Paano Mo Tatamasahin ang Kapayapaan ng Diyos Nang Lalong Higit
“Oh kung sana’y talagang magbibigay-pansin ka sa aking mga utos! Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay gaya ng mga alon ng dagat.”—ISAIAS 48:18.
1. Ano ang kailangan kung ibig nating tamasahin ang kapayapaan nang lalong higit?
YAONG mga nakikibahagi nang regular sa kongregasyon sa pag-aaral ng Bibliya sa tulong ng magasing ito ay kumikilala sa kahalagahan ng kapayapaan na ibinibigay ng Diyos, at ibig nila ng kapayapaang iyan. Ang karamihan ay walang alinlangang nagtatamasa nito. Subalit hindi lahat ay nagtatamasa nito nang lalong higit. Bakit nga ganito? Tungkol sa mga taong tumatanggap ng kapayapaan ng Diyos, sinasabi ni Jehova: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na Siyang pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. Oh kung sana’y talagang magbibigay-pansin ka sa aking mga utos! Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay gaya ng mga alon ng dagat.”—Isaias 48:17, 18.
2. (a) Ano ang ipinahihiwatig sa pananalitang ‘nagbibigay-pansin’? (b) Ilan sa mga utos ng Diyos ang kailangang bigyang-pansin natin? (1 Juan 5:3)
2 Maliwanag, sinuman ay maaaring makinabang sa pagdalo sa mga pulong na kung saan ating tinatalakay ang Bibliya. Subalit yaon lamang nagbibigay-pansin sa mga utos ni Jehova, personal na nagkakapit ng mga ito at sumusunod dito, ang tunay na nagtatamasa ng kapayapaan ng Diyos. Mayroon bang mga pitak na kung saan kailangang gawin mo ito nang lalong higit? (2 Pedro 1:2) Hindi sapat sa atin ang sumunod sa mga ilang kahilingan ng Diyos ngunit pagkatapos ay nilalaktawan naman yaong di-kombenyente o lalong mahirap para sa atin. Nang subukin ng Diyablo na hikayatin si Jesu-Kristo upang sumunod sa kaniyang mapag-imbot na paraan ng pag-iisip, si Jesus ay matatag na tumugon: “Nasusulat, ‘Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’ ”—Mateo 4:4.
3. Anong mga pitak ng ating buhay ang kailangang maiayon sa mga daan ni Jehova kung talagang ibig nating magkaroon ng saganang kapayapaan?
3 Ang mga utos ng Diyos ay may epekto sa bawat pitak ng ating buhay. Unang-una, kasangkot dito ang ating relasyon kay Jehova. Pagkatapos ay apektado nito ang ating punto-de-vista tungkol sa kaniyang nakikitang organisasyon at sa ministeryong Kristiyano, ang pagtrato natin sa mga miyembro ng pamilya, at ang ating pakikitungo sa mga tao ng sanlibutan. Yaong mga masikap magbigay-pansin sa mga utos ni Jehova sa lahat ng mga bagay na ito ay siyang mga pinagpapala at binibigyan ng saganang kapayapaan. Ating isaalang-alang ang mga ilang bagay na makatutulong sa atin upang personal na tamasahin natin iyan.
Ang Alinman ba Rito ay Kailangang Bigyang-Pansin Mo?
