Huwag Sumangkot sa mga Kasalanan ng Iba
“Hindi ako naupong kasama ng mga taong sinungaling; at sa mga mapagpakunwari ay hindi ako sumasama.”—AWIT 26:4.
1. Bakit binago ni Judas ang kaniyang layunin sa pagsulat sa mga kapuwa Kristiyano?
LABINSIYAM na siglo na ngayon ang nakalipas, ang balak ng alagad na si Judas ay sumulat sa kaniyang mga kapananampalataya tungkol sa ‘kaligtasang para sa kanilang lahat.’ Subalit napatunayan niya na kailangang payuhan sila na “ipaglabang mabuti ang pananampalataya na minsan at magpakailanman ibinigay sa mga banal.” Bakit? Sapagkat may “mga masasamang tao” na nagsipasok nang lihim sa kongregasyon at “ang di-sana nararapat na awa ng ating Diyos ay ginagawang dahilan ng paggawa ng kalibugan.”—Judas 3, 4.
2. Bagama’t nakaliligaya na pag-usapan ang kaligtasan, kung minsan ay ano ang kailangang isaalang-alang natin kalakip ng panalangin?
2 Anong ligaya na pag-usapan ang kaligtasan na para sa ating lahat! Ang pagbubulaybulay ng mensaheng iyan ay nagdudulot ng malaking kasiyahan, at tayo’y nagagalak pagka inaasam-asam natin ang lahat ng mga pagpapala na idudulot ng kaligtasang iyan. Gayumpaman, may mga panahon na, imbis na makipag-usap tungkol sa kaligtasan, tayo ay napapaharap sa pangangailangan na isaalang-alang ang ibang seryosong mga bagay-bagay. Kung hindi itutuwid, ang mga ito ay maaaring sumira ng ating pananampalataya at sa gayo’y hindi tayo magwagi sa karera ukol sa buhay. Kung paano noon na ang babala ni Judas laban sa maling asal ay matindi at mariin, gayundin na ang mga Kristiyano sa ngayon kung minsan ay may-lakip-panalanging dapat magsaalang-alang ng payo ng Kasulatan na tuwiran, diretso sa punto.
Ang Ating Sariling mga Kasalanan
3. Bakit kailangan natin ang disiplina, at paano dapat tanggapin ito?
3 Sinabi ng salmistang si David: “Ako’y inanyuan sa kasamaan, at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” (Awit 51:5) Lahat tayo ay ipinanganak na mga makasalanan. (Roma 5:12) Si apostol Juan ay sumulat: “Kung sinasabi natin: ‘Tayo’y walang kasalanan,’ ating dinadaya ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin.” (1 Juan 1:8) Bilang mga makasalanan, may mga panahon na kailangan natin ng disiplina upang maituwid ang ating lakad. Ang gayong disiplina ay nanggagaling kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, at ng kaniyang organisasyon. Kaniyang itinutuwid tayo ng kaniyang disiplina at tinutulungan tayo na lumakad nang matuwid sa harap niya. Gaya ng binanggit ni apostol Pablo: “Totoo, walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakaliligaya, kundi nakalulungkot; subalit pagkatapos, sa mga nasanay ay namumunga ng bungang mapayapa, samakatuwid nga, ang katuwiran.” (Hebreo 12:11) Dahilan sa mapayapang bunga ng gayong disiplina, tiyak na dapat nating tanggapin iyon nang may pasasalamat.
4. Kailan maaaring gumawa ng pagdisiplina, at ano ang maaaring maging epekto nito?
4 Ang disiplina buhat kay Jehova ay maaaring dumating pagka tayo’y nagsisimula pa lamang sa isang hakbangin na maaaring humantong sa lalong malaking kamalian. (Galacia 6:1) Kung minsan naman, ang disiplina ay maaaring dumating pagkatapos na tayo ay naroroon na sa maling hakbang. Ang gayong disiplina ay baka kailangan na mahigpit, gaya ng matinding payo ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto na sila’y gumawa ng aksiyon laban sa isang mapakiapid na nasa kongregasyon. (1 Corinto 5:1-5) Sa alinman sa kasong iyan, ang pagdisiplina ay isinasagawa upang ang nagkasala ay magsisi, magbalik-loob, at lumihis sa maling hakbang na umaakay sa makasalanang mga pita na hahantong sa malubhang pagkakasala. (Ihambing ang Gawa 3:19.) Ang mga lingkod ni Jehova ay napasasalamat dahil sa ganiyang disiplina, tulad ng kung paanong ang sinaway na indibiduwal sa sinaunang Corinto ay nakinabang at napasauli sa malinis na kalagayan sa maibiging pakikisalamuha sa kongregasyon.—2 Corinto 2:5-8.
