Ang mga Mangangabayo ng Apocalipsis—Kung Paano Apektado Ka ng Kanilang Pagsakay
ANG Lunes, Abril 1, 1985, ay isang natatanging araw para sa maraming commuter sa Toronto, Canada. Pinagbantaang pasasabugin ang mga riles ng subway sa lunsod na iyan. Bakit? Upang itawag-pansin ang ayon sa mga magpapasabog ay isang pagtatangka maraming taon na ang nakalipas na lipulin sa Turkey ang mga mamamayan ng Armenia, na paulit-ulit namang pinabubulaanan ng gobyerno ng Turkey.
Walang alinlangan, karamihan ng mga commuter na iyon ay walang gaanong alam o tuluyang walang nalalaman tungkol sa bagay na iyan nang mga taóng lumipas. Gayunman ay dumanas sila ng mga kahirapan at pagkabalisa. Malimit na tayo ay apektado ng mga bagay na wala tayong gaanong kaalaman.
Noong ikalawang dekada ng ika-20 siglo, kapansin-pansing mga pangyayari ang nagpasimulang naganap bilang katuparan ng mahalagang hula ng Bibliya na nasa Apocalipsis (o, Revelation) 6:1-8. Gaya ng isiniwalat sa Kristiyanong apostol na si Juan, may mga mangangabayo na sakay ng kani-kanilang mga kabayo sa mga huling araw. At bagamat angaw-angaw ang walang kaalaman tungkol dito, ang pagsakay ng mga mangangabayong ito ng Apocalipsis ay may epekto sa lahat dito sa lupa. Ikaw man ay apektado rin. Subalit paano? Makikita natin iyan samantalang tinatalakay natin ang tungkol sa bawat isa sa mga mangangabayo.
Ang Kabayong Mapula
Isa sa mga kabayong nakita ni Juan ay “isang kabayong mapula; at yaong nakasakay dito ay pinagkaloobang mag-alis ng kapayapaan sa lupa upang sila’y magpatay-patayan; at isang malaking tabak ang ibinigay sa kaniya.”—Apocalipsis 6:4.
Ang “malaking tabak” ng mangangabayong ito ay sumasagisag sa digmaan. Kaya naman, sapol noong 1914 mga 69 milyong mga tao ang namatay sa dalawang digmaang pandaigdig. Anong daming mga nasawi! Oo, ang napakaraming mga nabiyuda at mga naulila ang nagpapatunay sa mangangabayo na nakasakay sa kabayong mapula, na sumasagisag sa pandaigdig na digmaan, at ito’y tuwirang nakaapekto sa kanilang buhay.
Gayundin, ang patuloy na mga digmaan at mga banta ng digmaan ay nakaharap sa nakababatang saling-lahi. Sa mga lupain na doo’y may labanan, mga tin-edyer ang gumagawa ng karamihang paglaban. Ang epekto ng digmaan sa mga kabataang ito ay nahahayag sa ganitong tanong na iniharap ng tagapangulo ng isang ahensiya sa human rights: “Paano nga sila magsisilaki na matitino at balanseng mga taong maygulang?”
Ang mga kabataan sa iba’t-ibang bansa na tuwirang apektado ng digmaan ay natututong bumilang ng panahon ayon sa mga oras at mga araw sa halip na sa mga buwan at mga taon. Ang tanong nila: “Sa bandang huli, sino pa ba ang magmamalasakit sa bandang huli? Natitiyak ba ninyo na walang balang mahuhulog sa aking kuwarto ngayong gabi pagtulog ko?”
Kumusta naman ang mga batang doon naninirahan sa mga lupaing wala pang digmaan? Kanila kayang nadarama ang mga epekto ng mangangabayo ng digmaan? Oo, ang malagim na banta ng digmaang nuklear ay may malaking epekto sa kanilang pag-iisip. Tungkol sa kawalang pag-asa na mahahalata sa kaniyang mga estudyante, isang gurong babae ang nagsabi ng ganito: “Habang paulit-ulit na naririnig ko ang mga komentong ito ang nangingibabaw sa akin ay ang damdamin ng pagkawalang-paniwala. Ang mga batang ito ay nakadarama ng kawalang pag-asa na iwinawaksi ko sa aking sarili.” Isinusog pa ni Dr. Richard Logan ng Quebec, Canada: “Ang kawalang-kaya at ang kawalang-lakas ang sikolohikong katuturan ng depresyon. Iyan ang nakikita natin sa napakaraming kabataan.”
Subalit kumusta naman kung ikaw ay doon nakatira sa isang bansang hindi pinipighati ng digmaan o kaya’y inaakala mo na hindi ka naman apektado ng problemang iyan? Gayunpaman ay apektado rin ang iyong buhay ng nakasakay sa kabayong mapula. Bawat minuto 1.3 milyong dolyar ang tuwirang ginagastos ng militar—mga $660 libong milyong dolyar isang taon sa buong daigdig. Sino ang nagtutustos ng lahat ng ito? Kayo. Saan ka man nakatira, ikaw ay apektado ng nakasakay sa kabayong mapula.
