Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 10/15 p. 21-24
  • Pagpupuri kay Jehova sa Pamamagitan ng Musika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpupuri kay Jehova sa Pamamagitan ng Musika
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Epekto ng Musika
  • Ang Tungkol sa Himig Nito
  • Pinahusay Pa ang Diwa
  • Kayamanang Espirituwal
  • Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
    Gumising!—1993
  • Musika na Nakalulugod sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Upang Masiyahan sa Musika—Ano ang Pinaka-Susi?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Umawit kay Jehova!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 10/15 p. 21-24

Pagpupuri kay Jehova sa Pamamagitan ng Musika

MARAMI ang mga paraan na magagamit ng mga lingkod ni Jehova upang magdala ng kapurihan sa kaniya. Walang alinlangan, isa na sa pinakamaganda at nagdadala ng malaking kagalakan sa kaniyang puso ay ang ‘pag-awit at pagpupuri sa kaniya.’ (Awit 105:2) Mainam ang pagkasabi na ang musika ay isa sa mga “tatak ng pagkatao ng tao.”

Ang musika ay tinagurian din na “ang pambihirang regalo sa tao, kapuwa mapanlikha at paulit-ulit na nalilikha.” Ang mga hayop, maiilap man o domestikado, ay walang abilidad sa musika. Totoo, may mga ibon na nakakaawit ng magagandang awitin, subalit iyan ay nagagawa nila dahil sa kusang sinangkapan sila ng abilidad na gumawa niyan. Sila’y walang unawa sa musika gaya rin ng mga loro na walang unawa sa anomang salita na marahil ay nasasabi nila dahilan sa sinanay sila roon. Subalit sa pamamagitan ng magandang musika, ating mararating ang mga puso ng iba, kung paanong sa pamamagitan ng pagsasalita ay maaari tayong makipagtalastasan sa pag-iisip ng iba.

Oo, ang musika ay isang regalo ng Maylikha sa sangkatauhan, at anong dakilang regalo nga ito! Ipinakikita ng kamakailang pananaliksik na kahit na bago isilang ang mga sanggol ipinakikilala na nila kung anong musika ang gusto nila​—malambing, kabigha-bighani​—at kung anong musika ang ayaw nila​—maugong at maingay, gaya baga ng musika ng rock. Sinabi rin na ang isang di pa isinisilang na sanggol ay maaaring magkaroon ng talento sa musika samantalang nakakarinig ng magandang musika. Samakatuwid ang musika ay nagdadala ng kagalakan sa mga tao hindi lamang buhat sa pagsilang hanggang sa kamatayan kundi kahit na habang sila’y nasa tiyan pa ng kanilang ina hanggang sa sila’y mamatay! Yamang sa normal na paraan ay hindi itinuturing na talagang kailangan ito upang mabuhay ang tao, ang bagay na ginawang posible ng Maylikha na ang mga tao’y kumumpuwesto ng musika at masiyahan sa musika ay isa pang halimbawa ng kaniyang karunungan at pag-ibig. “Ang mga Hebreo ay isang bayan na mahilig sa musika,” ang sabi sa atin. At kapuna-puna nga na sa pasimula pa lamang ng kasaysayan ng tao ay itinampok na ang musika gaya ng pagsasaka at pagpapanday bilang isa sa mga hanapbuhay ng tao.​—Genesis 4:20-22.

Mga Epekto ng Musika

Gayunman, huwag nating kaliligtaan ang bagay na ang musika ay maaaring makabuti o kaya’y makasamâ. Ang mabuting musika ay binubuo ng kalugud-lugod na mga tunog na may kasamang melodya, harmonya, at ritmo; ang pinupukaw nito ay ang mga dakilang katangian sa tao. Subalit ang masamang musika ay mga makasalanang hilig ng tao ang pinupukaw. Ang gayong musika ay tinutukoy na: “Ang walang kabanalang trinidad ng . . . karahasan, sekso at ingay.”