5. Ang mga Kristiyano na napapasangkot sa malubhang pagkakasala ay karaniwan nang ano ang ginagawa?
5 Ang lubhang karamihan ng mga nag-alay kay Jehova ay labis na nakababatid sa pangangailangan na lumakad sa matuwid na landas sa harap ng Diyos. Kung sakaling sila’y mapasangkot sa malubhang pagkakasala, sila’y agad lumilihis sa masamang landas, humaharap sa hinirang na matatanda, at pinatutunayan nila na sila’y tunay na nagsisisi. (Santiago 5:13-16) Ang bagay na kakaunti lamang sa mga Saksi ni Jehova ang itinitiwalag taun-taon ay ebidensiya na kanilang kinapopootan ang masama at sila’y nagnanais na gawin ang mabuti.—Awit 34:14; 45:7.
Ang mga Kasalanan ng Iba
6, 7. Paanong ang mga ibang gumagawa ng masama ay nagsisikap na makaimpluwensiya sa iba?
6 Gayumpaman ang iba na sa malas ay may pag-ibig sa matuwid ay waring nagpahintulot sa kanilang mga puso na dayain sila, sapagkat sa malas ay hindi sila napopoot sa masama. (Awit 97:10; Amos 5:15) Kaya naman, sila’y napapasangkot sa paggawa ng pagkakasala at hindi sila nananatiling nakikipagbaka upang gawin kung ano ang tama. Kung minsan sila’y maaaring humigit pa, kanilang sinisikap na isangkot ang iba sa kanilang kasalanan. Anong pagkahala-halaga nga na tanggihan natin ang gayong mga mungkahi!—Ihambing ang Kawikaan 1:10-15.
7 Kung minsan yaong mga sa malas ay hindi napopoot sa masama ay napakatamis ang dila na magsalita na anupa’t yaong mga nakikinig sa kanila ay tinutubuan ng pagnanasa na gawin yaong masama. Baka sila’y inaakit na gumawa ng imoralidad o ng isang bagay na kinasasangkutan ng paggawi na hindi sinasang-ayunan ng Diyos. O kaya naman ang isang tao ay maaaring hinihimok na sumali sa isang gawain na nagsasapanganib ng kaniyang espirituwalidad. Yaong mga ibig manghikayat sa iba sa ganiyang mga bagay ay maaaring nangangatuwiran na si Jehova ay isang maibiging Diyos na mahahabag sa atin pagka tayo’y nagkasala. Ang ganiyang magdarayang puso ay maaaring makalikha ng walang hanggang pinsala. (Jeremias 17:9; Judas 4) Oo, dapat nating ‘pigilin ang ating paa sa kanilang landas’!—Kawikaan 1:15.
Pakikisangkot sa mga Kasalanan ng Iba
8. Anong mga tanong ang nangangailangan ng pagsasaalang-alang?
8 Subalit halimbawa ay natanto natin na ang iminumungkahing kilos ay mali? Ang atin bang pagtanggi roon ay naglilibre sa atin sa higit pang pananagutan sa bagay na iyon? Kung alam natin na iyong mga nagmumungkahi ng gawang masama ay gumagawa na niyaon, ano ang dapat nating gawin?
