Ano ang Kahulugan Para sa Iyo ng Lambat at ng mga Isda?
“Sa inyo ipinagkakaloob ang makaunawa ng mga banal na lihim ng kaharian ng langit.”—MATEO 13:11.
1, 2. Bakit tayo maaaring maging interesado sa mga ilustrasyon ni Jesus?
IKAW ba ay matutuwa na makaalam ng isang lihim o makalutas ng isang palaisipan? Ano kung ang paggawa ng gayon ay tutulong sa iyo na makita nang lalong mainam ang iyong bahagi sa layunin ng Diyos? Nakatutuwa naman, ikaw ay maaaring magtamo ng gayong pribilehiyong pagkakaroon ng matalinong unawa sa pamamagitan ng isang ilustrasyon na ibinigay ni Jesus. Iyon ay nakalito sa marami na nakarinig niyaon at nakalilito sa di-mabilang na mga iba pa sapol noon, subalit mauunawaan mo iyon.
2 Pansinin ang sinabi ni Jesus sa Mateo kabanata 13 tungkol sa kaniyang paggamit ng mga ilustrasyon. Nagtanong ang kaniyang mga alagad: “Bakit ka nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon?” (Mateo 13:10) Oo, bakit gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon na hindi maunawaan ng karamihan ng mga tao? Siya’y tumugon sa mga Mat 13 talatang 11 hanggang 13: “Sa inyo ipinagkakaloob ang makaunawa ng mga banal na lihim ng kaharian ng langit, ngunit sa mga taong iyon ay hindi ipinagkakaloob. . . . Ito ang dahilan kung bakit nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon, sapagkat, bagaman nagsisitingin ay hindi sila nakakakita, at bagaman nakikinig ay hindi sila nakakarinig, ni hindi nila nauunawaan iyon.”
3. Papaano tayo nakikinabang sa pagkaunawa sa mga ilustrasyon ni Jesus?
3 Pagkatapos ay ikinapit ni Jesus ang Isaias 6:9, 10, na tumutukoy ng isang bayan na bingi at bulag sa espirituwal. Gayunman, hindi tayo dapat maging ganiyan. Kung ating nauunawaan ang kaniyang mga ilustrasyon at tayo’y kumikilos, tayo ay maaaring maging maligayang-maligaya—ngayon at sa walang-hanggang hinaharap. Ibinibigay ni Jesus sa atin ang masiglang katiyakang ito: “Maligaya ang inyong mga mata sapagkat nakakakita, at ang inyong mga tainga sapagkat nakakarinig.” (Mateo 13:16) Ang katiyakang iyan ay sumasaklaw sa lahat ng mga ilustrasyon ni Jesus, ngunit itutok natin ang ating pansin sa maikling talinghaga ng lambat, nasusulat sa Mateo 13:47-50.
Isang Ilustrasyon na May Malalim na Kahulugan
4. Ano ang inilahad ni Jesus bilang ilustrasyon, na nasusulat sa Mateo 13:47-50?
4 “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat na inihulog sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno iyon ay hinila nila sa katihan at, habang sila’y nakaupo, kanilang tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit ang mga di-karapat-dapat ay kanilang itinapon. Ganiyan ang mangyayari sa katapusan ng sistema ng mga bagay: ang mga anghel ay lalabas at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid at ihahagis sila sa nag-aapoy na pugon. Diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng kanilang mga ngipin.”
5. Anong uri ng mga tanong ang bumabangon tungkol sa kahulugan ng talinghaga ng lambat?
5 Marahil ay nakakita ka na ng mga lalaking namamalakaya sa pamamagitan ng isang lambat, kahit man lamang sa sine o sa telebisyon, kaya ang talinghaga ni Jesus ay hindi mahirap na gunigunihin. Ngunit kumusta naman ang mga detalye at ang kahulugan? Halimbawa, sinabi ni Jesus na ang ilustrasyong ito ay tungkol sa “kaharian ng langit.” Gayunman, tiyak na hindi niya ibig sabihin na “bawat uri” ng tao, ang mabubuti at ang di-karapat-dapat, o masasama, ay doroon sa Kaharian. At, sino ang namamalakaya? Ang pamamalakaya bang ito at pagbubukud-bukod ay naganap noong kaarawan ni Jesus, o maaaring ito’y sa panahon lamang natin, “ang katapusan ng sistema ng mga bagay”? Nakikita mo ba ang iyong sarili sa talinghagang ito? Papaano mo maiiwasan ang mapabilang sa mga tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin?
