Naghahanap Ka ba ng Kapareha sa Buhay?
“WALA nang higit pang maganda, palakaibigan at kaakit-akit na relasyon, pagkakaisa o pagsasamahan kundi ang isang mabuting pag-aasawa.” Ganiyan ang pagkasabi. Kung gayon, hindi nga ipagtataka kung bakit angaw-angaw na mga taong walang asawa ang naghahangad na magkaroon ng kapareha sa buhay.
Ang iba’y umaasa sa isang computer bilang tagapagpareha, ang iba naman ay sa mga bituin. Subalit higit ngang mabuti ang umasa sa ating Maylikha, ang Tagapagtatag ng pag-aasawa! (Genesis 2:18-24) Ang maibiging interes at karunungan ng Diyos ang nagbibigay ng matatag na saligan sa pagtitiwala sa kaniyang payo at mga simulain na tutulong sa atin upang makaalam kung ano ang dapat hanapin sa isang asawa. (Awit 19:7) Ang kaniyang Salita ay nagpapayo sa atin na:
‘Mag-asawa ng Isang Nasa Panginoon’
Bakit? Ito’y dahil sa ang Diyos na Jehova ay may malasakit sa ating walang hanggang kapakanan. Ang payo ni apostol Pablo na ‘mag-asawa sa isang nasa Panginoon’ ay kasuwato ng pag-aasawa ng mga sinaunang lingkod ni Jehova na ang piniling maging asawa ay yaong mga kagaya rin nila na nasa tunay na pagsamba. (1 Corinto 7:39; Deuteronomio 7:3, 4) Ang pakinabang sa paggawa ng ganiyan ay marami at dapat na isaisip.
Halimbawa, ang isang maka-Diyos na asawa ay makatutulong sa patuloy na pananatiling tapat natin sa ating makalangit na Ama. (Ihambing ang Eclesiastes 4:9-12.) Ang mag-asawang Kristiyano ay makapagpapatibay-loob sa isa’t-isa at magkasamang matagumpay na makahaharap sa iba’t-ibang pagsubok. Sa kanilang pagkakaisa, mapagtatagumpayan nila ang mga kagipitan na maaaring magpahina sa buklod ng pag-aasawa. Yamang sila’y kapuwa kay Jehova nakatingin at ikinakapit nila ang kaniyang kahanga-hangang payo, lalong madali nilang malutas ang mga suliranin at sila’y makagagawang magkasuwato sa halip na maging magkalaban. Ang kanilang taimtim na pagsisikap na maglingkod kay Jehova at hubugin ang kanilang mga buhay ayon sa kaniyang mga daan ay tutulong upang magtagumpay ang kanilang pag-aasawa na isang karangalan sa ating Maylikha.
Mga ilang taon na ngayon ang lumipas, isang babae na nagngangalang Gloria ang nagiging malapít sa isang binata na dumadalo sa mga pulong Kristiyano at nagkukomento pa sa Pag-aaral ng Bantayan. Siya’y pinayuhan na huwag magpatuloy ng matalik na pakikisama sa taong ito na hindi pa bautismado, subalit si Gloria’y “totoong haling sa pag-ibig” na anupa’t hindi niya ikinapit ang payo. Gayunman, batid niya na mabuti ang payo. Kaya’t isang araw siya’y nanalangin nang buong taimtim kay Jehova, at hiniling na tulungan siya sa bagay na ito. Hindi nagtagal pagkatapos, natuklasan na ang lalaking iyon ay imoral, kaya agad-agad pinutol ni Gloria ang kanilang pagkakaibigan. Sa wakas ay nakapag-asawa siya ng isang mahusay na binatang Kristiyano. Sa ngayon, ang lalaking ito ay isang hinirang na matanda, at ang kanilang dalawang anak ay aktibo sa katotohanan. Pagka naalaala ni Gloria ang nakalipas, kaniyang nasasabi: “Salamat na lamang kay Jehova at naiwasan ko ang maraming problema. Dahilan sa kaniyang patnubay, natamo ko ang pinakamagaling na payo, at nakatulong ito upang magkaroon ako ng isang maligayang buhay kapiling ng isang mapagmahal na asawa.”
Bakit sa Ibang Dako Hahanap?
