Paglilingkuran Bilang Payunir—Ito Ba’y Para sa Iyo?
1 “Hindi ko maisip na gumawa ng iba pang bagay. Talagang wala akong maisip na anumang bagay na makapagdudulot ng katulad na kagalakan.” Sino ang nagsabi nito? Ang isa sa daan-daang libong Saksi ni Jehova na ginawang kanilang masayang karera sa buhay ang buong-panahong ministeryo. Isinaalang-alang na ba ninyo nang may pananalangin kung ang paglilingkuran bilang payunir ay para sa inyo? Dahilan sa paggawa ng walang-pasubaling pag-aalay ng ating sarili kay Jehova, nararapat lamang nating isaalang-alang kung maaari tayong magkaroon ng higit na bahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian. Sa layuning iyan, pakisuyong isaalang-alang ang ilang tanong ng marami tungkol sa paglilingkuran bilang payunir.
TANONG 1: “Sinasabi ng ilan na hindi para sa lahat ang pagpapayunir. Paano ko malalaman kung ito’y para sa akin?”
2 Ang sagot ay depende sa iyong kalagayan at maka-Kasulatang mga pananagutan. Marami ang hindi pinahihintulutan ng kanilang kalusugan o kasalukuyang kalagayan sa buhay na makapag-ukol ng 90 oras bawat buwan sa ministeryo. Kuning halimbawa ang maraming tapat na mga kapatid na babae na mga Kristiyanong asawa at ina. Sa abot ng kanilang makakaya ay malimit silang nakikibahagi sa ministeryo hangga’t ipinahihintulot ng kanilang kalagayan. Kapag ipinahihintulot ng pagkakataon, nag-o-auxiliary pioneer sila nang isang buwan o higit pa sa bawat taon, anupat nagtatamo ng kagalakang dulot ng paglawak ng kanilang bahagi sa paglilingkod. (Gal. 6:9) Bagaman maaaring hindi ipinahihintulot ng kanilang kalagayan sa kasalukuyan na maglingkod bilang mga buong-panahong payunir, itinataguyod nila ang espiritu ng pagpapayunir at nagsisilbing pagpapala sa kongregasyon bilang masisigasig na mamamahayag ng mabuting balita.
3 Sa kabilang panig, maraming kapatid na lalaki at babae na kakaunti ang obligasyon ang naglaan ng panahon para sa paglilingkuran bilang payunir sa pamamagitan ng pagsasaayos ng kanilang mga priyoridad. Kumusta ka naman? Ikaw ba ay isang kabataan na nakatapos na ng sekular na pag-aaral? Isa ka bang asawang babae na may kabiyak na kayang-kayang maglaan nang sapat para sa pamilya? Ikaw ba ay may-asawa na walang umaasang mga anak? Nagretiro ka na ba sa iyong sekular na trabaho? Ang pagpapayunir o hindi pagpapayunir ay isang pasiya na dapat gawin ng bawat tao para sa kaniyang sarili. Ang tanong ay, Maisasaayos mo ba ang iyong buhay upang ikaw ay makapagpayunir?
4 Ginagamit ni Satanas ang kaniyang makasanlibutang sistema ng mga bagay upang punuin ang ating buhay ng mga pang-abala at malulong tayo sa isang mapag-imbot na paraan ng pamumuhay. Kung determinado tayong manatiling hindi bahagi ng sanlibutan, tutulungan tayo ni Jehova na mapanatiling naiuuna ang mga kapakanan ng Kaharian at maabot at matamasa ang lahat ng pribilehiyo sa teokratikong paglilingkuran na bukás para sa atin. Kung maisasaayos mo ang iyong kalagayan upang makapaglingkod bilang isang payunir, bakit hindi mo gawin?
TANONG 2: “Paano ko matitiyak na matutustusan ko ang aking sarili sa buong-panahong paglilingkuran?”
5 Totoo na sa maraming lupain ay naragdagan noong nakaraang mga taon ang kinakailangang oras ng sekular na pagtatrabaho sa bawat linggo upang makamtan ang itinuturing na mga kinakailangan sa buhay. Gayunpaman, marami ang nagpayunir nang ilang dekada, at patuloy silang tinutustusan ni Jehova. Upang magtagumpay bilang payunir, kailangan ang pananampalataya at ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili. (Mat. 17:20) Tinitiyak sa atin sa Awit 34:10 na ‘ang mga humahanap kay Jehova ay hindi magkukulang ng anumang mabuti.’ Sinuman na pumapasok sa paglilingkuran bilang payunir ay dapat gumawa ng gayon taglay ang buong pagtitiwala na paglalaanan siya ni Jehova. Ginagawa na niya ang gayon sa tapat na mga payunir sa lahat ng dako! (Awit 37:25) Sabihin pa, kasuwato ng mga simulain sa 2 Tesalonica 3:8, 10, at 1 Timoteo 5:8, hindi inaasahan ng mga payunir na ang iba ang susuporta sa kanila sa pinansiyal.