4. (a) Bakit ang pagkakaroon ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya o pagdalo sa Kingdom Hall ay hindi patotoo na tayo’y may pakikipagpayapaan sa Diyos? (b) Ano ang saklaw ng pagtupad ng pananampalataya kay Jesu-Kristo? (Juan 3:36)
4 Kamakailan ba’y nagsimula kang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova? O baka nakikisama ka na sa lokal na kongregasyon ng mga ilang buwan o kahit mga taon? Kung gayon, walang alinlangan na ikaw ay nakasumpong ng kagalakan samantalang nasa harapan mo ang pagkakataon sa pagkakaroon ng kaalaman sa mga layunin ng Diyos. Subalit hindi como ang isang tao’y nagtatamasa ng kaluguran sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya o sa pagdalo sa Kingdom Hall ay patotoo na iyon na siya’y mayroong pakikipagpayapaan sa Diyos. Tayong lahat ay ipinanganak sa kasalanan, at ang pakikipagpayapaan sa Diyos ay posible sa atin sa pamamagitan lamang ni Jesu-Kristo. (Isaias 53:5; Gawa 10:36) Ang isang basta paniniwala lamang kay Jesus ay hindi nagdudulot ng kapayapaang iyan. Kailangan ang personal na pagpapahalaga sa pantubos, pagtupad ng pananampalataya sa bisa ng hain ni Jesus, at pagkatapos ay pagpapatotoo sa pananampalatayang iyan sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga utos. (Santiago 2:26) Isa sa mga utos na ibinigay ni Jesus nang siya’y narito sa lupa ay na yaong mga magiging mga alagad niya’y dapat bautismuhan sa tubig. (Mateo 28:19, 20) Ikaw ba ay nailubog na sa tubig bilang sagisag ng iyong pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo?
5. Bakit ang pag-aalay at ang bautismo ay mahalaga sa ating pakikipagpayapaan sa Diyos?
5 Mayroon bang anuman sa iyong buhay na sanhi ng pagkadiskuwalipikado mo sa bautismo? Kung alam mong mayroon, o kung samantalang inaaralan ka’y napag-alaman mo na gayon nga, huwag ipagpaliban ang pagtutuwid sa mga bagay-bagay. Tantuin na ang anumang saloobin o asal na sanhi ng pagkadiskuwalipikado ng isang tao sa bautismo ay isa ring hadlang sa kaniyang pakikipagpayapaan sa Diyos. Kumilos nang apurahan habang nariyan pa ang pagkakataon. Gaya ng ipinakikita ng 1 Pedro 3:21, ang mga taong pinagkakalooban ng Diyos na Jehova ng isang mabuting budhi ay nag-aalay muna ng kanilang sarili sa kaniya salig sa pananampalataya sa handog na hain ni Kristo, sila’y napababautismo bilang sagisag ng pag-aalay, at ginagawa nila ang kalooban ng Diyos. Kung magkagayon ay sumasa-kanila ang kapayapaan na taglay ng isang mabuting budhi dahilan sa pagkakaroon ng isang sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos; sa ganito lamang paraan makakamit iyan. Mangyari pa, ito ay pasimula lamang.
6. Bakit ang ating saloobin tungkol sa mga pulong ng kongregasyon ay may kaugnayan sa ating pagtatamasa ng kapayapaan?
6 Pagkatapos, pag-isipan ang iyong pagkaregular sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at ang iyong pakikibahagi sa mga ito hangga’t magagawa mo. Ang mga pulong bang ito ay may dako sa iyong buhay na hindi mo pinapayagan na panghimasukan ng sanlibutan o ng iba pang personal na mga gawain? Ikaw ba ay naghahanda para sa mga pulong at itinuturing mong isang pribilehiyo na makibahagi sa mga ito? Ang mga bagay na ito rin naman ay may tiyak na kaugnayan sa pagtatamasa ng isang tao ng kapayapaan. Bakit? Sapagkat ang espiritu ng Diyos ay dumuroon sa kaniyang nagkakatipong bayan, at ang kapayapaan ay isang bunga ng espiritung iyan. (Galacia 5:22) Sa mga pulong na ito tayo’y tinutulungan na maunawaan ang mga kahilingan ni Jehova, at kailangan natin ito upang gawin kung ano ang nakalulugod sa kaniyang paningin. Dito ay natututo rin tayo kung paano magtataguyod ng kapayapaan sa ating relasyon sa ating mga kapuwa-tao—sa kongregasyon, sa tahanan, sa paaralan, at sa ating sekular na trabaho. Ang ating mga pulong ay isa sa mga pangunahing paraan na ginagamit ni Jehova para turuan tayo, at gaya ng binabanggit ng Kasulatan, yaong mga tinuturuan ni Jehova ang nagtatamasa ng saganang kapayapaan.—Isaias 54:13