Kung gayon, bakit ang isang taong nag-alay kay Jehova ay sa iba pa titingin para sa paghanap ng isang mapapangasawa? Ang Kristiyano ba ay hindi kumbinsido na alam ni Jehova at hinahangad niya ang pinakamagaling para sa atin? (Kawikaan 3:1-7; Awit 145:16) Kumusta ka naman? Ikaw ba’y naniniwala na si Jehova “ang Diyos ng katotohanan”? (Awit 31:5) Kung gayon, tiyak na matatalos mo na sa tuwina’y magbibigay siya ng mapagkakatiwalaang payo na tumpak at kapaki-pakinabang. (Isaias 48:17, 18) Oo, ang ating maibiging makalangit na Ama ay nagbibigay ng payo na ang sumasaisip ay ang ating walang hanggang kapakanan, subalit tayo’y may makitid na pananaw at limitado ang ating mga plano sa malapit lamang na hinaharap. Sa paghanap ng kapareha sa buhay, hindi baga dapat tayong magplano ng higit kaysa malapit lamang na hinaharap?—Awit 37:11, 29.
Talaga bang naniniwala ka na ang Kaharian ay naririto na at sa pinakamadaling panahon ay lilinisin nito ang lupa? At nakikini-kinita mo ba na ikaw ay nasa inihulang pangglobong Paraiso? O ang hangad mo ba ay lubusan pang maligayahan sa kasalukuyang sistema ng mga bagay? Ikaw ba ay humahanap ng isang kapareha na may abilidad na bigyan ka ng isang mainam na istilo ng pamumuhay? O ikaw ba ay naghahanap ng isang kapareha na ang inuuna’y ang tunay na pagsamba? (Mateo 6:33) Oo, ano nga ba ang pangunahin sa iyong buhay? Isang katalinuhan para sa atin na suriin ang ating kaloob-loobang kaisipan at mga motibo. Pagkatapos, kung kinakailangan, maaari tayong gumawa ng mga pagbabago at sa gayo’y maiwasan ang isang landasin ng pagkilos na maaaring di-makalugod kay Jehova.—Ihambing ang Awit 78:40, 41.
Ang Ating Mapandayang Puso
Ang Jeremias 17:9 ay nagbababala na “ang puso ay lalong magdaraya kaysa anupaman.” Kaya kailangang supilin natin ito. Makabubuti rin na tandaan na yaong mga nagwawalang-bahala sa kinasihang payo ng Bibliya at sa mga paalaala ng mapagmahal na mga matatanda sa kongregasyon at mga iba pa ay malimit na lumuluha at dumaranas ng pagkasiphayo.
‘Pero paano mo masasabi iyan?’ baka sabihin ng isa. ‘May kilala akong isang brother na hindi nag-asawa ng isang sister, at ngayon sila ay kapuwa naglilingkod kay Jehova.’ Totoo, sa mga ilang kaso ang mga bagay-bagay ay lumabas ng ganiyan, at tayo ay natutuwa na ang mag-asawa ay “lumalakad sa katotohanan” ngayon. (3 Juan 4) Gayunman, ang brother na nag-asawa ng isang babaing di-bautismado ay masuwayin. Ang espiritu bang iyan ng pagkamakasarili ay minsan pang mahahayag uli? Siya kaya ay matutuksong isipin na malaki ang alam niya kaysa Diyos at sa gayo’y hindi niya susundin ang payo ng Bibliya at sa kaniyang sariling karunungan magtitiwala siya pagka napaharap sa isa pang situwasyon? Tayo’y hinihimok na ‘magtiwala kay Jehova nang buong puso natin.’ (Kawikaan 3:5) Iyan ay nagpapahiwatig ng lubusang pagpapasakop sa kalooban ng Diyos sa lahat ng araw. Kaya’t ibig nating magkaroon tayo ng masunuring puso, na nakakapasa sa pagsubok ng pagsunod kahit na sa maliliit na bagay. (Lucas 16:10) Kung tayo’y susuway sa Diyos, ano bang uri ng parisan ang ating pinauunlad? Ang brother na hindi ‘nag-asawa ng nasa Panginoon’ ay marahil nakakilala na ngayon ng kaniyang pagkakamali sa paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa kaniyang sariling paraan at siya’y humingi ng tawad kay Jehova. Subalit ganiyan ba ang ibig mong sundin sa iyong pag-aasawa?
