Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 3/1 p. 20-25
  • “Hanapin ang Kapayapaan at Itaguyod Iyon”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Hanapin ang Kapayapaan at Itaguyod Iyon”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Pag-iisip ng Ukol sa Laman”
  • Pakikipagpayapaan sa Ating mga Kapatid
  • “Maligaya ang Mapagpayapa”
  • Mga Salitang Mapagpayapa
  • “Gawin Ninyo ang Lahat”
  • “Ang Kapayapaan ng Diyos” ang Mag-ingat Nawa sa Inyong Puso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • ‘Hanapin ang Kapayapaan at Itaguyod Iyon’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Paano Mo Tatamasahin ang Kapayapaan ng Diyos Nang Lalong Higit
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Kapayapaan—Paano Ka Magkakaroon Nito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 3/1 p. 20-25

“Hanapin ang Kapayapaan at Itaguyod Iyon”

“Dakilain si Jehova, na nalulugod sa kapayapaan ng kaniyang lingkod.”​—AWIT 35:27.

1. Anong kapayapaan ang ating tinatamasa ngayon?

ANONG laking kagalakan sa baha-bahaging sanlibutang ito na magtamasa ng kapayapaan? Anong laking kaluguran na sumamba kay Jehova, “ang mismong Diyos ng kapayapaan,” at makibahagi sa mga pagpapala na dulot ng kaniyang “tipan ng kapayapaan”! Anong laking kaginhawahan, sa gitna ng mga kagipitan sa buhay, na makilala “ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip” at masaksihan ‘ang buklod ng kapayapaan’ na tagapagkaisa sa mga lingkod ng Diyos anuman ang kanilang bansang pinagmulan, wika, lahi, o katayuan sa lipunan!​—1 Tesalonica 5:23; Ezekiel 37:26; Filipos 4:7; Efeso 4:3.

2, 3. (a) Samantalang ang bayan ng Diyos sa kabuuan ay mananatili, ano ang maaaring mangyari sa indibiduwal na mga Kristiyano? (b) Ano ang ipinapayo ng Bibliya na gawin natin?

2 Bilang mga Saksi ni Jehova, ating pinakamamahal ang kapayapaang ito. Gayunman, ito’y hindi natin maaaring ipagwalang-bahala. Ang kapayapaan ay hindi kusang napananatili dahil lamang sa tayo’y kaugnay ng isang kongregasyong Kristiyano o nagkataong tayo’y bahagi ng isang pamilyang Kristiyano. Samantala ang pinahirang nalabi at ang kanilang kasamahan na “mga ibang tupa” ay mananatiling isang kawan hanggang sa wakas, bagaman ang mga indibiduwal ay maaaring mawalan ng kanilang kapayapaan at mapahiwalay.​—Juan 10:16; Mateo 24:13; Roma 11:22; 1 Corinto 10:12.

3 Si apostol Pablo ay nagbabala sa pinahirang mga Kristiyano noong kaniyang kaarawan: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, baka ang sinuman sa inyo’y tubuan ng isang masamang puso na kulang ng pananampalataya, na maghihiwalay sa inyo sa Diyos na buháy.” (Hebreo 3:12) Ang babalang ito ay kumakapit din sa malaking pulutong. Kaya ipinapayo ng Bibliya sa mga Kristiyano: “Hanapin ang kapayapaan at itaguyod iyon. Sapagkat ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakahilig sa kanilang daing; ngunit ang mukha ni Jehova ay laban sa gumagawa ng masama.”​—1 Pedro 3:10-12; Awit 34:14, 15.

