Ang “Bansa” na Nagpapakain sa Angaw-angaw na Nagugutom
1, 2. (a) Anong tunay na pangangailangan ang dapat madama ng mga tao sa lupa? (b) Sa aling bayan maaari tayong umasa sa bagay na ito?
ANG bilyun-bilyong mga tao sa lupa ay nagugutom sa “pagkain” na magbibigay sa kanila ng buhay na walang hanggan dito sa lupa, pagka ang lupa ay binago na tungo sa isang pangglobong paraiso. Subalit kanino o saan sila babaling? Ang Republika ng Israel ay hindi nagtatangkang tuparin ang hula ng Bibliya sa Isaias 27:6 tungkol sa lupa na pupunuin ng “bunga” para sa walang hanggang kapakinabangan ng tao.
2 Ang bansang Israel noong unang siglo ng ating Common Era ay nawalan ng pribilehiyo na pagmulan ng pagpapala para sa buong sangkatauhan. Sa gayo’y isa lamang munting nalalabi ng likas na mga Judio ang kinauukulan ng sinabi ng Mesiyas: “Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa. Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu . . . At, narito! Ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:18-20) Subalit kumusta naman makalipas ang 19 na siglo? Sino sa panahon natin ang nagsasaisip ng katuparan ng Isaias 27:6? At paano ka nasasangkot at pati ang iyong mga mahal sa buhay?
3. Sino sa siglo nating ito ang nakaranas ng “galit” ng Diyos na binanggit sa Isaias 27:4?
3 Bagaman marami ng taon ang nakalipas, makabubuting sandaling suriin natin ang mga ilang pangyayari noong mga taon ng Digmaang Pandaigdig I. Nang panahong iyon ay may dahilan ang Diyos na Jehova na makadama ng “galit” laban sa mga bansa ng Sangkakristiyanuhan dahilan sa kanilang pagbububo ng dugo sa digmaan. (Ihambing ang Isaias 27:4.) Ginawa nila iyan imbis na isuko ang kanilang pambansang mga soberania sa Kataas-taasang Diyos nang ang kaniyang Kaharian ay itatag sa langit noong 1914 sa ilalim ng kaniyang niluwalhating Anak, si Jesu-Kristo. Kanilang ginatungan pa ang kaniyang galit nang pag-usigin nila ang nalabi ng espirituwal na Israel, at sadyang hinadlangan nila ang tapat na mga Kristiyanong Estudyante ng Bibliya sa malayang pangangaral ng kaniyang natatatag na Kaharian. Subalit marami sa nalabi ng espirituwal na Israel ang napadala rin sa makasanlibutang mga panggigipit, at sa gayo’y nagkulang sa kanilang tungkulin bilang piniling bayan na inilabas sa makasanlibutang sistemang ito ng mga bagay. Noon ay hindi nila nakita ang isyu ng lubusang pagkaneutral sa mga alitan ng sanlibutang ito, kaya’t sila’y nagkasala laban sa dugo, at sa loob ng kaunting panahon sila man ay dumanas ng “galit” ng Diyos.
4. Paanong ang “galit” ng Diyos ay nakaapekto sa kaniyang mga lingkod na Kristiyano, at anong leksiyon ang maaari nating matutuhan buhat dito?
4 Sakaling ikaw ay nabubuhay noon, sa palagay mo’y paano ka maaapektuhan ng mga panggigipit na iyan noong panahon ng digmaan? Dapat mong isaalang-alang ang gayong mga bagay, sapagkat sa paggawa mo nito ay baka mapatibay mo ang iyong kapasiyahan tungkol sa kung ano ang gagawin mo sa hinaharap sakaling mapaharap ka rin sa mga kagipitan. Noong binanggit na mga panahon ay waring panahon iyon na dapat huminto ng pangangaral ng Kaharian at magpahinga na lamang. Marami ang naakay na gumawa ng ganiyan, at inakala nila na basta dapat silang maghintay na lamang na sila’y luwalhatiin sa maagang panahong iyon upang makasama ng nakaluklok na si Jesu-Kristo. (Lucas 22:28-30) Datapuwat, ang pagkaranas ng kaunting “galit” ni Jehova ay isang disiplina na hindi nawalang-kabuluhan sa mga tunay na Kristiyano noong panahong iyon, at sa gayo’y nagbunga naman. Sila’y pinalakas nito para sa dumarating na gawain ng paghahayag ng araw ng paghihiganti ng ating Diyos laban sa isa na tinatawag ni propeta Isaias na “Leviatan” sa Isaias 27:1, na kung saan mababasa natin:
5. Sa modernong panahon, paanong ibinaling ni Jehova ang kaniyang pansin sa “Leviatan” na binanggit sa Isaias 27:1?
5 “Sa araw na iyon si Jehova, taglay ang kaniyang matigas at malaki at matibay na tabak, ay magbabaling ng kaniyang pansin kay Leviatan, ang madulas na ahas, samakatuwid nga’y si Leviatan, ang likong ahas, at kaniyang papatayin nga ang dambuhala ng karagatan na nasa dagat.”