‘Pero ang aking boyfriend ay nakikipag-aral na ng Bibliya at dumadalo na sa mga pulong Kristiyano,’ baka sabihin naman ng isa. Oo, subalit bakit ba siya nakikipag-aral? Upang makahikayat siya ng magiging asawa o upang matuto ng tungkol sa Diyos na Jehova at maglingkod sa kaniya? Sa buong panahon ng panliligaw ang mga motibo ng lalaki ay maaaring mapag-alinlanganan. Ano kaya ang madidiskubre mo pagkatapos ng araw ng kasal? Kung sa bagay, baka mahihintay mo hanggang sa ang iyong nobyo ay mabautismuhan at hindi magtagal pagkatapos ay pagkasunduan na ninyo ang petsa ng kasal. Sa estriktong pananalita, ikaw ay ‘nag-aasawa ng nasa Panginoon.’ Subalit ikaw ba ay kumikilos na kasuwato ng diwa ng payong iyan?
Napansin mo ba pagka ang isang kapatid na lalaki ay inirerekomenda para sa anumang pribilehiyo sa paglilingkod? Sapat na ba ang mabautismuhan? Hindi, bagkus, ang gayong kapatid ay “sinusubok muna kung karapat-dapat.” (1 Timoteo 3:10) Mayroon ba tayong maaaring matutuhang aral diyan? Oo. Stop, look, and listen (sa Tagalog, Huminto, tumingin, at makinig muna). Huminto ka at pag-isipan na ang pag-aasawa ay isang bagay na seryoso. Pagmasdan mo ang indibiduwal, hindi sa pamamagitan ng nalalabuang mga mata ng haling na pag-ibig, kundi kasabay ang pagtitimbang-timbang ng mga bagay-bagay. At makinig ka rin naman. Siya ba ay nangungusap buhat sa puso kasabay ng mapagmahal na pagpapahayag ng papuri sa Diyos? Sa isang makatuwirang haba ng panahon, nakikita bang siya’y sumusulong bilang isang Kristiyano? Pagkatapos na maipakita niya ang kaniyang pananampalataya at espirituwal na mga kuwalipikasyon, hindi pa rin sapat na panahon iyan upang pag-isipan mo na siya’y maging isang kapareha sa buhay. Sabi ng isang mapagpatawang makata:
“Binibini! Sigun sa aking ibinibida
Waring may aral itong dinadala—
Pumili ka ng tamang kapareha,
At ng tamang panahon din ng pag-aasawa.”
Ano kaya ang mangyayari kung ang ating puso ay magsasa-isang tabi ng mabuting payo at matinong pangangatuwiran? Maaaring humantong ito sa kapahamakan. Tandaan, ang Bibliya ay nagpapayo sa atin:
‘Iyong Inaani ang Inihasik Mo’
Pag-isipan ang nangyari kay Jacqueline. Isang matanda ang nagpayo sa kaniya tungkol sa pakikipagkaibigan sa isang binata sa labas ng kongregasyong Kristiyano. Ngunit dahil sa inaakala niyang masyadong istrikto ang mga kapatid, hindi niya pinakinggan ang payo buhat sa Bibliya. Pagkatapos na bulay-bulayin ang kaniyang sariling saloobin, nang bandang huli ay inamin niya: “Nakikita ng isa ang ibig niyang makita at hindi ang nakikita at sinasabi ni Jehova.” Ang binata ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya at sa wakas ay nabautismuhan. Hindi lumipas ang tatlong buwan sila ay napakasal.
