Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 5/1 p. 22-30
  • Paggunita sa 93 Taon ng Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paggunita sa 93 Taon ng Buhay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • High School at Kolehiyo
  • “Ito ang Katotohanan!”
  • Nakilala Ko si Brother Russell
  • “The Finished Mystery”
  • Inanyayahan sa Bethel
  • Mga Pribilehiyo na May Kinalaman sa Radyo at Kombensiyon
  • Mga Pagbabago sa Pagkapangulo ng Samahan
  • Ang Buhay Ko sa Inaakay-ng-Espiritung Organisasyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian! (1919-1941)
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Walang Lubay na Paghahayag ng Mabuting Balita (1942-1975)
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • ‘Ginanti Ako Nang Sagana ni Jehova’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 5/1 p. 22-30

Paggunita sa 93 Taon ng Buhay

Inilahad ni Frederick W. Franz

NOONG Setyembre 12, 1893, isang sanggol na lalaki ang isinilang sa Covington, Kentucky, sa timog na panig ng ilog katapat ng Cincinnati, Ohio. Ang kaniyang masayang ama, si Edward Frederick Franz, at nagagalak na ina, si Ida Louise na dating Krueger, ang nagbigay sa kanilang anak na ito ng pangalang Frederick William Franz.

Iyan ang pasimula ng aking 93 taon ng buhay. Ang aking ama, na isinilang sa Alemanya, ay miyembro ng Iglesya Luterano at sa gayo’y kaniyang pinabautismuhan ako sa pamamagitan ng isang klerigo na bumasâ ng kaniyang kamay at idinait iyon sa aking noo. Isang sertipiko sa bautismo ang sinulatan ng kinakailangang impormasyon, at ipinakuwadro at ibinitin sa dingding ng aming tahanan, kasama ang mga sertipiko ng bautismo ng aking dalawang nakatatandang mga kapatid, sina Albert Edward at Herman Frederick. Noon lamang makalipas ang 20 taon napag-alaman ko na ang gayong relihiyosong pormalidad ay di naaayon sa Kasulatan.

Noon ay lumipat kami sa Greenup Street at doon unang-unang nakita ko ang isang karo na walang humihilang kabayo, isang bukas na awto na may upuan para sa dalawa, at ito’y may nagmamaneho sa kalye. Makalipas ang mga taon ay unang-unang nakakita ako ng isang eruplano. Noon ay doon kami nakatira sa tabi ng Krieger’s Bakery, na kung saan nagtatrabaho ang aking ama bilang isang panadero kung gabi. Siya’y umuuwi kung umaga at saka matutulog. At sa hapon siya ay libre na at nakakapiling namin na mga anak na lalaki.

Nang ako’y sumapit sa edad ng pag-aaral sa paaralan, pinapag-aral muna ako sa isang paaralang parokyal at sa mga serbisyong relihiyoso ng St. Joseph’s Roman Catholic Church, yamang iyon ay malapit lamang at nasa 12th at Greenup streets. Nagugunita ko pa ang silid-paaralan. Minsan ang relihiyosong “brother” na nagsisilbing guro ay nagsabi sa akin na pumaroon ako sa harap ng klase at iharap ang aking palad para paltukin ng isang 12-pulgadang ruler dahilan sa nagawa kong pagsuway.

Nagugunita ko rin nang pumaroon ako sa madilim pang kompesyonaryo ng simbahan, at kinausap ko ang kompesor sa likod ng partisyon, at binigkas ko ang isang memoryadong dasal at ikinumpisal ko na ako’y isang masamang bata. Pagkatapos, naparoon na ako sa gawi ng altar at lumuhod doon samantalang isang pari ang naglagay sa bibig ko ng kapirasong tinapay, sa gayo’y binigyan ako ng Komunyon ayon sa itinuturo ng simbahan, ngunit inireserba ang alak para inumin niya sa bandang huli. Ito ang pasimula ng aking pormalang pagsasanay sa relihiyon at ng aking paggalang sa Diyos na lalawak pa sa mga taong darating.

Pagkatapos na makompleto ko ang isang taon sa paaralang parokyal noong 1899, ang aking pamilya ay napasa-kabilang ibayo ng Ohio River sa Cincinnati, doon sa 17 Mary Street (ngayo’y tinatawag na East 15th Street). Doon ay pinapag-aral ako sa paaralang publiko at inilagay sa ikatlong grado. Ako’y naging isang estudyanteng hindi nagbibigay atensiyon, at nagugunita ko pa na, minsan, ang estudyante sa desk na nasa kanan ko at ako ay pinapunta sa tanggapan ng prinsipal dahilan sa ginawa naming hindi mabuti. Doon ang ginawa ni Prinsipal Fitzsimmons ay kapuwa kami pinayuko at ipinahipo sa amin ang dulo ng aming sapatos habang kami ay kaniyang hinahagupit ng isang yantok sa aming puwit. Gaya ng maaasahan, ako’y hindi nakapasa.