7. Ano ang kailangang gawin natin sa mga bagay na tinalakay sa ating mga pulong?
7 Ang isang kaugnay na punto na nararapat bigyang-pansin ay ang progresibong pagkakapit sa ating personal na mga buhay ng mga bagay na ating natutuhan. Hindi natin ibig tularan ang mga Israelita na ang sabi ni Jehova’y ‘paulit-ulit na nakikinig ngunit hindi nakakaunawa.’ (Isaias 6:9) At ibig ba natin na maging katulad niyaong mga taong inilarawan ni Jehova kay Ezekiel—mga taong nakikinig sa propeta ni Jehova ngunit hindi naman ginagawa ang kaniyang sinasabi sapagkat ang minamagaling nila’y tuparin ang kanilang karumal-dumal o materyalistikong mga pita? (Ezekiel 33:31, 32) Sa kabaligtaran, yaong mga nagtitipon sa bahay ni Jehova sa ating kaarawan at nagtatamo ng kaniyang pagsang-ayon ay tinutukoy na nagsasabi: “Tayo’y umakyat sa bundok ni Jehova at sa bahay ng Diyos ni Jacob; at kaniyang tuturuan tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.” (Mikas 4:2) Kung talagang isinasapuso natin ang turo na ating tinatanggap sa ating mga pulong, kung sa bawat pulong ay ating ibubukod ang humigit-kumulang isang punto na personal na kailangan natin at pagkatapos ay pagsisikapan na ikapit iyon, tayo’y aani ng bungang kapayapaan. Gaya ng sinabi ni Jesus sa Lucas 11:28: “Maligaya yaong mga nakikinig ng salita ng Diyos at tinutupad iyon!”
8. Paano ang lubusang pakikibahagi sa ministeryo sa larangan ayon sa ating makakaya ay nagdudulot sa atin ng personal na pakinabang?
8 Isa sa mga bagay na idiniriin sa ating mga pulong ay ang kahalagahan ng lubusang pakikibahagi sa pagbabalita ng Kaharian ng Diyos at sa pagtulong sa iba upang maging mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19) Gaano bang kaprominente sa iyong buhay ang mga gawain na ito? Kung talaga ngang nagbibigay-pansin tayo sa sinasabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, batid natin na ito ang pinakamahalagang gawain na ginagawa sa lupa ngayon. (Apocalipsis 14:6, 7) At isang kilalang-kilalang katotohanan na yaong mga nasa buong-panahong paglilingkod—pati na yaong, bagama’t hindi sila maaaring maging mga payunir, mga talaga namang masigasig sa ministeryo—ang mga kasamahan natin na totoong maliligaya. Ang kapayapaan na kanilang tinatamasa ay hindi tulad lamang ng isang patak ng tubig, kundi gaya ng sinabi ni Jehova, iyon ay nagiging “gaya ng isang ilog.” (Isaias 48:18) Ganiyan ba ang iyong tinatamasa? Tayong lahat ay maaaring magtamasa niyan.
9. Ano ang tutulong sa ating upang mapanatili ang ating bigay-Diyos na kapayapaan kahit na kung dumaranas tayo ng matitinding kahirapan?
