Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 5/1 p. 4-7
  • Ang Bibliya—Praktikal Para sa Iyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Bibliya—Praktikal Para sa Iyo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Bibliya at ang Moralidad
  • Ang Bibliya at ang Kabuhayan
  • Ang Bibliya at ang Kalusugan
  • Isang Nakatataas na Bukal ng Karunungan
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Ang Salita ng Diyos ay Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Kumusta Naman ang Iyo Mismong Kalusugan?
    Gumising!—1987
  • Isang Praktikal na Aklat Para sa Modernong Pamumuhay
    Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 5/1 p. 4-7

Ang Bibliya​—Praktikal Para sa Iyo

KANIYANG sinabi sa iyo, Oh makalupang tao, kung ano ang mabuti,” sabi ng propeta ng Diyos na sumulat 2,700 mga taon na ngayon. (Mikas 6:8) Subalit ito kaya ay “mabuti” o praktikal sa ating modernong kaarawan?

“Ang Bibliya ay malaon nang isinulat bago sinuman ay nakaalam ng tungkol sa modernong sikolohiya at sa pangyayari sa psychosexual na pag-unlad,” ang sabi ni Dr. Chesen. “Kahit na kung ang mga intensiyon ng mga sumulat ay pinakamagagaling, hindi nila marahil isinaalang-alang ang mga mahalagang dahilan nito. Subalit kung tungkol sa moral at/o mga utos, ang Bibliya at ang mga nagpapaliwanag nito ay maraming nasasabi.”

Baka may dahilang sabihin iyan kung ang Bibliya ay bunga ng kaisipan ng tao. Ngunit gaya ng ipinakita ng aming labas ng Abril 1, 1986, ang Bibliya ay hindi salita ng tao kundi ng Diyos. Hindi maaaring kaligtaan ang mahalagang katotohanang ito. Bakit? Sapagkat ang kaalaman ng Diyos ay hindi nahahanggahan ng panahon at mga kalagayan, di-gaya ng sa tao, ni nagbabago man ito. Bilang Maylikha ng sangkatauhan, lubusang nalalaman ng Diyos ang ating kayarian at ang pinakamagaling para sa atin. Kaya angkop ang pagkasabi ng apostol: “Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.”​—2 Timoteo 3:16, 17.

Kung gayon, ano ang masasabi tungkol sa napakalalaking mga pagbabago na naganap sa modernong panahon? Hindi baga inaasahan na tayo’y nabubuhay sa isang lalong malaya at lalong matalinong panahon? Hindi baga marami sa kinamulatang mga gumagapos sa lipunan ng tao ay naiwaksi na? Totoo, subalit sa kabila ng sumulong na kaalaman at bagong ipinagpapalagay na “kalayaan,” ang pangunahing mga kailangan at kayarian ng tao ay hindi nagbago. Sa panloob, pareho pa rin tayo. Mayroon pa rin tayong pangangailangan na kumain, uminom, matulog, mag-anak, at sumamba, gaya ng ating mga ninuno. Nangangailangan pa rin tayo ng pag-ibig at pagmamahal, at ibig natin na lumigaya. Kailangan pa rin natin na magkaroon ng makabuluhang mga buhay.

Sinasaklaw ng mga prinsipyo ng Bibliya ang mga pangangailangang ito. Isa pa, ang mga turo ng Bibliya ay gumagana sa ating ikabubuti, kahit na sa modernong kaarawang ito. At higit sa lahat, ang resulta ng pagsunod sa payo ng Bibliya ay nakahihigit kaysa anuman na nakamit sa mga ibang paraan. Suriin nating sandali kung paano ito totoo kung tungkol sa moralidad, kabuhayan, at kalusugan.

Ang Bibliya at ang Moralidad

Isa sa pinakamalaking pagbabago sa modernong panahon ay ang pangmalas sa moralidad. Mga gawang dati’y itinuturing na nakasusuklam ay tinatanggap na ngayon. Mga babaing nag-aanak sa pagkadalaga ay hindi na itinatakwil ng lipunan. Ang mga homoseksuwal ay hayagang kumakampaniya para sa kanilang “mga karapatan.” Ang palasak na kuru-kuro ay na walang sinumang may karapatan na magreklamo o humadlang sa anumang gawain na minamabuti naman ng sumasang-ayong mga gumagawa niyaon. At ang mga pamantayan ng Bibliya ay itinatakwil bilang “Victorian.”

Subalit ang mga pamantayan ng Bibliya ay itinatag na ng Diyos malaon pa bago noong ika-19 na siglo, ang panahon ni Reyna Victoria ng Inglatera. At ang mga ito’y patuloy na napatutunayan na mabuti para sa tao. Tunay na ito’y makikita pagka isinaalang-alang na, dahil sa umiiral na “bagong moralidad,” napakabilis ang pagdami ng diborsiyo, ng aborsiyon, may salot ng mga pagbubuntis ng tin-edyer, at may malaking daluyong ng sakit na likha ng seksuwal na pagtatalik. Ito’y mga problemang magastos, makapanlulupaypay, at nagdadala pa nga ng kamatayan. Hindi baga lalong praktikal na sundin ang payo ng Bibliya tungkol sa sekso, sa kalinisang-puri, at sa pagiging tapat ng mag-asawa sa isa’t isa?​—Kawikaan 5:3-11, 15-20; Malakias 2:13-16; Hebreo 13:4; 1 Corinto 6:9, 10.