Ngunit ayaw ng aking ama na ako’y gumugol ng dalawa pang taon sa grado ring iyon. Kaya’t nang sumunod na pasukan, kaniyang dinala ako sa paaralan sa Liberty Street, sa tanggapan ng prinsipal ng paaralan, si Mr. Logan. Kaniyang hiniling kay Mr. Logan na ilista ako sa ikaapat na grado. Si Mr. Logan ay mabait naman sa akin, at sinabi niya: “Bueno, tingnan natin kung ano ang alam ng binatilyo.” Pagkatapos na sagutin ko ang mga ilang katanungan at nahalata ko na siya nama’y nasiyahan, sinabi niya: “Bueno, waring kuwalipikado naman siya para sa ikaapat na grado.” Sa ganitong paraan kaniyang personalmenteng binigyan ako ng promosyon para mapalagay sa gradong mas mataas kaysa roon sa hindi ko naipasa. Mula noon ay nagpakatatag na ako at naging seryoso ng pag-aaral, at hindi na ako bumagsak sa klase kailanman.

Nagbago rin ang mga pitak relihiyoso ng aking buhay bilang isang kabataan. At nangyari, mga kinatawan ng Second Presbyterian Church ng Cincinnati ang nakilala ng aking ina, at minabuti niya na sina Albert, Herman, at ako ay pag-aralin sa Sunday school ng relihiyong iyan. Noon, si Mr. Fisher ang superintendente ng Sunday school, at ang may kabataang si Bessie O’Barr ang naging guro ko sa Sunday school. Sa ganitong paraan, nakilala ko ang kinasihang Banal na Bibliya. Anong laki ng aking pasasalamat nang pagkalooban ako ng aking guro sa Sunday school ng isang personal na kopya ng Banal na Bibliya bilang isang regalong Pamasko!

Disidido akong gawing isang bahagi ng aking buhay ang pagbabasa ng Bibliya sa araw-araw. Ang resulta ay ang pagiging kabisado ko ng banal na aklat na iyan. At dahil sa mainam na impluwensiya nito ay hindi ako napasangkot sa masasamang bibig at asal ng aking mga kaklase. Hindi nga kataka-taka na ang tingin nila sa akin ay naiiba ako.

High School at Kolehiyo

Nang matapos ako sa ikatlong intermediate school noong 1907, pinayagan ako ng aking mga magulang na magpatuloy sa aking edukasyon at pumasok sa Woodward High School, na kung saan si Albert, ang aking kapatid na panganay, ay nag-aral ng isang taon. Tulad niya, ipinasiya kong mag-aral ng classical course. Kaya’t nag-aral ako ng Latin​—at pinag-aralan ko ito ng sumunod na pitong taon.

At sumapit ang panahon ng graduwasyon noong tagsibol ng taóng 1911. Ako’y napili na maging valedictorian ng Woodward High School sa palatuntunan ng pagtatapos na gaganapin noon sa pinakamalaking awditoryum ng Cincinnati, ang Music Hall.

Noon, ang tatlong high school sa Cincinnati​—ang Woodward High School, Hughes High School, at Walnut Hills High School​—​ay nagsasama-sama sa palatuntunan ng pagtatapos. Ang mga senior sa high school ay doon umuupo sa malaking plataporma na nakaharap sa isang awditoryum na punô ng tao. Ang pambungad na talumpati ay iniatas sa valedictorian ng Woodward High School. Ang paksa na pinili ko para sa okasyon ay “Ang Paaralan at ang Pagkamamamayan.” Lahat ng tatlong tagapagtalumpati ay tumanggap ng masigabong palakpak. Ako ngayon ay nasa aking ika-18 taon ng buhay.

Pinayagan ako ng aking mga magulang na magpatuloy sa pag-aaral ng aking karera, kaya’t pumasok ako sa Pamantasan ng Cincinnati, at nag-aral ako ng liberal arts course. Ngayon ay nagpasiya na ako na ako’y magiging isang predikador na Presbiteryano.