9 Subalit, hindi como tinutupad natin ang lahat ng payong ito ay nalilibre tayo sa mga kagipitan ng buhay sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. Ngunit gaanong kahirap man ang mga kalagayan, tinitiyak sa atin ng Diyos na tayo’y hindi niya pagkakaitan ng kaniyang mapagmahal na tulong kung tayo’y babaling sa kaniya. (1 Pedro 5:6, 7) Tayo ba’y natutong humingi kay Jehova ng tulong at patnubay sa lahat ng ating ginagawa, na malayang lumalapit sa kaniya sa panalangin at, pagkatapos na magawa natin ang lahat ng magagawa natin tungkol sa mahihirap na kalagayan, ipinapapasan natin kay Jehova ang ating mga pasanin, may pagtitiwalang inilalagak sa kaniya ang mga ito? (Kawikaan 3:5, 6; Awit 55:22) Tayo’y masiglang pinalalakas-loob sa Filipos 4:6, 7: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Anong kahanga-hangang paglalaan iyan! Ikaw ba’y natutong makinabang nang lubusan buhat sa kapayapaan ng Diyos na sa ganiya’y ipinagkakaloob?
Patuloy na Itaguyod ang Kapayapaan
10. Pagkatapos mahanap ang kapayapaan, ano ang kailangan natin?
10 Minsang mahanap natin ang gayong kapayapaan, hindi natin maaatim na ipagwalang-bahala iyon. Puspusang pagsisikap ang kailangan upang mapanatili iyon. Kaya sa 1 Pedro 3:10, 11 ay sinasabi: “Ang magnanais umibig sa buhay at makakita ng mabubuting araw, . . . hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod iyon.” Pagkatapos na magtakda ng isang tunguhin at makamit na iyon, isang kamangmangan kung ipagwawalang-bahala ang tunguhing iyon ng isang tao. Pagkatapos na humanap at matamo ang kapayapaan, kailangang tayo’y laging nagbabantay laban sa mga bagay na sisira ng kapayapaan. Higit sa riyan, tayo’y dapat maging aktibo ng pagtataguyod ng mga bagay na gumagawa ng kapayapaan.
11. (a) Anong saloobin ang maaaring magsapanganib ng ating relasyon kay Jehova? (b) Kailan talagang dapat tayong humingi ng tulong sa Diyos kung may kinalaman sa mga tukso? (Mateo 6:13)
11 Kung nakamit natin ang pakikipagpayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng kaparaanan na kaniyang inilaan, tayo’y kailangang pakaingat na huwag masira ang relasyong iyan ng dahil sa pagbabalik sa pamimihasa sa kasalanan. Kung sa bagay, yamang lahat tayo ay di-sakdal, tayong lahat ay nagkakasala. Subalit may panganib pagka ipinagmatuwid ng isang tao sa kaniyang sarili ang mga saloobin at kilos na minamasama ng Diyos. Hindi tayo maaaring magkibit-balikat na lamang at sabihin, “Talagang ganiyan ako.” (Roma 6:16, 17) Kailangang pagsisihan natin ang gawang masama sa halip na ipangatuwiran ito, at pagkatapos ay magmakaawa sa Diyos na patawarin tayo salig sa ating pananampalataya sa inihandog ni Jesus na hain. Kailangan ding matuto tayong bumaling sa Diyos upang tulungan tayo bago tayo gumawa ng masama, imbis na pagsikapang mag-isang makipagbaka, sa wakas ay nagkakasala na nga tayo, at kung magkagayo’y humihingi tayo ng kapatawaran. Sa tulong ng Diyos, tayo’y magtatagumpay sa pagbibihis ng “bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na kabanalan at katapatan.”—Efeso 4:20-24.
12. (a) Upang tamasahin ang kapayapaan, ano pang mga ibang relasyon ang kailangang bigyan ng pansin? (b) Ano ang kahilingan sa atin sa bagay na ito?
