmaan . . . at pagkaisahin ang aming lakas na panatilihin ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan.”
Mula noon ang United Nations ay pinuri kapuwa ng pulitikal at relihiyosong mga lider. Noong 1961 tinawag ito ng Pangulong John F. Kennedy ng Estados Unidos na “ang ating huling pinakamabuting pag-asa sa isang panahon kung saan ang mga kagamitan ng digmaan ay nahigitan ang mga kagamitan ng kapayapaan.” (Amin ang italiko.) At noong 1965 sinabi ni Papa Paul VI: “Ang mga tao sa lupa ay bumabaling sa United Nations bilang ang huling pag-asa sa pagkakaisa at kapayapaan.”
Gayunman, walang kapayapaan! Bagkus, sampu-sampung angaw mula noon ang namatay sa mga labanan sa paligid ng daigdig, at lumago ang kawalan ng tiwala sa UN. Sa kabila ng pagpapahayag ng UN kamakailan sa 1986 bilang isang Pandaigdig na Taon ng Kapayapaan, ang mga tao saanman ay nag-aalinlangan kung baga magkakaroon pa ng tunay na kapayapaan.
Isa Pang Pag-asa
Subalit kumusta ang pahayag ng anghel sa kapanganakan ni Kristo tungkol sa ‘kapayapaan sa lupa’? (Lucas 2:14) “Ang uring iyan ng kapayapaan na inawit ng mga anghel,” sulat ng editor sa relihiyon na si Tom Harpur, “ay hindi basta pansarilinan, ‘ligtas-sa-kamay-ni-Jesus’ na uri ng panloob na katiwasayan. . . . Ito’y nangangahulugan ng kapayapaan na nangyayari kapag umiiral ang katarungan, ang takot ay itinataboy, at ang digmaan ay hindi na nasasa-isip pa.”
Mula sa pangmalas ng tao, ang gayong tunay na kapayapaan ay tila hindi posible. Gayunman, tungkol sa Isa na sa kaniyang kapanganakan ang mga anghel ay nagsiawit, ang Bibliya ay nangangako: “Sa kaniyang mga kaarawan ay mamumukadkad ang matuwid, at saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan. At siya’y magkakaroon ng mga sakop mula sa dagat at dagat at mula sa Ilog hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”—Awit 72:7, 8.
Oo, ang inihula rito ay isang pambuong-lupang pamamahala ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Ito ay ipinangakong magaganap bilang katuparan ng pagtiyak ng anghel kay Maria tungkol sa kaniyang anak na si Jesus, “At siya’y maghahari . . . at hindi magwawakas ang kaniyang kaharian”!—Lucas 1:32, 33.
‘Subalit paanong mangyayari ito,’ maitatanong mo, ‘samantalang ang mga Kristiyano ay hindi nag-aatubiling makipagdigma at magpatayan sa isa’t isa? Anong saligan mayroon tayo na maniwala na ang gayong tunay na kapayapaan ay talagang posible?’
Ang “mga Kristiyano” na Hindi mga Kristiyano
Una, mahalagang liwanagin kung ano at hindi ano ang Kristiyanismo. Sinabi mismo ni Jesus na ang isang tao ay hindi isang Kristiyano dahilan lamang sa sinasabi niyang siya ay Kristiyano. Sa katunayan, siya’y nagbabala: “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na may damit-tupa.” Sinabi rin ni Jesus: “Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginooon, hindi baga . . . gumawa kami ng maraming makapangyarihang gawa sa iyong pangalan?’ Gayunman ay tatapatin ko sila: Hindi ko kayo nakilala kailanman! Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.”—Mateo 7:15, 21-23.
Ibinigay ni Jesus ang tuntuning ito: “Sa kanilang mga bunga ay inyong makikilala sila.” (Mateo 7:16) Tunay na ito ay isang payak na tuntunin, o katotohanan. Tinukoy ito ni Steve Whysall, manunulat sa The Vancouver Sun, na nagpapaliwanag: “Kadalasan ay maririnig mo ang mga tao na nag-uusap tungkol sa kung paanong ang ganito at ganoong bagay ay ginawa sa ngalan ng Kristiyanismo at kung anong kakila-kilabot na bagay na gawin ito. Bueno, oo, ito’y kakila-kilabot. . . . Subalit sino ang nagsabi na ang gumawa ng kakila-kilabot na mga bagay na iyon ay mga Kristiyano?
