Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 11/1 p. 3-4
  • Tayo Ba’y Nabubuhay sa “Panahon ng Kawakasan”?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tayo Ba’y Nabubuhay sa “Panahon ng Kawakasan”?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Posibilidad ng Araw ng Paghuhukom
  • Si Jesus, si Daniel, at ang Wakas ng Sanlibutan
  • Pinangakuan ni Jehova si Daniel ng Kamangha-manghang Gantimpala
    Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
  • Pagkilala sa mga Tunay na Mananamba sa Panahon ng Kawakasan
    Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
  • Pinalakas ng Isang Mensahero Mula sa Diyos
    Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
  • Ikaw at ang Aklat ng Daniel
    Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 11/1 p. 3-4

Tayo Ba’y Nabubuhay sa “Panahon ng Kawakasan”?

“Ngunit ikaw, Oh Daniel, isara mo ang mga salita at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan.”​—Daniel 12:4.

NALILITO ang taong nanananghalian. Siya’y tumanaw sa bintana ng isang restauran sa sentro ng Manhattan na nakapanunghay sa Times Square, New York City, ang kaniyang mga mata ay paroo’t parito sa tatlong hiwa-hiwalay na mga orasang digital, na pawang sa isang kisap-mata’y nagbibigay ng oras sa pagkalalaking mga letra. Sa isang orasan ay mababasa ang 11:28. Sa isa naman, na para bang nagdududa sa atrasadong oras, ay mababasa ang medyo atrasadong 11:26, samantalang ang ikatlo ay adelantado naman ang ibinibigay na oras na 11:29.

‘Ang isa o dalawang minuto ay bale wala,’ marahil ay sasabihin mo. Subalit, subukan mong kumbinsihin sa bagay na iyan ang isang tao, na naiwan ng kaniyang bus, tren, o eruplano, hindi dahil sa pagkaatraso ng kung ilang mga minuto kundi ng mga segundo lamang! Ang pagkaalam sa tamang panahon ay mahalaga. Ang pagkaalam kung nasaan na tayo sa orasan ng Diyos ay lalong mahalaga.

Ang Posibilidad ng Araw ng Paghuhukom

Kung sa bagay, gaya ng alam mo marahil, ang mga tao’y nag-uusap-usapan na tungkol sa “panahon ng kawakasan”​—ang sabi ng iba’y ‘ang katapusan ng sanlibutan’ o ‘doomsday’​—sa loob ng daan-daang taon na. Ito’y inihula na ng propetang si Daniel 25 siglo na ngayon ang nakalipas. (Daniel 12:4) Subalit sa ngayon, sang-ayon sa manunulat na si James David Besser, “hindi na kailangan ang relihiyoso o kahima-himalang pananampalataya upang matanggap ang posibilidad ng araw ng paghuhukom; ang kailangan lamang ay makinig sa pabalita ng telebisyon.” Hindi ka ba sang-ayon diyan?

Walang alinlangan, dahil sa telebisyon ang mga balitang pandaigdig ay nagiging lalong madaling makarating sa lahat ng dako dahilan sa ang aksiyon ay napapanood mo mismo sa iyong salas. Kaya naman ang problema ay waring naroon mismo at kasangkot tayo. Ipinagugunita nito sa atin na ang lunsod o bayan ay napinsala sa isang posibleng mangyaring nuklear na digmaan, ang anak na lalaki o babae ay dumanas ng karahasan na bunga ng malaganap na krimen, ang ina o ama ay ginawang hostage sa isang posibleng pag-atake ng mga terorista​—lahat na ito ay maaaring mangyari sa kaninuman sa atin. Gayunman, ang mga posibilidad na ito sa ganang sarili lamang ay hindi nagpapatunay na ang araw ng katapusan ng mundo ay naririto na sa atin. Subalit patotoo ang mga ito na tila nga lalong posible na mangyari ito, kaya ang tanong na, Tayo ba’y nabubuhay sa “panahon ng kawakasan?” ay nangangailangan ng apurahang kasagutan.

