Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Asal na Nagpapaganda sa Ating Ministeryong Kristiyano
SI APOSTOL Pedro ay nagpapayo sa mga Kristiyano: “Ingatan ninyong mainam ang inyong asal sa gitna ng mga bansa.” (1 Pedro 2:12) Ipinakikita ni apostol Pablo na sa pamamagitan ng ating mabuting asal, ating ‘pinagaganda ang aral ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.’ (Tito 2:10) Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay kilala sa pagkakaroon ng mabuting asal. Pansinin ang ilang halimbawa.
Ang Impresyon ng Guro Tungkol sa Mabuting Asal
◻ Ang tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Costa Rica ay nag-uulat na isang malaking bilang ng mga kabataan sa bansang iyan ang nagpapakita ng magandang halimbawa. Isang kapatid na lalaki ang naglalahad kung ano ang nakaakit sa kaniya sa katotohanan. Ang sabi niya: “Ang lubhang nakaakit sa akin ay ang mabuting asal ng kapuwa mga kabataan at mga adulto ngunit lalo na ang mga kabataan. Sa aking pagtuturo, nagkaroon ako ng pagkakataong magmasid nang malapitan sa mga Saksi sa aking paaralan. At yamang nangangasera ako sa isang pamilya ng mga Saksi ni Jehova, pati roon ay napagmasdan ko ang asal ng mga bata.
“Sadyang napansin ko ang pagkakaiba ng mga mag-aarál na mga Saksi at ng iba pang mag-aarál sa aking paaralan. Ang mga Saksi ay laging nasa oras kung dumating at disiplinado, hindi nagbubulaan, at laging ginagawa ang gawaing itinakda sa kanila. Napansin ko rin na sila ay hindi nagdaraya pagka kumukuha ng eksamen, bagaman ang karamihan ng ibang mag-aarál ay nagdaraya. Isa pa, sila’y totoong magalang at marespeto sa akin bilang kanilang guro. Sa aking paghanga sa mga kabataang Saksi sa paaralan at sa tahanan na aking pinangangaserahan, ang ginawa ko’y sinuri ko ang relihiyong ito at sa wakas ay tinanggap ko ang katotohanan.”
Mabubuting Resulta ng Asal-Kristiyano sa Isang Kombensiyon
◻ Isa sa mga Saksi ni Jehova sa isang kongregasyon sa kanlurang bahagi ng El Salvador ang naghangad na ang mabuting balita ng Kaharian ay ibahagi sa kaniyang dalawang likas na mga kapatid na lalaki. Ang isa’y nakinig at nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ang isa namang kapatid ay miyembro ng relihiyong Ebangheliko na tinatawag na Prinsipe ng Kapayapaan, at sinabi niya sa kaniyang kapatid: “Huwag kang makipag-usap sa akin; naglilingkod ka sa mga kapakanan ng Diyablo.”
Nang sumapit ang pandistritong kombensiyon, yaong nakikipag-aral ay nag-anyaya sa kaniyang kapatid na sumama sa kaniya sa kombensiyon. Sinabi ng kapatid: “Oh sige, sasama ako; basta titingnan ko lamang kung saan maaari kong mahuli ang mga Saksi.” Kaya ang magkapatid ay magkasamang dumalo sa kombensiyon. Ang maraming dumalo at ang mabuting kaayusan sa kombensiyon ay hinangaan ng Ebangheliko, na ang sabi’y noon lamang siya nakakita ng ganoon. Nang siya’y umuwi, sinabi niya sa kaniyang kapatid: “Kamayan mo ako.” “Ano ba ang ibig sabihin nito?” ang tanong ng kaniyang kapatid. “Basta kamayan mo ako,” ang tugon. Sila’y nagkamay nga, at ang kapatid na miyembro ng relihiyong Ebangheliko ay nagsabi: “Mula ngayon ay makikipag-aral na ako sa mga Saksi ni Jehova. Kasi, hindi ko alam na malaki pala ang nawawala sa akin.” Ngayon ay isa na rin siyang aktibo at masigasig na tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.