Noong sinaunang panahon, ibinaling ni Jehova ang kaniyang pansin sa mga bumihag sa kaniyang bayan. Gaya ng binanggit na natin, kasali na roon ang imperyo ng Babilonya, pati ang Ehipto at Asiria. (Isaias 27:12, 13) Nakikita ba ninyo ang isang modernong katuparan ng simbolikong mga salita sa Isaias 27:1? Sa yugto ng panahon na sumasakop sa Digmaang Pandaigdig I, ang bayan ng Diyos ay hindi bihag sa anumang bansa o imperyo. Subalit hindi kailangan noon na magbigay-pansin si Jehova sa isang simbolikong Leviatan, samakatuwid nga, si Satanas na Diyablo. Siya’y nagpapadulas sa tusong paraan sa karagatan ng sangkatauhan at gumagamit ng mga bagay sa lupa upang isapanganib o hadlangan ang mga lingkod ng Diyos.—Ihambing ang Apocalipsis 17:15.
6, 7. (a) Ano sa modernong panahon ang naging tulad ng “mga tinik at mga dawag”? (b) Ano ang maaari nating maasahan tungkol sa kanila sa hinaharap?
6 Noong taóng 1919 ang nalabi ng espirituwal na Israel ay masiglang muling nagpatuloy sa kanilang pangangaral ng Kaharian, kaya naman panahon upang sabihin ni Jehova:
“Wala na akong galit. Sino ang magbibigay sa akin ng mga tinik at mga dawag sa pagbabaka? Iyo’y aking yayapakan. Iyo’y aking susunuging magkasama.”—Isaias 27:4.
7 Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang Liga ng mga Bansa ay itinatag bilang pagtatakwil sa Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo. Ito’y maihahalintulad natin sa “mga tinik at mga dawag” na inihalang sa daan ng Diyos na Jehova, upang magsilbing panghadlang o balakid. Ngayon ang organisasyon ng United Nations o Nagkakaisang mga Bansa ang humalili sa Ligang iyon. Sa pamamagitan ng Nagkakaisang mga Bansa ang sarisaring membrong bansa ay nagsisiwalat ng kanilang determinasyon na tumindig laban sa ipinangangaral na Kaharian ni Kristo at ng kanilang layunin na mapanatili ang kanilang soberania sa daigdig. Sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har–Magedon, kaniyang yayapakan, wika nga, ang lahat ng “mga tinik at mga dawag,” dudurugin sila at sa wakas ay susunugin, sa talinghagang pananalita, upang maging abo na lamang. Sa ganoo’y ipakikita niya kung sino talaga ang Pansansinukob na Soberano. Kung gayon, nakikita mo na kahit na hindi ka pa nabubuhay noon kasama ng pinahirang mga Kristiyano noong panahon humigit-kumulang ng Digmaang Pandaigdig I, ikaw ay maaaring maapektuhan—sa mabuti man o sa masama—sa pangkatapusang mga resulta ng mga pangyayaring nakakahalintulad ng binabanggit sa Isaias 27:1.—Apocalipsis 16:14-16; 17:1–18:4.
‘Manghawak sa Moog ni Jehova’
8. Sa ano umaasa ngayon ang maraming bansa?
8 Ang mga membro ng United Nations ay umaasa sa kanilang sariling lakas at nagtitiwala sa kanilang gawang-taong moog. Gayunman, ang kanilang pagtitiwala rito ay hindi gaanong matibay upang hadlangan sila sa pag-imbento ng pinakakakila-kilabot na mga armas, ang sukdulang mapangwasak na mga armas sa digmaan, ang bombang nuklear. Malamang, ang takot na sila’y gantihan sa pamamagitan ng paggamit ng bomba nuklear ang siyang pumipigil sa kanila, hindi ang United Nations.
9, 10. Bakit matalino para sa atin na umasa sa ibang “moog”?
