Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 12/1 p. 25-27
  • Ang Pagpapayunir ang Inspirasyon ng Aking Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagpapayunir ang Inspirasyon ng Aking Buhay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbabago ng Misyon
  • Ang Espiritu ng Pagpapayunir sa Pamilya
  • 1914​—Isang Taon na Di Malilimot
  • Naglalakbay Dala ang Mabuting Balita
  • Pananatili sa Pagpapayunir
  • “Hanapin Muna ang Kaharian”
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Paglilingkurang Payunir—Ito ba’y Para sa Inyo?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1987
  • Ang mga Payunir ay Nagkakaloob at Tumatanggap ng mga Pagpapala
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Ang Aking Paglalakbay Tungo sa Bagong Sanlibutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 12/1 p. 25-27

Ang Pagpapayunir ang Inspirasyon ng Aking Buhay

Ibinida ni Arthur Gustavsson

DOON sa may kaitaasan ng balot-niyebeng Himalayas, sumapit sa aking mga magulang, na sina Fred at Amanda Gustavsson, ang katotohanan na nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Noon ay 1903, at ipinagbubuntis pa lamang ako ng aking ina. Ano ba ang ginagawa ng aking mga magulang doon, na pagkalayu-layo sa kanilang sariling bayan ng Sweden?

Noong taóng 1880 sila’y umalis sa Sweden upang pumaroon sa Estados Unidos. Kapuwa sila may matibay na paniniwala sa Diyos. Sila’y umanib sa Scandinavian Mission Alliance sa Chicago. Pagkatapos na magsanay, sila’y idinistino na na mga misyonero sa Baltistan, ngayo’y nasa dulong hilaga ng Pakistan. Subalit, hindi nagtagal at nasumpungan nila na napakahirap na mangumberte ng mga Muslim sa mga turo ng Sangkakristiyanuhan. Sila mismo ay nagsimulang magduda kung talaga ngang gayon kalupit ang Diyos upang ang taos-puso at mapagpatuloy na mga taong iyon ay hatulan ng walang hanggang kaparusahan sa apoy ng impierno kung sila’y hindi pakukumberte. Bahagya man ay hindi nila natatalos na ang kanila palang mga isip ay inihahanda noon para pasukan ng isang bagay na lalong mabuti.

Nang sumapit ang panahon ay tumanggap sila ng isang aklat buhat sa isang kaibigan sa Estados Unidos na lubusang bumago ng kanilang kaisipan. Iyon ay ang The Divine Plan of the Ages, ni Charles T. Russell, na pangulo noon ng Watch Tower Society. Kanilang binasa iyon, at para bagang may mga kaliskis na nahulog buhat sa kanilang mga mata. Malinaw na nakita nila na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, hindi walang hanggang pagpapahirap. (Roma 6:23) Ngayon ay mayroon na silang positibong mensahe ng pag-asa para sa mga tao​—na ang Kaharian ng Diyos ang malapit nang kumilos upang baguhin ang lupa at gawing paraiso.

Pagbabago ng Misyon

Halos nang panahon ding ito isinilang ako sa Shigar sa Baltistan. Makalipas ang kaunting panahon ay isinilang naman sa daigdig ang kapatid kong si Mirjam. Ipinasiya ng aking mga magulang na ibig nilang gumawa sa ilalim ng pangangasiwa ng Watch Tower Society upang ipangaral ang bagong katotohanan na natuklasan nila. Gayumpaman, dahil sa mga kalagayan sila ay napilitan na bumalik sa Sweden noong 1908. Doon sa Göteborg sila ay nagsimulang nangaral ng ‘mabuting balita ng Kaharian’ bilang mga colporteur, na buong-panahong mga ministro ang pagkakilala noon sa mga ito. (Mateo 24:14) Sa unang sampung taon, kanilang ginawa ang buong lunsod makatatlong beses sa kanilang ministeryo ng pagbabahay-bahay. Maraming mga tao ang tumanggap sa katotohanan.

Natatandaan ko pa na may isang Mrs. Hanna Gunnarsson na nagalit nang husto nang sabihin ng aking ama na ang Bibliya ay walang itinuturo na ang tao’y may kaluluwang walang kamatayan. Ang bulalas niya: “Kung tayo’y walang kaluluwang walang kamatayan, di puede ka nang pumunta riyan sa sapa at magpakalunod!” May kabaitang ngumiti lamang ang aking ama at ibinigay sa kaniya ang pulyeto na What Say the Scriptures About Hell? Nang maglaon ang babaing ito ay naging isang Saksi, pati ang kaniyang mga anak na babae. Ang insidenteng iyan ang nagturo sa akin na huwag maligalig​—anuman ang sabihin ng mga tao.

Nang ako’y diyes anyos, si Brother Rutherford ay naparoon sa Göteborg upang magbigay ng pahayag pangmadla na “Nasaan ang mga Patay?” Sa kaniyang pagpapahayag ay nag-alok siya na bibigyan niya ng $1,000 ang sinuman sa mga tagapakinig niya na makapagpapatunay na ang tao ay may kaluluwang di namamatay. Walang sinumang nangahas na tanggapin ang hamon.

