Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
‘Pinalalago Iyon’ ni Jehova sa Fiji
NAKIKITA ang mga pagpapala ni Jehova sa tapat na mga tagapagbalita ng Kaharian sa magandang isla ng Fiji. Mayroon na ngayong 1,049 na mga saksi ni Jehova sa kapuluan, isang 10-porsiyentong pagsulong kaysa noong nakalipas na taon. Sila’y naghasik at nagdilig, at ang Diyos ang nagpalago.a—1 Corinto 3:6, 7.
Sang-ayon sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society “sa hindi inaasahan ang mga tao ay nagkakainteres sa pag-aaral ng Bibliya.” Ang mga miyembro ng isang kongregasyon ay gumawa sa isang nabubukod na nayon na dati’y hindi gaanong tumatanggap sa kanila. Subalit ngayon ang pangulo ng nayon ay nag-utos na lahat ng mga taganayon ay dapat mamalagi sa tahanan upang makinig sa mga Saksi ni Jehova at na pagkatapos kailangan na ang mga babae ay magsilbi ng pampalamig sa mga kapatid sa bulwagang pangkomunidad. Nang sila’y bumalik dalawang linggo pagkaraan, isang regular payunir ang nakasumpong ng 28 katao na handang makipag-aral ng Bibliya. Sapol noon, ang nayong ito ay dinadalhan ng mabuting balita tuwing dalawang linggo upang tulungan ang mga interesado roon. Sa bawat pagdalaw, “nakakasumpong ng mga karagdagang pag-aaral na napapasama sa dati na.”
Isa sa 68 mga baguhan na nabautismuhan sa isang pandistritong kombensiyon kamakailan ay dating isang Sunday-school titser ng may siyam na taon. Siya’y galing sa isang napakarelihiyosong pamilya. Siya’y natagpuan ng dalawang Saksi sa kanilang pagbabahay-bahay, at “pagkatapos ng mahabang diskusyon at maraming pagdalaw-muli, isang pag-aaral ang naitatag sa wakas.” Pagkaraan ng dalawang buwang pag-aaral ng Bibliya, siya’y nagbitiw sa kaniyang tungkulin bilang Sunday-school titser, nanindigan sa katotohanan, at nabautismuhan pagkaraan ng isang taon. Binigkas niya sa sariling pananalita ang mga sinabi ni apostol Pablo: “Nabalitaan ninyo ang aking sigasig sa huwad na relihiyon nang ako’y napakasigasig sa mga tradisyon ng aking mga magulang. Pero ngayon nasumpungan ko ang katotohanan, at ako’y nagagalak na maglingkod kay Jehova kasama ninyo.”—Ihambing ang Galacia 1:13, 14.
Noong 1984, unang-unang pagkakataon na nagkaroon sa Fiji ng dalawang pandistritong kombensiyon. Dalawampu’t-dalawang mga elders buhat sa malaking isla, sa sariling gastos nila, ang naghandog na susuporta sa programa sa pangalawang mas maliit na kombensiyon sa isa pang isla. Ang tanggapang sangay ay nagsaayos ng biyahe at inasahan na 90 mga kapatid ang dadalo galing sa malaking isla. Datapuwat, 115 ang nagbiyahe ng arkiladong eruplano at 320 naman ng arkiladong barko. Dahilan sa kapuri-puring ugali ng mga Saksi, isang piloto ang nagsabi: “Ako’y takang-taka sa kanilang ugali, sila’y handang sumunod sa mga tagubilin. Nang sabihin ko na sila ay kailangang magsibaba sa eruplano dahilan sa isang kasiraan ng makina, sila’y tahimik na nagsibaba sa eruplano nang walang reklamo. Nang sila’y muling sumakay, sila’y masayang-masaya, tahimik at walang taltalan. Sana lahat ng mga pasahero ng eruplano ay gaya ninyo.”
Ang punong inhinyero ng arkiladong barko ay nagkomento: “Mabuting kayo ang aming mga pasahero, sapagkat kayo ay ibang-iba sa grupo ng mga kabataang Kristiyano na ibiniyahe namin sa ibang isla. . . . Kayo ay mga taong malilinis at madaling makasundo.” Isang kapuwa pasahero ang nagsabi: “Nasaksihan ko ang isang bagay na ngayon ko lamang nasaksihan . . . Ako’y natutulog sa isang malamig na kubyerta ng barko nang isa sa inyong mga sister ay bigyan kaming mag-asawa ng kaniyang kutson para matulugan. Ang hinahanap ko’y isang relihiyon na kagaya nito.” Ang taong ito ay dumalo sa kombensiyon upang tingnan iyon at matuto pa.
Ang totoo, ang ugali ng lahat ng mga kapatid na ito ang aasahan buhat sa mga tunay na Kristiyano. Sinabi ni Jesus: “Bawat mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti.” (Mateo 7:17) Isang kagalakang makita na pinalalago ni Jehova ang kaniyang tapat na mga mananamba sa Fiji. At tiyak na marami pa ang tutugon sa mabuting balita habang sila’y patuloy na nakikinig at nagmamasid sa magandang ugali ng bayan ni Jehova.
[Talababa]
a Tiyak na lalong palalaguin ni Jehova ang mga Saksi na ngayo’y nagdaraos ng 1,107 mga pag-aaral ng Bibliya sa tahanan, isang 42-porsiyentong pagsulong noong nakalipas na taon.