Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 8/22 p. 24-28
  • Inaring Matuwid Bilang Kaibigan ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Inaring Matuwid Bilang Kaibigan ng Diyos
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Layunin ng Diyos Para sa Kaniyang Anak na si Adan
  • Inaring Matuwid Bago kay Kristo​—Paano Nga?
  • Kung Paanong si Abraham ay Ibinilang na Matuwid
  • Ang Aklat ng Alaala ni Jehova
  • Ibinilang na Matuwid Bilang mga Kaibigan Ukol sa Kaligtasan
  • Iniuwi sa Kasakdalan
  • “Maluwalhating Kalayaan” Bilang “mga Anak ng Diyos”
  • Inaring Matuwid “Ukol sa Buhay”
    Gumising!—1986
  • Ipahayag na Matuwid
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Magkaroon ng Kaluguran sa Katuwiran ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Magkakaroon ng Pagkabuhay-muli ng mga Matuwid
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 8/22 p. 24-28

Inaring Matuwid Bilang Kaibigan ng Diyos

“‘Si Abraham ay sumampalataya kay Jehova, at sa kaniya’y ibinilang iyon na katuwiran,’ at siya’y tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’”​—SANTIAGO 2:23.

1, 2. Paanong “ang mga bagay sa langit” at ang “mga bagay sa lupa” ay ipinagkakasundo sa Diyos?

“MINAGALING ng Diyos na ang buong kapuspusan ay manahan sa kaniya [kay Kristo], at sa pamamagitan niya ay pagkasunduin muli sa kaniya ang lahat ng iba pang mga bagay sa pamamagitan ng pakikipagpayapaan na nagkakabisa dahil sa dugo na kaniyang itinigis sa pahirapang tulos, maging mga bagay sa lupa o mga bagay sa langit.” (Colosas 1:19, 20) Ang banal na layuning ito ng pagkakasundo ay patungo na sa sukdulan.

2 “Ang mga bagay sa langit” ay hindi mga espiritung nilalang, sapagkat ang mga anghel ay hindi tinubos ng dugo ni Kristo. Kundi, sila’y mga tao na binili ng dugo ng Kordero upang maging “isang kaharian at mga saserdote” kasama ni Kristo sa “mga bagong langit.” Ang mga ito ay lubusang inaring matuwid na sa pamamagitan ng dugo ni Kristo. Bukod dito, sa loob ng mga 50 taon na ngayon, si Jehova ay nakikipagpayapaan sa “mga bagay sa lupa,” yaong mga tao na magiging bahagi ng matuwid na “bagong lupa.” (Apocalipsis 5:9, 10; 2 Pedro 3:13) Ang pagtitipong ito ng “lahat ng bagay na sama-sama,” kapuwa ang mga bagay sa lupa at ang mga bagay sa langit, “ay ayon sa kalooban niya [ni Jehova] na kaniyang nilayon sa kaniyang sarili.”​—Efeso 1:9, 10.

Ang Layunin ng Diyos Para sa Kaniyang Anak na si Adan

3, 4. Ano ang katayuan ni Adan sa harap ng Diyos, subalit sa paano pa siya nangangailangan noon na ariing matuwid?

3 Si Adan ay nilalang na isang sakdal, matuwid, na taong anak ng Diyos. (Lucas 3:38) Siya’y hindi inari, o ibinilang lamang na matuwid. Ang kaniyang pagkamatuwid ay likas. Kung tungkol sa pagiging walang-sala sa harap ni Jehova, si Adan ay hindi kailangang “ariing” matuwid. Habang siya’y nagpapasakop sa matuwid na pamamahala ng Diyos, siya’y may mabuting katayuan sa harap ng kaniyang Maylikha.