6 Sinuman na nagbabalak maglingkod bilang payunir ay dapat na gawin ang sinabi ni Jesus: ‘Umupo muna at kalkulahin ang gastusin.’ (Luc. 14:28) Ang paggawa nito ay nagpapakita ng praktikal na karunungan. Makipag-usap sa mga matagumpay na nakapagpayunir sa loob ng maraming taon. Itanong kung paano sila tinustusan ni Jehova. Ang inyong tagapangasiwa ng sirkito ay isang makaranasang payunir na matutuwang mag-alok ng mga mungkahi kung paano magtatagumpay sa buong-panahong ministeryo.
7 Maaaring hindi kailanman ganap na maranasan ng isang tao ang katotohanan ng pangako ni Jesus sa Mateo 6:33 hangga’t hindi niya ipinauubaya ang kaniyang sarili sa mga kamay ni Jehova. Ganito ang inilahad ng isang tapat na payunir: “Nang dumating kami ng aking kapareha sa isang bagong teritoryo bilang mga payunir, kaunti lamang ang aming gulay at margarina, at wala na kaming pera. Aming naubos ang pagkain sa hapunan at sinabi, ‘Ngayon ay wala na tayong pagkain para bukas.’ Nanalangin kami ukol dito, at natulog. Maaga kinabukasan isang Saksing tagaroon ang dumalaw at nakipagkilala, at saka nagsabi, ‘Idinalangin ko na sana’y magpadala si Jehova ng mga payunir. Ngayon ay makakasama ako sa inyo nang madalas, pero yamang nakatira ako sa kabukiran, kailangang mananghalian akong kasama ninyo, kaya dinala ko ang pagkaing ito para sa ating lahat.’ Dala niya ang maraming karne ng baka at gulay.” Hindi kataka-takang tiyakin sa atin ni Jesus na maaari nating ‘tigilan ang pagkabalisa sa ating mga kaluluwa’! Pagkatapos ay isinusog niya: “Sino sa inyo sa pagiging balisa ang makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?”—Mat. 6:25, 27.
8 Ang sanlibutan sa paligid natin ay lalong nagiging materyalistiko. Tumitindi ang panggigipit na ibinubunton sa atin upang tayo’y makiayon. Gayunman, ang mapagpakumbabang pagpapahalaga sa buong-panahong ministeryo ay nagpapangyari sa atin na maging kontento sa kaunting materyal na tinataglay. (1 Tim. 6:8) Ang mga payunir na napananatiling simple at di-masalimuot ang kanilang buhay ay may higit na panahon sa paglilingkod at nagtatamasa ng higit na kagalakan at espirituwal na lakas mula sa pagtuturo ng katotohanan sa iba. Bagaman hindi nagtataguyod ng mapagkait-sa-sariling pamumuhay, ang kanilang timbang na pagharap sa kanilang kalagayan sa kabuhayan ay nagpangyari sa kanila na masiyahan sa mga pagpapala ng pagpapayunir.
9 Kung talagang nadarama mo na tayo ay nabubuhay sa mga huling araw at na papaubos na ang panahon para sa balakyot na sanlibutang ito, mauudyukan ka sa espirituwal na paraan para gumawa ng kinakailangang pagsasakripisyo upang maipangaral ang mabuting balita sa bawat pagkakataon. Sa pamamagitan ng muling pagsusuri sa iyong kalagayan sa kabuhayan at paglalagay ng mga bagay-bagay sa mga kamay ni Jehova, baka matanto mo na maaari kang maglingkod sa kaniya nang buong-panahon. Bagaman kailangan mong talikuran ang ilang materyal na mga hangarin upang makapagpayunir, matatamasa mo ang mayayamang pagpapala ni Jehova.—Awit 145:16.
TANONG 3: “Bilang isang tin-edyer, bakit dapat kong pag-isipan na isang mapipiling karera ang paglilingkuran bilang payunir?”