Dagling bumangon ang mga problema. Sa katunayan, sa honeymoon pa lamang ay nagsimula na ang mga iyon! Ang mga ugaling di kanais-nais na hindi napansin ni Jacqueline o marahil pinalampas na lamang niya ay nahalata na niya ngayon, ang pangarap niya ay isang maligaya at nagkakaisang pagsasama bilang mag-asawa, pero, nakalulungkot sabihin, ang kabaligtaran ang natupad. Ang kaniyang asawang lalaki ay natiwalag at siya’y iniwanan nito pati ang kanilang dalawang anak. Ngayon kailangang kumayod siya upang mapagtagumpayan ang mga kagipitan ng pamumuhay sa nalalaos na sistemang ito at upang mapalaki ang kaniyang dalawang anak, na inaasikaso ang kanilang pisikal at emosyonal na mga pangangailangan. Ano ba ang natutuhan ni Jacqueline sa masaklap na karanasang ito? “Pagsunod,” aniya. “Bagama’t ang payo ay waring marahas o baka sa tingin ay waring hindi siyang pinakamagaling para sa iyo, dapat isipin ng isa na ito’y nanggagaling kay Jehova at dapat na lubusan niyang sundin ito.”—Galacia 6:7; Awit 86:11.
Narito ang isa pang halimbawa. Ang kaniyang naging asawa ay nakilala ni Maritza sa kanilang trabaho. Ipinakita sa kaniya ng lalaki ang mga bagay-bagay sa sanlibutan na noon lamang niya nakita—at sa pakiwari niya’y hindi naman masama sa kaniya. Ang lalaki ay may mataas na pinag-aralan, may magandang pag-uugali, at nakapagsasalita ng may katalinuhan tungkol sa maraming bagay. Bagama’t si Maritza ay binigyan ng maraming paalaala buhat sa Kasulatan, iyon ay hindi tumagos sa kaniya. Siya’y masyadong “haling sa pag-ibig.”
Hindi nagtagal at ang mga pulong Kristiyano ay naging kabagut-bagot kay Maritza, kulang ito ng kaningningan kung ihahambing sa maligayang mga gabi na kapiling niya ang kaniyang kasintahan. Bago sila magpakasal, ang lalaki ay nangako na hindi niya hahadlangan si Maritza sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano, at gayon nga. Subalit, unti-unting si Maritza ay naging okupado sa iba pang mga bagay na anupa’t ang kaniyang espirituwal na mga aktibidades ay napalagay sa panigundang dako na lamang, at siya’y naging inaktibo.
Kumusta naman yaong mga maliligayang pagniniig nila? Unti-unting nawala, at sa wakas si Maritza ay hiniwalayan ng kaniyang asawa, anupa’t naiwan sa kaniya ang apat na mga anak na edad kuwatro hanggang nuebe anyos. Dahilan sa kabiglaanan si Maritza ay naiwan na parang tulala, at pagkalipas lamang ng tatlong taon nakadama siya ng sapat na katahimikan upang pag-isipan ang nangyari sa kaniya at ang dapat niyang gawin sa kaniyang buhay. Laging sinasabi niya sa kaniyang sarili: “Ang buhay ay pawang pagtitiis.” Subalit hindi siya nasisiyahan diyan sapagkat nagugunita pa niya ang lumipas na mga taon nang siya’y maligaya, nang siya’y nakakadama pa ng malamig na hanging dumadampi sa kaniyang mukha samantalang naglilingkod sa larangan, nakikibahagi kasama ng iba sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian.
“Oh, anong laking kadalamhatian at kalungkutan ang sana’y naiwasan ko kung nakinig lamang ako!” ang bulalas ni Maritza. Sa pamamagitan ng mga kamag-aral ng kaniyang mga anak, minsan pang natagpuan niya ang mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang interes sa katotohanan at ang kaniyang pag-ibig kay Jehova ay muling nanariwa, at ngayon siya at ang kaniyang mga anak ay aktibo sa paglilingkod sa kaniya. Ngayon ay buong pusong inirerekomenda ni Maritza: “Matutong pasakop sa patnubay na ibinibigay ni Jehova at kilalanin na ginagamit ni Jehova ang mga tao na hindi mo sukat akalain na tutulong sa atin upang makilala ang kaniyang kalooban para sa atin.” Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ingatan ninyo kung paano ang inyong pakikinig.” (Lucas 8:18) Oo, stop, look, and listen!