“Ang Pag-iisip ng Ukol sa Laman”

4. Ano ang maaaring makagambala sa ating pakikipagpayapaan sa Diyos?

4 Ano ang maaaring makagambala sa ating pakikipagpayapaan sa Diyos? Isang bagay ang binabanggit ni Pablo nang kaniyang sabihin: “Ang pag-iisip ng ukol sa laman ay nagdadala ng kamatayan, ngunit ang pag-iisip ng ukol sa espiritu ay nagdadala ng buhay at kapayapaan; sapagkat ang pag-iisip ng ukol sa laman ay pakikipag-alitan sa Diyos.” (Roma 8:6, 7) Sa “laman,” ang tinutukoy ni Pablo ay ang ating makasalanang kalagayan bilang di-sakdal na mga tao na may minanang makasalanang mga hilig. Ang pagbibigay-daan sa mga hilig ng nagkasalang laman ay sisira sa ating kapayapaan. Kung ang isang Kristiyano’y di-nagsisisi sa kaniyang ginagawang imoralidad, pagbubulaan, pagnanakaw, paggamit ng mga droga, o sa mga iba pang paraan ay lumalabag sa banal na kautusan, kaniyang sinisira ang pakikipagpayapaan kay Jehova na dating tinatamasa niya. (Kawikaan 15:8, 29; 1 Corinto 6:9, 10; Apocalipsis 21:8) Isa pa rin, kung kaniyang papayagang ang materyal na mga bagay ay maging higit na mahalaga sa kaniya kaysa espirituwal na mga bagay, ang kaniyang pakikipagpayapaan sa Diyos ay lubhang nanganganib.​—Mateo 6:24; 1 Juan 2:15-17.

5. Ano ang nasasangkot sa pagtataguyod ng kapayapaan?

5 Sa kabilang dako, sinabi ni Pablo: “Ang pag-iisip ng ukol sa espiritu ay nagdadala ng buhay at kapayapaan.” Ang kapayapaan ay bahagi ng bunga ng espiritu, at kung ating sinasanay ang ating puso na magpahalaga sa espirituwal na mga bagay, na ipinananalangin na tulungan tayo ng espiritu ng Diyos sa bagay na ito, kung magkagayo’y maiiwasan natin “ang pag-iisip ng ukol sa laman.” (Galacia 5:22-24) Sa 1 Pedro 3:10-12, ang kapayapaan ay kaugnay ng katuwiran. (Roma 5:1) Sinasabi ni Pedro na kasali sa pagtataguyod ng kapayapaan ang ‘pagtalikod sa masama at paggawa ng mabuti.’ Ang espiritu ng Diyos ay makatutulong sa atin na “itaguyod ang katuwiran” at sa gayo’y mapanatili ang ating pakikipagpayapaan sa Diyos.​—1 Timoteo 6:11, 12.

6. Ano ang isa sa mga pananagutan ng matatanda kung tungkol sa kapayapaan ng kongregasyon?

6 Ang pagtataguyod ng kapayapaan ay pangunahing pananagutan ng matatanda sa kongregasyon. Halimbawa, kung mayroon doon na sumusubok magpasok ng maruruming gawain, ang matatanda ay may pananagutan na ingatan ang kongregasyon sa pamamagitan ng pagsaway sa nagkasala. Kung kaniyang tinatanggap ang saway, manunumbalik sa kaniya ang kaniyang kapayapaan. (Hebreo 12:11) Kung hindi naman, marahil ay kailangang siya’y palabasin upang mapanatili ang mapayapang kaugnayan ng kongregasyon kay Jehova.​—1 Corinto 5:1-5.

Pakikipagpayapaan sa Ating mga Kapatid

7. Anong nahahalatang tanda ng ‘pag-iisip ukol sa laman’ ang ibinababala ni Pablo sa mga taga-Corinto?

7 Ang ‘pag-iisip ukol sa laman’ ay maaaring sumira hindi lamang sa ating pakikipagpayapaan sa Diyos kundi rin sa ating mabuting kaugnayan sa mga ibang Kristiyano. Si Pablo ay sumulat sa mga taga-Corinto: “Kayo’y makalaman pa. Sapagkat samantalang sa inyo’y may panibugho at pagtatalu-talo, hindi baga kayo makalaman at hindi ba kayo nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao?” (1 Corinto 3:3) Ang paninibugho at pagtatalu-talo ang mismong kabaligtaran ng kapayapaan.

