Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pagtitipon sa “mga Ibang Tupa” ng Panginoon sa Australia
“AKING uugain ang lahat ng bansa, at ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa ay darating,” ang sulat ni propeta Hagai mahigit na 2,500 mga taon na ngayon ang nakalipas. (Hagai 2:7) Sa ngayon, ang gayong kanais-nais na mga tao ay tunay na humuhugos sa bahay ni Jehova ng pagsamba. Subalit, kung minsan ay baka hindi sila kaagad nagtitingin na kanais-nais sa panlabas, gaya ng ipinakikita ng karanasang ito buhat sa Australia.
◻ Isang kapatid na lalaki ang nagmamaneho ng kaniyang kotse patungo sa pulong isang araw ng Linggo at gumawa siya ng isang bagay na noon lamang niya nagawa: Siya’y huminto upang isakay ang isang nakikisakay. Hindi alam ng kapatid na iyon kung bakit niya ginawa iyon, yamang ang lalaki ay may mahaba at gulong buhok at may balbas pa, gusgusin ang damit, at hindi man lamang sumenyas para makisakay. Siya’y bigla na lamang nakadama na dapat siyang lumiko at isakay ang taong iyon. Nang ang taong iyon ay makasakay na sa kotse, sinabi niya: “Magsisimba ka, di ba?” Nagtaka ang kapatid at sumagot: “Oo, papunta ako sa Kingdom Hall.” “Ako’y sasama sa iyo,” ang sabi ng lalaki.
Dahilan sa kaniyang hitsura, sinubok ng kapatid na pigilin siya. Subalit iginiit ng lalaki na siya’y sasama at ganito ang ibinida: Siya’y naglayas noong edad pa lamang na 16 anyos at sapol noon ay napasangkot nang husto sa mga droga at sa imoralidad. Siya’y nakatira sa isang barung-barong na plastik sa likod ng mga bunduk-bundukan ng buhangin malapit sa tabing-dagat. Samantalang siya’y namumuhay roon ay pinag-isipan niya nang husto ang kahulugan ng buhay. Hindi niya gusto ang kinalabasan niya, kaya’t nanalangin siya sa Diyos na tulungan siya. Sinabi niyang idinalangin niya sa Diyos na siya’y mag-aabang doon sa daan at sana’y Kaniyang akayin ang sinuman upang isakay siya at dalhin siya sa tamang simbahan. Bihirang dumaan ang mga kotse sa malungkot na daang ito. Mayroon lamang tatlong dumaan doon sa loob ng maraming oras, at walang alinman dito na huminto para isakay siya. Halos aalis na siya nang sádaraan ang ating kapatid at isinakay siya.
Dumalo siya sa lahat ng pulong nang linggong iyon at nagsimula na siya na maglinis ng kaniyang sarili. Inalis niya ang krus na nakakuwintas sa kaniya. Minabuti niyang bumalik sa kaniyang tahanan sa Tasmania, at doo’y gumugol siya ng isang buwan sa pagbabasa ng Bibliya at pananalangin. Natalos niya na kailangan niya ang personal na tulong para makasulong sa kaalaman, kaya naparoon siya sa tanggapang-sangay sa Australia ng Watch Tower Society. May mga pinapuntang payunir upang makipag-aral sa kaniya, at siya’y mabilis na sumulong. Ang katotohanan ng Bibliya ang nagbigay ng kabuluhan sa kaniyang buhay at ng pag-asa sa hinaharap. (Kawikaan 10:28) Hindi lumipas ang pitong buwan at siya’y nabautismuhan at nag-auxiliary payunir, at ngayo’y naglilingkod bilang isang regular payunir sa Sydney.
◻ Maaari nating “pagandahin ang turo ng ating tagapagligtas, ang Diyos,” sa pamamagitan ng pagsunod sa mga simulain ng Bibliya sa ating pamumuhay. (Tito 2:10) Ito’y napatunayan sa halimbawa ng isang kapatid na lalaki na nagtatrabaho sa isang kompanya na kung saan nagkaroon ng problema tungkol sa eksportasyon ng mga tupa at mga baka. Bawat manggagawa ay hiningan ng abuloy na isang dolyar para gastuhin sa pagprotesta. Nang tumanggi ang kapatid, ang opisyal ng unyon ay nagbanta na siya’y aalisin sa trabaho. Ipinaliwanag ng kapatid na inuudyukan siya ng kaniyang budhi na huwag makiisa sa isinasaayos na pagprotesta. Binigyan siya ng opisyal ng isang oras upang pag-isipan iyon.
Ngayon ay nilibak na ang kapatid na ito ng kaniyang mga kamanggagawa. Kaniyang ipinaliwanag na hindi sa ayaw niyang mag-abuloy, kundi na dahil sa ang ilan sa mga kasangkot sa suliraning iyon ay may mga baril at mga garote, siya’y magkakasala ng pagbububo ng dugo kung kaniyang tatangkilikin sila at doon ay mayroong nasaktan o namatay. Isang manggagawa ang nagsabi na noon lamang niya narinig ang gayong punto de vista at ibig niyang makaalam nang higit pa. At pagtatagal, ang kapatid ay nakapagsimula sa lalaking iyon ng isang pag-aaral sa Bibliya, at sa kabila ng pagsalansang ng maybahay ng manggagawang iyon, hindi nagtagal at nagsimula ng dumalo sa mga pulong ang lalaking ito. Sa ngayon ay isa siya sa ating nag-alay na mga kapatid. Kung tungkol sa opisyal ng unyon, siya’y hindi na bumalik upang mag-usisa sa kapatid.
Tunay na yaong mga umiibig sa Diyos at sa katuwiran ay, sa anumang paraan, mapapahantad sa katotohanan at kanilang makikilala ito. Sinabi ni Jesus: “Ako’y may mga ibang tupa . . . kailangang dalhin ko sila, at sila’y makikinig sa aking tinig.” (Juan 10:16) Mahigit na 42,000 ng “mga ibang tupa” na ito sa Australia ang nakinig na sa tinig ng Mabuting Pastol, at sa araw-araw ay parami nang parami ang natitipon sa kanan ni Jesus para sa mga pinagpala.—Mateo 25:31-34.
[Blurb sa pahina 22]
Maaari nating “pagandahin ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos,” sa pamamagitan ng ating mabuting asal