6. (a) Bakit dapat tayo maging lubhang interesado sa pag-unawa sa talinghaga ng lambat? (b) Ano ba ang isang susi sa pagkaunawa nito?
6 Ang ganiyang mga tanong ay nagpapakita na ang ilustrasyong ito ay hindi pala simple. Ngayon, huwag kalilimutan: “Maligaya ang inyong mga mata sapagkat nakakakita, at ang inyong mga tainga sapagkat nakakarinig.” Tingnan natin kung masasaliksik natin ang kahulugan nito anupat hindi mapurol ang ating mga pandinig at ang ating mga mata naman ay hindi nakapikit sa kahulugan nito. Sa totoo, tayo’y may mahalagang susi sa pagbubukas sa kahulugan nito. Ang naunang artikulo ay naglahad tungkol sa pag-aanyaya ni Jesus sa mga mamamalakaya ng Galilea na iwanan ang kanilang hanapbuhay at kumuha ng isang espirituwal na gawain bilang “mga mamamalakaya ng mga tao.” (Marcos 1:17) Kaniyang sinabihan sila: “Mula ngayon ay mamamalakaya kayo ng mga taong buháy.”—Lucas 5:10.
7. Ano ang ipinaghahalimbawa ni Jesus nang siya’y tumukoy ng tungkol sa mga isda?
7 Naaayon diyan, ang mga isda sa talinghagang ito ay kumakatawan sa mga tao. Sa gayon, nang sa Mat 13 talatang 49 ay banggitin ang pagbubukod ng mga balakyot sa mga matuwid, ito’y tumutukoy, hindi sa matuwid o masasamang bagay na nabubuhay sa dagat, kundi sa matuwid o masamang mga tao. Sa katulad na paraan, ang Mat 13 talatang 50 ay hindi dapat humila sa atin na isaisip ang tungkol sa mga hayop-dagat na tumatangis o nagngangalit ang mga ngipin. Hindi. Ang talinghagang ito ay tungkol sa pagtitipon sa mga tao at ang pagbubukud-bukod sa kanila pagkatapos, na totoong maselan, gaya ng ipinakikita ng resulta.
8. (a) Ano ang ating matututuhan tungkol sa resulta para sa di-karapat-dapat na mga isda? (b) Dahil sa sinabi tungkol sa di-karapat-dapat na mga isda, ano ang masasabi natin tungkol sa Kaharian?
8 Pansinin na ang di-karapat-dapat na mga isda, samakatuwid nga, ang masasama, ay ihahagis sa nag-aapoy na pugon, na kung saan sila’y tatangis at magngangalit ang mga ngipin. Sa ibang talata ang gayong pagtangis at pagngangalit ng ngipin ay iniugnay ni Jesus sa pagiging nasa labas ng Kaharian. (Mateo 8:12; 13:41, 42) Sa Mateo 5:22 at 18:9, binanggit pa niya ang “nag-aapoy na Gehenna,” tumutukoy sa walang-hanggang pagkapuksa. Hindi ba nagpapakita iyan kung gaano kahalaga na maunawaan ang kahulugan ng ilustrasyong ito at kumilos ayon sa gayong kahulugan? Lahat tayo ay nakaaalam na walang masasama ni magkakaroon man ng masasama sa Kaharian ng Diyos. Samakatuwid, nang sabihin ni Jesus na “ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat,” ang ibig niyang sabihin ay kung tungkol sa Kaharian ng Diyos, may katangian ito na katulad ng sa lambat na inihuhulog upang matipon doon ang sari-saring uri ng mga isda.