8. (a) Ano ang maaaring mangyari sa isang tao na sanhi ng paninibugho at pagtatalu-talo sa kongregasyon? (b) Depende sa ano ang ating pakikipagpayapaan sa Diyos?

8 Ang paggambala sa kapayapaan ng kongregasyon kung ang isa’y sanhi ng paninibugho at pagtatalu-talo ay napakalubha. Sa pagbanggit ng isang katangian na may kaugnayan sa kapayapaan bilang isang bunga ng espiritu, si apostol Juan ay nagbabala: “Kung sinasabi ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ ngunit napopoot sa kaniyang kapatid, siya’y sinungaling. Sapagkat siyang hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na kaniyang nakikita, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.” (1 Juan 4:20) Sa katulad na paraan, kung ang isang tao’y sanhi ng paninibugho o pagtatalu-talo sa gitna ng mga magkakapatid, siya kaya ay talagang magkakaroon ng pakikipagpayapaan sa Diyos? Tunay na hindi! Sa atin ay ipinapayo: “Kayo’y magpatuloy na mangagalak, muling mapawasto, mangaaliw, mangagkaisa ng pag-iisip, mamuhay nang mapayapa; at ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ay sasainyo.” (2 Corinto 13:11) Oo, kung tayo’y patuloy na mamumuhay nang may pakikipagpayapaan sa isa’t isa, kung gayon ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay sasaatin.

9. Papaano natin nalalaman na ang mga Kristiyano ay magkakaroon kung minsan ng mga di-pagkakaunawaan at mga di-pagkakasundo?

9 Ito’y hindi nangangahulugan na hindi na magkakaroon ng di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Kristiyano. Noong mga sanlinggo pagkatapos ng Pentecostes, nagkaroon ng di-pagkakaunawaan sa bata pang kongregasyong Kristiyano tungkol sa araw-araw na pamamahagi ng pagkain. (Gawa 6:1) Minsan ang isang di-pagkakaunawaan sa pagitan ni Pablo at ni Bernabe ay humantong sa “isang matinding silakbo ng galit.” (Gawa 15:39) Kinailangan ni Pablo na payuhan si Euodias at si Sintique, tiyak na mahuhusay, masisigasig na mga kapatid na babae, “na magkaisa ng kaisipan sa Panginoon.” (Filipos 4:2) Hindi katakataka na magbigay si Jesus ng detalyadong payo tungkol sa kung papaano lulutasin ang mga di-pagkakaunawaan na sumisira ng kapayapaan sa pagitan ng mga Kristiyano at idiniin ang mabilis na pangangailangang lutasin kaagad ang gayong mga suliranin! (Mateo 5:23-25; 18:15-17) Disin sana’y hindi niya ibinigay ang payong ito kung hindi niya inaasahang magkakaroon ng mga di-pagkakaunawaan sa gitna ng kaniyang mga tagasunod.

10. Anong mga kalagayan ang bumabangon kung minsan sa isang kongregasyon, at anong pananagutan ang iniaatang nito sa lahat ng kasangkot?

10 Kung gayon, sa ngayon talagang posible na ang sinuman ay magdamdam dahilan sa isang walang taktikang pananalita o isang inaakalang pagsugat ng damdamin buhat sa isang kapuwa Kristiyano. Ang ugali ng isang tao ay maaaring matinding makagalit sa isa. Baka magkaroon ng pagsasagupaan ng dalawang personalidad. Baka may isa na tutol na tutol sa isang desisyon ng mga matatanda. Sa lupon ng matatanda naman mismo, ang isang matanda ay baka labis na dominante ang kaisipan at sinusubok niya na mapangibabawan ang mga ibang matatanda. Sa kabila ng katotohanan na nangyayari ang ganiyang mga bagay, tayo ay kailangan pa ring humanap ng kapayapaan at itaguyod iyon. Ang hamon ay ang pakitunguhan ang mga suliraning ito sa isang paraang Kristiyano upang mapanatili “ang tagapagkaisang buklod ng kapayapaan.”​—Efeso 4:3.