Nakalulungkot sabihin, may mga musikero na nag-aangking naglilingkod sa Diyos na Jehova na nagkukulang sa bagay na ito. Ang ilan sa kanila ay naging presentadong mga manunugtog sa mga kasalan at nahayag doon na sila’y walang pagpapahalaga sa mga prinsipyo ng Bibliya dahilan sa uri ng musika na kanilang tinugtog. Ang pagtugtog nila ay napakalakas na anupa’t imposible na marinig ang karaniwang pag-uusap doon. Wari nga na nakalimutan nilang tuluyan na ang mga panauhin sa kasalan ay hindi naman naparoon unang-una upang makinig sa mga musikero na nagpapasikat sa kanilang pagtugtog.

Ang magandang musika ay nagsisilbi sa maraming kapakipakinabang na layunin. Ang marahang background music ay nagbibigay ng ginhawa, ng kapahingahan. Ang karamihan ng matatawag na “dakilang musika,” tulad baga ng simponikong musika at yaong napapakinggan sa isang opera house, ay maaaring pumukaw ng pag-iisip, o maaaring pasiglahin niyaon ang guni-guni at mga emosyon. Hindi dapat kaligtaan ang mga oratoryo, na karaniwan nang nakasalig sa mga tema sa Kasulatan, at kailangang sinasaliwan ng malalaking orkestra at mga korista. Isa sa pinakabantog ay ang “Messiah” ni Handel.

Ang musika ay maaaring isang pagpapala sa mga may-edad, sa mga hindi makalabas ng bahay, at sa mga maysakit. Ito’y ginagamit upang maabot kahit na ang mga batang may kapansanan sa isip pagka lahat ng mga iba pang paraan ay hindi umubra. Sinasabi na may mga musika na maaaring magamit na pampakalma sa mga pasyente sa mga opisina ng mga doktor at mga dentista. Ang tamang uri ng musika ay nakatulong daw sa mga manggagawa sa pabrika upang makagawa ng lalong mahusay na trabaho at ng higit pang trabaho. Sabihin pa, ang bisa ng musika na magpaginhawa sa isang nanghihinang katawan ay naunawaan na ni Haring Saul ng Israel mahigit na 3,000 taon na ngayon ang lumipas.​—1 Samuel 16:14-23.

Mangyari pa, ang pinakamagaling na mapaggagamitan ng musika ay ang pagpuri sa Diyos na Jehova. Ang gayong pag-awit ng papuri ay nagsimula humigit-kumulang 3,500 mga taon na ang lumipas nang ang Israel ay umawit ng papuri kay Jehova pagkatapos ng kanilang pagkaligtas sa Mapulang Dagat. (Exodo 15:1-21) Ang pagpuri kay Jehova sa pamamagitan ng awit at mga instrumento sa musika ay lubhang napatanyag sa pagsamba sa templo ng Diyos. Ang musika sa templo ay ginaganap ng mahigit na isang kasampu ng kabuuang bilang ng mga Levita. (1 Cronica 23:3, 5) Isang malaking orkestra at pangkat ng mga korista ang gumanap ng kanilang bahagi nang ialay ang templo ni Solomon. (2 Cronica 5:12, 13) Angkop na angkop, ang Kasulatang Hebreo (lalung-lalo na ang aklat ng Mga Awit) ay ulit at ulit na nanghihimok sa atin na umawit at magpuri sa Diyos na Jehova.

Dito sa Kasulatang Griegong Kristiyano, mababasa natin na si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay nagsiawit noong panahon ng Hapunan ng Panginoon. Ang apostol Pablo at si Silas ay nagsiawit nang sila’y nakabilanggo sa Filipos. (Mateo 26:30; Gawa 16:25) Ipinahihiwatig ng Unang Corinto 14:15 na ang pag-awit ay isang regular na bahagi ng pagsamba ng kongregasyon noong mga panahong apostoliko. Angkop na angkop ang payo ni Pablo na mababasa natin sa Colosas 3:16: “Kayo’y patuloy na magturuan at magpaalalahanan sa isa’t-isa sa pamamagitan ng mga awit, mga papuri sa Diyos, espirituwal na mga awiting may biyaya, na nagsisiawit sa inyong puso kay Jehova.” Makikita mo rin ang nahahawig na mga instruksiyon sa Efeso 5:18-20.