Sa patuloy na pag-aaral ng Latin, idinagdag ko ngayon ang pag-aaral ng Griego. Anong laking pagpapala ang mag-aral ng Griego ng Bibliya, sa ilalim ni Propesor Arthur Kinsella! Sa ilalim ni Dr. Joseph Harry, isang awtor ng mga ilang lathalaing Griego, nag-aral din ako ng klasikal na Griego. Batid ko na kung ibig kong maging isang klerigong Presbiteryano, kailangang mahusay ako sa Griego ng Bibliya. Kaya’t puspusang nag-aral ako at nakapasa naman.

Bukod sa pag-aaral ng Griego at Latin sa paaralan, naging interesado akong matuto ng Kastila, na nasumpungan ko na malaki ang pagkakahawig sa Latin. Bahagya man ay hindi ko natalos noon kung paanong magagamit ko ang Kastila sa aking ministeryong Kristiyano.

Isang mahalagang bahagi ng aking pag-aaral nang si Dr. Lyon, ang pangulo ng pamantasan, ay nagpahayag sa isang asamblea ng mga estudyante sa awditoryum na ako’y napili na pumaroon sa Ohio State University upang kumuha ng kompetitibong eksamen para sa Cecil Rhodes Scholarship upang maging kuwalipikado na mag-aral sa Oxford University sa Inglatera. Isa sa mga kumuha ng eksamen ang dumaig sa akin sa larangan ng atletiks, subalit dahil sa aking maihahambing na mga marka, ay ibig nilang ipadala ako, kasama niya, sa Oxford University. Pinasasalamatan ko naman na ako’y nakaabot sa mga kahilingan para sa pagtatamo ng scholarship, at, normal nga lamang, na masasabing ito’y lubhang nakasisiya.

“Ito ang Katotohanan!”

Magugunita natin na minsan sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Nang nauna ritong taon, noong 1913, tinanggap ng kapatid kong si Albert “ang katotohanan” sa Chicago. Paano nga dumating kay Albert “ang katotohanan”?

Isang Sabado ng gabi noong tagsibol ng 1913, si Albert ay maagang natulog doon sa dormitoryo ng YMCA, na kung saan siya naninirahan habang siya’y nagtatrabaho sa Chicago. Nang may bandang huli, ang kaniyang kakuwarto ay sa-sisipot sa kuwarto upang magpaliwanag ng isang suliranin. Siya’y inanyayahan nang gabing iyon sa tahanan nina G. at Gng. Hindman, at ang kanilang anak na babaing si Nora ay nakatakdang tumanggap ng isang kaibigang babae roon sa bahay. Ang dalawang babae ay hindi maaasikasong magkasabay ng kakuwarto ni Albert. May kasiglahang naghandog ng tulong si Albert. Samantalang lumalakad ang gabi, ang kakuwarto ni Albert ay nakikipagmaigihan ng pakikipag-usap sa dalawang dalaga. Ngunit si G. at Gng. Hindman ay doon nakatuon ang pansin kay Albert, at ipinaliwanag sa kaniya ang mga turo ng Watch Tower Bible and Tract Society.

Pagkatapos nito ako ay pinadalhan ni Albert ng isang pulyeto na pinamagatang Where Are the Dead? na isinulat ng isang doktor na taga-Scotland, si John Edgar, isang miyembro ng Glasgow Congregation ng International Bible Students. Sa primero, itinabi ko ang pulyeto. Ngunit isang gabi, yamang may kaunting panahon ako para pumaroon sa ensayo ng mga kasali sa koro, pinasimulan kong basahin iyon. Ganiyan na lang ang pagkawili kong basahin iyon kung kaya’t hindi ko mabitiw-bitiwan. Patuloy na binasa ko iyon habang ako’y naglalakad mga isang milya patungo sa simbahang Presbiteryano. Palibhasa’y nakakandado pa ang pinto ng simbahan, naupo ako sa malalamig na baitang na bato at patuloy na nagbasa ako. Sa-darating ang organista at, nang mapansin niyang bigay na bigay ako sa aking binabasa, ay nagsabi: “Siguradong interesante iyan.” Ang tugon ko: “Oo, talagang interesante!”

Yamang ganiyan na lang ang pagkawili ko sa mga bagong katotohanan na aking natututuhan, naisip ko na tanungin ang predikador, si Dr. Watson, kung ano baga ang kaniyang palagay tungkol sa pulyetong ito. Kaya’t nang gabi ring iyon, ibinigay ko sa kaniya ang pulyeto at ang tanong ko: “Dr. Watson, ano ba ang alam ninyo tungkol dito?”