10 Samantalang tinatapos ang iyong huling mga taon sa pag-aaral, likas lamang na isipin mo ang tungkol sa kinabukasan. Gusto mo itong maging tiwasay, maligaya, at kasiya-siya. Maaaring subukin ng mga tagapayo sa paaralan na akayin kang magtaguyod ng karerang may malaking kita na nangangailangan ng maraming taon ng pag-aaral sa kolehiyo. Ang iyong lubusang nasanay na budhing Kristiyano ay nagsasabi sa iyo na dapat kang maghanda upang paglingkuran si Jehova nang lubusan hangga’t maaari. (Ecles. 12:1) Baka maisip mo rin ang pag-aasawa at pagkakaroon ng pamilya sa dakong huli. Ano ang gagawin mo?
11 Ang mga pasiya na iyong gagawin sa panahong ito ng iyong buhay ay maaaring humubog sa buong kinabukasan mo. Kung isa ka nang nag-alay at bautisadong Saksi ni Jehova, buong-kaluluwa mo nang ibinigay ang iyong sarili kay Jehova. (Heb. 10:7) Sa unang pagkakataong bukas sa iyo, subukin mong mag-auxiliary pioneer nang isang buwan o higit pa. Bibigyan ka nito ng pagkakataong maranasan ang kagalakan at mga pananagutan na kaakibat ng pagre-regular pioneer, at walang-pagsalang magiging mas malinaw ang iyong pananaw sa kung ano ang gagawin mo sa iyong buhay. Pagkatapos, sa halip na magtrabaho nang buong-panahon pagkatapos ng pag-aaral, bakit hindi magsimulang mag-regular pioneer? Ang ilan na naghintay pa nang matagal bago pumasok sa paglilingkuran bilang payunir ay nagsisi na hindi kaagad sila nagsimula nang mas maaga.
12 Bilang isang kabataan, samantalahin ang iyong mga pagkakataon na manatiling walang-asawa, at tamasahin ang mga kapakinabangang idinudulot nito sa pangangaral nang buong-panahon. Kung hangad mong mag-asawa pagdating ng panahon, wala nang mas mainam na pundasyon para sa pag-aasawa ang maaaring ilatag kaysa sa paglilingkod muna bilang regular pioneer. Habang sumusulong ka sa pagkamaygulang at espirituwalidad, maaari mong piliing gawing karera ang pagpapayunir kasama ng isang kabiyak na may gayunding kaisipan. Ang ilang mag-asawa na magkasamang nagpayunir ay nakapasok sa pansirkitong gawain o sa larangan ng pagmimisyonero. Tunay na isang kasiya-siyang paraan ng pamumuhay!
13 Gaano man katagal ang iyong pagpapayunir, mapasusulong mo pa ang iyong edukasyon at makatatanggap ka ng di-matutumbasang pagsasanay na hindi mailalaan ng anumang trabaho rito sa lupa. Ang pagpapayunir ay nagtuturo ng disiplina, personal na organisasyon, kung paano makikitungo sa mga tao, pag-asa kay Jehova, at kung paano mapauunlad ang pagtitiis at kabaitan—mga katangian na maghahanda sa iyo upang mabalikat ang higit pang mga pananagutan.
14 Kailanman ay hindi pa naging ganito kabuway ang buhay para sa sangkatauhan. Iilan lamang ang mga bagay na totoong permanente, bukod sa mga ipinangako ni Jehova. Yamang maaliwalas pa ang iyong kinabukasan, kailan pa ang mas mainam na panahon kundi ngayon para pag-isipan nang mabuti kung ano ang gagawin mo sa iyong buhay sa darating na mga taon? Suriing mabuti ang pribilehiyo ng pagpapayunir. Kailanman ay hindi ka magsisisi na pinili mong karera ang paglilingkuran bilang payunir.
TANONG 4: “Hindi ba palaging mahirap abutin ang kahilingan sa oras? Paano kung hindi ko maabot ang aking oras?”
15 Kapag sinusulatan mo ang isang aplikasyon sa pagre-regular pioneer, kailangang sagutin mo ang tanong na: “Isinaayos mo na ba ang iyong personal na mga gawain upang maaasahan mong maabot ang taunang kahilingan na 1,000 oras?” Upang maabot ito, kailangang magkaroon ka ng aberids na mga tatlong oras bawat araw sa paglilingkod. Maliwanag, nangangailangan ito ng mahusay na pag-iiskedyul at disiplina sa sarili. Karamihan sa mga payunir ay nakabubuo ng isang praktikal at naisasagawang rutin sa loob ng ilang buwan.