Ang Espiritu ng Pagpapayunir sa Pamilya

Dahil sa magandang halimbawa ng aking mga magulang, hindi nagtagal at nahawahan din ako ng espiritu ng pagpapayunir. Nagsimula akong makibahagi sa ministeryo sa kamusmusan pa lamang. Ako ang pinabibigay ng tatay ko ng mga handbill na nag-aanunsiyo sa mga pahayag pangmadla. Gustung-gusto ko naman ito at nagkaroon pa ako ng mga pambihirang karanasan. Isang araw ako’y dumalaw sa aking guro upang anyayahan siya sa isang pahayag. Marahas na tinanggihan niya ang handbill. Takang-taka ako na anupa’t ako’y natisod at nahulog sa hagdan. Iyon ay naging aral sa akin​—tinuruan ako na maging realistiko. Ang mga tao ay hindi laging yaong ibig natin maging sila.

Ang aming tahanan ay natulad sa isang tahanan ng payunir, bawat isa’y kailangang gumanap ng trabahong toka sa kaniya. Kami ng aking kapatid na si Mirjam ay nakababatid ng kahalagahan ng pangangaral na ginagawa ni Itay at ni Inay. Kaya naman, kusa na kaming naglilinis ng buong bahay pag-uwi namin galing sa paaralan.

Sa edad na 16 anyos ay nag-alay ako ng sarili na gawin ang kalooban ni Jehova at napabautismo noong 1919 sa isang kombensiyon sa Örebro. Nang sumunod na taon ay inanyayahan ako na gumawang kasama ng maliit na grupong may walong kapatid na lalaki na doon gumagawa sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Sweden. Ang mga taóng iyon ng paglilingkod sa sangay ang naglatag ng pundasyon para sa isang disiplinado at maayos na buhay sa paglilingkod kay Jehova.

1914​—Isang Taon na Di Malilimot

Sa loob ng maraming taon bago sumapit ang 1914 ang mga Bible Students, gaya ng tawag sa atin noon, ay naghihintay sa taon na iyan bilang isang natatangi. Yamang ito’y minarkahan sa hula ng Bibliya, kami’y umaasa na may mga pangyayaring pambihira na darating. Malinaw pa sa aking alaala ang araw ng Linggo, Agosto 2, 1914. Ang aking ama ang konduktor ng pag-aaral sa Göteborg nang sa labas ay nakarinig kami ng sigaw ng isang naglalako ng peryodiko na: “Nagsimula na ang paglalagablab ng daigdig!” Ang mga kapatid na nasa bulwagang iyon ay napatingin sa isa’t isa. Ang ilan sa mga bagay na aming ibinabalita tungkol sa 1914 ay nagsimula nang magkatotoo.

Ang taóng 1914 ay may isa pa ring kahulugan para kay Johan Severin Petersson. Ang kaniyang kapatid na si Ida ay nakapag-iwan pala sa kaniya ng tatlong aklat na isinulat ni Brother Russell. Ang akala niya ay mapanganib na basahin ang mga ito, kaya’t sinunog niya. Ito’y nabalitaan ni Ida at, nagpupumilit pa rin, nagpahiram sa kaniya ng tatlo pang aklat. Ngayon ay kaniya nang sinusian ito sa isang aparador.

At sumapit ang Dakilang Digmaan ng 1914. Naulinigan ni Johan na ang mga aklat ay bumanggit ng tungkol sa petsang iyan. Dahilan sa pananabik, kaniyang binuksan ang aparador, inilabas ang mga aklat, at binasa ang mga ito. Ang kaniyang mga mata ay nabuksan sa katotohanan ng Bibliya, at siya man ay naging isang Bible Student. Siya’y napabautismo noong 1917, at ang kaniyang anak na babaing si Rosa ay napabautismo rin noong 1918. Noong 1928 si Rosa ay naging ang mahal kong asawa at kapareha sa buhay sa paglilingkod kay Jehova.

Naglalakbay Dala ang Mabuting Balita

Nang ako’y mag-asawa na, nilisan ko ang tanggapang sangay, at kami ni Rosa ay nagpayunir para dito namin gugulin ang aming pulótgatâ! Sa unang buwan ng aming pagsasama, kami’y nakapamahagi ng 4,000 kopya ng pulyetong Freedom for the Peoples.

Makalipas lamang ang mga ilang buwan, ako’y tinanong kung tatanggapin ko ang alok na maging isang naglalakbay na regional service director, na kilala sa tawag ngayon na tagapangasiwa ng sirkito. Kasali na rito ang pagdalaw sa mga kongregasyon sa buong Sweden at nang malaunan ay sa Norway. Walang kaayusan noon na ipagsama ang iyong asawa sa mga paglalakbay na ito. Kaya ako’y nasa paglalakbay sa loob ng anim o pitong linggo, at mga ilang araw lamang na libre ako sa pagitan ng bawat ruta. Handa kaming gawin ang pagpapakasakit na iyan at ginawa ang gayon na may 14 na taon.

