Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bagay ba sa isang Kristiyano na payagan ang isang awtopsiya sa isang kamag-anak?
Ang Bibliya ay hindi tuwirang nagkukomento sa awtopsiya, subalit mayroong mga ilang kaugnay na mga kaisipan sa Bibliya na maaaring pag-isipan ng Kristiyano. Pagkatapos ay maaaring gumawa ng isang personal na pasiya batay sa liwanag ng gayong mga teksto at ng mga sinasabi tungkol sa binanggit na situwasyon.
Ang isang awtopsiya ay pagsusuri ng isang siruhano (pagkatay) sa isang bangkay ng tao upang matiyak ang sanhi ng kamatayan. Maaari ring magbigay ito ng impormasyon tungkol sa mga epekto o mekanismo ng sakit. Ang pangmalas ng mga ibang relihiyon tungkol sa mga awtopsiya ay apektado ng mga turo na di-ayon sa kasulatan. Halimbawa, isang encyclopedia na Katoliko ang nagsasabi: “Ang katawan ng namatay ay kailangang pakitunguhan nang may paggalang bilang ang dating tahanan ng kaniyang kaluluwa . . . Ito ay itinalaga na bumangon kasama ng kaluluwa, sa panahon ng pangkalahatang pagkabuhay-muli, tungo sa buhay na walang-hanggan . . . Maaaring mayroong pagitan ang pisikal na kamatayan at ang pag-alis ng kaluluwa.” Subalit, ipinakikita ng Bibliya na kapag ang isang tao (isang buháy na kaluluwa) ay namatay, siya’y nagiging isang patay na kaluluwa. (Genesis 2:7; 7:21-23; Levitico 21:1, 11) Kumusta naman ang kaniyang katawan? Tungkol sa “mga anak ng tao” at sa “mga hayop,” ganito ang mababasa natin: “Silang lahat ay nanggaling sa alabok, at silang lahat ay babalik sa alabok.” (Eclesiastes 3:18-20) Sa pagkabuhay-muli, hindi ang bubuhayin ng Diyos ay yaong katawan na matagal nang naging hamak na alabok, kundi bibigyan niya ang isang tao ng katawan ayon sa kaniyang minagaling.—Tingnan ang 1 Corinto 15:38, 47, 48.
Ang isa pang pitak ng pangmalas ng Bibliya tungkol sa mga patay ay maaaring pag-isipan kung tungkol sa awtopsiya. Iniutos ng Diyos sa Israel: “Huwag ninyong kukudlitan ang inyong laman dahil sa isang namatay na kaluluwa, at huwag ninyong guguhitan ng anumang tanda ang inyong laman. Ako ay si Jehova.” (Levitico 19:28; Deuteronomio 14:1, 2; Jeremias 47:5; Mikas 5:1) Oo, ang bayan ng Diyos ay pinag-utusan na huwag tutulad sa nakapalibot na mga bansa sa paglalagay ng gurlis sa kanilang laman bilang tanda ng pamimighati sa mga namatay o sa anumang ibang walang katotohanang relihiyosong mga dahilan. Ang utos na ito ay tiyak na nakaakay din sa mga Israelita na igalang ang kanilang mga katawan bilang mga paglalang ng Diyos.—Awit 100:3; 139:14; Job 10:8.
Gayundin na ang mga Kristiyano ay dapat na magkaroon ng kaukulang paggalang sa kanilang mga buhay at mga katawan, na kanilang inialay sa Diyos. (Roma 12:1) May mga naniniwala na ang ganitong paggalang sa katawan ang dapat humubog ng kanilang kaisipan kung tungkol sa mga awtopsiya. Inaakala nila na maliban sa may anumang mahigpit na dahilan na gawin iyon, mas gusto nila na ang katawan ng isang minamahal na kamag-anak ay huwag nang gawan ng awtopsiya pagkamatay. Baka alam nila na sa mga ibang lugar ang dugong kinuha sa mga bangkay ay isinasalin sa mga taong buháy o ginagamit sa iba pang mga layunin, at sa mga ito’y hindi nila ibig na magkaroon ng bahagi.a
Kung gayon, bakit nga may mga Kristiyano na pumayag sa awtopsiya? Batid nila na hindi naman tuwirang nagkukomento ang Bibliya sa sistemang ito sa medisina. Baka alam din nila na ang mga Israelita sa Ehipto ay pumayag na embalsamuhin ng mga manggagamot ng Ehipto si Jacob at si Jose, at malamang na ginamit doon ang siruhia upang alisin ang mga sangkap na panloob. (Genesis 50:2, 3, 26) Sa mga ibang kaso sa ngayon, kahilingan ng batas ng lupain na magsagawa ng isang awtopsiya. Halimbawa, kung ang isang may kabataan at malusog na tao ang mamatay na walang nakikitang dahilan, baka sapilitan na kailangan ang isang awtopsiya. Malinaw, pagka hinihingi ng batas ang paggawa ng awtopsiya, isinasaisip ng mga Kristiyano ang payo na “pasakop sa nakatataas na mga maykapangyarihan.”—Roma 13:1, 7; Mateo 22:21.
Kahit na sa kaso ng isang tao na nasa ilalim ng pangangalaga ng isang doktor, at sa gayo’y nalalaman ang malamang na sanhi ng kaniyang kamatayan ang isang awtopsiya ay maaari ring mapagkunan ng nakatutulong na impormasyon. Ang naulilang mga anak ay baka ibig na makaalam ng tiyakang sanhi ng ikinamatay upang maragdagan pa ang kanilang kaalaman tungkol sa medikal na kasaysayan ng kanilang pamilya. Ang gayong impormasyon ay maaaring makaapekto sa kanilang sariling pagkilos sa buhay sa hinaharap o sa pagpapagamot. Mayroon pa ring mga ibang dahilan kung bakit ang iba ay pumayag sa isang awtopsiya. Ang ulat tungkol sa ginawang awtopsiya na dokumentado naman ng mga pag-aaral ng mga himaymay ay maaaring pagbatayan ng pamilya sa paghahabol ng mga benepisyo para sa mga naulila, tulad halimbawa ng pagbibigay ng katunayan ng sakit sa bagà na likha ng pagmimina ng karbón. Mayroon pa ring naniniwala na ang isang awtopsiya ay magbibigay sa kanila ng karagdagang kapayapaan ng isip sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maunawaan kung ano ang sanhi o hindi sanhi ng kamatayan ng isang mahal sa buhay. Mga taong hindi bahagi ng pamilya ay maaari ring mapasangkot. Baka taimtim na isipin ng mga kamag-anak na ang pagpayag nila sa isang awtopsiya ay tutulong sa isang doktor na maunawaan ang landas na tinatahak ng isang sakit, at sa gayo’y baka magkaroon ng higit pang kakayahan na gumamot sa iba.
Kung gayon, angkop para sa mga Kristiyano na igalang ang kanilang katawan, subalit may iba pang mga dahilan na maisasaalang-alang nila sa pagpapasiya ng kung papayagan nila ang isang awtopsiya sa isang partikular na situwasyon.
[Talababa]
a Tungkol sa posibleng paggamit ng mga parte ng katawan para sa transplant, tingnan ang The Watchtower ng Marso 15, 1980, pahina 31.