“Oh, sabi mo, gayon ang sabi ng tatag na mga simbahan o relihiyon. Bueno, sino ang may sabi na ang tatag na mga simbahan o relihiyon ay Kristiyano?
“Kaya nga binasbasan ng papa si Mussolini, at may katibayan tungkol sa iba pang mga papa na nakagawa ng napakasamang mga gawa noon. Kaya sino ang may sabi na sila’y mga Kristiyano?
“Inaakala mo ba na sapagkat ang isang tao ay papa siya ay Kristiyano? Dahilan sa sinasabi ng isang tao na ‘Ako’y Kristiyano’ ay hindi nangangahulugan na siya ay isang Kristiyano—kung paanong ang isang tao na nagsasabing siya’y isang mekaniko ay maaaring hindi isang mekaniko. . . .
“Kataka-taka kung paanong maraming tao ang nag-aakala na ang labanan sa Hilagang Ireland ay isang uri ng sagradong digmaan. Iyan ay isang kasinungalingan.
“Walang Kristiyano ang makikipagdigma sa ibang Kristiyano—ito’y magiging gaya ng isang taong nakikipaglaban sa kaniyang sarili. Ang tunay na mga Kristiyano ay magkakapatid kay Jesu-Kristo. . . . Hinding-hindi nila tatangkaing saktan ang isa’t isa.”
Maliwanag ang pagkakasabi ng Bibliya tungkol sa bagay na iyan, na sinasabi: “Dito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid. Sapagkat ito ang pasabing inyong narinig buhat nang pasimula, na mag-ibigan tayo sa isa’t isa; hindi gaya ni Cain, na nagmula sa balakyot at pinatay niya ang kaniyang kapatid.”—1 Juan 3:10-12.
Maliwanag, ang mga relihiyon ay hindi nagbibigay ng saligan upang maniwala na makapagdadala sila ng pambuong-daigdig na kapayapaan. Ano ang ipinakikita ng kanilang rekord? Ito’y nagpapakita na ang kanilang mga membro ay pangunahing mga kawal o sundalo sa dalawang pinakamalaking digmaan ng daigdig; pinatay nila hindi lamang ang isa’t isa kundi gayundin ang walang-malay na mga babae at mga bata.
Bueno, kung gayon, mayroon bang anumang saligan na umasa na ang walang hanggang kapayapaan ay maaaring matupad?
Ginagawang Imposible ang Digmaan
Ipinaliwanag ni Jesus kung paano makikilala ang kaniyang tunay na mga tagasunod. Sila ay magiging “mapagpayapa,” sabi niya. (Mateo 5:9) Ibinigay din niya ang pagkakakilanlang ito: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” Karagdagan pa, ganito ang sabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 13:35; 17:16.
Dahilan sa mga turong ito, naniniwala ka ba na ang sinaunang mga tagasunod ni Kristo ay nakibahagi sa mga digmaan ng mga bansa? Tinatalakay ang paksang ito, si Propesor Reo M. Christenson ay sumulat sa The Christian Century: “Ang sinaunang mga Kristiyano ay hindi naglingkod sa mga hukbong sandatahan. Binabanggit ni Roland Bainton na ‘mula sa wakas ng yugto ng Bagong Tipan hanggang sa dekada ng A.D. 170-180 walang anumang katibayan na ang mga Kristiyano ay kalahok sa hukbo’ . . . Unti-unti lamang na tinalikdan ng mga Kristiyano ang kanilang pagtutol sa paglilingkod militar.”
Sa gayon, walang Kristiyanong nakipagdigma sa kapuwa Kristiyano. Ano man ang ipag-utos ng makasanlibutang pinuno, ang mga tagasunod ni Kristo ay hindi naging mga anak ng Diyablo sa pamamagitan ng pagpatay sa kanilang espirituwal na mga kapatid. Sinunod nila ang Diyos bilang pinuno sa halip na ang mga tao! (Gawa 5:29) Kaya kung ang buong lupa ay titirhan lamang ng tunay na mga Kristiyano, imposibleng magkaroon ng digmaan!