11. Anong mga paglalaan ang ginawa ni Jehova upang tulungan tayo na itaguyod ang kapayapaan sa isa’t isa?

11 Ang Bibliya’y nagsasabi: “Dakilain si Jehova, na nalulugod sa kapayapaan ng kaniyang lingkod.” (Awit 35:27) Oo, nais ni Jehova na tayo’y magkaroon ng kapayapaan. Kaya naman, siya’y gumawa ng dalawang mahalagang paglalaan upang tulungan tayo na mapanatili ang kapayapaan sa atin-ating sarili at sa ating relasyon sa kaniya. Ang isa ay ang banal na espiritu, na ang isang bunga ay kapayapaan, kasama ang kaugnay na mga mapayapang katangian, tulad baga ng pagbabata, kabaitan, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili. (Galacia 5:22, 23) Ang isa pa ay ang banal na karunungan, na tungkol dito’y mababasa natin: “Ang karunungang mula sa itaas ay unang-una malinis, saka mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, puspos ng kaawaan at mabubuting bunga.”​—Santiago 3:17, 18.

12. Ano ang dapat nating gawin kung ang ating pakikipagpayapaan sa ating mga kapatid ay nagambala?

12 Samakatuwid, pagka ang ating pakikipagpayapaan sa iba ay nagambala, tayo’y manalangin para bigyan tayo ng karunungang mula sa itaas upang ipakita sa atin kung papaano tayo kikilos, at dapat tayong humingi ng banal na espiritu na magpapalakas sa atin na gawin ang matuwid. (Lucas 11:13; Santiago 1:5; 1 Juan 3:22) Kasuwato ng ating panalangin, tayo ay maaaring tumingin kung gayon sa pinagmumulan ng banal na karunungan, ang Bibliya, bilang patnubay, at gayundin sa mga literatura sa Bibliya na maaaring gamitin natin sa pagpapayo ng kung papaano ikakapit ang Kasulatan. (2 Timoteo 3:16) Baka nais din natin na humingi ng payo sa mga matatanda sa kongregasyon. Ang huling hakbang ay ang sundin ang tinanggap na patnubay. Sinasabi ng Isaias 54:13: “Lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.” Ito’y nangangahulugan na ang ating kapayapaan ay depende sa ating pagkakapit ng mga bagay na itinuturo sa atin ni Jehova.

“Maligaya ang Mapagpayapa”

13, 14. (a) Ano ang kahulugan ng pananalita ni Jesus na “mapagpayapa”? (b) Papaano tayo magiging mga tagapagpayapa?

13 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mapagpayapa, sapagkat sila’y tatawaging ‘mga anak ng Diyos.’ ” (Mateo 5:9) Dito ang “mapagpayapa” ay hindi tumutukoy sa kaninuman na basta likas na tahimik. Ang orihinal na salitang Griego ay nangangahulugan na “mga tagapagpayapa.” Ang isang tagapagpayapa ay sanáy na magsauli ng kapayapaan pagka ito ay ginagambala. Subalit, higit na mahalaga na ang isang tagapagpayapa ay nagsisikap na hadlangan ang gumagambala sa kapayapaan unang-una. ‘Kapayapaan ang naghahari sa kaniyang puso.’ (Colosas 3:15) Kung ang mga lingkod ng Diyos ay magsisikap na maging mga tagapagpayapa, ang mga suliranin sa gitna nila ay mapananatiling kakaunti.