9. Papaanong ang mga anghel ay nakakasali sa ilustrasyon ng lambat?
9 Pagkatapos ihulog ang lambat at matipon ang mga isda, magkakaroon ng gawaing pagbubukud-bukod. Sino ang sinabi ni Jesus na mga kasali rito? Sa Mateo 13:49 ang mga mamamalakayang-tagapagbukod na ito ay ipinakilala na mga anghel. Kaya sinasabi sa atin ni Jesus ang tungkol sa pangangasiwa ng mga anghel ng isang instrumento sa lupa na ginagamit upang makilala ang mga tao—ang iba’y mabubuti at karapat-dapat sa Kaharian ng langit, ang iba naman ay di-karapat-dapat sa ganiyang pagkatawag.
Ang Pamamalakaya—Kailan?
10. Sa pamamagitan ng anong pangangatuwiran matitiyak natin na ang pamamalakaya ay magaganap sa isang mahabang yugto ng panahon?
10 Tinutulungan tayo ng konteksto na alamin kung kailan ito kumakapit. Karaka-raka bago pa nito, si Jesus ay nagbigay ng isang ilustrasyon tungkol sa paghahasik ng mabuting binhi, subalit naghasik din ng mga panirang damo sa bukid, na lumalarawan sa sanlibutan. Kaniyang ipinaliwanag sa Mateo 13:38 na ang mabuting binhi ay kumakatawan sa “mga anak ng kaharian; subalit ang mga panirang damo ay ang mga anak ng masama.” Ang mga ito ay tumubong magkasabay sa loob ng maraming daan-daang taon, hanggang sa pag-aani sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Pagkatapos ay inihiwalay ang panirang damo at saka sinunog. Kung ito’y ihahambing sa ilustrasyon ng lambat, makikita natin na ang panghuhuli ng mga nilalang sa lambat ay magaganap sa isang mahabang yugto ng panahon.—Mateo 13:36-43.
11. Papaanong ang isang pandaigdig na pamamalakaya ay pinasimulan noong unang siglo?
11 Sang-ayon sa talinghaga ni Jesus, basta isda ay huhulihin ano man iyon, samakatuwid nga, huhulihin sa lambat kapuwa ang mabubuting isda at ang di-karapat-dapat na isda. Habang buháy ang mga apostol, ang ginamit ng mga anghel na nangunguna sa pamamalakaya ay ang organisasyong Kristiyano ng Diyos upang manghuli ng mga “isda” na naging pinahirang mga Kristiyano. Masasabi mo na bago sumapit ang Pentecostes 33 C.E., ang pamamalakaya ni Jesus ng mga tao ay nakahuli ng mga 120 alagad. (Gawa 1:15) Subalit nang matatag na ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, saka nagsimula ang pamamalakaya na ang ginagamit ay ang lambat bilang instrumento, at libu-libong mabubuting isda ang nahuli. Mula 36 C.E., ang pamamalakaya ay lumaganap nang malawak sa pandaigdig na karagatan, habang ang mga Gentil ay napapalakip sa Kristiyanismo at nagiging mga miyembro ng pinahirang kongregasyon ni Kristo.—Gawa 10:1, 2, 23-48.
12. Ano ang nangyari pagkamatay ng mga apostol?
12 Sa mga siglong nakalipas pagkatapos na pumanaw na ang mga apostol, nagpatuloy ang ilang mga Kristiyanong nagsisikap na masumpungan at mapanghawakan ang banal na katotohanan. Kahit na lamang ang ilan sa mga ito ay tumanggap ng pagsang-ayon ng Diyos, at kaniyang pinahiran sila ng banal na espiritu. Gayunman, dahil sa pagkamatay ng mga apostol ay naalis ang nakahahadlang, kaya umunlad ang malaganap na apostasya. (2 Tesalonica 2:7, 8) Isang organisasyon ang lumago na bagaman di-karapat-dapat ay nagpakilalang kongregasyon ng Diyos. Ito’y nagpanggap na siyang banal na bansang pinahiran ng espiritu ng Diyos na maghaharing kasama ni Jesus.