Kinuha niya ang pulyeto, binuklat iyon, at saka umismid: “Oh, tiyak na iyan ay ang mga itinuturo ni Russell. Ano ba ang alam niya tungkol sa eskatolohía?” Ako’y nabigla sa kaniyang ginawang paghamak na iyon. Kinuha ko ang pulyeto at lumisan ako, habang naiisip ko sa aking sarili: “Eh ano ba sa akin kung ano man ang isipin niya tungkol dito. Ito ang KATOTOHANAN!”

Hindi nagtagal pagkatapos, sa isa sa kaniyang pagdalaw sa aming tahanan, dinalhan ako ni Albert ng tatlong tomo ng Studies in the Scriptures, na isinulat ni Charles Taze Russell. Ako’y ipinakilala rin ni Albert sa lokal na kongregasyon ng mga Bible Students, na nagkataon namang nagpupulong sa karatig ng simbahang Presbiteryano. Ako’y tuwang-tuwa sa aking natututuhan noon at nagpasiya ako sa lalong madaling panahon na kailangan ko nang putulin ang aking koneksiyon sa Iglesya Presbiteryana.

Kaya nang maglaon, nang dinadalaw uli kami ni Albert, kami’y naparoon sa isa sa mga pahayag kung Linggo ng gabi ni Dr. Watson. Pagkatapos, kaming dalawa ni Albert ay naparoon sa kung saan nakikipagkamay siya sa paalis na mga parokyano niya. Sinabi ko sa kaniya: “Dr. Watson, aalis na po ako sa simbahan.”

Sinabi naman niya: “Alam ko! Alam ko! Nang mga sandaling makita kitang nagbabasa ng isinulat na iyan ni Russell. Ang taong iyan, si Russell, ay hindi ko papayagang pumarito sa loob!” Pagkatapos ay sinabi niya: “Fred, sa palagay mo kaya’y mas mabuting tayo’y pumaroon sa aking bestuaryo at manalangin tayong magkasama?” Sinabi ko naman sa kaniya: “Hindi na po, Dr. Watson, nakapagpasiya na po ako.”

Pagkatapos niyan, kami ni Albert ay lumabas na sa simbahan. Anong ligaya nga na ikaw ay makalaya sa pagkaalipin sa isang sistemang relihiyoso na mga kasinungalingan ang iniaaral! Anong pagkabuti-buti na ikaw ay mapaugnay sa kongregasyon ng International Bible Students, na totoong tapat sa Salita ng Diyos! Noong Abril 5, 1914, sa Chicago, Illinois, sinagisagan ko ang aking konsagrasyon​—gaya ng tawag namin noon sa pag-aalay​—​sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.

Kailanman ay hindi ko pinagsisihan iyan, sandali na lamang bago ipatalastas ng mga awtoridad ng paaralan ang naging resulta ng mga eksamen ukol sa Cecil Rhodes Scholarship, ako’y lumiham sa mga awtoridad at sinabi ko sa kanila na hindi na ako interesado sa Oxford University scholarship at dapat na burahin na nila ako sa listahan ng mga kalahok. Ito’y ginawa ko kahit na ang aking propesor sa Griego sa unibersidad, si Dr. Joseph Harry, ay nagbigay-alam sa akin na ako’y napili upang tanggapin iyon.

Dalawang buwan ang nakaraan, o noong Hunyo 28, 1914, ang pagpaslang kay Archduke Ferdinand ng Austria-Hungary at sa kaniyang asawa ay naganap sa Sarajevo sa Bosnia. Nang mismong petsang iyan, ginaganap naman ng International Bible Students ang ikatlong araw ng kanilang pangkalahatang kombensiyon sa Memorial Hall, Columbus, Ohio. Isang buwan lamang ang nakalipas, o noong Hulyo 28, 1914, sumiklab ang unang digmaang pandaigdig sa buong kasaysayan ng tao. Kaming mga Bible Students ay umaasa noon ng pagtatapos ng mga Panahong Gentil na may habang 2,520 taon pagsapit ng Oktubre 1 ng taon na iyon.

Sa kapahintulutan ng aking ama, nilisan ko ang Pamantasan ng Cincinnati noong Mayo 1914, dalawang linggo lamang bago matapos ang aking ikatlong termino roon bilang isang junior classman. Agad na nakipag-ayos ako sa Watch Tower Bible and Tract Society upang maging isang colporteur, o payunir, gaya ng tawag sa ngayon sa gayong buong-panahong ministro. Sapol noon ay naging isang aktibong kaugnay na ako sa Cincinnati Congregation ng International Bible Students.