Ang Kabayong Maitim
Tungkol sa isa pang kabayo sa pangitain ay ganito ang paglalahad ni Juan: “At tumingin ako, at narito! isang kabayong maitim; at yaong nakasakay dito ay may isang timbangan sa kaniyang kamay. At narinig ko ang isang tinig na waring nanggagaling sa gitna ng apat na nilalang na buháy na nagsasabi: ‘Isang takal lamang na trigo ang mabibili ng isang denario, at talong takal lamang ng sebada ang mabibili ng isang denario; at huwag pinsalain ang langis olivo at ang alak.’”—Apocalipsis 6:5, 6.
Ikaw ba’y nagugutom? Angaw-angaw ang nagugutom. Sila’y tuwirang apektado ng nakasakay sa kabayong maitim, sumasagisag sa gutom. Bawat minuto 30 bata ang namamatay dahilan sa kakulangan ng sapat na pagkain o mga gamot—mahigit na 15 milyon isang taon! Daan-daang angaw na iba pang mga tao ang may miserableng pamumuhay. Sang-ayon sa dating pangulo ng World Bank na si Robert MacNamara, sila ay “totoong limitado ng iliterasya, malnutrisyon, sakit, pagkamatay ng maraming sanggol at maikling buhay na anupat ipinagkakait sa kanila ang mismong potensiyal ng mga genes na taglay nila sa pagsilang.”
Noong nakalipas na mga buwan, karaniwan nang makakita ka ng mga larawan ng nagugutom na mga lalaki, babae, at mga bata sa Aprika. Upang mabisang ilarawan ang lawak ng ganiyang pagdurusa, ganito ang babala ng UN Secretary-General Javier Pérez de Cuéllar: “Mas maraming mga tao ang marahil mamamatay sa sub-Saharan Aprika kaysa noong buong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kahit na yaong mga nakaligtas na ay maaaring baldado na sa nalalabing mga araw ng kanilang buhay, sa katawan man o sa isip nila.” Ang mga biktimang ito ay tuwirang apektado ng pagsakay ng kabayong itim.
Kung hindi ka man nagugutom, tiyak naman na ikaw ay apektado ng malulungkot ng larawan ng mga nagugutom. Ayon sa isang New York Times editorial ng Mayo 20, 1985, mahigit na isang bilyong dolyar ang hanggang noon ay naiabuloy upang itulong sa mga nagugutom. Bagaman marahil ikaw ay hindi nakaabuloy nang tuwiran, may mga gobyerno na nakaabuloy nang malaki, at doo’y ginamit nila ang salapi na buwis. Oo, ang nakasakay sa kabayong itim ay may kapuwa tuwiran at di-tuwirang epekto sa buong populasyon.
Ang Kabayong Maputla
Ang pangitain na nakita ni Juan ay nagpapatuloy at ganito ang sinasabi tungkol sa isa pang kabayo at sa nakasakay dito: “At tumingin ako, at narito ang isang kabayong maputla; at yaong nakaskay dito ay may pangalan ng Kamatayan. At kabuntot niya ang Hades. At binigyan sila ng kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa, upang pumatay sa pamamagitan ng mahabang tabak at ng taggutom at ng nakamamatay na salot at ng mababangis na hayop sa lupa.”—Apocalipsis 6:8.
Ang kamatayan ang nakasakay sa kabayong maputla, at ang “nakamamatay na salot” ay isa lamang sa sari-saring paraan na ginagamit sa pagpatay sa panahon na nakasakay ang mangangabayong ito. Sa kabila ng modernong mga pagsulong sa siyensiya ng medisina, ang daigdig ay nakaharap pa rin sa sakit sa lahat ng dako. Samantalang ngayon ay hindi na tayo nakakaranas ng salot na gaya ng tinatawag na trangkaso Espanyol na kasunod ng Digmaang Pandaigdig I, gayunman ay pagkarami-rami ang namamatay sa kanser, sakit sa puso at marami pang ibang mga karamdaman. Halimbawa, tinataya ng World Health Organization na 5.9 milyong mga bagong kaso ng kanser ang laganap sa buong daigdig sa taun-taon. Ang river blindness (isang uri ng pagkabulag), malaria, snail fever, kolera, at marami pang iba ang karagdagan sa kasalukuyang mga sumasalot na sakit.
Datapuwat, marahil ay mangangatuwiran ka, ‘Wala naman ako ng isa man sa mga sakit na ito.’ Totoo iyan, subalit apektado ka ng mangangabayo ng kabayong maputla. Pagkalaki-laki ang mga nagagastos sa pagpapaospital at sa pagpapagamot. Kaya naman maraming mga tao ang nagpapasiguro ng kanilang kalusugan. Maraming mga bansa ang naglalaan ng social medicine na binabayaran sa pamamagitan ng mga buwis. At isipin ang pagkalaki-laking gastos kung tungkol sa nawawalang mga oras sa pagtatrabaho, na sa bandang huli ay ikaw rin ang pumapasan sa pamamagitan ng pagdaragdag niyaon sa presyo ng mga bilihin. Oo, ang nakasakay sa kabayong maputla ay may epekto sa iyo.