Pansinin lalung-lalo na kung paano kumakapit ito sa isa lamang sakit, gaya ng ipinakikita sa report na ito buhat sa The New York Times: “‘Patuloy na lumalaganap ang AIDS sa mga nasa grupo na nanganganib dito, ngunit hindi sa labas ng mga ito,’ ang sabi ni Dr. David J. Sencer, ang New York City Health Commissioner. . . . Yaong mga nasa grupong nasa peligro ay sakop ang homoseksuwal at bisexual na mga lalaki, mga gumagamit ng droga sa paraang intravenous; . . . yaong mga tumatanggap ng pagsasalin ng dugo na galing sa mga may impeksiyon, at ang mga magkakatalik sa sekso o mga anak niyaong maysakit ng AIDS.”

Oo, alin nga ba ang lalong may kabuluhan​—ang mga ilang minuto ng hiram na ligaya, na kadalasa’y may kasamang pangamba at kabalisahan, o ang isang malinis na budhi at respeto sa sarili? Alin ang nagdadala ng nananatiling kaligayahan at kasiyahan​—isang panakaw na pakikipagtalik na maaaring humantong sa pagkapariwara, o ang matatag at malinis na pag-aasawa na ipinapayo ng Bibliya?

Ang Bibliya at ang Kabuhayan

Kakaunting mga tao ang naniniwala na ang Bibliya ay nagbibigay ng lunas sa mga problema ng kabuhayan. Datapuwat, ang pagsunod sa mga pamantayan nito ay maaaring maging daan para malagyan ng higit pang pagkain ang iyong mesa. Paano nga mangyayari ito?

Kadalasan, ang karamihan ng perang kinikita ng isang tao ay nilulustay lamang sa walang kabuluhan. Dahil sa pagsunod sa payo ng Bibliya ang mga salaping ito ay maaaring gastahin sa ikabubuti. Halimbawa, ang isang kaugalian na kadalasa’y humahantong sa karalitaan ay ang labis na pag-inom. Angaw-angaw na mga tao, pagkatanggap ng kanilang mga kita, ay diretso na sa mga bar o mga tindahan ng alak. Kadalasan, walang gaanong natitira sa kanilang kinita upang maibayad sa kanilang mga utang o maibili ng sapat na pagkain para sa kanilang pamilya. Kung minsan ay kailangang umutang pa upang may maibili ng pangangailangan sa buhay. Matalino naman ang Bibliya sa payo nito na huwag magmamalabis sa pag-inom, kundi uminom ng katamtaman lamang.​—Kawikaan 23:20, 21, 29, 30; 1 Timoteo 3:2, 3, 8.

Totoo rin iyan sa mga may bisyong paninigarilyo o pag-aabuso sa droga. Anong laki ng nagagasta sa mga bisyong ito! At anong hirap na ihinto! Sa liham na ito sa sikologong si Joyce Brothers, na inilathala sa New York Post, ay makikita ang halimbawa nito: “Ako’y nagsimulang gumamit ng cocaine dahilan sa nakatutuwa at karamihan ng aking mga kaibigan ay sumisinghot nito kung mga dulo ng sanlinggo. Ngayon, talagang ito ang humahadlang sa anumang kabutihan na papasok sa aking buhay at totoong nahihirapan akong ihinto ito. Ako’y may dalawang anak at nangingilabot akong isipin na kung hindi ko maihihinto sa madaling panahon, sila ang magdurusa. Makalawang beses sa isang araw ginagawa ko ang free-basing. Ako’y nakabaon na sa utang, ako’y totoong abang-aba.”

Isang sugapa sa droga ang sumulat: “Kami ng aking asawang lalaki ay kapuwa matagumpay sa aming karera nang kami’y mapalulong sa cocaine ng may tatlong taon. Mabuti naman sa simula ngunit ngayon ay nagiging higit at higit na importante. Ang totoo, ito ngayon ang nangingibabaw sa aming buhay. Kami ngayon ay nasa pagkakautang na sapagkat ang aming bisyo ay gumagasta ng malaking salapi. Kaming dalawa ay talagang napalulong na dito. May mga araw na hindi kailanman humihinto ang mga halusinasyon.”

