Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 1/1 p. 3-4
  • Ang Mahiwagang mga Mangangabayo ng Apocalipsis

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Mahiwagang mga Mangangabayo ng Apocalipsis
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Kaparehong Materyal
  • Paglutas sa Hiwaga ng mga Mangangabayo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Ang mga Mangangabayo ng Apocalipsis—Kung Paano Apektado Ka ng Kanilang Pagsakay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Ang Apat na Mangangabayo—Sino Sila?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
  • Ikaw at ang Apat na Mangangabayo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 1/1 p. 3-4

Ang Mahiwagang mga Mangangabayo ng Apocalipsis

NAGMAMASID kang parang namamalik-mata, samantalang ang humahalinghing na kabayo ay tumatakbong pababa sa isang mabatong bundok. Ang matipunong mangangabayo ay mahigpit ang pagkakabit sa kaniyang kinauupuang síya na para bang siya’y bahagi na ng umaarangkadang kabayong iyon.

Bumibisita ka man sa isang malawak na bakahan sa Australia o, sa ibang panig ng daigdig, sa kapatagan ng isang rantso sa Amerika, tunay na nakabibighaning panoorin ang isang mangangabayo na talagang bihasa sa kaniyang pagsakay. At lalong higit na kagila-gilalas ang pambihirang tanawin ng maraming gayong sanay na sanay na mga kabayo at mga mangangabayo.

Talagang hanga tayo sa gayong mga mangangabayo at sa kanilang mga kabayo. Gayumpaman, ang mga kabayo at mga mangangabayo na nasaksihan ng manunulat ng aklat ng Apocalipsis (the Apocalypse) ay kawili-wiling pagmasdan! Sila’y mahiwaga at totoong kakila-kilabot din. Ang mga mangangabayong ito ay naging tanyag na at nakikilala bilang ang mga Mangangabayo ng Apocalipsis.

Gunigunihin ninyo ngayon, samantalang parang kulog na palapit nang palapit sa inyo, ang apat na mga bihasang mangangabayo, na mayroon pang dalang tabak ang isa sa kanila! Pansinin ang kulay ng kanilang mga kabayo. Ang bawat isa ay may naiibang kulay. Ang isang kabayo ay puti, ang isa’y pula, ang isa’y itim, at ang isa’y berdeng naninilaw na anyong maysakit. Tunay na sila’y isang mahiwagang tanawin.

Sundin natin ang mabilis-ang-galaw na paglalahad ng nasaksihan ng manunulat ng Bibliya, ang apostol na si Juan. Sinasabi niya: “At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay rito ay may isang busog. Siya’y binigyan ng isang korona, at siya’y yumaong nagtatagumpay. . . . At isang kabayo ang lumabas, matingkad na pula, at ang mangangabayo nito ay binigyan ng kapangyarihan upang mag-alis ng kapayapaan sa lupa, at pangyarihin na magpatayan ang mga tao sa isa’t isa; siya’y binigyan ng isang malaking tabak. . . . At nakita ko ang isang itim na kabayo, at ang mangangabayo nito ay mayroong timbangan sa kaniyang kamay, at narinig ko ang isang tinig . . . na nagsasabi, ‘Sa isang dinaryo [kita sa maghapon] ay isang takal na trigo, at sa isang dinaryo [kita sa maghapon] ay tatlong takal na sebada’ . . . At nakita ko ang isang kabayong maputla, at ang nakasakay rito ay may pangalang Kamatayan, at kasunod niya ang Hades. Sila’y binigyan ng kapangyarihan sa isang ikapat na bahagi ng lupa, upang patayin ang mga tao sa pamamagitan ng tabak, gutom, kamatayan, at ng mababangis na hayop sa lupa.”​—Apocalipsis 6:2-8, An American Translation.

Sapol nang ang pangitaing ito ay unang isinulat, ang kahulugan nito ay nagsilbing hiwaga sa maraming mambabasa. Anu-ano ba ang kinakatawan ng mahiwagang mga kabayong ito at ang mga nakasakay sa mga ito? Kailan nagsimula ang kanilang pagsakay? Ang kanila bang pagsakay ay may kaugnayan sa buhay ngayon? Napakaraming iba’t ibang paliwanag ang naibigay na tungkol sa kung ano ang isinasagisag ng mga kabayo at ang mga nakasakay sa mga ito, at kung kailan ang kanilang pagsakay ay nagkaroon ng katuparan.

Ang pinakamalaking pagkakaiba-iba ay matatagpuan sa interpretasyon ng maputing kabayo at sa nakasakay rito. Halimbawa, sang-ayon sa New Catholic Encyclopedia ang maputing kabayo ay kumakatawan daw sa ‘tagumpay ng ebanghelyo o dili kaya ay sa imperialismo.’

Sa aklat na Daniel and the Revelation, ganito ang ibinigay na interpretasyon ni Uriah Smith: “Ang isang puting kabayo . . . ay isang angkop na sagisag ng pagtatagumpay ng ebanghelyo noong unang siglo . . . Ang kaputian ng kabayo ay nagpapakilala ng kadalisayan ng pananampalataya noong panahong iyon.”

Sinasabi naman ng The Expositor’s Bible: “Sa ilalim ng unang mangangabayo ang kapakanan imbis na ang pagkapersona ni Kristo ang ipinakikilala sa atin, sa pinakamaagang yugto ng tagumpay nito, at taglay ang pangako ng hinaharap na pagtatagumpay. . . . Napag-aralan natin na ang kapakanang ito ay nasa sanlibutan, na ang kahariang ito ay nasa gitna natin, at silang sumasalansang dito ay magagapi.” Datapuwat, si Woodrow Kroll, ng The Christian Jew Foundation, ay naniniwala na ang nakasakay sa maputing kabayo ay ang Antikristo.

May mga iba naman na nagsasabi na mayroon daw limang kabayo at mga mangangabayo, hindi lamang apat. Kaya’t paano natin malalaman kung alin sa maraming interpretasyon ang tama? Paano natin matitiyak na mayroong tamang pagkaunawa? Sino nga ba ang mahiwagang mga mangangabayong ito ng Apocalipsis, at kailan nagsimula ang kanilang pagsakay?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share