13. Bakit masasabing ang Sangkakristiyanuhan ay nagkaroon ng bahagi sa paggamit ng lambat?
13 Inakala mo ba na ang nagpapanggap na mga Kristiyano ay nagkaroon ng bahagi sa ilustrasyon ng lambat? Bueno, may dahilan na sumagot, oo, sila’y nagkaroon ng bahagi. Sa simbolikong lambat ay kasali ang Sangkakristiyanuhan. Totoo, sa loob ng mahabang panahon ang Iglesiya Katolika ay nagsikap na ipagkait ang Bibliya sa mga karaniwang tao. Gayumpaman, sa lumipas na mga siglo ang mga miyembro ng Sangkakristiyanuhan ay gumanap ng pangunahing bahagi sa pagsasalin, pagkopya, at pamamahagi ng Salita ng Diyos. Ang mga iglesiya nang bandang huli ay bumuo o sumuporta ng mga samahan sa Bibliya, na nagsalin ng Bibliya sa mga wika ng malalayong lupain. Sila’y nagsugo rin naman ng mga medikong misyonero at mga guro, na gumawa ng mga Kristiyanong-kanin. Ito’y nakatipon ng napakaraming di-karapat-dapat na mga isda, na walang pagsang-ayon ang Diyos. Subalit kahit na gayon ay milyun-milyong mga di-Kristiyano ang inilantad niyaon sa Bibliya at sa isang anyo ng pagka-Kristiyano, bagaman tiwali.
14. Papaano ang pamamalakaya sa mabubuting isda ay natulungan ng ilang gawain na nagawa ng mga iglesiya ng Sangkakristiyanuhan?
14 Samantala, ang nagsipangalat na mga tapat na nanghahawakang mahigpit sa Salita ng Diyos ay nagsumikap hangga’t magagawa nila. Sa anumang tinutukoy na panahon, sila ang bumubuo ng tunay na pinahirang kongregasyon ng Diyos sa lupa. At matitiyak natin na sila man ay nanghuhuli ng mga isda, o mga tao, na marami rito ang ituturing ng Diyos na mabubuti at kaniyang papahiran ng kaniyang espiritu. (Roma 8:14-17) Ang mabubuting nagpapakilalang mga Kristiyanong ito ay nakapagdala ng katotohanan ng Bibliya sa marami na naging mga Kristiyanong-kanin o nakapagtamo ng limitadong kaalaman sa Bibliya buhat sa Kasulatan na isinalin sa kanilang mga wika ng mga samahan ng Bibliya sa Sangkakristiyanuhan. Totoo, ang pagtitipon sa mabubuting isda ay nagpapatuloy, bagaman ang karamihan ng tinitipon ng Sangkakristiyanuhan ay mga di-karapat-dapat ayon sa pangmalas ng Diyos.
15. Sa tuwiran, ano ang kinakatawan ng lambat sa talinghaga?
15 Samakatuwid ang lambat ay kumakatawan sa isang makalupang instrumento na nagpapakilalang siya’y kongregasyon ng Diyos at humuhuli ng mga isda. Kasali na rito kapuwa ang Sangkakristiyanuhan at ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, itong huli ay nagpapatuloy na tumipon ng mabubuting isda, sa ilalim ng di-nakikitang patnubay ng mga anghel, kasuwato ng Mateo 13:49.
Ang Ating Panahon ay Natatangi
16, 17. Bakit ang panahong ating kinabubuhayan ay totoong mahalaga sa katuparan ng ilustrasyon ni Jesus ng lambat?
16 Atin ngayong isaalang-alang ang tungkol sa panahon. Sa loob ng daan-daang taon ang instrumentong lambat ay tumipon ng mabubuting isda at gayundin ng maraming di-karapat-dapat, o masasama, na mga isda. At dumating ang panahon na ang mga anghel ay napasali sa pagsasagawa ng isang napakahalagang gawaing pagbubukud-bukod. Kailan? Bueno, ang Mat 13 talatang 49 ay malinaw na nagsasabi na iyon ay sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ito’y katumbas ng sinabi ni Jesus sa ilustrasyon ng mga tupa at mga kambing: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao’y pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing.”—Mateo 25:31, 32.