Upang makasunod sa mga utos na ito, sa pinakamaagang panahon sa pormal na pagsamba ng modernong Kristiyanong mga Saksi ni Jehova ay ginamit na nila ang kaloob na musika. Sa unang-unang taon ng paglalathala (noong 1879) ng Zion’s Watch Tower ay inilathala rin ang aklat-awitan, ang Songs of the Bride. Noong 1896 ang Society ay naglathala ng isang labas ng Zion’s Watch Tower na binubuo halos ng mga awit na kinumpuwesto ng mga Bible Students. Ang susunod na labas ng magasin ay nagsabi: “Ang pag-awit ng katotohanan ay isang mabuting paraan upang ito’y mapasa- ulo at puso ng bayan ng Diyos. . . . Ating pinasasalamatan ang Diyos sa ipinagkaloob na mga talento sa musika at tula sa kaniyang mga banal.” Pagkatapos ng isang daang taon ng paglalathala ng mga aklat-awitan, yaong isa na nagsisiwalat ng pinakadakilang talento sa musika at sa pagtula ay inilathala noong 1984. Ito’y pinamagatang Sing Praises to Jehovah.

Ang Tungkol sa Himig Nito

Ang pinakabagong aklat-awitan ay may doble ang daming mga pahina kaysa ating dating aklat-awitan. Ito’y may kumbinyenteng laking pambulsa at may malaki rin na ang mga salita at musika ay madaling basahin. Ang liriko at ang himig o melodya ay abuloy ng mga Saksi sa apat na sulok ng mundo, kasali na ang Australia, Brazil, Canada, Denmarka, Inglatera, Federal Republic of Germany, Finlandya, Pransia, Italya, Hapon, at Estados Unidos.

Naiiba sa lahat ng mga nakaraang aklat-awitan na lathala ng Watch Tower Society, hindi na taglay nito ang tradisyonal na apat-na-bahaging harmonya. Sa halip, ang humalili ay lalong higit na malambing at lalong madaling tugtuging mga pansaliw ang inihandang bahagi nito. Idinagdag din dito ang mga notang para sa gitara.

Dalawang mga bagong himig ang kinumpuwesto para sa paboritong mga salita sapagkat napag-alaman na ang mga himig na dating ginamit ay hindi mga Saksi ang kumumpuwesto. Paano nga nangyari iyon? Ang isang kompositor ay maaaring nakarinig ng isang tono na hindi gaanong kilalá. Nang sa bandang huli mapag-isipan niya iyon, baka naguguni-guni niya na siya ang kumumpuwesto niyaon.

Pinahusay Pa ang Diwa

Samantalang ang liwanag na sumisikat sa katotohanan ng Diyos ay patuloy na tumitindi kasuwato ng Kawikaan 4:18, kinailangan na baguhin ang mga awit na nasa mga dating aklat-awitan. At iyan ay totoo kung tungkol sa kasalukuyang Awit 215. Noong 1974 atin naunawaan na ang daong ni Noe ay lumarawan sa ating espirituwal na paraiso, hindi sa Kaharian. (Tingnan ang The Watchtower, 1974, pahina 634.) Kaya’t sa mas nauunang aklat-awitan ang linya na “Tumakas sa daong ng kaligtasan, Sa nariritong Kaharian!” ay binago at ginawang “Kumilos na! Ang sarili ialay; Kaharian ng Diyos ang sundin.”

Kabilang sa mga iba pang pinahusay para lalong maiwasto ay ang sumusunod: Sa bagong sistema ng mga bagay, hindi na magkakaroon ng “masasama” na katatakutan, imbes na wala nang “mga demonyo” na katatakutan, sapagkat ang bayan ng Diyos ay hindi natatakot sa mga demonyo. (Awit 129) Kasuwato ng mga salita ni Jesus sa Mateo 6:22, ang Awit 26 ay nagpapayo sa atin na ‘panatilihing dalisay ang ating paningin’ imbes na ‘ang ating paningin ay iisa.’

Malimit na ang isang himig ay nilalapatan ng mga panibagong salita na lalong epektibo at praktikal. Sa Awit 60, ang “Kaharian ng Diyos ng Sanlibong Taon,” ay ginagamit ang himig ng Awit 86 sa dating aklat-awitan. Ang liriko para sa Awit 2, “Pagsunod sa Diyos Bago sa mga Tao,” ay isang pagpapalawak niyaong sa dating Awit 79. Wari nga na ang temang ito’y karapatdapat na bigyan ng isang buong pahina imbes na kalahati lamang.