12 Siyempre pa, sa pagtatamasa ng kapayapaan ay kasangkot ang relasyon sa mga ibang tao. Ang mga tunay na Kristiyano ay naglilingkod sa Diyos bilang bahagi ng isang organisasyon; sila ay isang “samahan ng magkakapatid.” (1 Pedro 2:17) Gaya ng sinabi ni Jesus na magiging totoo tungkol sa kaniyang mga tagasunod, sila ay kilala sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 13:35) Subalit walang isa man sa kanila ang sakdal. Dahilan sa mga di-kasakdalan natin at ng mga iba, marahil ay kailangang manalangin tayo nang puspusan tungkol sa mga ilang situwasyon at gumawang masikap upang malutas ang mga problema. Ang Hebreo 12:14 ay nagpapayo sa atin: “Itaguyod ninyo ang pakikipagpayapaan sa lahat ng tao.” At sa ating relasyon sa ating mga kapatid na Kristiyano, mayroong natatanging obligasyon na magtiyaga sa pagtataguyod ng kapayapaan. Mariing sinasabi ng 1 Tesalonica 5:13: “Magkaroon kayu-kayo ng kapayapaan.” Ang ibig sabihin niyan ay hindi lamang ang pag-iwas na gumanti kundi ang maging aktibong mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, na kumukuha ng unang hakbang upang maipanumbalik ang kapayapaan at pagiging handa na magpahinuhod alang-alang sa kapayapaan.—Efeso 4:1-3
13. (a) Sa pakikipagpayapaan sa mga di sumasampalataya, ano ang maaari nating gawin, subalit paano natin ipinakikita na ang pakikipagpayapaan sa Diyos ang inuuna natin? (b) Paano ngang posible na tayo’y magkaroon ng kapayapaan gayong may gulo sa palibot natin?
13 Gayunman, sa labas ng kongregasyon, hindi lahat ay handa na makipagpayapaan. Kaya naman, sa totoo lamang, ang Roma 12:18 ay nagpapayo: “Kung maaari, ayon sa inyong nakakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” Subalit sa pagsisikap natin na itaguyod ang kapayapaan ay hindi kasali ang pakikipagkompromiso kung tungkol sa matuwid na mga kahilingan ni Jehova. Maaaring baguhin natin ang mga panahon na ginagamit natin sa paggawa ng ganoo’t ganitong mga bagay, ngunit batid natin na hindi isang katalinuhan na huminto nang pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon o tumigil nang pakikibahagi sa ministeryo sa larangan upang mapanatili lamang ang pakikipagpayapaan sa atin-ating mga asawa o mga kamag-anak. At batid natin na hindi tayo kalulugdan ni Jehova kung makikisali tayo sa mga likong gawain ng ating mga kasamahan sa trabaho o mga kamag-aral upang tayo’y kalugdan nila. Alam natin na ang tunay na kapayapaan ay para lamang sa mga tao na una sa lahat may pakikipagpayapaan sa Diyos, sa kanila na umiibig sa kautusan ni Jehova at lumalakad sa kaniyang mga daan. Ang kapayapaang iyan ang ating minamahalaga higit sa lahat. (Awit 119:165) Totoo, sa palibot natin ay maaaring gulo ang umiiral. Ang mga di sumasampalataya ay maaaring nagtatalu-talo at nagbaka-baka; baka pa nga tayo ay inaabuso nila dahilan sa ating pananampalataya. Subalit batid natin kung paanong tinuruan tayo ng Salita ng Diyos ng pakikitungo sa kanila. Sa pagpapatuloy ng pagtataguyod ng landasin na kasuwato ng matuwid na mga daan ni Jehova, tayo’y hindi napagkakaitan ng kapayapaan na pinakamahalaga.—Ihambing ang Awit 46:1, 2.
14. Bagaman tayo’y personal na nakakaranas ng kapighatian, ano’t posible nga para sa atin na patuloy na makapanatiling may tahimik na kalooban at magandang pag-asa?