Ang Dala Naman ng Kabayong Maputi
Pagkatapos na isaalang-alang ang nakapipinsalang mga epekto ng pagsakay ng mga ibang mangangabayo, nakagagalak na pansinin ang sinabi ni Juan tungkol sa kabayong maputi at sa nakasakay dito, na ito’y nangunguna sa mga iba. Sinabi ng apostol: “At tumingin ako, at narito! ang isang kabayong maputi; at yaong nakaskay dito ay may isang busog; at binigyan siya ng isang korona, at siya’y yumaong nananakop at upang lubusin ang kaniyang pananakop.”—Apocalipsis 6:2.
Si Jesu-Kristo ang nakasakay sa kabayong maputi. (Apocalipsis 19:11) Ang kaniyang makalangit na paghahari ay nagsimula noong 1914 kasabay ng mahalagang mga pangyayari. Ang resulta ng digmaan sa langit ay ang paghahagis dito sa lupa sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel. Pagkatapos, isang tinig buhat sa langit ang nagsabi: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” Ito ang pasimula ng pagsakay ng mga mangangabayo.—Apocalipsis 12:7-12.
Ngunit paano ka apektado ng pagsakay ni Jesu-Kristo? May kaugnayan sa kaniyang paghahari, inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Sa ngayon, sa mahigit na 200 bansa at isla sa dagat, ang mga Saksi ni Jehova ay nagbabalita ng itinatag na Kaharian ni Kristo. Sila ba’y nakadalaw na sa inyong tahanan? Kung gayon ay apektado na kayo ng pagsakay ng mangangabayong ito.
Upang ilarawan pa rin kung paanong maaapektuhan ang mga tao ng kaniyang paghahari, inihula ni Jesus: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao’y pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ang mga tupa ay ilalagay niya sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.”—Mateo 25:31-33.
Bilang resulta ng pagbubukod-bukod na ito sa panahon na si Jesus ay nakasakay sa kabayong maputi, ang lahat ng tao ay nagpapakilala sa kanilang sarili bilang “tupa” o kaya’y “kambing.” Pansinin ang kinahihinatnan. Ang mga “kambing” ay tutungo sa walang hanggang pagkaputol, ngunit ang mga matuwid [ang ‘mga tupa’] ay sa walang hanggang buhay.” (Mateo 25:46) Samakatuwid, kung paano ka tumutugon sa pangangaral ng pabalita ng Kaharian ang batayan kung ikaw ay magtatamo ng buhay o magtatamo ng kamatayan.
Kahit na kung noong nakaraan ay hindi mo isinasalang-alang kung paanong apektado ka ng mga mangangabayo ng Apocalipsis, hinihimok ka namin na tumugon sa mabuting balita na nagsasabing malapit nang matapos ang kanilang pagsakay. At kung magkagayon, ang lupa ay magtatamasa ng maraming mga pagpapala sa ilalim ng paghahari ni Jesus, ang nakasakay sa kabayong maputi. Ganito ang paglalarawan ng hula ng Bibliya tungkol sa ilan sa mga ito: “Sa kaniyang mga kaarawan ay mamumukadkad ang mga matuwid, at [ngayon na wala na ang nakasakay sa kabayong mapula] saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan. [Yamang mawawala na ang nakasakay sa kabayong maitim,] magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.”—Awit 72:7, 16.
Nang si Jesu-Kristo ay narito sa lupa, kaniyang ipinakilala na mayroon siyang bigay-Diyos na kapangyarihan sa mga bagay na tulad ng nakaririmarim na sakit at ng kamatayan man. Kaniyang ipakikita ang gayong kapangyarihan ng lalong malawakan sa panahon ng kaniyang pagpupuno bilang Hari at kaniyang aalisin sa lupa ang lahat ng salot, taggutom, at mga digmaan. Sa gayon, ang sakay ng kabayong maputi ang wawakas sa nakapipinsalang pagsakay ng mga iba pang mangangabayo ng Apocalipsis.
[Kahon sa pahina 3]
IPINAKIKILALA ANG MGA MANGANGABAYO
Sa Enero 1 labas ng Ang Bantayan ay ipinakikita kung paanong nagsimulang natupad ang pagsakay ng mga mangangabayo ng Apocalipsis.
KABAYONG MAPUTI: Si Jesu-Kristo ang nakasakay sa kabayong ito bilang ang bagong kaluluklok na Hari sa langit. Siya’y inilalarawan na nakasakay bilang isang matuwid na mananakop sapol nang siya’y iluklok noong 1914.
KABAYONG MAPULA: Ang nakasakay sa kabayong ito ay sumasagisag sa digmaan. Ang kapayapaan ay nawala sa lupa, at nagsiklab ang digmaang pandaigdig.
KABAYONG MAITIM: Ang nakasakay sa kabayong ito ay sumasagisag sa kakapusan sa pagkain at taggutom. Samantalang angaw-angaw ang nagugutom, ang iba naman ay nakabibili pa ng di-luhong mga pagkain.
KABAYONG MAPUTLA: Kamatayan ang nakasakay sa kabayong maputla. Isinasagisag nito ang di-napapanahong kamatayan. Ito’y bunga ng salot at iba pang mga dahilan.