Si Jesus, si Daniel, at ang Wakas ng Sanlibutan

Mahigit na 19 siglo na ngayon ang lumipas, ang mga alagad ni Jesus ay nagtanong sa kaniya: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay [“katapusan ng sanlibutan,” King James Version]?” (Mateo 24:3) Sa pagbibigay sa kanila ng isang tanda, si Jesus ay bumanggit ng maraming ebidensiya, pawang bahagi ng iisang tanda na magpapakilalang tayo’y sumapit na sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Buklatin ang iyong Bibliya sa Mateo mga kabanata 24 at 25, Marcos kabanata 13, at Lucas kabanata 21, at basahin mo.

Marahil ay magtataka ka na makitang ang iyong binabasa ay halos isang sumaryo ng mga balita sa telebisyon sa maghapon. Mababasa mo ang tungkol sa mga digmaan, malalakas na lindol, mga salot, at mga kakapusan sa pagkain​—pawang nagaganap sa buong globo. Mababasa mo rin ang tungkol sa “panggigipuspos ng mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon,” at tungkol sa mga bayan na “nanglulupaypay ang mga tao dahil sa takot at paghihintay ng mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” Mayroon ka bang makikitang lalong angkop na mga pananalita upang ilarawan ang situwasyon ng daigdig, na tungkol dito ay napakarami ang masasabi sa atin ng mga programa sa telebisyon?​—Lucas 21:10, 11, 25, 26.

Ang matibay na ebidensiyang ito ng mga pangyayari na nagpapatunay na tayo’y nabubuhay sa “panahon ng kawakasan” ay mayroon pang karagdagan. Gaya ng mapapansin natin sa binanggit na, tayo’y makakasumpong ng umaalalay na ebidensiya kung aatras tayo ng isa pang 500 mga taon at sasapit sa mga kaarawan ng Judiong propetang si Daniel. Siya’y tinukoy ni Jesus sa pangalan, at sinalita niya ang katuparan ng hulang ito ni Daniel. (Ihambing ang Mateo 24:3, 15, 21 sa Daniel 11:31; 12:1, 4.) Sa paggawa nito, ipinakita ni Jesus na hindi niya itinuturing na ang mga salita ni Daniel sa “Matandang Tipan” ay lipas na o walang kabuluhan. At ganiyan din ang dapat sa atin.

Pansinin ang pagkakahawig ng mga salita ni Daniel at ng mga salita ni Jesus gaya ng nasa itaas. Pagkatapos ay tanungin ang iyong sarili, ‘Hindi kaya iisang bagay ang kanilang tinutukoy?’

Maliwanag na si Daniel at si Jesus ay kapuwa humula tungkol sa iisang bagay, “ang panahon ng kawakasan,” na sa panahong iyan si Kristo ay magiging presente na at naghahawak ng kapangyarihan sa paghahari. Sa wakas ng yugto ng panahong iyan, kaniyang lilipulin ang lahat ng kaniyang kaaway dito sa lupa sa isang malaking kapighatian. Subalit ang bayan ng Diyos ay maliligtas.

Ibig mo bang maging isa ka sa mga makaliligtas? Kung gayon ay pag-aralan ang ebidensiya na inihaharap ni Daniel tungkol sa “panahon ng kawakasan.” Ito’y tumutulong sa atin na malaman kung nasaan na tayo sa orasan ng Diyos.

[Kahon sa pahina 4]

SI DANIEL

“Sa panahon ng kawakasan . . . si Miguel [si Jesu-Kristo] ay tatayo . . . at magkakaroon nga ng panahon ng kabagabagan na hindi pa nangyayari kailanman mula nang magkaroon ng bansa . . . At sa panahong iyon ay maliligtas ang iyong bayan.”​—Daniel 11:40; 12:1.

SI JESUS

“Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay? . . .

“Magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan . . .

“Malibang paikliin ang mga araw na yaon, walang laman na maliligtas; ngunit . . . paiikliin ang mga araw na yaon.”​—Mateo 24:3, 21, 22.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share