9. Bakit kaya hindi inirereport ng mga iba ang nagawang masama ng iba, subalit bakit ito isang seryosong bagay?
9 Ang iba na may kaalaman sa ginagawang masama ng iba ay baka nag-aatubili na magsabi ng anuman tungkol doon sa mga may pangunahing pananagutan na panatilihing malinis ang kongregasyon. Bakit? Marahil hindi nila gusto na sila’y makilala na mga tagapagsumbong. O kaya naman, dahilan sa maling akala na sila’y kailangang manatiling tapat sa nagkasala, marahil ay magsasawalang-kibo na lamang sila o kaya isusumbong nila iyon doon lamang sa nangangako na ililihim iyon. Ito ay isang bagay na totoong seryoso. Bakit? Sapagkat maaaring ang aktuwal na kalabasan nito ay pagsangkot sa mga kasalanan ng iba.
10, 11. (a) Ano ang sinabi ni apostol Juan tungkol sa pakikisangkot sa mga kasalanan ng iba? (b) Kung napag-alaman natin ang ginawang masama ng isang membro ng kongregasyon, ano ang maaari nating itanong sa ating sarili?
10 Ipinakita ni apostol Juan na posible na mapasangkot ang isa sa kasalanan ng iba. Siya’y sumulat: “Ang sinumang nagpapauna at hindi nananatili sa aral ng Kristo ay hindi kinaroroonan ng Diyos. . . . Kung sa inyo’y dumating ang sinuman at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin siya sa inyong mga tahanan o batiin man. Sapagkat ang bumati sa kaniya ay nakakaramay sa kaniyang mga gawang balakyot.” (2 Juan 9-11) Ang sinumang apostata buhat sa “aral ng Kristo” ay hindi isang nararapat na kasama, at sa pamamagitan ng hindi pagbati man lamang sa kaniya, ang tapat na Kristiyano ay makaiiwas na maparamay sa kaniyang kabalakyutan.
11 Yamang ganiyan nga kung tungkol sa isang apostata, tiyak na hindi nating ibig na makasangkot sa kabalakyutan ng iba na napupuna natin ang mga gawang imoral. Kung gayon, ano kung alam natin na ang isang membro ng kongregasyon ang naging magnanakaw o isang lasinggero? Kung hindi natin pinayuhan ang taong iyon na humingi ng kapatawaran kay Jehova at ipagtapat sa hinirang na matatanda ang kaniyang kasalanan, tayo ba ay lubusang walang sala? Hindi, sapagkat tayo’y may mabigat na pananagutan.
Kailangan ang Kalinisan at Proteksiyon
12. Bakit dapat magmalasakit ukol sa espirituwal na kalinisan ng kongregasyon?
12 Bawat isa sa atin ay dapat magmalasakit sa espirituwal na kalinisan ng kongregasyon. Ito’y ipinakadiin nang ang mga bihag na Judio ay magsisialis na lamang sa Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E.! Ang bigay-Diyos na utos ay: “Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, kayo’y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruruming bagay; kayo’y magsilabas sa gitna [ng Babilonya], kayo’y magpakalinis, kayong nagdadala ng mga sisidlan ni Jehova.”—Isaias 52:11.
13. Paano ipinakita ni Judas na tayo’y kailangang mabahala tungkol sa pagsasanggalang sa mga lingkod ni Jehova buhat sa mga gumagawa ng masama?
13 Kailangan ding mabahala tayo tungkol sa pagsasanggalang sa mga lingkod ni Jehova buhat sa mga nagsisikap na hikayatin sila sa gawang masama. Ang “masasamang tao” noong kaarawan ni Judas ay nagsikap na ‘ang di-sana nararapat na awa ng Diyos ay gawing dahilan sa paggawa ng kalibugan,’ subalit ang tapat na alagad na iyan ay kumilos upang magbigay-babala sa mga kapananampalataya at sa gayo’y ipagsanggalang sila. Kaniyang ipinaalaala sa kanila ang mga babalang halimbawa na ipinakita ng di-tapat na mga Israelita, ng masuwaying mga anghel, at mga iba pa. Basahin ang kaniyang kinasihang liham, at makikita mo na ang tapat na mga Kristiyano ay hindi makapagwawalang-bahala na lamang pagka ang kalinisan ng kongregasyon ay nasa panganib o ang mga lingkod ng Diyos ay nangangailangan ng proteksiyon buhat sa imoral na mga tao na may masasamang hangarin.