14 Ang pagiging tagapagpayapa ay nangangahulugan na kikilalanin natin ang ating sariling mga kahinaan. Halimbawa, ang isang Kristiyano ay maaaring mainitin ang ulo o maramdamin at madaling magalit. Pagka nagigipit, baka sa kapusukan ng kaniyang damdamin ay makalimutan niya ang mga simulain ng Bibliya. Ito’y maaasahan na makikita sa di-sakdal na mga tao. (Roma 7:21-23) Gayunman, ang mga alitan, pagkakabaha-bahagi, at silakbo ng galit ay nakatala bilang mga gawa ng laman. (Galacia 5:19-21) Sakaling makita natin ang ganiyang mga hilig sa ating sarili​—o kung ang mga iyan ay itinatawag-pansin sa atin ng iba​—​tayo’y taimtim at patuloy na manalangin na tulungan tayo ng espiritu ni Jehova upang mapasulong sa atin ang pagpipigil-sa-sarili at ang kahinahunan. Oo, lahat ay dapat magsikap na pagyamanin ang ganiyang mga katangian bilang bahagi ng kaniyang bagong personalidad.​—Efeso 4:23, 24; Colosas 3:10, 15.

15. Papaanong ang karunungan mula sa itaas ay salungat sa di-makatuwirang katigasan ng ulo?

15 Kung minsan, ang isang kongregasyon o lupon ng matatanda ay ginagambala ng isang taong matigas ang ulo, laging iginigiit ang kaniyang sariling paraan. Totoo, kung tungkol sa banal na kautusan, ang isang Kristiyano ay dapat na may matatag na kaisipan, hindi mababali at kung inaakala nating tayo’y may mabuting ideya na mapapakinabangan ng iba, walang masama na tahasang ipahayag natin ang ating sarili, samantalang ating ipinaliliwanag ang ating mga dahilan. Ngunit hindi natin ibig na mapatulad sa mga nasa sanlibutan na “di-marunong tumupad ng kasunduan.” (2 Timoteo 3:1-4) Ang karunungan buhat sa itaas ay mapagpayapa, makatuwiran. Ang mga taong hindi na mababago sa kanilang ikinikilos ay dapat makinig sa payo ni Pablo sa mga taga-Filipos na ‘huwag gawin ang anuman dahil sa sariling kapakanan.’​—Filipos 2:3.

16. Papaanong ang payo ni Pablo sa aklat ng Filipos ay tumutulong sa atin na daigin ang ideyang “ako muna”?

16 Sa liham ding iyan, ipinapayo ni Pablo na, ‘taglay ang kababaang-loob,’ taimtim na ‘ituring natin na ang iba’y nakahihigit sa atin.’ Ito ang mismong kabaligtaran ng ideyang “ako muna.” Ang isang maygulang na Kristiyano ay hindi nag-iisip unang-una na ipilit ang kaniyang sariling mga ideya, pagtakpan ang isang bagay upang siya’y huwag mapahiya, o ipagtanggol ang kaniyang sariling posisyon at autoridad. Ito’y salungat sa payo ni Pablo na ‘tingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.’​—Filipos 2:4; 1 Pedro 5:2, 3, 6.

Mga Salitang Mapagpayapa

17. Anong maling paggamit ng dila ang makagagambala sa kapayapaan ng kongregasyon?

17 Ang taong nagtataguyod ng kapayapaan ay lalong maingat sa kaniyang paggamit ng dila. Si Santiago ay nagbabala: “Ang dila ay isang maliit na sangkap ngunit maraming ipinangangalandakan. Narito! Anong laking gubat ang pinag-aalab ng pagkaliit-liit na apoy!” (Santiago 3:5) May kapilyuhang tsismis, pamimintas sa iba nang talikuran, masasakit at mabalasik na mga salita, pagbubulung-bulungan at pagrereklamo, at gayundin ang paimbabaw na papuri para sa sariling kapakanan ng isa​—lahat ng ito ay mga gawa ng laman na gumagambala sa kapayapaan ng bayan ng Diyos.​—1 Corinto 10:10; 2 Corinto 12:20; 1 Timoteo 5:13; Judas 16.