Magmasid-masid ka sa pagdalo mo sa susunod na pulong sa Kingdom Hall. Tiyak na makakakita ka ng maraming maliligayang mag-asawang Kristiyano at mapapansin mo ang kanilang kaluguran sa pagsasama at pagpapalitan ng mga karanasan. Sa kabilang panig, baka ang makita mo’y ang mga iba na nag-iisa dahil sa ang kanilang mga asawa ay di-kapananampalataya. Oo, anong laki ng kanilang paghahangad na sana’y kasama nila ang kani-kanilang kabiyak! Malimit na kailangang dali-daling umuwi sila pagkatapos na pagkatapos ng pulong at hindi na sila nakikisali sa nagpapatibay na mga pag-uusap-usap at nakikihalubilo sa mga kapananampalataya. Ikaw ba’y papayag na mapalagay sa ganoong mga kalagayan dahilan sa pagwawalang-bahala sa payo na ‘mag-asawa ng nasa Panginoon lamang’? Bagkus, anong laking katalinuhan na sundin ang mga tagubilin ni Jehova at sa gayo’y maiwasan ang masaklap na mga ibubunga!—Awit 119:9; Kawikaan 28:26.
Maghintay Kay Jehova
‘Pero,’ baka sabihin mo, ‘talagang wala akong mahanap na sinuman sa kongregasyon. Kakaunti-kaunti ang mga tao na kaedad ko.’ Marahil ay totoo iyan. Subalit kumbinsido ka ba na ibig ni Jehova na ikaw ay maging maligaya? “Siya’y nagmamalasakit sa iyo.” (1 Pedro 5:6, 7) Natatandaan mo ba ang kawikaan na nagsasabi: “Ang isang marunong na asawang babae ay galing kay Jehova”? (Kawikaan 19:14) Oo, kung gayon, bakit hindi mo daanin sa panalangin ang paksa ng pag-aasawa?—Filipos 4:6, 7.
Natatandaan mo ba si Ana at ang kaniyang naisin na magkaanak? Ano ang ginawa niya? Kaniyang binuksan ang kaniyang puso at nagsumamo kay Jehova, at lubusang nagtiwala sa kaniya. Pagkatapos ay pinabayaan niyang ang mga bagay ay mapasa-kamay ni Jehova. Nang takdang panahon, siya’y tumanggap ng kahanga-hangang sagot sa kaniyang panalangin—ang pagsisilang sa isang anak na lalaki.—1 Samuel 1:9-11, 18-20; Awit 62:8.
Bagama’t kakaunti-kaunti ang mga taong kaedad mo sa lokal na kongregasyon, kumusta naman ang mga pansirkitong asamblea at mga pandistritong kombensiyon? Tayo’y dumadalo sa ganiyang mga pagtitipon ukol sa espirituwal na mga dahilan. Subalit yaong mga nagbubuluntaryo ng kanilang mga paglilingkod ay may kasiyahan ng paglilingkod sa iba at pagkakilala ng mga kapatid na naglilingkod kay Jehova nang buong kaluluwa. At sa ganiyang mga okasyon may posibilidad na matagpuan mo ang iyong magiging kapareha sa buhay sa hinaharap.
Subalit kung ngayon ay hindi ka makasumpong ng isang karapat-dapat na asawang Kristiyano, manalangin ka at umasa kay Jehova na siyang tutulong sa iyo para magpatuloy sa isang malinis na pamumuhay bilang isang taong wala pang asawa. At samantalang wala ka pang asawa, pasulungin mo ang mga katangian at mga kakayahan na magpapangyaring ikaw ay maging isang mabuting asawang lalaki at ama o isang mabuting asawang babae at ina. (Galacia 5:22, 23) Marami ang natulungan na gawin ang ganiyan sa pamamagitan ng pagpasok sa buong-panahong ministeryo bilang mga payunir. Anong inam na paraan iyon na gamitin ang iyong panahon at lakas!
Kung ikaw ay naghahanap ng isang kapareha sa buhay, saan ka magsisimula? Harinawang iyon ay sa gitna ng aktibong mga kapananampalataya kay Jehova, yaong may katulad na mga tunguhin sa buhay at may matinding pagnanasa na maglingkod sa kaniya magpakailanman. (2 Timoteo 2:22) At kung pagpapalain ka ni Jehova at bibigyan ng isang maytakot sa Diyos na kapareha sa buhay, harinawang ang iyong pag-aasawa ay maging isang karangalan sa ating maibiging Diyos.
[Blurb sa pahina 29]
“Oh, anong laking kadalamhatian at kalungkutan ang sana’y naiwasan ko kung nakinig lamang ako!”