14. Kung ang nagkasala ay hindi nagtapat sa matatanda ng kaniyang kasalanan, paano tutulong sa atin ang Awit 26:4 na magpasiya kung ano ang dapat gawin?
14 Datapuwat, halimbawa ay hinihimok natin ang isang nagkasala na humingi ng kapatawaran sa Diyos at ipagtapat sa matatanda ang kaniyang kasalanan, subalit patuloy ding ipinagpapaliban niya ito o hindi niya nakikita ang pangangailangan na gumawa ng ganitong mga hakbang. Maaari bang basta kalimutan na lamang natin ang bagay na iyon? Baka ang ikinakatuwiran ng iba ay na hindi nila ibig na mapasangkot. Baka ayaw nilang ang kanilang pakikipagkaibigan sa taong nagkasala ay mapalagay sa panganib. At baka hindi nila gusto na pag-isipan sila na sila’y mga tao na hindi mapagkakatiwalaan dahil sa pagsisiwalat ng isang lihim sa matatanda. Subalit ito’y maling pangangatuwiran. Ang salmistang si David ay nagsabi: “Hindi ako nakikisama sa mga taong sinungaling; at sa mga mapagpakunwari ay hindi ako sumasama.” (Awit 26:4) Tiyak, kung gayon, hindi natin ibig na maging mga kasabwat ng mga taong “mapagpakunwari.”
15. Paano ipinakikita ng Levitico 5:1 ang ating pananagutan pagkatapos na ang isang nagkasalang indibiduwal ay bigyan ng isang makatuwirang haba ng panahon upang lumapit sa matatanda para ipagtapat ang kaniyang pagkakasala?
15 Samakatuwid, pagkatapos na ang nagkasalang indibiduwal ay nabigyan na natin ng isang makatuwirang haba ng panahon upang lumapit sa matatanda tungkol sa kaniyang pagkakasala, pananagutan natin sa harap ni Jehova na huwag makisangkot sa kaniyang kasalanan. Kailangang ipabatid natin sa may pananagutang mga tagapangasiwa na ang taong iyon ay nagsiwalat ng malubhang pagkakasala na karapat-dapat imbistigahan. Ito ay kasuwato ng Levitico 5:1, na nagsasabi: “Ngayon kung ang isang kaluluwa ay magkasala at kaniyang marinig ang pangmadlang tinig ng paghatol at siya’y nakasaksi niyaon nakita man niya o nalaman iyon, kung hindi niya irereport iyon, kung gayo’y kailangang panagutan niya ang kaniyang pagkakamali.” Mangyari pa, iwasan natin ang pagkilos nang padalus-dalos kung basta inaakala nating nagkasala ang isang tao.
16. Ano ang makapupong lalong mahalaga kaysa katapatan sa isang kaibigan na tumatangging isiwalat ang kaniyang malubhang pagkakasala sa hinirang na matatanda?
16 Sa kasalukuyang daigdig, isang karaniwang kaugalian ang pagtakpan ang pagkakasala ng iba. Marami ang katulad ng isang pader na bato pagdating na sa pagkakataon na dapat isiwalat ang nagawang masama ng mga iba doon sa mga dapat makaalam ng gayong mga gawa. Kailangan ang tibay ng pagkatao ng isang Kristiyano upang masabi sa hinirang na matatanda ang malubhang pagkakasala ng isang kapananampalataya. Subalit kung ibig natin na kamtin ang paglingap ni Jehova, huwag nating hayaan na ang ating personal na pakikipagkaibigan ang bumulag sa atin sa gawang masama ng sinumang indibiduwal. Ang ating kaugnayan sa Diyos ay higit na makapupong mahalaga kaysa katapatan sa isang kaibigan na nagkasala nang malubha at ayaw na isiwalat ang bagay na iyon sa hinirang na matatanda.
Isang Problema na Dapat Isaalang-alang ng Lahat
17. Anong halimbawa ang nagpapakita na may mga kabataang kasa-kasama natin na kailangang mag-ingat laban sa mga pakikisangkot sa mga kasalanan ng iba?