4 Subalit, noon ay hindi pa niya napatutunayan na siya’y tapat at hindi pa hinahatulan na karapat-dapat sa buhay na walang hanggan sa lupa. Para kamtin ito, sa loob ng isang yugto ng panahon, siya’y kailangang magpakita na tapat siya kay Jehova at sa katuwiran. Kung noon ay pinatunayan niya ang kaniyang katapatan nang siya’y subukin, disin sana’y tumanggap siya ng karapatan sa buhay na walang hanggan sa lupa. Disin sana’y naipahayag ng Diyos, o hayagang nasabi, na si Adan ay karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Bilang sagisag nito, tiyak na aakayin siya ni Jehova patungo sa “punungkahoy ng buhay” at papayagan na siyang kumain ng bunga niyaon.​—Genesis 2:9, 16, 17; 3:22.

5. (a) Ano ang iniwala ni Adan para sa kaniyang sarili at para sa kaniyang supling? (b) Anong pag-asa sa katubusan buhat sa kasalanan at kamatayan ang ibinigay ni Jehova sa nilalang na sangkatauhan?

5 Subalit si Adan ay hindi nakapasa sa pagsubok kaya kaniyang naiwala ang kasakdalan, pagkamatuwid, at karapatan na maging anak na sana’y kinamit niya at ng kaniyang supling. (Roma 5:12) Kaya naman, ang mga inapo ni Adan ay pawang ipinanganak na hiwalay sa Diyos, likas na di-matuwid. (Efeso 2:3; Roma 3:10) Sa gayon, ang sangkatauhan ay “ipinasakop sa kabiguan” ngunit “batay sa pag-asa,” ang pag-asa sa katubusan buhat sa kasalanan at kamatayan ay ibinigay karakaraka pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden.​—Roma 8:20, 21; Genesis 3:15.

Inaring Matuwid Bago kay Kristo​—Paano Nga?

6, 7. (a) Hanggang saan inaring matuwid ang mga ilang tao noong bago dumanas si Kristo ng sakripisyong kamatayan? (b) Ano ang ilang mga halimbawa ng mga lingkod ni Jehova bago kay Kristo na binigyan ng matuwid na katayuan?

6 Ang pag-asa ng sangkatauhan para sa katubusan buhat sa kasalanan at kamatayan ay depende sa pagparito ng ipinangakong “binhi,” ang bugtong na Anak ng Diyos. (Juan 3:16) Bago naganap ang sakripisyong kamatayan ni Kristo, walang paraan ang mga tao na magkamit ng “pagkawalang-sala at buhay,” o “pag-aaring matuwid sa kanila ukol sa buhay.” (Roma 5:18, Revised Standard Version; New World Translation) Gayunman, kahit na bago bayaran ni Kristo ang pantubos para sa ikatutubos ng tao, mayroong mga lalaki at babae na sumampalataya na sa pangako ng Diyos at nilakipan iyon ng mga gawa. Kaya naman, pinatawad ni Jehova ang kanilang kasalanan at tinanggap sila bilang kaniyang mga lingkod. Kaniyang ibinilang sila na walang kasalanan, kung ihahambing sa lubhang karamihan ng tao na hiwalay sa Diyos. (Awit 32:1, 2; Efeso 2:12) Kaniyang binigyan sila ng isang matuwid na katayuan, inaring matuwid sila ayon sa nararapat noong panahong iyon.

7 Sa gayon, sa pananampalataya si Abel ay “pinatotohanan na siya’y matuwid.” (Hebreo 11:4) Si Noe ay “naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.” (Hebreo 11:7) Sa kabila ng kaniyang mga kahinaan, sinasabi na si Job ay “walang kapintasan at matuwid.” (Job 1:1, 22; 7:21) Si Phinehas ay nagpakita ng sigasig sa tunay na pagsamba, “at iyon ay ibinilang sa kaniya na katuwiran.” (Awit 106:30, 31; Bilang 25:1-13) “Sa pananampalataya” at sa kaniyang mga gawa ng kabaitan sa bayan ng Diyos, ang di Israelitang patutot na si Rahab ay binigyan ng matuwid na katayuan, o inaring matuwid.​—Hebreo 11:31; Santiago 2:25.