Ano ba ang ginawa ni Rosa sa loob ng panahong ito? Siya’y nagpayunir kasama ng aking kapatid na babae sa Hälsingborg, Sweden. Malimit na sila’y kinailangan noon na mamisikleta upang magawa nila ang malawak na teritoryo. Subalit hayaan natin na magkuwento siya tungkol diyan.

“Ang pagpapayunir noong 1930’s ay napakahirap kung ihahambing sa pagpapayunir ngayon. Kami ni Mirjam ay umuupa noon ng isang munting kuwarto sa loob ng isa o dalawang linggo samantalang kami’y nagpapalipat-lipat sa mga parokya. Pagkatapos ay lumilipat kami na ang lahat ng aming dala-dalahan ay nakakarga sa aming mga bisikleta​—mga damit, kaldero, at mga kahon ng aklat. Isang pambihirang panoorin nga!

“Hindi laging madali na humanap ng mga matitirhan. Isang araw, pagkatapos na gumawa kaming magkahiwalay, kami’y nagtagpo ni Mirjam mga alas otso ng gabi.

“Kami’y nagpatuloy ng pamimisikleta hanggang sa susunod na bukid na kung saan nakakita kami ng mga ilaw. Kaya’t nakilala namin ang bahay na iyon. Nadismaya kami. Ang mga tao roon ay mahigpit na mananalansang nang dalawin namin sila noon pa. Nag-aatubili, si Mirjam ay tumuktok at nagtanong kung puede kaming makituloy. Sa pagtataka namin at ginhawa, nang sabihin ng babae na kami’y pumasok at umupo. Makalipas ang ilang saglit kami’y inanyayahan na tumuloy sa pinakamagaling na silid doon, at nakahanda na ang isang lamesa para sa pagkain. Halos hindi kami makapaniwala sa aming nakita! Pagkatapos na kami’y makakain, kami’y sinamahan hanggang sa silid-tulugan na kung saan ang mga higaan ay handa na na taglay ang pinakamagagaling na gamit. Kami’y takang-taka sa ganitong pagbabago ng saloobin.

“Kinabukasan kami ay pinag-almusal. Nang kami’y nagbabayad, kanilang tinanggihan ang aming pera. Itinanong namin kung puede naming regaluhan sila ng isang aklat na pinamagatang Deliverance. ‘Oh, oo, gusto namin ang aklat na iyan,’ ang sabi nila. ‘Sabi ng aming kapitbahay ay binigyan ninyo sila ng ganiyan din nang kayo’y makituloy sa kanila. Ibinalita niya sa amin na siya’y totoong nasiyahan sa pagbabasa nito.’

“Ang karanasang iyan ay nagturo sa amin na hindi mo masasabi kailanman kung ano ang ibubunga ng isang babasahin sa Bibliya na naiwan mo kanino man.”

Pananatili sa Pagpapayunir

Noong 1942 ay pansamantalang ipinahinto ang gawaing paglalakbay, kaya’t kami ni Rosa ay nagbalik sa pagpapayunir. Nang malaunan ay nagkasakit ang kaniyang ama, at huminto kami sa buong-panahong ministeryo upang alagaan siya. Gayunman, nang ipahintulot na iyon ng mga pagkakataon, bumalik kami sa aming paboritong gawain​—ang buong-panahong paglilingkod. Nadama namin na kami’y bumalik sa aming tamang hilig. Pag-uwi namin pagkatapos ng isang maghapong puspusang pangangaral, malimit na sinasabi namin: “Ang pagpapayunir ay sulit sa kabila ng lahat ng sakripisyo at pagpapagal na kailangang gawin mo.”

Marami nang mga taon ngayon na kami ay nagpapayunir sa gawing kanluran ng Sweden, gumagawa kaming kasama ng Svenljunga Congregation ng mga Saksi ni Jehova. Dahil sa kami ngayon ay may edad na, hindi na namin taglay ang lakas ng aming kabataan, subalit kami’y naliligayahan na magpatuloy sa pagpapayunir. Ako ngayon ay nakakompleto na ng 55 taon ng buong-panahong paglilingkod at ang aking maybahay ay nakakompleto ng 48. Gayumpaman, kami’y hindi lamang namumuhay sa mga gunita, bagaman natutuwa kaming gunitain ang nakaraan. Gaano man ang edad mo, kailangang laging tumingin ka sa hinaharap. Ang aming taimtim na hangarin ay na makalakad kami nang may katapatan at kahinhinan kasama ng ating Diyos, si Jehova, at sa wakas tamasahin ang kahanga-hangang mga pagpapala ng kaniyang Kaharian na aming ipinangaral sa buong-panahong paglilingkod sa loob ng napakarami nang mga taon.​—Mikas 6:8.

[Larawan sa pahina 26]

Kaming mag-asawa ay magkasama sa paglilingkod kay Jehova ng 58 taon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share