17 Samakatuwid, kasuwato ng Mateo 13:47-50, isang napakahalagang gawaing pagbubukud-bukod sa ilalim ng patnubay ng mga anghel ang nagaganap sapol nang magsimula noong 1914 “ang katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ito’y lalung-lalo nang nahalata pagkatapos ng 1919, nang ang nalabi ng mga pinahiran ay mapalaya buhat sa pansamantalang espirituwal na pagkaalipin, o pagkabilanggo, at naging isang lalong epektibong instrumento sa pagsasagawa ng pamamalakaya.
18. Papaano natipon sa mga sisidlan ang mabubuting isda?
18 Ano ba ang nakatakdang mangyari sa ibinukod na mabubuting isda? Sinasabi ng Mat 13 talatang 48 na ang mga anghel na mamamalakayang-tagapagbukod ang ‘tumipon sa mabubuting [isda] sa mga sisidlan, ngunit ang mga di-karapat-dapat ay kanilang itinapon.’ Ang mga sisidlan ay tagapag-ingat na mga lalagyan ng mabubuting isda. Ito ba’y naganap na sa panahon natin? Naganap na nga. Habang ang simbolikong mabubuting isda ay nahuhuli nang buháy, ang mga ito ay tinitipon sa mga kongregasyon ng tunay na mga Kristiyano. Ang tulad-sisidlang mga kongregasyong ito ay nakatulong upang sila’y ingatan at ilaan sa banal na paglilingkod, hindi ka ba sasang-ayon? Gayumpaman, baka isipin ng sinuman, ‘Ito’y pawang mainam at mabuti, pero ano ba ang kinalaman nito sa aking kasalukuyang buhay at sa aking kinabukasan?’
19, 20. (a) Bakit mahalaga sa ngayon na maunawaan ang diwa ng talinghagang ito? (b) Anong mahalagang pamamalakaya ang ginagawa na buhat noong 1919?
19 Ang katuparan ng dito’y ipinaghalimbawa ay hindi limitado sa mga siglong nasa pagitan ng panahon ng mga apostol at 1914. Sa panahong iyan, sa instrumentong lambat ay natipon kapuwa ang huwad at ang tunay na mga Kristiyano. Oo, doon ay natipon kapuwa ang di-karapat-dapat na mga isda at ang mabubuting isda. Isa pa, ang gawaing pagbubukud-bukod na ginagawa ng mga anghel ay hindi natapos noong humigit-kumulang 1919. Hindi, tunay na hindi. Sa ilang mga bahagi ang ilustrasyong ito ng lambat ay kapit hanggang sa mismong kapanahunan natin. Tayo ay nasasangkot at gayundin ang atin mismong kinabukasan. Napakahalaga para sa atin na maunawaan kung papaano at bakit ganiyan nga kung nais nating kumapit sa atin ang mga salitang ito: “Maligaya ang inyong mga mata sapagkat nakakakita, at ang inyong mga tainga sapagkat nakakarinig” nang may unawa.—Mateo 13:16.
20 Malamang na alam mo na pagkatapos ng 1919 ang pinahirang nalabi ay naging abala na sa pangangaral samantalang nakikipagtulungan sa mga anghel, na patuloy na gumamit ng simbolikong lambat upang ang mga isda ay hilahin tungo sa dalampasigan, upang ibukod ang mabubuting isda sa di-karapat-dapat na mga isda. Ang mga estadistika mula ng panahong iyan ay nagpapakita na ang panghuhuli sa mabubuting isda para pahiran ng espiritu ng Diyos ay nagpatuloy habang ang mga huling kabilang sa 144,000 ay tinitipon ng simbolikong lambat. (Apocalipsis 7:1-4) Subalit nang kalagitnaan ng dekada ng 1930, ang pagtitipon sa mabubuting isda para pahiran ng banal na espiritu ay tuwirang masasabing natapos. Ang gagawin ba ng kongregasyon ng pinahirang nalabi kung gayon ay itatabi na ang lambat, wika nga, at mauupo na lamang nang walang ginagawa, samantalang hinihintay ang kanilang makalangit na gantimpala? Hindi naman!