Kung Paanong si Abraham ay Ibinilang na Matuwid

8, 9. (a) Kaninong katuwiran ang pangunahing paksa ng liham ni Pablo sa mga taga-Roma? (b) Sa paanong ang pag-aaring matuwid sa “mga banal” ay nakahihigit pa kaysa pag-aaring matuwid kay Abraham?

8 Ang kaso ni Abraham ay karapat-dapat bigyan na natatanging pansin. Siya’y inaring matuwid at ito’y binanggit ng dalawang manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, na kapuwa sumulat sa unang-siglong mga Kristiyano na tinawag upang maging bahagi ng 144,000 membro ng espirituwal na Israel.​—Roma 2:28, 29; 9:6; Santiago 1:1; Apocalipsis 7:4.

9 Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, ipinangangatuwiran ni Pablo na yaong “mga tinawag upang maging banal” (Roma 1:7), kapuwa mga Judio at mga Gentil (Roma 1:16, 17), ay inaaring matuwid “sa pamamagitan ng pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.” (Roma 3:28) Upang suhayan ang kaniyang argumento, kaniyang sinisimulan ang mahabang paliwanag (Roma 4:1-22) at sinisipi ang Genesis 15:6 sa pagsasabing: “Si Abraham ay nagsagawa ng pananampalataya kay Jehova, at iyon ay ibinilang sa kaniya na katuwiran.” Pagkatapos, sa katapusang mga talata ng Roma kabanata 4 tal 25, sinasabi ni Pablo na si Jesus “ay ibinigay dahil sa ating mga pagsuway at binuhay mag-uli upang tayo [samakatuwid nga, “ang mga banal” (Roma 1:7)] ay ariing matuwid.” Sa “tayo” ay hindi maaaring makasali si Abraham, sapagkat siya’y malaon nang namatay bago namatay at binuhay-muli si Kristo. Kaya nga, nang, sa sumunod na mga kabanata, banggitin ni Pablo yaong mga “maghahari” at yaong pag-aaring matuwid sa kanila “ukol sa buhay” upang sila’y maging “mga anak ng Diyos” at “mga kasamang tagapagmana ni Kristo,” maliwanag na ang tinutukoy niya’y iba sa pagbibilang ng Diyos na matuwid kay Abraham.​—Roma 5:17, 18; 8:14, 17, 28-33.

10. Paano ipinaliliwanag ni Santiago ang lawak ng pag-aaring matuwid kay Abraham?

10 Binabanggit din ni Santiago si Abraham bilang isang halimbawa upang patunayan na ang pananampalataya ay kailangang may kalakip na mga gawang maka-Diyos. Pagkatapos banggitin na si Abraham ay inaring matuwid, na sinisipi ang Genesis 15:6, may idinaragdag pa si Santiago na tumutulong sa atin na makita ang lawak ng pag-aaring ganap kay Abraham. Siya’y sumulat: “Ang kasulatan ay natupad na nagsasabi: ‘Si Abraham ay sumampalataya kay Jehova, at ito’y ibinilang sa kaniya na katuwiran,’ at siya’y tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’” (Santiago 2:20-23) Oo, dahilan sa kaniyang pananampalataya si Abraham ay inaring matuwid bilang isang kaibigan ni Jehova, hindi bilang isang anak na may karapatan sa sakdal na buhay tao o sa paghahari kasama ni Kristo. Kapuna-puna, sa kaniyang Synonyms of the Old Testament, si Robert Girdlestone ay sumulat tungkol sa pagkamatuwid ni Abraham: “Ang kaniyang pagkamatuwid ay hindi lubusan, samakatuwid nga gaya ng maglalagay kay Abraham upang kilalanin ng Diyos na isang may karapatan sa pagmamana ng pagiging anak.”