9 Gaya ng binanggit na, ang talagang panganib sa patuloy na pag-iral ng mga bansa ay “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Ano nga ba ang magagawa ng mga bansa laban sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang Isa na naglagay ng kasindak-sindak na kapangyarihan sa loob ng nukleo ng bawat atomo ng materya? Marahil ay makukumbinse ka na ang Maylikha ay makapupong lalong makapangyarihan kaysa mga bansa kasama na ang lahat ng kanilang mga armas. Yaong mga nakakaunawa sa bagay na ito—at gayon nga ang mga Saksi ni Jehova—ay mayroon lamang isang landas na sinusunod. Iyan ay inihahayag sa iba pang mga sinabi ni Jehova:
“Bagkus ay manghawak siya sa aking moog, siya’y makipagpayapaan sa akin; makipagpayapaan siya sa akin.” (Isaias 27:5)
Hindi anumang ahensiya ng tao ang moog na maaaring pagkanlungan para sa katiwasayan o paghadlang sa digmaan sa lupa, at tunay na hindi yaong moog na iyon ang dapat takasan ng mga pami-pamilya sa lupa upang sila’y maligtas.
10 Marahil ay alam ninyo na maraming tao sa ngayon ang napapasangkot sa mga debate at mga kilusan na may kinalaman sa mga armas nuklear at sa disarmamento o pag-aalis ng mga sandata. Nakalulungkot sabihin, na sila’y nailalayo niyan sa pagkaalam ng katotohanan na ang di-maiiwasang digmaan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa Armagedon ang siyang panganib na nagbabantang magwasak sa lahat ng mga bansa. Kung nakikilala ninyo ang katotohanang iyan, ang matalinong hakbangin para sa inyo ay bumaling kay Jehova. Ang kaniyang “moog” ang siyang dapat panghawakan ng lahat ng mga naghahanap ng kaligtasan, samakatuwid nga, ang kaniyang taglay na walang hanggang lakas. Ang buong organisasyon ni Satanas na Diyablo ay walang magagawa na anuman upang bihagin ang indibiduwal na Kristiyano na humahawak sa “moog” na iyan.
11. Paano nating maikakapit ang mga salita ni Jesus sa Lucas 14:31-33 samantalang tayo’y humahawak sa “moog” ng Diyos?
11 Si Jehova at ang kaniyang mga hukbo sa ilalim ng Kapitang si Jesu-Kristo, sa talinghagang pananalita, ay patungo na sa labanan. Samantalang sila’y kaunting distansiya na lamang ang layo, ang taong may sentido komon, kung hindi man may tunay na karunungan, ay magsusugo, wika nga, ng isang patiunang misyon na makikipagpayapaan at magmamakaawang hihingi ng kapayapaan sa harap ng kinasusuongang panganib. Ang di-nagagaping Kapitan ng mga hukbo ni Jehova ay nagpayo ng gayon nang siya’y naririto sa lupa noon. (Lucas 14:31-33) At kung inyong susuriing maingat ang sinabi roon ni Jesus, makikita ninyo na ang ating saloobin ay iniugnay niya sa ating “mga ari-arian.” Tayo man ay namumuhay sa isang maunlad at masaganang lupain o doon tayo nakatira sa isang bansa ng Third World kung saan talagang kinakailangan kumayod ka nang husto upang maging matatag ang iyong kabuhayan, dapat na suriin natin ang ating punto de-vista. Tanungin ang sarili: Talaga kayang tumitiwala ako sa lakas ni Jehova bilang aking moog o ang mga “ari-arian” ang pinangingibabaw ko sa aking buhay? Sa bagay na ito, pakisuyong basahin ang Lucas 12:15-21.
12. Ano ang katibayan na marami sa ngayon ang humahawak sa lakas ni Jehova?
12 Sa buong lupa, marami nang libu-libong mga Saksi ni Jehova ang walang pasubaling bumaling kay Jehova, at nakipagpayapaan sa kaniya. Marami ang nagsasaayos ng kanilang pamumuhay upang makagugol ng maraming oras buwan-buwan sa paggawa ng mga alagad. Bawat isa na talagang nagsusumikap nang husto sa paglilingkod kay Jehova ay nasa katayuan na makalasap ng ipinangakong “kapayapaan ng Diyos” na nakahihigit sa lahat ng kaisipan at kaunawaan ng tao. (Filipos 4:7) Samantalang may panahon pa, sila’y patuloy na tumutulong sa iba na pumasok sa ganitong pakikipagpayapaan kay Jehova ng mga hukbo. Anong dako mayroon sa inyong buhay ang ganiyang gawaing pagliligtas-buhay?