Ang Bahagi Mo sa Pamamalakaya
21. Ano pang ibang pamamalakaya ang nagaganap sa panahon natin? (Lucas 23:43)
21 Ang ilustrasyon ni Jesus ng lambat ay nakatutok sa mabubuting isda na gagantimpalaan ng isang dako sa Kaharian ng langit. Subalit, bukod sa ilustrasyong iyan, mayroon pang ibang simbolikong pamamalakaya na nagaganap nang malawakan, gaya ng ipinakita sa naunang artikulo. Ang pamamalakayang ito ay, hindi para sa mabubuting pinahirang mga isda na binanggit sa ilustrasyon ni Jesus, kundi para sa simbolikong mga isda na huhulihing buháy at bibigyan ng kagila-gilalas na pag-asang buhay sa isang lupang paraiso.—Apocalipsis 7:9, 10; ihambing ang Mateo 25:31-46.
22. Anong maligayang resulta ang ating mararanasan, at ano ang kabaligtaran nito?
22 Kung mayroon ka ng ganiyang pag-asa, ikagagalak mo na pinahintulutan ni Jehova na isang nagliligtas-buhay na gawaing pamamalakaya ang magpatuloy hanggang sa ngayon. Dahil dito ay posible na kamtin mo ang isang kahanga-hangang pag-asa. Pag-asa? Oo, iyan ang angkop na salitang gamitin, yamang ang resulta ay naaayon sa iyong patuloy na katapatan sa isa na nagdidirekta ng patuloy na gawaing pamamalakaya. (Zefanias 2:3) Alalahanin buhat sa ilustrasyon na hindi lahat ng isdang nahuli ng lambat ay dumaranas ng isang magandang resulta. Sinabi ni Jesus na ang di-karapat-dapat, o masasama, ay ihihiwalay sa mga matuwid. Sa anong layunin? Sa Mateo 13:50 tinukoy ni Jesus ang malubhang kahihinatnan para sa di-karapat-dapat, o masasama, na mga isda. Ang mga ito ay ihahagis sa maapoy na pugon, na ang ibig sabihin ay walang-hanggang pagkapuksa.—Apocalipsis 21:8.
23. Ano ang dahilan kung bakit napakahalaga ang gawaing pamamalakaya sa ngayon?
23 Para sa mabubuting pinahirang mga isda, at gayundin para sa simbolikong mga isda na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa, may nakalaang isang maningning na kinabukasan. Kung gayon, may mabuting dahilan na ang mga anghel ang tumitingin sa mismong nagaganap ngayon na matagumpay na pamamalakaya sa buong daigdig. At anong dami ng huli! Ikaw ay tama sa pagsasabi na sa sariling paraan, ito ay isang kahima-himalang huli na katulad ng literal na mga isda na tinamasa ng mga apostol nang kanilang ihulog ang kanilang lambat sa utos ni Jesus.
24. Ano ang nais nating gawin tungkol sa espirituwal na pamamalakaya?
24 Ikaw ba ay may aktibong bahagi hangga’t maaari sa nagliligtas-buhay na espirituwal na pamamalakaya? Gaano mang kalawak ang ating indibiduwal na bahagi hanggang sa panahong ito, bawat isa sa atin ay makikinabang sa pagtingin sa naisasagawa sa buong daigdig na dakilang pamamalakaya at nagliligtas-buhay na gawaing nagaganap ngayon. Ang paggawa ng gayon ay dapat magpasigla sa atin sa lalo pang malaking sigasig sa paghuhulog ng mga lambat para sa panghuhuli sa mga araw na kinakaharap natin!—Ihambing ang Mateo 13:23; 1 Tesalonica 4:1.
Natatandaan Mo ba ang mga Puntong Ito?
◻ Ano ang kinakatawan ng dalawang uri ng isda sa talinghaga ni Jesus ng lambat?
◻ Sa anong diwa kasangkot ang mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan sa paggamit ng lambat?
◻ Bakit ang pamamalakaya sa panahon natin ay napakahalaga?
◻ Ang talinghaga ng lambat ay dapat umakay sa bawat isa sa atin na gumawa ng anong uri ng pagsusuri sa sarili?
[Larawan sa pahina 18]
Ang pamamalakaya ay nagaganap sa Dagat ng Galilea sa loob ng daan-daang mga taon
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.