Hindi Na Magtatagal—Isang Sanlibutan na Walang Digmaan!
NOONG Disyembre 24, 1914, isang kabataang kawal ng Britanya na nagngangalang Jim Prince ang tumawid sa larangan ng digmaan upang kausapin ang isang sundalong Aleman. “Ako’y isang Saxon. Ikaw naman ay isang Anglo-Saxon. Bakit ba tayo naglalaban?” ang tanong sa kaniya ng Aleman. Makalipas ang mga taon, inamin ni Prince: “Hindi ko pa rin alam ang sagot sa tanong na iyan.”
Sa loob ng isang pambihirang sanlinggo noong 1914, ang mga kawal ng mga hukbo ng Britanya at ng Alemanya ay nagsama-sama, naglaro ng soccer, at nagpalitan pa nga ng mga regalong pamasko. Mangyari pa, ang pansamantalang tigil-putukang iyon ay di-opisyal. Hindi nais ng mga heneral na matuklasan ng kanilang mga tropa na ang “kaaway” ay hindi ang ubod-samang halimaw na inilarawan ng propaganda ng digmaan. Ang kawal ng Britanya na si Albert Moren ay nagsabi nang malaunan: “Kung ang tigil-putukan ay nagpatuloy ng isa pang sanlinggo, magiging napakahirap na magsimula uli ang digmaan.”
Ang kusang tigil-putukang iyon ay nagpapahiwatig na kahit na ang maraming sinanay na mga kawal ay nagnanais ng kapayapaan imbes na digmaan. Maraming kawal na nakasaksi sa mga kakilabutan ng labanan ay sasang-ayon sa kawikaang Kastila: “Hayaang pumaroon sa digmaan yaong hindi nakaaalam kung ano ang digmaan.” Tiyak, ang isang pambuong daigdig na surbey na kinuha sa pangkalahatang populasyon ay magsisiwalat na ang lubhang karamihan ay nagnanais ng kapayapaan kaysa digmaan. Subalit papaano maisasakatuparan ng pansansinukob na hangaring ito para sa kapayapaan ang isang daigdig na walang digmaan?
Bago maparam ang digmaan, kailangang magbago ang mga saloobin. Ang konstitusyon ng UN Educational, Scientific, and Cultural Organization ay nagsasabi: “Yamang ang mga digmaan ay nagsisimula sa isip ng mga tao, sa isip ng mga tao kailangang mabuo ang pagtatanggol sa kapayapaan.” Ngunit ang kasalukuyang lipunan, na kung saan ang kawalang-tiwala at pagkakapootan ay palasak, ay patuloy na nagiging marahas, hindi mapayapa.
Gayunman, ang Diyos mismo ang nangako na balang araw ang kapayapaan ay mapapaukit sa isip ng mga taong nakahilig sa matuwid. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, kaniyang sinabi: “Tiyak na hahatol siya [ang Diyos] sa gitna ng mga bansa at magtutuwid ng mga bagay-bagay tungkol sa maraming bayan. At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Pagtataguyod ng Kapayapaan sa Isip
Maaari kayang maganap ang gayong kahanga-hangang pagbabago ng kaisipan? Ang mga tao ay matututo pa kayang ingatan ang kapayapaan imbes na luwalhatiin ang digmaan? Isaalang-alang ang halimbawa ni Wolfgang Kusserow. Noong 1942 ang 20-taóng-gulang na Alemang ito ay pinugutan ng ulo ng mga Nazi dahil siya’y ‘ayaw mag-aral ng pakikipagdigma.’ Bakit pinili niya ang mamatay? Sa isang nasusulat na pangungusap, kaniyang sinipi ang mga simulain sa Kasulatan gaya ng, “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili” at, “Ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 22:39; 26:52) Pagkatapos ay buong-diin na itinanong niya: “Lahat bang ito ay ipinasulat ng ating Maylikha para sa mga punungkahoy?”