Kayamanang Espirituwal

Ang pinakabagong aklat-awitan ay angkop na pinamagatang Sing Praises to Jehovah, salig sa Awit 96:1, 4. Maraming mga awit ang nakadirekta kay Jehova at ipinagbubunyi ang kaniyang mga katangian. Narito ang mga ilan lamang: “Dakilang Diyos, Jehova!” (dito ay tinutukoy ang mga 20 na mga katangian o mga titulo ni Jehova); “Si Jehova, Ating Kaibigang Pinakamatalik”; “Talagang May Paglingap si Jehova”; “Pagpapala ni Jehova’y Nagpapayaman”; “Si Jehova, Tagapaglaan ng Tatakasan”; “Inihahayag ng Sangnilalang ang Kaluwalhatian ni Jehova”; at “Si Jehova, ‘Diyos ng Buong Kaaliwan.’”

Tayo ay pinagsasabihan na ‘magturuan at magpayuhan sa isa’t-isa sa pamamagitan ng mga awit, mga papuri sa Diyos at espirituwal na mga awitin,’ at ganiyang-ganiyan nga ang ginagawa ng aklat-awitang ito. (Colosas 3:16) Makikita mo ito sa mga titulo na gaya baga ng: “Maging Matatag, Di-Natitinag!”; “Mangagpakalalaki”; “Gumawa Nang Higit Pa Gaya ng mga Nasareo”; “Sulong, mga Ministro ng Kaharian!”; “Tapat na Nagpapasakop sa Kaayusang Teokratiko”; at “Manatiling Gising, Magpakatibay, Magpakalakas.”

Upang tulungan tayo na sundin ang payo ni apostol Pablo na, “Laging magalak sa Panginoon,” (Filipos 4:4), narito ang mga iba pa: “Isang Awit ng Kagalakan”; “Magalak sa Pag-asa ng Kaharian!”; “May Galak sa Buong Maghapon”; “Awitin ang Awit ng Kagalakan sa Kaharian”; “May-Kagalakang Nakikibahagi sa Pag-aani”; at “Mga Kagalakan at Bunga ng Paglilingkod sa Kaharian.”

Ang mga pagpapala ng Kaharian ay binigyang-pansin din sa ating pinakabagong aklat-awitan: “Kaharian ng Diyos ng Sanlibong Taon”; “Paraisong Pangako ng Diyos”; “Walang Hanggang Buhay​—Sa Wakas!”; “Kasama ni Kristo sa Paraiso.”

Ang ating mga kabataan lalo na ang nasisiyahan sa mga bagong awit na gaya ng: “Mga Kabataan! Tularan ang Kanilang Pananampalataya”; “Ang Dako ng Kabataan sa Kaayusan ng Diyos”; at “Mga Anak​—Mamahaling Kaloob Mula sa Diyos.” Ang isang awit na nagpapahalaga sa mabuting gawa ng ating mga kapatid na babae ay “Ang mga Babae ay Malaking Hukbo.”

Paano mo mapahahalagahan ang maiinam na mga awit na ito? Isa na, kung dinidibdib natin ang ating pribilehiyo at obligasyon na awitin ang mga ito bilang bahagi ng ating pormal na pagsamba pagka tayo’y nagtitipon sa ating mga Kingdom Hall. Sikapin natin na dumating sa pulong bago pa magsimula ang pulong, at huwag tayong aalis hangga’t hindi natatapos ang pulong, upang tayo’y makabahagi sa pag-aawitan. Umawit tayo ng ating buong puso, na maluwang ang buka ng bibig, at taglay ang init at damdamin. Mapahahalagahan din natin ang mga ito kung gagamitin natin ang mga ito sa ating mga sosyal na pagtitipon. Puwede tayong kumuha ng mga tape ng musika sa aklat-awitan upang ating mapatugtog kailanma’t ibig nating makarinig ng musika samantalang tayo’y nagpapahingalay. Sa ganoo’y sisigla ang ating espirituwalidad tuwing maririnig natin ang gayong magandang musika.

Pinakamahalaga, pahalagahan natin ang magagandang awiting ito sa pamamagitan ng pamumuhay araw-araw ayon sa mga damdamin na ipinahahayag ng mga ito, kung tungkol sa ating araw-araw na pamumuhay at sa ating ministeryo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share