Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
“Ang Diyos ay Hindi Nagtatangi”
MAY labinsiyam na raang taon na ngayon ang lumipas, ang kinasihang apostol na si Pedro ay sumulat: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaaya-aya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Sa mga Saksi ni Jehova ay masusumpungan ang mga tao buhat sa lahat ng lahi at pinagmulang relihiyon. Sila’y nagnanais ng katuwiran, at sila’y natatakot sa Diyos. Lahat sila ay tinatanggap ni Jehova sa bagong sanlibutang lipunan, gaya, halimbawa, ng kaniyang ginawa sa isang babae sa Chad.
Ang babaing ito ay hindi nasisiyahan sa kaniyang relihiyon. Mga taon na ang nakaraan nang siya ay tumanggap ng isang sipi ng aklat na Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito, inilathala ng mga Saksi ni Jehova, at pinahalagahan niya ang mainam na payo na taglay ng aklat. Isang pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan, at siya’y laging naroroon para sa pag-aaral. Subalit, nang siya’y himukin na dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall, hindi siya tumugon. Bakit? Bagaman hindi salungat ang kaniyang asawa sa pag-aaral, ito’y tumangging pahintulutan siyang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall.
Nang ibig dumalo ng asawang babae sa pansirkitong asamblea, ipinakita ng Saksing nagdaraos ng pag-aaral ang programa sa kaniyang asawa, anupat itinatampok ang maiinam na payo na tatalakayin. Siya’y pumayag na ang kaniyang maybahay ay dumalo nang “minsan lamang.” Siya ay dumalo at lubusang nasiyahan sa programa. Pagkatapos maipaliwanag sa kaniyang asawa kung ano ang kaniyang natutuhan, hindi na sumalansang ang kaniyang asawa sa pagdalo niya sa iba pang pulong. Hinangaan niya ang bagay na ang kongregasyon ay binubuo ng mga tao buhat sa iba’t ibang lahi na totoong nagmamalasakit sa isa’t isa. Nang maglaon ay dumalo siya sa pandistritong kombensiyon at napukaw ang kaniyang damdamin nang makita ang kaniyang mga anak na nakaupo sa kandungan ng mga Saksing tagaibang bansa. Binabahaginan ng mga Saksi ng pagkain ang mga bata at itinuturing silang gaya ng sa kapamilya. Ito ang nag-udyok sa kaniya na gumawa ng malaking pagbabago.
Subalit sumunod ang pagsalansang. Bagaman likas na mahiyain, siya’y nagsimulang magkomento sa mga pulong at lakas-loob na pinaglabanan ang negatibong mga komento buhat sa mga kamag-anak at mga kapitbahay. Bagaman maraming taon na silang nagsasama ng kaniyang asawa, ang kinaugaliang pagsasama lamang nang ayon sa kasunduan ang kanilang sinusunod. Papaano kaya niya ipakikipag-usap ang paksa tungkol sa legal na pagpapakasal? Pagkatapos na taimtim na manalangin kay Jehova, kinausap niya ang kaniyang asawa, na nagsabing susuriin niya ang bagay na ito. Sa wakas ay ginawa niya iyon, at sila ay napakasal nang legal.
Isang hipag na kasambahay nila ang naging sanhi ng maraming suliranin, ngunit nanindigan ang lalaki sa panig ng kaniyang asawa. Nangyari na dumalaw ang ama ng asawang lalaki. Ipinag-utos niya sa kaniyang anak na lalaki na hiwalayan niya ang kaniyang asawa, yamang siya’y nagbago ng kaniyang relihiyon. Sinabi ng ama sa kaniyang anak na babayaran niya ang dote para sa isang “mas mahusay na asawang babae.” Ganito ang tugon ng anak: “Hindi, hindi ko gagawin iyan. Siya ay isang mabuting asawa. Kung ibig niyang humiwalay, iba na iyan, ngunit hindi ko sasabihin na siya’y humiwalay.” Ang babae ay naging napakagalang sa kaniyang biyenang lalaki, at ikinahiya ng biyenan ang kaniyang iginawi. Gayunman, nang siya ay bumalik sa kaniyang nayon, sumulat siya sa kaniyang anak, anupat ngayon ay binibigyan na siya ng huling pagkakataon upang magpasiya. Sinabi niya na kung ang kaniyang anak ay tatangging palayasin ang kaniyang maybahay, siya ay hindi na ituturing na isang anak. Muli ang anak ay nanindigan sa panig ng kaniyang asawa. Gunigunihin ang kagalakan ng asawang babae nang makita niyang gumawa ng gayong tiyakang paninindigan ang kaniyang asawa.
Ngayon ang kanilang dalawang maliliit na anak na lalaki ay gustung-gustong sasama sa kanilang ina sa Kingdom Hall. Hiningan pa man din nila ang kanilang ama ng mga kurbata, palibhasa’y nakita nila na lahat ng kapatid na lalaki na nagpahayag ay nakasuot ng mga ito. Sa ngayon ang babaing ito ay isa nang bautisadong kapatid.
Siya’y isa sa 345 maliligayang Saksi sa Chad na nagpapahayag ng mabuting balita ng Kaharian ni Jehova at nagpapahalaga na, totoong-totoo, “ang Diyos ay hindi nagtatangi.”