16 Gayunman, makatotohanang sinasabi ng Eclesiastes 9:11, ‘Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa ating lahat.’ Ang malubhang karamdaman at ang ibang di-inaasahang pangyayari ay maaaring maging dahilan upang hindi maabot ng payunir ang kahilingan sa oras. Kung ang problema ay hindi magtatagal at nangyari sa pagsisimula ng taon ng paglilingkod, baka kailangan lamang ang isang pinag-ibayong iskedyul upang mahabol ang kulang na oras. Subalit paano kung bumangon ang isang malubhang problema sa panahong iilang buwan na lamang ang natitira sa taon ng paglilingkod at hindi na makahahabol sa oras ang payunir?
17 Kung ikaw ay pansamantalang nagkasakit nang ilang buwan o bunga ng ibang apurahang dahilan na hindi mo kontrolado ay hindi mo maabot ang kahilingan sa oras, maaari kang lumapit sa isa sa mga miyembro ng Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon at ipaliwanag ang suliranin. Kung sa palagay ng matatandang ito ay makabubuting pahintulutan kang magpatuloy sa paglilingkuran bilang payunir nang hindi na inaalaala ang paghabol sa kulang na oras, maaari nilang ipasiya ang gayon. Mamarkahan ng kalihim ang Congregation Publisher Record card upang ipakita na hindi ka hinihilingang habulin ang kulang na oras. Hindi ito ituturing na isang bakasyon kundi, sa halip, pantanging konsiderasyon dahil sa iyong kalagayan.—Tingnan ang insert ng Setyembre 1986 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, parapo 18.
18 Ang makaranasang mga payunir ay nag-iipon ng reserbang oras sa pasimula pa lamang ng taon ng paglilingkod. Ginagawa nilang priyoridad ang kanilang paglilingkuran bilang payunir, kaya kung minsan ay nasusumpungan nila na kailangang bawasan ang hindi mahahalagang gawain. Kung ang isang payunir ay hindi nakaabot sa oras dahil sa di-mabuting iskedyul o sa kawalan ng disiplina sa sarili sa pagsunod dito, dapat niyang madama na pananagutan niyang habulin ang kulang na oras at huwag umasa ng pantanging konsiderasyon.
19 May mga pagkakataon na ang isang payunir ay nakararanas ng di-maiiwasang pagbabago sa kaniyang kalagayan. Baka masumpungan niyang hindi niya maaabot ang kahilingan sa oras sa matagal na yugto ng panahon dahil sa palaging pagkakasakit, dagdag na pananagutan sa pamilya, at iba pa. Sa kasong ito, ang pinakamatalinong gawin ay ang bumalik sa ranggo ng mga mamamahayag at makibahagi hangga’t maaari sa paglilingkuran bilang auxiliary pioneer. Walang regular na probisyon para pahintulutan ang isa na manatili sa talaan ng mga payunir kung ang kaniyang kalagayan ay hindi na nagpapahintulot sa kaniya na maabot ang kahilingan sa oras.
20 Umaasa kami na ang probisyon sa pagbibigay ng pantanging konsiderasyon sa mga kuwalipikado ay magpapasigla sa marami upang magpatala sa paglilingkuran bilang payunir nang hindi kailangang mabahala pa. Dapat din itong magpasigla sa mga nasa buong-panahong paglilingkuran na magpatuloy sa pagpapayunir. Gusto naming magtagumpay ang mga payunir sa kanilang buong-panahong paglilingkod.
TANONG 5: “Gusto ko na may naisasagawa ako at nasisiyahan sa paggawa nito. Masisiyahan kaya ako sa paglilingkuran bilang payunir?”
21 Ang tunay na kaligayahan ay lubhang nakadepende sa pagkakaroon ng malapit at personal na relasyon kay Jehova at ng kombiksiyon na naglilingkod tayo sa kaniya nang buong-katapatan. Si Jesus ay nagbata ng pahirapang tulos “dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya.” (Heb. 12:2) Ang kaniyang kaligayahan ay nagmumula sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Awit 40:8) Sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay, makapagtatamasa tayo ng tunay na kaligayahan kung ang kalakhang bahagi ng ating gawain sa buhay ay nauugnay sa ating pagsamba kay Jehova. Ang pagtataguyod ng espirituwal na mga bagay ay nagpapadama sa atin na tayo’y may makabuluhang layunin sapagkat sa kaibuturan ng ating puso ay nababatid natin na tama ang ating ginagawa. Ang kaligayahan ay nagmumula sa pagbibigay, at batid natin na wala nang mas mainam na paraan para maibigay ang ating sarili kaysa sa pagtuturo sa iba kung paano magtatamo ng buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos.—Gawa 20:35.