Pinupunô ang “Mabungang Lupain” ng “Bunga”
13. Ano ang ipinakikita ng Isaias 27:6 na maaasahan natin sa panahon natin?
13 Ano ba ang papel na gagampanan ng espirituwal na Israel pagkatapos na ito’y maisauli sa lingap ng Diyos pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I? Ito’y ipinakikita sa atin sa nakagagalak na mga salita ng Isaias 27:6:
“Sa mga darating na araw ang Jacob ay mag-uugat, ang Israel ay mamumulaklak at aktuwal na sisibol; at kanilang pupunuin ng bunga ang ibabaw ng mabungang lupain.”
Suriin ang katuparan ng mga salitang iyan ngayon. Ang pagsusuri niyan ay magbibigay sa iyo ng karagdagang dahilan na maging isa sa mga lingkod ng Diyos o, kung isa ka nang lingkod, maging lalong higit na disididong manatiling kabilang sa mga tunay na sumasamba sa kaniya anumang mga pagsubok o problema ang bumangon.
14. Papaanong ang Isaias 27:6 ay nagkaroon ng katuparan sa bayan ng Diyos?
14 Isang kalagayan na gaya ng inihula sa Isaias 27:6 ang patuloy na nagkakaroon ng katuparan sa higit ng mga mananamba kay Jehova sapol noong taóng 1919, nang ang unang pangkalahatang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay ganapin sa Cedar Point, Ohio. Halimbawa, hindi nalaunan pagkaraan nito na ang Watch Tower Society ay nagsimulang lumimbag ng kaniyang bagong magasin, The Golden Age, na ngayo’y tinatawag na Awake! (Gumising!) Ito’y para bagang ang espirituwal na Juda ay nagkakaugat noon.
15. Anong kapana-panabik na pag-asa ang iniharap sa mga tunay na mananamba pasimula noong 1918?
15 Kaya sa mga unang taon ng paglaya at muling pagsasauli nila sa lingap ni Jehova, ang mga tunay na Kristiyano ay nagsimulang namulaklak bilang “ang pananim ni Jehova.” (Isaias 61:3) Noong 1918, ang huling taon ng Digmaang Pandaigdig I, ang kagila-gilalas na pahayag na “Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay ang Maaaring Hindi Na Mamatay Kailanman” ay ipinahayag sa publiko ni J. F. Rutherford. Ngayon na isang munting nalabi lamang ng inianak sa espiritu na mga alagad ng nagpupunong Hari, si Jesu-Kristo, ang natitira sa lupa upang magsagawa ng ordinado-ng-Diyos na gawain na kailangang gampanan nila noon, iyan ba ay labis-labis na pagtaya ng mga bagay?
16. (a) Ano ang naging epekto sa nalabi ng iniharap na pag-asa sa kanila? (b) Anong “bunga” ang kanilang ikinagalak, at ano ang mga resulta?
16 Paanong gagamitin ni Jehova ang gayong mga Kristiyano upang punuin ang ibabaw ng “mabungang lupain ng bunga”? Ang nalabi ng espirituwal na Israel ang gumawa ng pagkukusa, subalit kumusta naman ang “bunga” na kailangang punuin nito ang mabungang lupain? Para sa nalabi ang “bunga,” na kasali na rito ang mabuting balita ng natatag na Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Kristo, ay totoong masarap at nakapagpapalusog kung kaya’t ibig nilang bahaginan nito ang kanilang mga kapuwa-tao. Inihula ni Jehova na ang munti ay magiging isang libo at ang maliit ay magiging isang malakas na bansa, at ito’y napatunayan na hindi isang maling kalkulasyon ng Diyos. (Isaias 60:22) Hindi nagtagal at sa nalabi ng espirituwal na Israel ay sumama ang “isang malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo.—Apocalipsis 7:9-17; Juan 10:16.
17, 18. Ano ang masasabi mo tungkol sa ‘pagpunô sa ibabaw ng mabungang lupain ng bunga’?
17 Marahil ay may kaalaman ka tungkol sa kalagayan ng tunay na Kristiyanismo sa ngayon. Ang Watch Tower Society ngayon ay mayroong 94 na mga sangay sa buong globo. Ang organisadong aktibong mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ngayon ay umaabot na sa humigit-kumulang 48,000, at ito’y masusumpungan sa 203 mga bansa. Ang tunay na Diyos ang dapat purihin sa lahat ng ito, at ang mahalagang mga pangyayaring ito ay nagbabangong-puri ng kaniyang walang pagkabisalang Salita, samantalang “ang wakas,” na inihula sa Mateo 24:14, ay hindi pa dumarating.
