Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ang Katotohanan ng Bibliya ang Nagdadala ng Pagkakaisa at Kaligayahan sa Pamilya
ISANG mag-asawa sa India na mga miyembro ng isang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang malimit na nag-aaway. Kadalasan ginugulpe ng asawang lalaki ang kaniyang maybahay. Sinubukan pa man din nila na patayin ang isa’t isa! Minsan ang babae ay nagpakulo ng ghee (malabnaw na mantikilya) at dinala ito sa asawang lalaki na para bang ito’y tsa ngunit pagkatapos ay ibinuhos sa mukha ng lalaki. Sa wakas, ang babae ay nagpasiya na magpatiwakal.
Mayroon kayang makapagdadala ng pagkakaisa at kaligayahan sa mag-asawang ito? Marami ang nagsasabi ng wala. Subalit bago isagawa ang pagpapatiwakal, ang asawang babae ay dumalaw sa kaniyang anak na babae at manugang na lalaki. Ang mga ito ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Minabuti ng babae na makinig, at napukaw nang gayon na lang ang kaniyang puso sa kaniyang narinig. Pagkatapos ng pag-aaral, sinabi niya sa mga Saksi ang kaniyang mga problema. Ipinakita ng mga Saksi buhat sa Bibliya ang kaniyang mga pananagutan bilang isang asawa. Ang asawang lalaki ay kinausap din at napasimulan sa kaniya ang isang pag-aaral ng Bibliya. Ang resulta? Ang mag-asawa ay nagkapit ng mga simulain ng Bibliya, at ang kanilang mga problema sa pamilya ay napagtagumpayan. Ngayon ang mag-asawang ito ay sumulong hanggang sa punto na pag-aalay ng kanilang buhay kay Jehova, at sila ngayon ay nabautismuhan na.
Napakaraming mga mag-asawa na nakasumpong sa kinasihang Salita ng Diyos ng solusyon sa mga problema ng kanilang pamilya. Sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo nito, tulad baga ng makikita sa Colosas 3:12-14 at Efeso kabanata 5, kanilang napagtagumpayan ang mga problemang ito at nagtamo ng pagkakaisa at kaligayahan.
□ Isa pang halimbawa kung paanong ang katotohanan ng Bibliya ay nakapagdudulot ng pagkakaisa sa isang pamilya ay yaong sa Lebanon. Noong 1973 isa sa mga Saksi ni Jehova ang nagsimula ng pakikipag-aral ng Bibliya sa isang pamilya sa isang munting bayan. Dalawang magkapatid na babae sa lugar na iyon ang dumalo rin sa pag-aaral. Subalit nang ang pari sa lugar na iyon ay sumalansang sa pag-aaral, ang pamilya ay huminto. Ang dalawang magkapatid na babae ay nagpatuloy na makipag-aral sa pamamagitan ng liham, at ang direksiyon ng kanilang hipag ang ginamit. Pagkatapos na sila’y mag-aral ng mga liham na galing sa Saksi, kanilang ibinibigay ang mga ito sa kanilang hipag upang basahin, bagama’t ang asawang lalaki ay salungat na ngayon. Pagka sila’y may mga tanong, kanilang itinatanong iyon sa Saksi sa pamamagitan ng sulat.
Gayunman, ang kanilang kapatid na lalaki ay nagpatuloy ng kaniyang pagsalansang. Kaniyang pinunit ang mga lathalain sa Bibliya na taglay ng kaniyang mga kapatid na babae at ng kaniyang asawa at sinunog pa niya ang kanilang mga Bibliya. Subalit sa kabila ng mahigpit na pagsalungat ng pamilya, ng pari, at ng mga iba pa sa bayang iyon ang mga babae ay nagpatuloy ng pag-aaral. At nang sumapit ang panahon, sila’y napabautismo. Ang mga iba pang kamag-anak ay nagsimula ring makipag-aral ng Bibliya at nangabautimuhan. Ang salungat na kapatid ng dalawang babae ay natuto rin ng katotohanan at napabautismo. Siya ngayon ay naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon, at isang palagiang auxiliary payunir. Nang may katapusan ng 1985, 23 mga miyembro ng pamilyang ito ang natuto ng katotohanan at nangabautismuhan!
Anong saya ng dalawang magkapatid na ito dahilan sa pagkapit nang mahigpit sa katotohanan sa kabila ng pananalansang! Anong laking kagalakan na makita nila ang pagkakaisa at kaligayahan ng kanilang pamilya dahil sa pagtanggap nila ng katotohanan ng Bibliya! Pinatutunayan nito ang sinabi ng salmista: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”—Awit 144:15.
□ Isa pang karanasan ang nanggaling sa New York City, E.U.A. Ang taong ito ay nagsimula ng paggamit ng mga droga nang siya’y 13 anyos at naging isang sugapa na anupa’t hindi siya makakain hangga’t hindi siya humihitit ng marijuana! Ang kaniyang bisyong paggamit ng cocaine ay ginugugulan niya ng $100 isang araw, at samantalang nagbibenta ng mga droga palagi siyang may dalang dalawang baril. Siya’y nag-asawa at naging ama ng apat na anak. Nang ang kaniyang maybahay ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova, ito’y kaniyang sinalansang. Subalit sa wakas siya ay nasuya na rin sa kaniyang istilo ng pamumuhay na pagiging lango at “pagtakbu-takbo sa mga kalye,” at pagkakasala ng pangangalunya.
Siya’y laging pinalalakas-loob ng kaniyang maybahay at maibiging tinutulungan ng mga hinirang na matatanda, kaya pagkaraan ng isang taon na mabautismuhan ang kaniyang asawa siya’y pumayag na aralan ng Bibliya. Ito ang tumulong sa kaniya upang daigin ang mga suliranin ng pag-urong sa droga kasali na ang mga halusinasyon o guniguni. Siya’y sumulong hanggang sa punto ng bautismo at ngayon ay nagagalak na makita ang kaniyang pamilyang maligayang nagkakaisa at ang kaniyang apat na anak ay sumusulong naman sa pagkaalam ng katotohanan. Yamang mayroon naman siyang mahusay na hanapbuhay at mabuting kita, silang mag-asawa ay umaasang sila’y makapag-auxiliary payunir.
[Blurb sa pahina 21]
“Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”—Awit 144:15