18. (a) Sa di-sinasadyang maling paggamit ng dila, ano ang tamang dapat gawin ng bawat kasangkot? (b) Pagka ang isang taong nagagalit ay nagsalita ng nakasasakit na mga salita, papaano gumagawi ang mga maygulang na Kristiyano?

18 Totoo, sinabi ni Santiago: “Ang dila, hindi ito napapaamo ng sinumang tao.” (Santiago 3:8) Kahit na ang maygulang na mga Kristiyano kung minsan ay nagsasabi ng mga bagay na kanilang taimtim na pinagsisisihan pagkatapos. Lahat tayo ay umaasang patatawarin ng iba sa gayong mga pagkakamali gaya ng pagpapatawad natin sa kanila. (Mateo 6:12) Kung minsan ang matinding silakbo ng galit ay maaaring lumikha ng masasakit na salita. Kung magkagayon, tatandaan ng isang tagapagpayapa na “ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot, ngunit ang salitang nakasasakit ay humihila ng galit.” (Kawikaan 15:1) Kadalasan, siya’y kailangang magbuntung-hininga na lamang at tumangging sagutin ang pagalit na mga salita ng higit pang pagalit na mga salita. Pagkatapos, pagka humupa na ang galit, alam ng isang maunawaing tagapagpayapa kung papaano palalampasin ang mga bagay na sinalita ng nasa kainitan ang pagkagalit. At ang isang mapagpakumbabang Kristiyano ay may kabatiran kung papaano hihingi ng paumanhin at magsisikap na pagalingin ang anumang mga sugat na kaniyang nilikha. Tanda ng kalakasang moral kung ang isa’y taimtim na makapagsasabi, “Ikinalulungkot ko.”

19. Ano ang ating natutuhan kay Pablo at kay Jesus tungkol sa kung papaano magbibigay ng payo?

19 Ang dila ay magagamit sa pagpapayo sa iba. Si Pedro ay pinagsabihan ni Pablo sa harap ng madla nang itong huli ay kumilos sa Antioquia nang di-nararapat. At si Jesus ay nagbigay ng matinding payo sa kaniyang mga mensahe sa pitong kongregasyon. (Galacia 2:11-14; Apocalipsis, mga kabanatang 2, 3) Kung ating pag-aaralan ang mga halimbawang ito, ating matututuhan na ang payo ay hindi dapat na napakahinahon na anupa’t nawawala ang punto na dapat ipalabas nito. Gayunman, si Jesus at si Pablo ay hindi naman mabagsik o malupit. Ang kanilang payo ay hindi isang palabasan para sa kanilang sariling pagkasiphayo. Sila’y tunay na nagsikap makatulong sa kanilang mga kapatid. Kung ang isang nagbibigay ng payo ay nakahahalata na hindi niya lubusang nasusupil ang kaniyang dila, siya’y maaaring huminto sandali at medyo magpahingalay bago magsalita ng anuman. Sapagkat kung hindi, baka siya makapagsalita ng mababagsik na pananalita at lalo pang lumubha ang problema na kaniyang sinisikap na lutasin.​—Kawikaan 12:18.

20. Ano ang dapat umugit sa lahat ng ating sinasabi sa ating mga kapatid o tungkol sa kanila?

20 Gaya ng nabanggit na, ang kapayapaan at pag-ibig ay may malapit na kaugnayan bilang mga bunga ng espiritu. Kung ang ating sinasabi sa ating mga kapatid​—o tungkol sa kanila​—ay sa tuwina pinaka-larawan ng ating pag-ibig sa kanila, kung magkagayon ay may bahagi ito sa ikapapayapa ng kongregasyon. (Juan 15:12, 13) Ang ating pananalita ay kailangang laging “may biyaya, tinimplahan ng asin.” (Colosas 4:6) Ang mga ito ay kailangang katakam-takam, wika nga, nakaaakit sa puso. Si Jesus ay nagpayo: “Taglayin ninyo sa inyong sarili ang asin, at kayo’y magkaroon ng kapayapaan sa isa’t isa.”​—Marcos 9:50.