Nakatutuwa naman, inihuhula ng Bibliya na ang gayong kalagayan ay aktuwal na mangyayari. Sabi nito: “Kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikidigma.” (Isaias 2:4, King James Version) Ang mga salitang ito ay nakaukit sa isang pader na bato sa kabila lamang ng kalye mula sa gusali ng United Nations sa New York City, subalit maliwanag na hindi ito natupad ng mga membro ng UN. Gayunman, tinupad ito ng sinaunang mga Kristiyano!
Ganito ang paliwanag ng kilalang mananalaysay ng simbahan na si C. J. Cadoux: “Sinunod ng sinaunang mga Kristiyano ang salita ni Jesus . . . Lubha nilang ipinakilala ang kanilang relihiyon sa pamamagitan ng kapayapaan; matindi nilang hinatulan ang digmaan dahilan sa pagbububô nito ng dugo; ikinapit nila sa kanilang sarili ang hula sa Matandang Tipan na inihula ang pagbabago sa mga sandata ng digmaan tungo sa mga kagamitan sa pagsasaka.”—Isaias 2:4.
Kaya ang kapayapaan sa lupa ay hindi isang pangarap lamang. Yamang ang pagsunod sa mga turo ni Kristo ay gumawang imposible sa digmaan sa gitna ng kaniyang sinaunang mga tagasunod, ang saligan ay inilaan sa paniniwala na ang kapayapaan sa buong lupa ay matatamo sa wakas. Mayroon bang kahawig na saligan ngayon upang maniwala na ang kapayapaan sa lupa ay posible?
Saligan ng Pag-asa Ngayon
Bueno, ganito ang sabi ng Encyclopedia Canadiana: “Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ang muling paglitaw at muling pagtatag ng sinaunang Kristiyanismo na isinagawa ni Jesus at ng kaniyang mga alagad noong una at ikalawang siglo ng ating kapanahunan. . . . Ang lahat ay magkakapatid.”
Totoo nga ba ito? Nang ang mga bansa ay masangkot sa Digmaang Pandaigdig II, sinunod ba ng mga Saksi ni Jehova ang turo ni Jesus na “mag-ibigan sa isa’t isa” at manatiling “mapagpayapa”?—Juan 13:34; Mateo 5:9.
Oo, sinunod nila. Ang aklat na The Nazi Persecution of the Churches 1933-45, ni J. S. Conway, ay nagpapaliwanag: “Binabatay ang kanilang kaso sa utos ng Bibliya, [ang mga Saksi ni Jehova] ay tumangging makipagdigma.” Inihahambing ang kanilang pagsunod sa mga tagubilin ni Kristo sa mga pagkilos ng iba, ganito ang sabi ng Romano Katalikong St. Anthony Messenger: “Ang mga Saksi ni Jehova ay nakatayo sa labas ng ‘gusali’ at hindi tumatanggap ng pananagutan na basbasan ang anumang ipinapasiyang gawin ng sekular na pamahalaan. Nasumpungan ng libu-libong mabubuting tao na ang gayong pagiging hiwalay sa pulitikal at pangkabuhayang interes ay mas malapit sa diwa ng Bagong Tipan kaysa sa kasalukuyang kung minsa’y maalwang mga kaayusan sa pagitan ng Simbahan at ng estado.”
Inilalagak ng mga Saksi ni Jehova saanman ang kanilang pag-asa sa kapayapaan, hindi sa United Nations o sa anumang iba pang pagsisikap ng tao ukol sa kapayapaan, kundi sa pamamahala ng Prinsipe ng Kapayapaan, si Jesu-Kristo. Ano kaya kung gawin iyan ng lahat? Oo, isip-isipin kung ano ang mangyayari kung ang lahat ay sumunod sa mga turo ni Kristo na “mag-ibigan sa isa’t isa” at manatiling “mapagpayapa”!
Tunay na Kapayapaan sa Lupa—Malapit Na!
‘Kapayapaan sa lupa’ ay mga salitang madalas marinig kung Pasko, kasama ng nakikitang larawan ng isang sanggol sa sabsaban. Subalit ito ba ang tunay na larawan ng katayuan ni Jesus? Hindi nga! Si Kristo ngayon ay higit pa kaysa isang prinsipeng sanggol—siya ay binigyan na ng pamamahala at kapangyarihan bilang katuparan ng sinaunang hula sa Bibliya na: “Ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging . . . Prinsipe ng Kapayapaan.”—Isaias 9:6.