Ang mga maninigarilyo ay napipinsala rin ang kabuhayan dahil sa kanilang bisyo, bagaman marahil hindi katulad nila. Isang ulat sa magasing Modern Office Technology ang nagsasabi: “Ang mga di naninigarilyo na humahanap ng trabaho ang malamang na tanggapin sa trabaho kaysa pareho ang kuwalipikasyon na mga nagpiprisinta ngunit naninigarilyo, ayon sa isang surbey na pambuong-bansa. Ang pag-aaral, na ibinatay sa mga pakikipanayam sa mga bise-presidente at personnel directors ng pinakamalalaking kompanya sa Amerika . . . ay nagsiwalat na karamihan ng mga maypatrabaho sa ngayon ang mas gusto ang mga nagpiprisinta sa trabaho na mga hindi naninigarilyo.” Bakit? Sapagkat, gaya ng ipinakikita sa isang pag-aaral na ginawa ng mga kongresista, dahil sa paninigarilyo ay malaki ang gastos ng bansa sa pangangalaga sa kalusugan, kasali na ang mga gastos sa pagpapagamot at ang pag-urong ng produksiyon, ng mga $65 bilyong isang taon​—katumbas ng $2.17 para sa bawat kaha ng sigarilyong naipagbili!

Oo, may naitutulong sa kabuhayan ng isang tao kahit na lamang ang pagsunod sa payo ng Bibliya: “Maglinis tayo sa bawat karumihan ng laman at espiritu.” (2 Corinto 7:1) At totoo rin iyan para sa mga taong, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, hindi nakikialam sa anumang uri ng sugal. (Isaias 65:11, 12; Lucas 12:15) At, yaong mga sumusunod sa mga simulain ng Bibliya ay totoong minamahalaga ng kanilang mga amo dahilan sa kanilang pagtatapat, integridad, at kasipagan, at marahil sila ang mga unang tatanggapin at ang mga huling aalisin sa trabaho.​—Colosas 3:22, 23; Efeso 4:28.

Ang Bibliya at ang Kalusugan

Yamang tayo’y napakamasulong na sa medisina sa ngayon, mayroon bang nakadaig na sa payo ng Bibliya? Bueno, ang mga mananaliksik ay manghang-mangha sa pagiging wasto at napapanahon ng Bibliya kung tungkol sa medisina at kalusugan, bagama’t ito ay isinulat noong panahon na sagana ang pamahiin at bahagya o wala pa nga ang kaalaman tungkol sa modernong mga kausuhan sa medisina o maging sa mga mikrobyo at mga virus.

Bagaman masulong ang modernong siyensiya ng medisina napakarami pa rin ang mga suliranin sa kalusugan. Gayunman, sa pagsunod sa payo ng Bibliya ay napakahusay ang nagiging kalagayan ng kalusugan ng isang tao. Gaya ng binanggit na, sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya tayo’y naipagsasanggalang laban sa mga gawain na nakapipinsala sa ating kalusugan. Ito’y tumutulong din upang mapasulong ang kalusugan ng ating isip. Ipinakikilala ng Bibliya ang epekto sa katawan ng kaisipan at mga emosyon. (Kawikaan 14:30) Kaya’t tayo ay inilalayo nito sa nakapipinsalang mga saloobin at emosyon, at tayo’y tinutulungan na halinhan ang mga ito ng positibo, nagpapatibay-loob na mga katangian.

Pansinin ang payo na nasa Efeso 4:31, 32: “Lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat ng kasamaan. Subalit maging mabait kayo sa isa’t isa, malumanay sa kaawaan, saganang nagpapatawad sa isa’t isa.” Oo, idiniriin ng Bibliya ang pagbabago buhat sa isang personalidad na sumisira, nakapipinsala, upang halinhan ito ng bago at mainam na Kristiyanong personalidad. (Efeso 4:20-24; Colosas 3:5-14) Tinutulungan tayo nito na ipakita ang bunga ng espiritu ng Diyos: “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” (Galacia 5:22, 23) Ang Bibliya ay nagbibigay ng magaling na pagkain na maaaring ipasok sa isip at puso at maging mapayapa ang sinuman.​—Kawikaan 3:7, 8; 4:20-22; Filipos 4:6-8.

Isa pa, ang mga sumusunod sa mga alituntunin ng Bibliya ay hindi napapasangkot sa mga krimen, kaguluhan, paghihimagsik, o iba pang mga bagay na ang resulta ay kapinsalaan ng katawan. Sila’y may mabuting budhi, na tumutulong nang malaki para magkaroon ng isang masayang disposisyon at mabuting kalusugan. (1 Pedro 3:16-18) Isa pa, ang mga nagkakapit ng payo ng Bibliya ay nagtatamasa ng isang mainit, kasiya-siya, maligayang buhay sa tahanan, at ng mapayapang kaugnayan sa iba.

Oo, ang Bibliya ay praktikal para sa kaarawan natin. Ito’y makikita sa buhay ng angaw-angaw na talagang nagkakapit ng mga simulain nito. At ito’y makatutulong din sa iyo. Ikaw ay inaanyayahan na subukin ang mga turo nito sa iyong buhay. Ang mga Saksi ni Jehova ay malulugod na ipakita sa iyo kung paano.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share