Ang salita ng Diyos, na nakasulat sa Bibliya, ay “may lakas” at nag-udyok sa kabataang Saksing ito ni Jehova upang itaguyod ang kapayapaan, anuman ang kahinatnan. (Hebreo 4:12; 1 Pedro 3:11) Subalit hindi lamang si Wolfgang Kusserow ang kaisa-isang nagtaguyod ng kapayapaan. Sa aklat na The Nazi Persecution of the Churches 1933-45, bumanggit si J. S. Conway ng opisyal na mga archive ng mga Nazi na nagpapatotoo na ang mga Saksi ni Jehova bilang isang grupo ay tumangging gumamit ng armas. Gaya ng binanggit ni Conway, ang gayong may lakas ng loob na paninindigan ay talagang nangangahulugan ng paglagda sa kanilang sariling dokumento sa kamatayan.
Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay patuloy na nagtataguyod ng kapayapaan, anuman ang kanilang lahi o bansang pinagmulan. Bakit? Sapagkat kanilang natutuhan buhat sa Bibliya na kailangang pandayin ng tunay na mga lingkod ng Diyos ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod. Si Alejandro, isang kabataang lalaking taga-Argentina na dumayo sa Israel noong 1987, ay personal na makapagpapatotoo sa bagay na ito.
May tatlong taon na nanirahan si Alejandro sa isang kibbutz samantalang nag-aaral sa isang pamantasan at nagtatrabaho sa iba’t ibang otel at mga restawran. Sa loob ng panahong ito, kaniyang sinimulang basahin ang Bibliya at naghahanap ng isang layunin sa buhay. Higit sa lahat, siya’y nasasabik na makita ang isang sanlibutan na kung saan ang mga tao ay namumuhay sa kapayapaan at katarungan. Si Alejandro—isang Judio—ay nagtrabaho kasama ng mga Judio at mga Arabe ngunit minabuting huwag kumampi sa alinmang panig.
Noong 1990 isang kaibigan na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang nag-anyaya kay Alejandro upang dumalo sa isang-araw na asamblea sa Haifa. Palibhasa’y nanggilalas na makitang 600 Judio at mga Arabe ang masayang nakikihalubilo sa isa’t isa sa asamblea, naisip niya, ‘Ito ang tamang paraan ng pamumuhay ng mga tao.’ Hindi natapos ang anim na buwan, siya mismo ay naging isang Saksi at ngayon ay ginugugol ang karamihan ng kaniyang panahon sa pangangaral ng mensahe ng Bibliya ng kapayapaan.
Kung Papaano Pangyayarihin ng Diyos ang Kapayapaan
Bagaman nakababagbag-damdamin ang mga halimbawang ito, hindi ganito ang kalakaran ng mga bagay sa kasalukuyang sanlibutan. Bagaman kunwa’y pinapupurihan ng kasalukuyang pamamalakad ang kapayapaan, dinidilig nito ang mga binhi ng digmaan. Ibig mo bang manirahan sa isang kalye na kung saan ginugugol ng mga residente ang 7 hanggang 16 porsiyento ng kanilang mga kita sa pagbili ng mga armas at sa proteksiyon ng bahay? Sa katunayan, ganiyan ang ginagawa ng mga bansa sa pamamagitan ng paggasta para sa hukbo nang nakalipas na mga taon. Hindi nga kataka-taka, isinisiwalat ng hula ni Isaias na sa kabuuan hindi kailanman papandayin ng sangkatauhan ang mga tabak nito upang gawing mga sudsod hangga’t hindi ‘itinutuwid [ng Diyos] ang mga bagay-bagay tungkol sa maraming bayan.’ Papaano niya gagawin iyan?
Ang pangunahing gagamitin sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay ay ang Kaharian ng Diyos na Jehova. Humula ang propetang si Daniel na ‘ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman.’ Ang Kahariang ito, isinusog pa niya, ‘ang dudurog at magwawasak sa lahat ng mga kahariang ito [makasanlibutang mga pamahalaan], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.’ (Daniel 2:44) Isinisiwalat ng mga salitang ito na may katatagang paiiralin ng Kaharian ng Diyos ang kapangyarihan nito sa buong lupa. Sa pamamagitan ng pag-aalis sa pambansang mga hangganan, ang mga labanan ay papawiin na ng Kaharian. Gayundin, yamang ang mga sakop nito ay “mga taong tinuruan ni Jehova,” ang kanilang kapayapaan “ay sasagana.” (Isaias 54:13) Hindi nga kataka-takang sabihin sa atin ni Jesus na manalangin sa Diyos: “Dumating nawa ang kaharian mo”!—Mateo 6:10.