Nang malaunan ako’y naging isang elder o hinirang na matanda ng Cincinnati Congregation. Kaya nang ang Estados Unidos ng Amerika ay mapasangkot sa Digmaang Pandaigdig I sa panig ng mga Alyado, at ang mga kabataang lalaki ay kinalap para sa hukbo, ako’y napuwera bilang isang ministro ng ebanghelyo.

Nakilala Ko si Brother Russell

Kabilang sa mga insidente sa aking buhay noong nakaraan na ginuguniguni ko pa nang may kagalakan ay yaong mga panahon nang nakilala ko ang unang presidente ng Samahan, si Charles Taze Russell. Unang nakilala ko siyang personal nang araw bago ganapin ang unang-unang pagtatanghal ng Photo-Drama of Creation sa Music Hall noong Linggo, Enero 4, 1914. Nang Sabadong iyon isang elder ng Cincinnati Congregation ang sumalubong sa akin sa labas ng Music Hall at ang sabi: “Siyanga pala, nariyan si Brother Russell, at kung pupunta ka sa likod ng entablado ay makikita mo siya.” May buong pananabik na pumaroon ako at nang magkagayo’y nakausap ko siya nang mukhaan. Siya’y naparoon upang tingnan ang mga kaayusan para sa unang-unang pagtatanghal na iyon ng Photo-Drama of Creation.

Nang magkagayon noong 1916 nagkataon na siya’y gumagawa ng isang koneksiyon sa tren sa Cincinnati at huminto roon ng mga ilang oras. Isang sister at ako, pagkatapos na patalastasan tungkol doon, ang nagmamadaling pumunta sa istasyon ng tren, na kung saan natagpuan namin siya kasama ang kaniyang sekretaryo. Dala na niya noon ang kaniyang pananghalian, at nang dumating ang oras ng pananghalian, kami’y inanyayahan niyang makisalo sa kaniya.

Nang matapos namin ang pananghalian, nagtanong siya kong mayroong sinuman na may katanungan sa Bibliya. Nagtanong ako tungkol sa posibilidad na kung si Adan baga ay bubuhaying-muli dahil sa bagay na siya’y isang kusang nagkasala, hindi nagsisi. Masayang sumagot siya: “Brother, nagtatanong ka ng isang katanungan at ikaw na rin ang sumasagot. Bueno, ano nga ba ang tanong mo?”

“The Finished Mystery”

Noong Martes, Oktubre 31, 1916, si Charles Taze Russell ay namatay, at noo’y hindi pa niya natatapos ang ikapitong tomo ng kaniyang serye ng Studies in the Scriptures. Nang siya’y nasa bingit na ng kamatayan, sakay ng isang tren na pabalik na galing sa California, siya’y tinanong ng kaniyang sekretaryo tungkol sa ikapitong tomo, siya’y tumugon: “Iba na ang susulat niyan.”

Noong sumunod na taon, 1917, ang ikapitong tomo ay inilathala bilang isang komentaryo sa makahulang mga aklat ng Ezekiel at Apocalipsis, kalakip ng isang magandang paliwanag tungkol sa aklat ng Bibliya na Ang Awit ni Solomon. Ang plano ng Samahan ay isang malawakang sirkulasyon ng bagong aklat na ito. Kaya naman, sila’y nagpadala ng mga karton-karton ng ikapitong tomong ito sa mga ibang kaugnay sa mga kongregasyon sa buong Estados Unidos. Maraming mga kahon-kahon nito ang ipinadala sa aking tahanan sa 1810 Baymiller Street, Cincinnati, Ohio, at inimbak habang kami’y naghihintay ng higit pang mga instruksiyon sa kung paano ipamamahagi ang mga laman.

May walong pahina ang The Finished Mystery na sumisipi sa sinabi ng prominenteng mga tao bilang salungat sa digmaan. Dahil sa sulsol ng relihiyosong mga organisasyon ng Sangkakristiyanuhan, Katoliko at Protestante, ang gobyerno ng Estados Unidos ay nagbangon ng mga pagtutol, kaya’t ang pahina 247-54 ay inalis. Pagkatapos, nang ang The Finished Mystery ay ialok sa mga tao, sa kanila’y ipinaliwanag kung bakit wala ang mga pahinang ito. Ang gobyerno ng Estados Unidos ay hindi nanatiling nasisiyahan sa ganitong pagkilos, at dahil sa higit pang panunulsol ng mga organisasyong relihiyoso ng bansa, ibinawal nito ang buong ikapitong tomo ng Studies in the Scriptures.