Ang Aklat ng Alaala ni Jehova

11. Kaninong mga pangalan ang nasusulat sa aklat ng alaala ni Jehova, at bakit?

11 Yamang ang tapat na mga lalaki at mga babae bago noong panahon ni Kristo ay inaring matuwid, ito ay tanda ng tunay, o aktuwal, na katuwiran at kasakdalan sa buhay na walang hanggan na maaaring kamtin nila sa bagong lupa ng Diyos. Dahilan sa inaasahan nila na kakamtin nilang buhay, maaaring malasin na ang kanilang mga pangalan ay nakasulat sa isang aklat ng alaala. (Ihambing ang Malakias 3:16; Exodo 32:32, 33.) Narito ang mga pangalan niyaong mga minamalas ni Jehova bilang “mga matuwid” na nagpakita ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng matuwid na mga gawa, at nangakahanay na tumanggap ng buhay na walang hanggan sa lupa.​—Awit 69:28; Habacuc 2:4.

12. Ano ang kailangang gawin ng “mga matuwid” na binubuhay-muli upang manatili ang kanilang mga pangalan sa aklat ng alaala ni Jehova?

12 Gayunman, ang gayong mga pangalan ay hindi pa nasusulat sa “aklat ng buhay” ni Jehova. (Apocalipsis 20:15) Pagka ang gayong tapat na mga lalaki at mga babae noong lumipas ay bumalik uli sa lupa sa ‘pagkabuhay-muli ng mga matuwid,’ tiyak na kanilang tatanggapin na may pananampalataya ang paglalaan ni Jehova ukol sa buhay sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo. (Gawa 24:15) Sa gayo’y magiging bahagi sila ng “mga ibang tupa” ni Jesus, kasama ng “malaking pulutong” na sa panahong iyon ay nakaligtas sa “malaking kapighatian.” (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9, 14) Sa ganoon, ang kanilang mga pangalan ay mananatili sa aklat ng alaala ni Jehova.

Ibinilang na Matuwid Bilang mga Kaibigan Ukol sa Kaligtasan

13. Sino ang ngayo’y dinadala ng Mabuting Pastol, at paano napapasulat ang kanilang mga pangalan sa aklat ng alaala ni Jehova?

13 Dinadala na ngayon ng Mabuting Pastol, na si Jesu-Kristo, ang “mga ibang tupa” na hindi bahagi ng “munting kawan” ng 144,000 “mga banal” na pinagbibigyan ng makalangit na kaharian. (Lucas 12:32; Daniel 7:18) Ang “mga ibang tupa” na ito ay nakikinig sa tinig ng Mabuting Pastol. (Juan 10:16) Sila’y nagsasagawa ng pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang Anak. Kanilang inialay ang kanilang buhay kay Jehova salig sa haing pantubos ni Kristo. Sila’y binabautismuhan “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu” at kinikilala nila na kailangang pagyamanin “ang bunga ng espiritu.” (Mateo 28:19, 20; Galacia 5:22, 23) Ang kanilang mga pangalan ay nasusulat sa aklat ng alaala ni Jehova.

14. Ano ang nagbibigay sa “mga ibang tupa” ng isang malinis na katayuan sa harap ni Jehova, subalit ano ang kailangan nilang hilingin sa Diyos?

14 Ang “mga ibang tupa” na ito na tinipon sa panahong ito ng kawakasan ang bumubuo ng “malaking pulutong” na nakita ni apostol Juan sa pangitain, pagkatapos na makita niya ang 144,000 membro ng espirituwal na Israel. (Apocalipsis 7:4, 9) Kaniyang binanggit na ang “malaking pulutong” ay “naglaba ng kanilang kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” (Apoc 7 Talatang 14) Dahilan sa kanilang pananampalataya sa itinigis na dugo ng Kordero, sila’y inaaring matuwid. Ito’y isinasagisag ng kanilang simbolikong mapuputing kasuotan. Sila’y may malinis na katayuan sa harap ni Jehova, at “iyan ang dahilan kung bakit” kaniyang pinapayagan sila na ‘maglingkod sa kaniya nang may kabanalan araw at gabi sa kaniyang templo.’ (Apoc 7 Talatang 15) Gayunman, sa araw-araw ay kailangang ipahayag nila kay Jehova ang kanilang mga kasalanan at hilinging patawarin sila sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.​—1 Juan 1:9–2:2.

