Pinupuri ang Kapayapaan, Gayunma’y Niluluwalhati ang Digmaan
Ano ang mga Resulta?
DISYEMBRE 1914 noon. Sa Europa, ang Digmaang Pandaigdig I ay tumitindi. Ang mga sundalo ay nagsasagupaan sa mga trintsera, na nakapagitan sa kanila ang tinatawag na no-man’s-land (bakanteng lugar sa pagitan ng dalawang naglalabang mga hukbo). Subalit, pagkatapos, noong Araw ng Pasko, Disyembre 25, isang pambihirang bagay ang nangyari.
Ipinakikita ng aklat na The War in the Trenches ang isang larawan ng magkalabang mga hukbo na palakaibigang nagsasama-sama, na may pamagat na: “Mga sundalong Britano at Aleman na nagsasama-sama, Pasko, 1914.” Binanggit ng manunulat, si Alan Lloyd, na ang mga sundalo “ay aktuwal na nagtagpo sa No Man’s Land upang magpalitan ng mga alaala o subinir.
“‘Para ba itong pagitan sa mga round sa isang labanan ng boksing,’ ulat ng isang kalahok . . . ‘Ang lahat ay nag-uusap, nagtatawanan at naghahanap ng mga subinir.’”
Bakit ang pahingang ito mula sa pagdidigma? Sapagkat ang mga sundalong ito na Britano at Aleman ay naturuan na si Kristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ay ipinanganak noong Disyembre 25. At hindi ba’t inawit ng mga anghel sa kaniyang pagsilang, “Sa lupa’y kapayapaan sa gitna ng mga taong may mabubuting loob”? (Lucas 2:14) Kaya, kung gayon, hindi makatuwiran para sa nag-aangking mga tagasunod ni Kristo na magpatayan sa isa’t isa sa panahong iyon!
Gayunman, ang kapayapaan kung Pasko ay hindi sinasang-ayunan ng lahat. “Noong ikalawang Pasko sa Kanlurang Prontera o Labanan,” paliwanag ni Lloyd, nagkaroon ng “higit pang pagsasama-sama sa No Man’s Land, sa kabila ng mga pag-uutos laban sa gayong paggawi. Dalawang opisyal na nakibahagi rito ang nilitis ng hukumang militar.”
Ang Katayuan ng mga Simbahan
Ano ang palagay ng mga simbahan tungkol sa kanilang mga membro na nakikipagdigma sa kapuwa kapananampalataya sa ibang lupain? Bueno, sa Kapaskuhan binibigkas ng mga klerigo ang mensahe ng kapayapaan na ipinahayag ng mga anghel sa kapanganakan ni Kristo, at pinupuri nila si Jesus bilang ang Prinsipe ng Kapayapaan. (Isaias 9:6) Gayunman, hindi sila tumutol nang patayin ng kanilang mga membro ang mga tao na kabilang sa gayunding relihiyon sa kalabang mga trintsera, ito man ay sa Pasko o sa iba pang araw ng taon!
Iniuulat ng mananalaysay ng simbahan na si Roland H. Bainton ang kalagayan nang ang Estados Unidos ay lumahok sa Digmaang Pandaigdig I: “Ang mga klerong Amerikano ng lahat ng pananampalataya ay lubhang nagkaisa at taglay ang kaisipan ng bayan. Isa itong sagradong digmaan. Si Jesus ay nakadamit ng khaki at inilarawan na nakatingin sa isang baril. Ang mga Aleman ang mga Tampalasan. Ang pagpatay sa kanila ay pag-aalis sa lupa ng mga halimaw.”—Christian Attitudes Toward War and Peace, pahina 209, 210.
Oo, sa pamamagitan ng kanilang mga labi ay pinupuri ng mga simbahan ang kapayapaan. Subalit kasabay nito ang mga pulpito ay naging mga istasyong nangangalap para sa pakikidigma ng bansa. Ganito ang sabi ng Britanong Brigadier General Frank P. Crozier tungkol sa kalagayan noong Digmaang Pandaigdig I: “Ang mga Iglesyang Kristiyano ang lumikha ng mga taong totoong uhaw-sa-dugo, at malaya nating ginamit ang mga ito.”
Na ang katayuan ng mga simbahan ay totoong mapagpaimbabaw ay kinilala ng yumaong klerigong Protestante na si Harry Emerson Fosdick. Sabi niya: “Ang ating Kanluraning kasaysayan ay naging isang sunud-sunod na digmaan. Tayo ay nagpalaki ng mga lalaki para sa digmaan, nagsanay ng mga lalaki para sa digmaan; niluwalhati natin ang digmaan; ginawa nating mga bayani ang ating mga mandirigma at pati na sa ating mga simbahan ay naglagay tayo ng mga bandera ng digmaan . . . Sa isang panig ng ating bibig ay pinuri natin ang Prinsipe ng Kapayapaan at sa kabilang panig ay niluwalhati natin ang digmaan.”