22 Ang payunir na sinipi sa pambungad na parapo ay nagpaliwanag nito sa ganitong paraan: “May hihigit pa bang kagalakan kaysa sa pagkakitang naging isang aktibong tagapuri ni Jehova ang isang tao na iyong naturuan? Totoong nakatutuwa at nakapagpapatibay ng pananampalataya na makita kung gaano kapuwersa ang Salita ng Diyos sa pagganyak sa mga tao na gumawa ng pagbabago sa kanilang buhay upang mapalugdan si Jehova.” (Tingnan ang Oktubre 15, 1997, Bantayan, pahina 18-23.) Kung gayon, ano ang nagdudulot sa iyo ng kaligayahan? Kung pinahahalagahan mo ang permanente at kapaki-pakinabang na mga gawain sa halip na ang pansamantalang kasiyahan na iniaalok ng sanlibutan, ang pagpapayunir ay magdudulot sa iyo ng kasiya-siyang damdamin ng tagumpay na tunay na magpapaligaya sa iyo.
TANONG 6: “Kung hindi naman ito kahilingan para mabuhay nang walang hanggan, hindi ba nasasaakin na kung ako ay magpapayunir o hindi?”
23 Totoo, ang pasiya na magpayunir ay dapat magmula sa iyo. Tanging si Jehova ang makahahatol sa iyong personal na mga kalagayan sa buhay. (Roma 14:4) Makatuwiran lamang na asahan niyang paglilingkuran mo siya nang buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Mar. 12:30; Gal. 6:4, 5) Iniibig niya ang nagbibigay nang masaya, isa na nagagalak na maglingkod sa kaniya, nang hindi masama ang loob o napipilitan. (2 Cor. 9:7; Col. 3:23) Ang iyong pag-ibig kay Jehova at sa mga tao sa teritoryo ang siyang dapat na dahilan ng iyong paglilingkod nang buong-panahon. (Mat. 9:36-38; Mar. 12:30, 31) Kung ganito ang nadarama mo, kung gayon ang paglilingkuran bilang payunir ay nararapat mong pag-isipang mabuti.
24 Umaasa kami na ang binalangkas dito ay tutulong sa iyo na mapagtimbang-timbang ang posibilidad na ikaw ay makapagpayunir. Maisasaayos mo ba ang iyong kalagayan upang makapag-regular pioneer? Inilimbag sa ibaba ang isang kalendaryo na pinamagatang “Ang Aking Lingguhang Iskedyul sa Paglilingkuran Bilang Payunir.” Tingnan mo kung maisusulat mo ang isang praktikal na iskedyul para sa iyong sarili na magpapahintulot sa iyo na magkaroon ng aberids na mga 23 oras sa bawat linggo sa ministeryo. Pagkatapos ay ilagak mo ang iyong buong pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova. Sa tulong niya ay magtatagumpay ka! Nangako siya: “Aktuwal na ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.”—Mal. 3:10.
25 Kaya ang tanong namin, “Paglilingkuran bilang payunir—ito ba’y para sa iyo?” Kung masasabi mong “Oo,” magtakda ka ng petsa upang mapasimulan ang pagre-regular pioneer sa maagang panahon at makatitiyak ka na pagpapalain ka ni Jehova ng isang maligayang buhay!
[Tsart sa pahina 6]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Aking Lingguhang Iskedyul sa Paglilingkuran Bilang Payunir
LUNES Umaga paglilingkod sa larangan
MARTES Umaga paglilingkod sa larangan
MIYERKULES Umaga paglilingkod sa larangan
HUWEBES Umaga paglilingkod sa larangan
BIYERNES Umaga paglilingkod sa larangan
SABADO Umaga paglilingkod sa larangan
LINGGO Umaga paglilingkod sa larangan
LUNES Hapon paglilingkod sa larangan
MARTES Hapon paglilingkod sa larangan
MIYERKULES Hapon paglilingkod sa larangan
HUWEBES Hapon paglilingkod sa larangan
BIYERNES Hapon paglilingkod sa larangan
SABADO Hapon paglilingkod sa larangan
LINGGO Gabi paglilingkod sa larangan
LUNES Gabi paglilingkod sa larangan
MARTES Gabi paglilingkod sa larangan
MIYERKULES Gabi paglilingkod sa larangan
HUWEBES Gabi paglilingkod sa larangan
BIYERNES Gabi paglilingkod sa larangan
SABADO Gabi paglilingkod sa larangan
LINGGO Gabi paglilingkod sa larangan
Gumamit ng lapis sa pagtatala ng iyong iskedyul sa bawat araw ng sanlinggo.
Mag-iskedyul ng mga 23 oras sa kabuuan sa bawat linggo sa paglilingkod sa larangan.
Kabuuang oras sa bawat linggo na iskedyul ․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․