18 Oo, mayroong halos tatlong milyong mga Kristiyano na na gumagawang kasama ng Watch Tower Society sa buong globo. Ang milyun-milyong ito sa malaking bahagi ay yaong “mga ibang tupa” ni Kristo, na siyang gumaganap ng malaking bahagi ng pambuong daigdig na gawaing pagpapatotoo, at ‘ang kagalakan ni Jehova ang naging kanilang lakas, o moog.’ (Nehemias 8:10) Sa gayon, bawat isa sa atin ngayon ay may pagkakataon na mabusog sa espirituwal na pagkain at makibahagi sa ‘pagpunô sa ibabaw ng mabungang lupain ng bunga.’
19. Ano ang maaari mong tamasahin kung tungkol sa “mabungang lupain,” at ano ang nadarama mo tungkol dito?
19 Matitiyak natin na hindi kailanman pahihintulutan ni Jehova na mapahamak ang kasalukuyang “bunga” ng “mabungang lupain,” ang larangan ng gawain ng kaniyang mga Saksi. Hindi mawawalang-kabuluhan ang gawa ng kaniyang nangangaral na mga Saksi! Ang espirituwal na prutas, o “bunga,” na ang nagpabunga’y ang mga tunay na Kristiyano ay ipakakain sa lahat ng mga may ibig nito. Makakasali rito, sa takdang panahon, ang bilyun-bilyong mga nangamatay na tao na bubuhaying mag-uli sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Jesu-Kristo. Gunigunihin lamang ang mga pagpapalang idudulot niyan sa inyo sa hinaharap! Sa takdang panahon, maraming likas na mga Israelita noong nakaraan ang bubuhaying mag-uli. Ang iba sa kanila ay marahil nakaranas ng unang katuparan ng hula sa Isaias kabanata 27. Hindi baga kabigha-bighani para sa inyo na mabuhay sa panahong iyon, na anupa’t maipaliliwanag ninyo kung paano kayo nakibahagi sa lalong malaki at kasalukuyang-panahong gawain na ‘pinupuno ng bunga ang mabungang lupain’?—Ihambing ang Apocalipsis 22:2, 3.
Wawakasan si “Leviatan”
20. Ano ang naghihintay sa hinaharap kay “Leviatan,” at taglay ang anong resulta tungkol sa pagkasoberano ng Diyos?
20 Sa panahong iyon ang makasagisag na Ehipto, ang kasalukuyang balakyot na sistema na si Satanas na Diyablo ang diyos, ay wala na. Sa panahong iyon ay ibinaling na ni Jehova ang kaniyang pansin sa simbolikong Leviatan, ang madulas at likong ahas na nasa gitna ng karagatan ng sangkatauhan. Siya at ang mga bansa, at kahit na ang mga pagkakaisa ng mga bansa, ay hindi na iiral. Siya’y nailigpit na at wala na ang libring-libreng, masigasig na tagapagpasamâ ng sangkatauhan na alang-alang sa kanila’y namatay si Jesu-Kristo. (Isaias 27:1) Oo, si Satanas na Diyablo ay ibubulid sa kalaliman sa buong Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo, ang Anak ni David at ang matuwid na Tagapagmana ng Kaharian. Ang 144,000 espirituwal na mga Israelita ay makakasama niya sa langit bilang mga kasamang tagapagmana, ang makasagisag na Leon ng tribo ni Juda. (Roma 8:16, 17; Apocalipsis 5:5, 9, 10; 7:1-4) Ang Diyos na Jehova na Kataas-taasan ay maipagbabangong-puri na magpakailanman sa panahong iyon bilang ang Soberanong Panginoon ng sansinukob. Ang pansansinukob na organisasyon ni Jehova sa langit at sa lupa ay maligayang makakaranas ng walang hanggang kapayapaan at pagkakaisa. Sa walang hanggang panahon, samakatuwid nga’y magpakailan-kailanman, magagalak si Jehova sa kaniyang nagkakaisang pansansinukob na organisasyon.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit ang mga tunay na Kristiyano ay nakaranas ng “galit” ni Jehova nang may bandang unahan ng siglong ito, at ano ang maaari nating matutuhan buhat sa karanasang ito?
◻ Di-gaya ng mga bansa, paano tayo ‘makapanghahawakan kay Jehova bilang ating moog’? (Isaias 27:5)
◻ Paanong ang “mabungang lupain” ay napunô ng “bunga” sa panahon natin? (Isaias 27:6)
◻ Anong panghinaharap na katuparan ng Isaias 27:1 ang ating may pagtitiwalang maaasahan?