Ang kalagayan ay hindi nagbago noong Digmaang Pandaigdig II. Pakisuyong basahin ang artikulo ng New York Times na muling inilathala sa pahinang ito na lumabas noong unang buwan ng digmaang iyon. Pinagtitibay nito kung ano ang nang dakong huli’y inamin ni Friedrich Heer, isang Romano Katolikong propesor ng kasaysayan sa Vienna University, sa kaniyang aklat na God’s First Love:
“Sa nakapanlulumong mga katotohanan ng kasaysayang Aleman, ang Krus at ang swastika ay naging higit na malapit sa isa’t isa, hanggang sa ipahayag ng swastika ang mensahe ng tagumpay mula sa mga tore ng mga katedral na Aleman, naglitawan ang mga banderang swastika sa mga altar at malugod na tinanggap ng mga teologong Katoliko at Protestante, mga pastor, mga klerigo at estadista ang pakikiisa kay Hitler.”—Pahina 247.
Ang mga Resulta
Isang resulta ng buong-pusong pagsuporta ng mga simbahan sa mga digmaan ng kani-kanilang bansa ay na ang Kristiyanismo ay itinuring ng angaw-angaw sa mga lupaing hindi Kristiyano bilang isang relihiyon na nakikialam sa digmaan, at ayaw nila ang anumang kaugnayan dito. Na may katuwiran ang kanilang palagay ay maliwanag hindi lamang sa pagsuporta ng mga simbahan sa nakalipas na mga digmaan kundi maging ang kanilang mga saloobin ngayon sa digmaan. Ang The Christian Century ay nag-uulat:
“Ang 20-taóng surbey tungkol sa mga saloobin sa digmaan ay nagpapahiwatig na ang mga Kristiyano sa E.U., Canada at Kanlurang Alemanya ay waring mas sang-ayon sa digmaan kaysa hindi mga Kristiyano. . . . Sang-ayon sa pag-aaral, sa loob ng pamayanang Kristiyano ng mga bansang ito yaong mga itinuturing ang kanilang mga sarili na mahigpit na mga tagasunod ng pananampalatayang Kristiyano ay mas nahihilig sa saloobing sumasang-ayon sa digmaan kaysa roon sa mayroong mas liberal na saloobin.”—Disyembre 31, 1980, pahina 1289.
Paano sa palagay mo naapektuhan ng katayuan ng mga simbahan tungkol sa digmaan ang marami sa loob ng tinatawag na mga bansang Kristiyano? Tinalakay ito ni Reo M. Christenson, isang propesor ng political science, sa The Christian Century. “Na itinataguyod ng mga Kristiyano sa isang panig ang pananampalataya sa magiliw na Tagapagligtas samantalang sa kabilang panig naman ay masiglang itinataguyod nila ang relihiyoso o nasyonalistikong mga digmaan,” sulat niya, “ay malaki ang nagawa sa pagsira sa pananampalataya at pagpapalaganap sa uri ng pangungutya sa relihiyon na palasak sa gitna ng mga taong nag-iisip sa loob ng mga dantaon.”—Mayo 25, 1983.
Ang gayong pangungutya tungkol sa relihiyon ay kung minsan ipinahahayag sa isang tumatalab at mabisang paraan. Halimbawa, noong nakaraang taon nang isang Marino ang tumangging magtungo sa Lebanon sapagkat siya’y isang Muslim at ayaw pumatay ng kapuwa Muslim, ang kolumnistang si Mike Royko ay gumawa ng ilang mabisang mga komento. Isinulat niya na “sinisikap guluhin [ng Marino] ang sinaunang mga tuntunin at mga tradisyon ng pakikidigma,” yamang ang mga Kristiyano ay hindi kailanman “nagigitla kung tungkol sa pakikidigma sa ibang mga Kristiyano.” Sabi pa niya: “Kung naging gayon sila, karamihan sa pinakamainit na mga digmaan sa Europa ay hindi sana nangyari.”
Itinuturo ang mga katotohanan sa kasaysayan, si Royko ay nagpapatuloy: “Ang Alemanya ay punô ng mga Kristiyano ng lahat ng denominasyon. Subalit kadalasan ay nadarama nito ang pangangailangan na makipagdigma sa Pransiya, Poland at iba pang mga bansang Kristiyano. Ang Pransiya, sa kasikatan ni Napoleon, ay hindi nag-atubiling yurakan ang lahat ng iba pang mga Kristiyano sa Europa.