Bilang ang hinirang ng Diyos na Tagapamahala ng buong lupa, si Kristo ay magdadala ng kapayapaan sa lupa. Subalit hindi ito mangyayari sa paraan na inaasahan ng marami. Pakisuyong buksan ang inyong Bibliya sa Apocalipsis kabanata 19 at basahin ang mga Apoc 19 talatang 11 hanggang 16. Mahalaga na maunawaan natin ang larawan ng katayuan ni Kristo na inilalarawan dito—bilang isang makapangyarihang tagapamahala at pinuno ng mga hukbo ng mga anghel ng Diyos. Pansinin na binabanggit ng kasulatan na si Kristo, na siyang “Ang Salita ng Diyos,” ay ‘hahampasin ang mga bansa at kaniyang papastulin sila ng tungkod na bakal,’ aalisin sila upang magbigay-daan sa pamahalaan ng Diyos ng kapayapaan.
Ganito, kung gayon, matutupad ang kapayapaan sa lupa. Hindi ito darating sa pamamagitan ng United Nations o ng anumang iba pang ahensiya ng tao ukol sa kapayapaan. Subalit ito ay matutupad sa pamamagitan ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Tayo ngayon ay nabubuhay na sa panahon kung kailan ang hulang ito ng Bibliya ay matutupad: “Sa kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay . . . dudurugin at wawasakin ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Dahilan sa inihulang paglipol ng Diyos sa lahat ng kasalukuyang mga pamahalaang ito, gayundin sa mga relihiyon na tumatangkilik sa mga ito, mahalaga na suriin natin ang atin mismong kalagayan. Kung ikaw ay sumasang-ayon na ang digmaan ay hindi makatuwiran at na nais mong mabuhay sa lupa kapag ang kapayapaan ay pansansinukob, makipagkita ka sa mga Saksi ni Jehova. Malulugod silang tumulong sa iyo na alamin ang higit pa kung paanong ang kapayapaan sa lupa ay malapit nang matupad sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos.
Halikayo, kayo bayan, tingnan ang mga gawa ni Jehova, kung paanong gumawa siya ng kamangha-manghang mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo ay kaniyang sinusunog sa apoy.—Awit 46:8, 9.
[Blurb sa pahina 8]
“Mag-ibigan tayo sa isa’t isa; hindi gaya ni Cain; . . . na pinatay ang kaniyang kapatid”
[Kahon sa pahina 9]
Dating Mamamatay-tao na Naging Mapayapang Tao
Isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova sa gawing timog ng Estados Unidos ay nagbabahay-bahay na kasama ng isang may edad na Saksing Aleman. Sa isang pinto isang babae na ipinakilala ang kaniyang sarili na membro ng isa sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay nagsabi na ayaw niya ng anumang bagay na may kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova sapagkat hindi sila nakipaglaban para sa kanilang bayan. Namatay ang kaniyang anak na lalaki noong Digmaang Pandaigdig II at inaakala niya na dapat sana’y tumulong ang mga Saksi sa pakikidigma.
Nang sila’y paalis na, hiniling ng may edad na Saksing Aleman sa babae kung maaari siyang magsalita. ‘Alam mo, nakipaglaban ako sa digmaang iyon,’ sabi niya. ‘Subalit hindi ako nakipaglaban sa panig ng Estados Unidos. Ako’y nakipagbaka sa panig ng Alemanya. Ako ay personal na sinabitan ng medalya ni Adolf Hitler dahilan sa pagpatay ng 35 mga sundalong Amerikano. Marami sa mga ito ay napatay mismo ng aking mga kamay, sa manu-manong pakikipaglaban. Marahil isa sa mga lalaking ito ang iyong anak. Hindi ko alam. Subalit sana’y ipinanalangin mo na ako’y naging isa sa mga Saksi ni Jehova noon sapagkat nang gawin ko iyon ako ay membro ng iyong relihiyon.’
Iyan ay nagbigay sa babae ng lubhang kakaibang pangmalas. Oo, paano nga magiging tunay na mga Kristiyano ang mga tao at kasabay nito’y patayin ang mga kapananampalataya dahilan lamang sa sila ay naiibang lahi o nasyonalidad?
[Larawan sa pahina 10]
Sino ang tumutupad sa hula ng Bibliya na nakaukit sa pader na ito sa plasa ng United Nations?