Natatandaan ko pa na isang Linggo ng umaga ako ay nagtatrabaho sa likod na pintuan ng aming bahay. May mga lalaking naglalakad sa pinakalandas na nasa gawing tagiliran ng bahay, at ang lider ay nag-angat ng sulapa ng kaniyang amerikana, ipinakita sa akin ang kaniyang tsapang metal at hiniling na papasukin ko siya sa bahay. Kaya’t ako’y napilitan na papasukin sila sa loob at ipakita sa kanila ang mga kahon na kinapapalooban ng mga kopya ng The Finished Mystery. Pagkalipas ng mga ilang araw, sila’y nagpadala ng isang trak at lahat ng ito ay kinuha nila.

Nang malaunan nabalitaan namin na si Joseph F. Rutherford, ang ikalawang presidente ng Watch Tower Society, at ang anim sa kaniyang mga kasama na naglilingkod sa punung-tanggapan sa Brooklyn ay sinentensiyahan batay sa walang katotohanang paratang na sila’y humahadlang sa kilusang pandigmaan ng Estados Unidos. Sila’y sinentensiyahan na mabilanggo ng 20 taon sa Atlanta Federal Penitentiary sa bawat isa sa apat na paratang, gayunman, sabay-sabay na pagdurusahan ang sentensiya. Ang giyera ay nagtapos noong Nobyembre 11, 1918, at noong Marso 25, 1919, si Brother Rutherford at ang kaniyang mga kasama ay nakalaya dahil sa piyansa. Nang maglaon ay lubusan silang pinawalang-sala. Ang aklat na The Finished Mystery ay inalis din sa listahan ng mga aklat na bawal at pinayagan na minsan pa’y malayang maipamahagi.

Muling nanariwa ang aming kasiglahan nang isaayos ng Samahan ang aming unang-unang kombensiyon pagkatapos ng digmaan at ito’y sa Cedar Point, naroon sa may dulo ng isang bakasyunang lugar malapit sa Sandusky, Ohio, noong Setyembre 1-8, 1919! Isang napakasayang pribilehiyo na ako’y makadalo sa kombensiyong iyan.

Inanyayahan sa Bethel

Nang sumunod na taon ng 1920, si Presidente Rutherford ay tumanggap ng imbitasyon na magpahayag sa publiko sa Cincinnati, Ohio. Noon ay gumagawa ako ng gawaing colporteur, at ako’y inimbitahan ni Brother Rutherford na sulatan ko siya ng liham na umaaplay sa paglilingkod sa punung-tanggapan sa Brooklyn Bethel.

Nagpadala ako ng liham, at matapos tumanggap ako ng isang magandang sagot, sumakay na ako sa tren patungong New York City. Noong Martes ng gabi, Hunyo 1, 1920, dumating ako roon at ako’y sinalubong ni Leo Pelle, isang dating kaibigan na taga-Louisville, Kentucky, at sinamahan niya ako sa tahanang Bethel. Kinabukasan, Miyerkules, ako ay pormalang inatasan na maging kakuwarto ni Hugo Riemer at Clarence Beatty sa isang silid sa may gawing itaas, at ako’y naging numero 102 ng pamilya sa Brooklyn Bethel.

Ang Samahan ay nagtayo ng kaniyang unang plantang palimbagan sa 35 Myrtle Avenue, at sa pinaka-silong nito inilagay ang aming unang palimbagang rotary, na ang tawag namin ay ang Boke-de-giyera dahilan sa laki niyaon. Noon ay aming nililimbag ang bagong magasin ng Samahan na pinamagatang The Golden Age​—nang malaunan ay pinanganlan ng Consolation at ngayo’y Awake! (Gumising!) Ang mga magasin ay nakararating sa ibabaw sa pamamagitan ng isang butas sa suwelo at pagkatapos ay dumaraan sa isang sistema ng kawad sa ibabaw ng isang nakatagilid na tabla, saka ko pupulutin ang mga ito, niyuyugyog ko muna at isinasalansan para pagkatapos ay tabasin ang mga tabi at ihanda para sa pag-iimpake.

Kung Sabado ng umaga, pagka ang palimbagan ay hindi lumilimbag ng mga magasin, ang ilan sa amin na mga kapatid na lalaki ay nagbabalot ng mga magasin sa mga polder na kulay-kayumanggi at doo’y nakalimbag ang mga pangalan at direksiyon ng mga suskritor. Pagkatapos ay siniselyuhan namin para dalhin sa post office. Ako’y nagpatuloy sa gawaing ito sa loob ng kung mga ilang buwan hanggang sa si Donald Haslett, na naglilingkod sa Colporteur Desk, ay lumabas upang pakasal kay Mabel Catel. Kaya buhat sa 35 Myrtle Avenue ako ay inilipat sa tanggapan ng Samahan sa 124 Columbia Heights upang doon maglingkod sa Colporteur Desk.