“Kung may anumang bagay, ang pananampalataya kung minsan ay nakatulong upang painitin ang kanilang ulo, bagaman hindi tiyak na nilayon ni Kristo na ang kaniyang mensahe ay gamitin sa gayong paraan. . . . Kung ang lahat ay katulad ng pag-iisip ng Marinong korporal na iyon, ang mga Digmaang Pandaigdig I at II, na nakagawa ng buong-panahong rekord ng mga Kristiyanong pumapatay ng mga Kristiyano, ay hindi sana nangyari. . . .
“Sa katunayan,” pakutyang susog pa ni Royko, “may mga kapakinabangan sa pakikidigma sa mga taong kapananampalataya. Sa isang bagay, kung ikaw ay makuhang bihag at mamatay, may mabuting tsansa ka na tumanggap ng isang Kristiyanong libing, na sa tuwina’y mas mabuti kaysa ihagis na kasama ng mga labí. At sa mga pistang relihiyoso, ang mga bantay sa bilangguan ay maaaring bumait dahilan sa kapistahan at hindi ka gaanong saktan.”
Walang kaduda-duda kung tungkol sa pang-uyam ng komentaryong ito. Subalit maikakaila mo ba ang katotohanan nito? At hindi ba sumasang-ayon ka na ang mga simbahan o relihiyon ay karapat-dapat sa gayong pagtuya dahilan sa kanilang mapagpaimbabaw na pagkatawan sa Prinsipe ng Kapayapaan, si Jesu-Kristo?
‘Subalit hindi tayo maaaring mabuhay sa mga turo ni Kristo sa modernong daigdig na ito,’ baka ikatuwiran ng mga klero. Gayunman, isinasaalang-alang ang gayong pagtutol, si Propesor Christenson ay sumulat sa nabanggit na artikulo: “Hindi ako naniniwala na maling ikapit kung ano ang nalalaman natin tungkol sa mga turo at halimbawa ni Jesus sa digmaan—lalo na sa modernong digmaan.
“Maiisip ba ng sinuman si Jesus na naghahagis ng granada sa kaniyang mga kaaway, gumagamit ng machine gun, humahawak ng isang flamethrower, naghuhulog ng mga bombang nuklear o naglulunsad ng isang ICBM na maaaring pumatay o puminsala ng libu-libong mga ina at mga anak? Ang katanungan ay totoong baligho anupa’t ito’y hindi na humihiling ng kasagutan. Kung hindi ito magagawa ni Jesus at maging tapat sa kaniyang pagkatao, paano nga nating magagawa ito at maging tapat sa kaniya?”
Kung may katapatang haharapin mo ang gayong mga katanungan, mauunawaan mo kung bakit ang editor sa relihiyon ng The Toronto Star ay sumulat noong nakaraang Bisperas ng Pasko: “Isang pagkutya sa Pasko ang hindi maunawaan, na ang kasalukuyan, ganap na baliw na pagtatalaksan ng mga sandatang nuklear ng Estados Unidos at ng Unyong Sobyet ay isang pinakamasamang uri ng kalapastangan kay Kristo at sa sangkatauhan.”
Kasabay nito, ang mga suliranin na nakakaharap ng daigdig na ito ay totoong masalimuot. Nangangahulugan ba ito na ang tunay na kapayapaan sa lupa ay hinding-hindi matutupad? Ang katuparan ba ng pahayag ng mga anghel tungkol sa ‘kapayapaan sa lupa’ ay isa lamang pangarap? O mayroon bang tiyak na saligan na maniwala na ang mga tao ng lahat ng lahi at nasyonalidad ay maaaring mamuhay na sama-sama sa kapayapaan, nang hindi na muling daranas pa ng mga kakilabutan ng digmaan?
[Kahon sa pahina 5]
THE NEW YORK TIMES
Lunes, Setyembre 25, 1939.
[Larawan sa pahina 4]
Pinupuri ng mga klerigo ang Prinsipe ng Kapayapaan, gayunma’y binabasbasan ang digmaan
[Pinagmulan]
El Comercio, Quito, Ecuador
[Mga larawan sa pahina 6]
“Kung hindi ito magagawa ni Jesus at maging tapat sa kaniyang pagkatao, paano nga nating magagawa ito ay maging tapat sa kaniya?”
[Pinagmulan]
U.S. Army photo
[Pinagmulan ng Larawan sa pahina 3]
Mula sa U.S. Army photos