“Gawin Ninyo ang Lahat”

21. Ano ang mahahalata sa bayan ng Diyos sa lingguhang mga pulong at sa panahon ng mga asamblea at kombensiyon?

21 Sumulat ang salmista: “Masdan ninyo! Anong pagkabuti-buti at pagkaliga-ligaya na ang magkakapatid ay magsitahang magkakasama sa pagkakaisa!” (Awit 133:1) Tunay, tayo’y nalulugod na makasama ng ating mga kapatid, lalo na sa ating lingguhang mga pulong at sa panahon ng asamblea at malalaking kombensiyon. Sa gayong mga panahon ang ating kapayapaan ay nahahalata maging ng mga tagalabas.

22. (a) Anong di-tunay na kapayapaan ang malapit nang isipin ng mga bansa na kanilang nabubuo, na hahantong sa ano? (b) Sa anong tunay na kapayapaan hahantong ang tipan ng kapayapaan ng Diyos?

22 Malapit nang isipin ng mga bansa na sila’y nakabubuo ng kapayapaan nang wala si Jehova. Ngunit samantalang kanilang sinasabing, “Kapayapaan at katiwasayan!” ang biglang pagkawasak ay darating sa lahat ng walang pakikipagpayapaan sa Diyos. (1 Tesalonica 5:3) Pagkaraan niyan, ang dakilang Prinsipe ng Kapayapaan ay magsasagawa na ng pagpapagaling sa sangkatauhan buhat sa kapaha-pahamak na mga resulta ng pagkawala ng pakikipagpayapaan ng tao sa Diyos. (Isaias 9:6, 7; Apocalipsis 22:1, 2) Pagkatapos, ang tipan ng Diyos sa kapayapaan ay magdudulot ng isang pambuong-daigdig na katahimikan. Maging ang mababangis na hayop sa parang ay makararanas ng kapahingahan buhat sa paglalaban-laban.​—Awit 37:10, 11; 72:3-7; Isaias 11:1-9; Apocalipsis 21:3, 4.

23. Kung ating minamahalaga ang pag-asa ng isang mapayapang bagong sanlibutan, ano ang dapat nating gawin ngayon?

23 Anong pagkaningning-ningning na panahon iyan! Inaasam-asam ba ninyo ang pagdating niyaon? Kung gayon, ‘makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.’ Hanapin ninyo ang pakikipagpayapaan ngayon sa inyong mga kapatid, at lalo na kay Jehova. Oo, “yamang kayo ay naghihintay ng mga bagay na ito, gawin ninyo ang lahat upang sa wakas kayo’y masumpungan niya na walang dungis at walang kapintasan at nasa kapayapaan.”​—Hebreo 12:14; 2 Pedro 3:14.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Ano ang maaaring sumira sa ating pakikipagpayapaan kay Jehova?

◻ Anong uri ng di-pagkakaunawaan ang kailangang lutasin sa kongregasyon?

◻ Anong paglalaan ang ginawa ni Jehova upang tulungan tayo na humanap ng kapayapaan at itaguyod iyon?

◻ Anong saloobing makalaman ang maaaring makagambala sa kapayapaan ng kongregasyon, at papaano natin madadaig ang mga iyan?

[Larawan sa pahina 22]

Ang kapayapaan ay umiiral sa gitna ng mga taong tinuruan ni Jehova

[Larawan sa pahina 24]

Anong pagkainam-inam ang kapayapaan ng mga kapatid na naglilingkod nang may pagkakaisa!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share