15. (a) Paanong ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing ay nagpapakita na ang “mga ibang tupa” ay may matuwid na katayuan sa Diyos? (b) Sa anong lawak sila inaaring matuwid sa kasalukuyan?

15 Na mga kaibigan ng Diyos ang “mga ibang tupa” at kahit ngayon ibinibilang na matuwid sa harap niya ay maliwanag din sa hula ni Jesus tungkol sa ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto,’ at kasali rito ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing. Dahil sa ang “mga tupa” ay gumagawa ng mabuti sa nalabi ng 144,000 “mga kapatid” ni Kristo na narito pa sa lupa, sila’y pinagpapala ng Ama ni Jesus at tinatawag na “mga matuwid.” Tulad ni Abraham, sila’y ibinibilang, o inaari, na matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos. Ang kanilang matuwid na katayuan ay mangangahulugan din ng pagkaligtas nila pagka ang “mga kambing” ay humayo na sa “walang hanggang pagkaputol.” (Mateo 24:3–25:46) Sila’y “manggagaling sa malaking kapighatian” na magdadala ng wakas ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay.​—Apocalipsis 7:14.

Iniuwi sa Kasakdalan

16. Paano natin nalalaman na ang malaking pulutong ay hindi inaaring matuwid ukol sa buhay bago maganap ang “malaking kapighatian”?

16 Ang “malaking pulutong,” na inililigtas sa “malaking kapighatian,” ay hindi pa inaaring matuwid ukol sa buhay. Makikita natin ito buhat sa bagay na sinasabi pa ng kabanata na bumabanggit sa kanila: “Ang Kordero, na nasa gitna ng trono, ang magiging pastol nila, at sila’y papatnubayan sa mga bukal ng tubig ng buhay.” (Apocalipsis 7:17) Samakatuwid, bagaman dati nang sila’y ibinilang na matuwid ng Diyos kung ihahambing sa karamihan ng sangkatauhan at kaniyang mga kaibigan, kailangan pa nila ng karagdagang tulong, o mga hakbang na dapat gawin, upang sila’y ariing matuwid ukol sa buhay.

17. (a) Ano ang ibig sabihin ng “pagpapagaling sa mga bansa”? (b) Sino ang kailangan na ang mga pangalan ay mapasulat sa “aklat ng buhay”?

17 Sa Milenyo, ang nakaluklok na Kordero, si Kristo Jesus, kasama ang kaniyang 144,000 mga kasamahang hari at saserdote, ay magsasagawa ng espirituwal at pisikal na “pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:1, 2) Ang gayong “mga bansa” ay bubuuin ng mga nakaligtas sa malaking kapighatian, ng mga magiging anak nila pagkatapos ng Har–Magedon, at ng mga bubuhaying-muli sa “pagkabuhay muli ng kapuwa matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Lahat ng sasampalataya sa dugo ni Kristo at gagawa ng angkop na “mga gawa” ay sa wakas mapapasulat ang mga pangalan sa “aklat ng buhay.”​—Apocalipsis 20:11-15.

18. Sa katapusan ng Milenyo, sa anong kalagayan naiuwi ang mga tao sa lupa?

18 Sa katapusan ng Milenyong Paghahari ni Kristo, ang mga tao sa lupa na nagpatunay na kanilang tinanggap ang pantubos ni Kristo at namuhay ayon sa mga pamantayan ni Jehova ay naiuwi na sa kasakdalan. Sila’y makakatulad ni Adan bago siya nagkasala. Gaya niya, sila’y susubukin tungkol sa kanilang pagsunod.