14 Noong huling gabi bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol: “Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa pamamagitan ko’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Oo, tayo’y dumaranas ng kapighatian. Bilang mga Kristiyano, tayo’y dumaraan sa sarisaring uri ng pag-uusig. Maaaring tayo’y dumaranas ng pang-aapi, at marami ang pinahihirapan ng matitinding sakit. Ngunit ang kapayapaan ng Diyos ang sumusustini sa atin sa lahat ng ito. Dahil sa tayo’y tinuruan ni Jehova, batid natin kung bakit ang mga Kristiyano ay pinag-uusig. Tayo’y walang alinlangan sa kung bakit laganap ang pang-aapi at kung bakit tayo ay dumaranas ng sakit. Batid din natin kung ano ang dala ng kinabukasan. Batid natin na dahilan sa tapat na pagtahak ni Jesus sa landas ng buhay at sa kaniyang sakripisyong kamatayan, ang kaligtasan ay tiyak. Isa pa, batid natin na anuman ang mga problema na nakaharap sa atin ngayon, tayo’y makalalapit sa Diyos sa panalangin taglay ang pagtitiwala na siya’y mayroong mapagmahal na malasakit sa atin at tayo’y aalalayan niya sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.—Roma 8:38, 39.
15. Paanong totoo na ang kapayapaang ibinibigay ni Kristo ay hindi katulad ng iniaalok ng sanlibutan?
15 Angkop naman, sinabi ni Jesus sa Juan 14:27: “Aking iniiwan sa inyo ang kapayapaan, ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso ni manlupaypay man dahil sa takot.” Totoo nga—wala ang sanlibutan ng kapayapaan na ibinibigay ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Ito ang nagpapalakas sa atin sa harap ng mga kalagayan na hihila sa iba na mawalan ng lahat ng pag-asa.
16. (a) Anong pag-asa ang naghihintay para sa mga taong ngayo’y tunay na nagpapahalaga sa kapayapaan na ibinibigay ng Diyos? (b) Paano natin maipakikita na ating pinahahalagahan ang kapayapaang iyon?
16 Anong kahanga-hangang kinabukasan ang nakalaan para sa lahat ng ngayo’y yumayakap sa kapayapaan na nanggagaling sa Diyos at binibigyan ito ng pangunahing dako sa kanilang buhay! Hindi na magtatagal at ang sanlibutan na kaaway ng Diyos ay mapaparam na. Pagdating ng panahon lahat ng nilalang ay lubusang magkakaisa-isa na sa kapayapaan sa ilalim ng matuwid na mga kahilingan ng Pansansinukob na Soberano. Harinawang ang ating pasasalamat dahilan sa dakilang pag-asang ito ang magpakilos sa atin na gumawa na lubusang kasuwato nito ngayon. Harinawang lahat sa atin ay makinig nang buong ingat sa turo ni Jehova at hayaang ang kaniyang mga utos ay matatag na mapatanim sa ating puso na anupa’t totohanang iniibig natin ang kaniyang mga daan at ginagawa ang kaniyang mga kahilingan. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 3:1, 2: “Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan, at tuparin sana ng iyong puso ang aking mga utos, sapagkat ang haba ng mga araw at ang mga taon ng buhay at ang kapayapaan ay idaragdag sa iyo.”
Mga Tanong sa Repaso
◻ Sang-ayon sa Isaias 48:18, ano ang kailangan kung ibig nating magkaroon ng saganang kapayapaan?
◻ Sa pamamagitan ng paggawa ng anong mga bagay matatamasa natin ang kapayapaan ng Diyos nang lalong higit?
◻ Ano ang inaasahan sa atin kung tungkol sa pagpapanatili ng pakikipagpayapaan sa ating mga kapatid?
◻ Paano natin mapananatili ang kapayapaan kahit na napalilibutn tayo ng mga di sumasampalataya?
[Larawan sa pahina 16]
Bautismo
[Mga larawan sa pahina 17]
Regular na pagdalo sa mga pulong
Pagkakapit ng ating natutuhan
[Mga larawan sa pahina 18]
Pakikibahaging lubusan sa ministeryo sa larangan
Pag-aatang ng ating mga pasanin kay Jehova