Pag-aalis sa Relihiyosong mga Balakid
Aalisin din ng Diyos ang relihiyosong mga balakid sa kapayapaan. Ang relihiyon ang dahilan ng pinakamatagal na digmaan sa kasaysayan—ang mga Krusada, o “Banal na mga Digmaan,” na inilunsad ni Papa Urban II noong 1095 C.E.a Sa siglo nating ito ay naging prominente ang klero sa pag-akit at pagtatamo ng malaganap na pagsuporta sa mga digmaan, maging yaong mga digmaan ng sanlibutan.
Sa pagbanggit sa bahaging ginampanan ng naturingang mga iglesyang Kristiyano noong Digmaang Pandaigdig I, ang historyador na si Paul Johnson ay sumulat: “Hindi nagawa ng mga klerigo, at sa dahilang hindi sila pumapayag, na unahin ang pananampalatayang Kristiyano kaysa sa sariling bansa. Pinili ng karamihan ang mas madaling landas at ang Kristiyanismo ay itinulad sa pag-ibig sa bayan. Ang mga kawal na Kristiyano sa lahat ng denominasyon ay hinimok na magpatayan sa ngalan ng kanilang Tagapagligtas.”
Mas malaki ang nagawa ng relihiyon sa pagpapasiklab ng digmaan kaysa pagpapaunlad ng kapayapaan. Sa katunayan, sa Bibliya ang huwad na relihiyon ay inilalarawan na isang “patutot” na nanunulsol sa mga pinuno ng daigdig. (Apocalipsis 17:1, 2) Siya ang ipinahahayag ng Diyos na pangunahing may kagagawan ng pagbububo ng dugo ng lahat ng pinatay sa lupa. (Apocalipsis 18:24) Kaya naman, aalisin ng Diyos na Jehova ang balakid na ito sa kapayapaan nang minsan at magpakailanman.—Apocalipsis 18:4, 5, 8.
Kahit na mawala ang gayong mga sanhi ng pagkakabaha-bahagi tulad ng pulitika at huwad na relihiyon, hindi magiging matatag ang kapayapaan kung hindi aalisin ang pinakamahigpit na tagapag-udyok ng digmaan—si Satanas na Diyablo. Iyan ang huling isasagawa ng Kaharian ng Diyos sa programa nito na magdala ng lubusang kapayapaan sa lupa. Ang aklat ng Apocalipsis sa Bibliya ay nagpapaliwanag na si Satanas ay ‘susunggaban’ at ‘igagapos’ at ‘ihahagis . . . sa kalaliman’ upang “hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa.” Pagkatapos ay lubusan siyang pupuksain.—Apocalipsis 20:2, 3, 10.
Ang pangako ng Bibliya na pagwawakas ng digmaan ay hindi isang pangarap lamang na walang-saysay. Ang kaayusan ng Diyos na Jehova para sa kapayapaan ay naitatag na. Ang kaniyang Kaharian ay itinatag na sa langit at handa nang isakatuparan ang lahat ng kinakailangang hakbang upang tiyakin ang pangglobong kapayapaan. Samantala, angaw-angaw na mga Saksi ni Jehova, na nagtataguyod ng makalangit na pamahalaang ito, ay natutong mamuhay sa kapayapaan.
Maliwanag, kung gayon, tayo ay may matitibay na dahilan na maniwalang maaaring maiwasan ang mga digmaan. Higit pa, tayo’y makaaasang kaylapit-lapit na ang araw na ang digmaan ay pahihintuin ni Jehova magpakailanman. (Awit 46:9) Hindi na magtatagal kaniyang pangyayarihin ang isang sanlibutan na walang digmaan.
[Talababa]
a Kung minsan ang mga pinunong relihiyoso mismo ang nagiging mga mandirigma. Sa Battle of Hastings (1066), ipinagmatuwid ng Katolikong obispo na si Odo ang kaniyang aktibong pagkasangkot sa pamamagitan ng pagdadala ng isang setro sa halip na isang tabak. Nangatuwiran siya na kung walang dugo na nabubo, ang isang alagad ng Diyos ay may katuwirang pumatay. Makalipas ang limang siglo, si Cardinal Ximenes ang mismong nanguna nang lusubin ng mga Kastila ang Hilagang Aprika.
[Larawan sa pahina 7]
Maaari kang mabuhay sa isang bagong sanlibutang walang digmaan