Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pinagpala sa Pagtanggap ng Higit Pang Turo
KATATANGGAP lamang ng mga alagad ng paliwanag tungkol sa ilustrasyon ng maghahasik. Subalit ngayon ay ibig nilang matuto ng higit pa. “Ipaliwanag mo sa amin,” ang pakiusap nila, “ang ilustrasyon ng mga pansirang damo sa bukid.”
Anong laking pagkakaiba ng saloobin ng mga alagad kung ihahambing sa karamihan ng tao na nasa tabing-dagat! Ang mga taong iyon ay wala ng taimtim na hangarin na makaalam ng kahulugan ng mga ilustrasyon, palibhasa’y nasisiyahan sila sa balangkas lamang ng mga bagay na iniharap sa kanila. Upang ipakita ang pagkakaiba ng mga tagapakinig na nasa tabing-dagat at ng kaniyang mga alagad na mausisa, sinabi ni Jesus:
“Sa panukat na iyong isinusukat, doon kayo susukatin, oo, higit pa ang idaragdag sa inyo.” Ang mga alagad ay sumusukat kay Jesus ng maalab na interes at atensiyon kaya naman sila ay pinagpala sa pagtanggap ng higit pang turo. Kaya naman, bilang sagot sa pagtatanong ng mga kaniyang alagad, ipinaliwanag ni Jesus:
“Ang maghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng tao; ang bukid ay ang sanlibutan; at ang mabuting binhi, ang mga ito ang mga anak ng kaharian; ngunit ang mga pansirang damo ay yaong mga anak ng balakyot na isa, at ang kaaway na naghasik ng mga iyan ay ang Diyablo. Ang pag-aani ay isang katapusan ng isang sistema ng mga bagay, at ang mga manggagapas ay mga anghel.”
Pagkatapos ipakilala ang bawat bahagi ng kaniyang ilustrasyon, binabanggit naman ni Jesus ang kahihinatnan. Sa katapusan ng sistema ng mga bagay, aniya, “ang mga manggagapas,” o mga anghel, ang magbubukod sa tulad-pansirang damong imitasyong mga Kristiyano buhat sa tunay na “mga anak ng kaharian.” “Ang mga anak ng balakyot na isa” ay tatatakan naman para puksain, ngunit ang mga anak ng Kaharian ng Diyos, “ang mga matuwid,” ay sisikat nang buong kaningningan sa Kaharian ng kanilang Ama.
Pagkatapos ay pinagpapala ni Jesus ang kaniyang mausisang mga alagad at binibigyan sila ng tatlo pang mga ilustrasyon. Una, kaniyang sinabi: “Ang kaharian ng langit ay tulad ng kayamanang natatago sa bukid, na nasumpungan ng isang tao at ikinubli iyon; at sa kaniyang kagalakan ay yumaon siya at ipinagbili ang kaniyang mga pag-aari at binili niya ang bukid na iyon.”
“Gayundin naman,” ang pagpapatuloy niya, “ang kaharian ng langit ay katulad ng isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas. Nang masumpungan niya ang isang mamahaling perlas, yumaon siya at agad na ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili niya iyon.”
Si Jesus mismo ay katulad ng taong nakatuklas ng natatagong kayamanan at gaya ng mangangalakal na nakasumpong ng mamahaling perlas. Kaniyang ipinagbili ang lahat ng bagay, wika nga, iniwan niya ang isang marangal na puwesto sa langit at naging isang hamak na tao. Pagkatapos, bilang isang tao sa lupa, siya’y dumanas ng kadustaan at abang pag-uusig, lahat na ito’y upang patunayan na siya’y karapat-dapat maging Tagapamahala sa Kaharian ng Diyos.
Ang hamon ay nakaharap din sa mga tagasunod ni Jesus upang ipagbili ang lahat ng bagay upang makamit ang dakilang gantimpala ng pagiging isang kasamang tagapamahala ni Kristo o isang makalupang sakop ng Kaharian. Atin bang ituturing na ang pagkakaroon ng bahagi sa Kaharian ng Diyos ay isang bagay na lalong mahalaga kaysa anupaman sa buhay, bilang isang di matutumbasang kayamanan o isang mamahaling perlas?
Sa katapus-tapusan, “ang kaharian ng langit” ay itinutulad ni Jesus sa isang lambat na nakakahuli ng lahat ng uri ng isda. Pagkatapos pagbukud-bukurin ang mga isda, ang di karapat-dapat ay itinatapon ngunit ang mabubuti ay itinitira. Kaya, ang sabi ni Jesus, ganiyan ang mangyayari sa katapusan ng sistema ng mga bagay; ang mga anghel ang magbubukod ng mga balakyot buhat sa mga matuwid, at ang mga balakyot ay inilalaan sa pagkapuksa.
Si Jesus mismo ang nagsimula ng proyektong ito sa pangingisda, at ang kaniyang unang mga alagad ay tinawag niya na “mga mamamalakaya ng mga tao.” Sa patnubay ng mga anghel, ang gawaing pangingisda ay nagpapatuloy sa loob ng lumipas na mga siglo. Sa wakas ay dumating din ang panahon upang hilahin na ang “lambat,” na sumasagisag sa mga organisasyon sa lupa na nag-aangking Kristiyano.
Bagama’t ang di karapat-dapat na mga isda ay ibinubulid sa kapahamakan, salamat nga at tayo ay maibibilang na ‘mabubuting isda’ na ibinubukod. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng ganoon ding marubdob na hangarin na gaya ng nakita sa mga alagad ni Jesus sa pagkakaroon ng higit pang kaalaman at kaunawaan, tayo ay pagpapalain upang tumanggap hindi lamang ng higit pang turo kundi ng pagpapala ng Diyos na buhay na walang hanggan. Mateo 13:36-52; 4:19; Marcos 4:24, 25.
◆ Paanong ang mga alagad ay naiiba kaysa karamihan ng mga tao sa tabing-dagat?
◆ Sino o ano ang kinakatawan ng maghahasik, ng bukid, ng mabuting binhi, ng kaaway, ng pag-aani, at ng mga manggagapas?
◆ Ano pang tatlong karagdagang ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus, at ano ang maaari nating matutuhan buhat sa mga ito?