Gayundin, bilang isang miyembro ng New York Congregation, ako’y inatasan na magdaos ng isang pag-aaral ng aklat sa tahanan ng pamilyang Afterman sa lugar ng Ridgewood sa Brooklyn.

Mga Pribilehiyo na May Kinalaman sa Radyo at Kombensiyon

Ako’y nagpatuloy na naglingkod sa Colporteur Desk hanggang noong 1926. Samantala, ang Watch Tower Bible and Tract Society ay nagtayo sa Staten Island ng kaniyang unang istasyon ng radyo, ang WBBR. Iyon ay noong 1924. Binigyan ako ng masayang pribilehiyo na maglingkod may kaugnayan sa mga programa ng Samahan, hindi lamang iyong pagbibigay ng mga pahayag kundi rin naman ang pagkanta bilang nagsosolong tenor, at pati ng pagtugtog ng mandolina kasaliw ng piyano. Gayundin, ako’y umawit bilang segunda tenor sa aming WBBR male quartet. Mangyari pa, si Brother Rutherford, bilang presidente ng Samahan, ang pangunahing tagapagsalita sa WBBR at marami ang kaniyang mga tagapakinig.

Noong taóng 1922 isang pangkalahatang kombensiyon ng Watch Tower Bible and Tract Society ang ginanap nang ikalawang pagkakataon sa Cedar Point, Ohio. Dito kami ay buong diin na pinayuhan ni Brother Rutherford na “ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.”

Isa sa aking lubhang pinahahalagahang pribilehiyo sa ’20’s ay ang paglilingkod kasama ni Brother Rutherford sa internasyonal na kombensiyon sa London, Inglatera, noong 1926. Doon ay nagpahayag siya sa madla sa Royal Albert Hall ng London sa harap ng malaking pulutong ng mga tagapakinig pagkatapos na makaawit ako ng isang tenor solo kasaliw ng tanyag na organo ng bulwagang iyon.

Nang sumunod na gabi ay nagpahayag siya sa isang pulutong ng mga tagapakinig na Judio sa paksang “Palestina para sa mga Judio​—Bakit?” at umawit ako ng isang solo na hango sa Messiah ni Handel, “Comfort Ye, My People.” Libu-libong mga Judio ang dumalo sa pantanging serbisyong iyon. Noon, ang mga hula sa Kasulatang Hebreo ay maling ikinakapit namin sa likas, na tinuling mga Judio. Subalit noong 1932 binuksan ni Jehova ang aming mga mata upang makita na ang mga hulang iyon ay sa espirituwal na Israel kumakapit.

At anong laking kagalakan na ako ay makadalo sa kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong 1931 nang iharap ni Brother Rutherford ang ‘bagong pangalan’ na mga Saksi ni Jehova, at tinanggap naming lahat iyon nang buong kagalakan! Karakaraka pagkatapos, lahat ng mga kongregasyon ng bayan ni Jehova sa buong lupa ay tumanggap sa ‘bagong pangalan’ na iyan.​—Ihambing ang Isaias 62:2.

Noong Biyernes, Mayo 31, 1935, ako’y nagsilbing konduktor ng orkestra roon sa may ilalim ng podyum ng plataporma na kung saan binigkas ni Brother Rutherford ang kaniyang makasaysayang pahayag tungkol sa Apocalipsis 7:9-17, at ipinakilala nang husto sa atin ang mga kabilang sa “lubhang karamihan” na inilalarawan doon. Ang tinatawag na uring Jonadab ang lalong higit na inanyayahan na maging presente, at ang dahilan kung gayon ay naging maliwanag nang ipakita ni Brother Rutherford na ang “lubhang karamihan” (King James Version), o “malaking pulutong,” ay bubuuin ng “mga ibang tupa” ng “mabuting pastol” na si Jesu-Kristo. (Juan 10:14, 16, KJ) Iyon ay isang napakaligayang okasyon. Totoong napukaw ang aking damdamin noong sumunod na araw, Sabado, Hunyo 1, nang 840 mga kombensiyonista ang napalubog sa tubig upang sagisagan ang kanilang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo taglay ang inaaasahang buhay sa makalupang paraiso! Magmula na noon, ang bilang ng “mga ibang tupa” ni Kristo ay patuloy na dumami, makapupung higit sa kumakaunting bilang naman ng mga nasa “munting kawan” ng inianak-sa-espiritung tulad-tupang mga alagad ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo.​—Lucas 12:32.