17 Ang problema na pakikisangkot sa mga kasalanan ng iba ang kung minsa’y umiiral sa gitna ng mga kabataan na kasa-kasama natin. Baka sila’y nagsasawalang-kibo at ayaw nilang sabihin sa mga dapat makaalam pagka ang mga iba’y gumagawa ng mga bagay-bagay na makakasama sa kongregasyon at ang maaaring maging resulta ay ang hindi pagpapala roon ni Jehova. Ang pagtatakip sa gawang masama ng iba ay karaniwan sa makasanlibutang mga paaralan. Subalit pagka ang ganitong punto de vista ay lumaganap sa kongregasyon, maraming problema ang maaaring ibunga. May mga report pa nga tungkol sa mga kabataan na nagsasama-sama upang gumawa ng hindi mabuti samantalang nanunumpa sila sa isa’t isa na ililihim nila ang gayong ginawa nila upang huwag mapag-alaman ng mga matatanda at ng mga magulang. Ang pagpapadala sa mga kabarkada at ang hangarin na tanggapin ng grupo ay nagdulot ng malaking kadalamhatian sa mga kabataang ito, sa kanilang mga magulang, at sa mga iba sa kongregasyon pagka natuklasan na ang ginawang masama. Tandaan natin na walang anumang bagay na natatago na hindi mahahayag, at isa sa ating mga pangunahing pananagutan sa harap ni Jehova ay ang tumulong upang mapanatiling malinis ang kaniyang organisasyon.—Lucas 8:17.
18. Ano ang dapat gawin ng mga magulang na Kristiyano kung ang kanilang mga anak ay nagkasala?
18 Lahat ng mga lingkod ni Jehova ay dapat na magpakaingat na huwag sumangkot sa mga kasalanan ng iba. May mga magulang na nagsisikap na ipangatuwiran ang maling ginawa ng kanilang mga anak, at sinisikap na sila’y ipagsanggalang. Subalit ang mga magulang na Kristiyano ay hindi dapat magkaroon ng kaisipan na bawat isa ay laban sa kanilang mga anak pagka ang mga kabataang ito’y gumagawa ng mali. Sa halip, ang maka-Diyos na mga magulang ay tutulong sa kanilang nagkamaling mga supling na tanggapin, ayunan, at pakinabangan ang anumang kinakailangang disiplina na nagmumula sa Salita ng Diyos.
19. (a) Tungkol sa malulubhang pagkakasala, sa ano dapat magpakaingat ang mga mag-asawang Kristiyano? (b) Ano ang kailangang gawin ng matatanda kung ang isa sa kanila o ang isang ministeryal na lingkod ay nakagawa ng isang malubhang kasalanan?
19 Ang mga Kristiyanong mag-asawa ay kailangan ding pakaingat na hindi nila nilalabag ang mga kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtatakip sa malulubhang pagkakasala ng isa’t isa. Tandaan nila ang nangyari kina Ananias at Safira, na nagsabwatan at sinikap nila na pagtakpan ang malubhang pagkakasala ngunit nabigo sila. (Gawa 5:1-11) Ang mga matatanda ay dapat ding maging listo na huwag ipagsanggalang ang isa’t isa o ang ministeryal na mga lingkod kung isa sa kanila ay nakagawa ng malubhang pagkakasala na maaaring ang ibunga’y pagkatiwalag. Sundin nila ang simulain na binanggit ni Pablo, na sumulat: “Huwag kayong padalus-dalos na magpatong ng inyong kamay sa kanino mang lalaki, ni huwag kayong sumangkot sa mga kasalanan ng iba; ingatan ninyong malinis ang inyong sarili.”—1 Timoteo 5:22.