“Maluwalhating Kalayaan” Bilang “mga Anak ng Diyos”

19. (a) Ano ang magaganap agad-agad pagkatapos ng Milenyo? (b) Ano ang mangyayari sa mga taong ang mga pangalan ay hindi masusumpungang nakasulat sa “aklat ng buhay”?

19 Agad-agad pagkatapos ng Milenyo, ibibigay ni Kristo sa kaniyang Ama ang isang sakdal na lahi ng mga tao. (1 Corinto 15:28) “Si Satanas ay kakalagan” para sa panghuling pagsubok sa sangkatauhan. (Apocalipsis 20:7, 8) Ang mga pangalan ng mga hindi makakapasa sa pagsubok ay hindi “masusumpungang nakasulat sa aklat ng buhay.” Sa simbolikong pangungusap sila ay “ihahagis sa dagat-dagatang apoy,” na “nangangahulugang ang ikalawang kamatayan.”​—Apocalipsis 20:15; 21:8.

20. (a) Sino ang aariing matuwid ni Jehova ukol sa buhay, at bakit? (b) Paanong ang maawaing kaayusan ni Jehova ng pag-aaring ganap ay nagsilbi na sa layunin niyaon sa panahong iyon?

20 Yaong mga magpapatunay na tapat kay Jehova ay mapapasulat ang mga pangalan na hindi na mabubura sa “aklat ng buhay,” bilang mga sakdal sa integridad at karapat-dapat sa buhay na walang hanggan sa lupa. Kung magkagayon sila’y aariing matuwid ni Jehova mismo ayon sa ganap na kahulugan. (Roma 8:33) Sila sa panahong iyon ay inaring ganap na sa buhay na walang hanggan. (Apocalipsis 20:5) Sila’y aampunin ng Diyos bilang kaniyang makalupang mga anak, at sila’y papasok sa ipinangakong “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:20, 21) Ang kapayapaan at pagkakaisa ay naibalik na sa sansinukob sa panahong iyon. Ang pakikipagkasundo sa Diyos ay lubos na para sa “mga bagay sa lupa” at “mga bagay sa langit.” (Colosas 1:20) Ang maawaing kaayusan ni Jehova ng pag-aaring-ganap ay nagsilbi na sa layunin niyaon. Sa tanong na, “Ikaw ba ay matuwid sa Diyos?” bawat nilalang sa langit at sa lupa ay makasasagot ng oo at masasabi pa niya: “Sa Isa na nakaupo sa trono at sa Kordero ay ang pagpapala at ang kapurihan at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailan-kailanman.”​—Apocalipsis 5:13.

Tungkol sa katayuan ng “mga ibang tupa” sa harap ng Diyos​—

◻ Bakit si Adan ay hindi inaring matuwid?

◻ Sa anong lawak inaring matuwid si Abraham at ang mga iba pang lalaki at babae bago noong panahon ni Kristo?

◻ Kaninong mga pangalan ang isinulat sa aklat ng alaala ni Jehova?

◻ Sa anong lawak may matuwid na katayuan sa kasalukuyan ang “mga ibang tupa,” at kailan sila iuuwi sa kasakdalan?

[Blurb sa pahina 28]

Sa pananampalataya sa “dugo ng Kordero,” ang “ibang tupa” ay binibigyan ng isang sinang-ayunang katayuan sa harap ni Jehova at sa gayo’y inaaring matuwid sa pakikipagkaibigan sa kaniya at sa pagkaligtas sa “malaking kapighatian.” Tatamuhin nila ang kasakdalan sa pagtatapos ng Milenyo. Pagkatapos ng pangwakas na pagsubok sila ay aariing matuwid ukol sa buhay.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share