Ang Karunungan ng Pananatiling Walang Kapintasan
20. Imbis na magtakip o sumangkot sa malulubhang kasalanan ng iba, ano ang dapat nating gawin?
20 Ang mga lingkod ni Jehova ay di dapat sumangkot ni tumulad man sa masasamang lakad ng sanlibutang ito. Sa pagsulat kay Gayo, si apostol Juan ay nagsabi: “Minamahal, huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Siyang gumagawa ng mabuti ay sa Diyos. Siyang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Diyos.” (3 Juan 11) Anong laking kabutihan ang ikaw ay akayin ng tiyak na Salita ng Diyos at sa gayo’y gawin ang mabuti! Kung gayon, imbis na magtakip o sumangkot sa malulubhang pagkakasala ng iba, ang dapat na maging pasiya natin ay na tayo’y sumikat bilang mga tagapagbigay-liwanag, walang kapintasan at walang malay sa masama. (Filipos 2:14, 15) Bawat lingkod ng Diyos ay may pananagutan na panatilihing malinis ang kongregasyon, samantalang nananatiling walang kapintasan sa kaniyang pagkatao. (2 Pedro 3:14) Subalit ano naman kung ikaw ay binabagabag tungkol sa kung wasto baga ang ginawa ng sinuman? Ikaw ay libreng makipag-usap sa matatanda at humingi ng payo tungkol sa dapat mong gawin.
21. (a) Paanong ang pag-ibig ni Kristo sa kaniyang kongregasyon ay isang halimbawa sa atin? (b) Tungkol sa pagkakasala ng iba, anong pananagutan ang dapat nating balikatin?
21 Dahil sa pag-ibig natin sa organisasyon ni Jehova dapat na tularan natin ang pag-ibig ni Jesu-Kristo sa kaniyang espirituwal na kasintahan, ang kongregasyon. Kaniyang “inibig ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon, upang gawin niyang banal ito, na nililinis ito sa paligo ng tubig sa pamamagitan ng salita, upang maiharap niya ang kongregasyon sa sarili niya sa kaningningan nito, na walang dungis ni kulubot ni anumang ganitong mga bagay, kundi na maging banal at walang dungis ito.” (Efeso 5:25-27) Gayundin naman, ang ating pag-ibig sa organisasyon ni Jehova ay dapat magpakilos sa atin na gawin ang maaari nating gawin upang mapanatiling malinis ito. Huwag sana tayong gumawa ng anumang bagay na sisira sa karangalan ng Diyos o ng kaniyang organisasyon o palalampasin natin ang gawang masama ng mga iba sa kongregasyon. Bagkus, ating himukin ang mga gumagawa ng masama na ituwid ang kanilang asal at patulong sa matatanda. Kung hindi nila gagawin ito sa loob ng isang makatuwirang haba ng panahon, balikatin natin ang ating pananagutan na isumbong natin iyon sa hinirang na mga tagapangasiwa. Sa ganitong paraan, maiiwasan natin na makasangkot sa mga kasalanan ng iba at magkaroon ng anumang pananagutan sa kanilang maling ginawa.
22. (a) Upang kamtin ang kaligtasan, ano ang kailangan nating gawin? (b) Anong mga tanong ang kailangang isaalang-alang?
22 Ang kaligtasan na para sa ating lahat ay isang kayamanan na walang makakatulad. Upang kamtin ito patuloy na lumakad tayo sa harap ni Jehova sa matuwid na landas. Kung gayon, tulungan natin ang isa’t isa na gawin iyan, at huwag sumangkot sa mga kasalanan ng iba. Buong pag-ibig na naglaan si Jehova ng isang kaayusang pang-organisasyon na tutulong sa atin sa mga pagsisikap na ito, at sa bagay na ito ang hinirang na matatanda ay may mahalagang papel na ginagampanan. Subalit papaano sila tumutulad kay Jehova at sa kaniyang Anak, ang Mabuting Pastol? Anong tulong ang maibibigay ng matatanda upang makalakad tayo sa landas ng buhay? Ang sumusunod na artikulo ang sasagot sa mga tanong na ito.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano mo dapat malasin ang disiplina?
◻ Kung ang isang kapananampalataya ay nagsabi sa iyo na siya’y nakagawa ng isang malubhang pagkakasala, ano ang dapat mong ipayo sa kaniya?
◻ Ano ang dapat mong gawin kung alam mong ang isang nagkasala ay hindi nagtapat ng kaniyang kasalanan sa hinirang na matatanda?
◻ Tayo man ay mga hinirang na matatanda, mga mag-asawa, o mga anak, paano natin maiiwasan na sumangkot sa mga kasalanan ng iba?