Datapuwat, nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, wari nang noo’y katapusan na ng pagtitipon sa “malaking pulutong.” Nagugunita ko pa na sinabihan ako ni Brother Rutherford noong isang araw: “Bueno, Fred, wari ngang ang ‘lubhang karamihan’ ay hindi naman magiging napakarami sa paano man.” Bahagya man ay hindi namin natatalos noon ang tungkol sa napakaraming titipunin sa darating na panahon.

Pinasimulan ng Samahan ang paggamit sa bitbiting ponograpo noong 1934, at ang mga isinaplakang pahayag ni Presidente Rutherford ay ginamit upang ipakilala ang literatura sa Bibliya. Nang ang kaniyang mga isinaplakang pahayag na ito, na isinalin sa Kastila, ay mailabas na, ginamit ko ito lalung-lalo na sa mga taong Kastila ang wika sa palibut-libot ng aming pabrika sa 117 Adams Street. Pagkatapos, sa pamamagitan ng mga pagdalaw-muli, tinulungan ko ang mga taong interesado na matuto ng mga katotohanan sa Bibliya, at sa pamamagitan nito ay nagkapribilehiyo ako na sa bandang huli’y mag-organisa ng unang kongregasyon sa Brooklyn na Kastila ang wika. Ako’y napaugnay sa Brooklyn Spanish Congregation, numero uno, sapol nang ito’y maitatag.

Mga Pagbabago sa Pagkapangulo ng Samahan

Pagkamatay ni Brother Rutherford noong Enero 8, 1942, si Nathan H. Knorr ang humalili sa kaniya sa pagkapangulo ng Samahan. Sa kabila ng nagaganap na ikalawang digmaang pandaigdig, ang kaniyang pahayag pangmadla noong tag-init ng 1942 sa paksang “Kapayapaan​—Maaari Kayang Ito’y Mamalagi?” ang bumaligtad sa aming pangmalas tungkol sa malapit na hinaharap. Hindi nagtagal pagkatapos, ang Watchtower Bible School of Gilead ay binuksan ni Brother Knorr sa Kingdom Farm noong Lunes, Pebrero 1, 1943, at mayroong isang daang estudyante ang nasa unang klase. Nagkapribilehiyo ako na magkaroon ng bahagi sa programa ng inagurasyon. Sina Brother Eduardo Keller, Maxwell G. Friend, Victor Blackwell, at Albert D. Schroeder ang nagsilbing mga guro.

Sa kaniyang pambungad na pahayag, ipinabatid sa amin ni Brother Knorr na ang Samahan ay may sapat na salapi upang patuloy na paandarin ang paaralan sa loob ng limang taon. Subalit anong laking himala, hanggang sa ngayon ay patuloy na pinaaandar ni Jehovang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang paaralan nang makasiyam na beses ang haba ng panahong iyan!

Isang napakalaking pribilehiyo na makasama si Nathan H. Knorr. Bahagya man ay wala akong kaalam-alam na siya pala’y napabautismo pagkatapos ng pahayag na binigkas ko sa mga kandidato sa bautismo noong Hulyo 4, 1923, doon sa Little Lehigh River sa labas ng kaniyang sariling bayan ng Allentown, Pennsylvania, at na siya’y magiging ang ikatlong presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society.

Sa ilalim ng pangungulo ni Brother Knorr, ako’y naglakbay nang malawakan, at nagpahayag ako sa malalaking pagtitipon ng mga kapatid sa buong daigdig​—kasali na ang Latin Amerika at Australia​—​aking pinatitibay-loob sila upang manatiling tapat. Minsan, noong 1955, nang ibawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Espanya, ako ay naglingkod sa isang lihim na asamblea sa gubat sa labas ng Barcelona. Ang aming pagtitipon ng mga kapatid na Kastila ay pinalibutan ng armadong mga lihim na pulis, at ang mga lalaki ay isinakay sa trak at dinala sa hedkwarters ng pulisya. Doon kami ay pinigil at pinagtatanong. Palibhasa’y isa akong mamamayang Amerikano, nagkunwari akong hindi nakakaalam ng Kastila. At, dalawang kapatid na babae ang nakatakas at ipinagbigay-alam nila sa American Consulate ang pagkaaresto sa akin, at sila naman, sa ganang kanila, ay nakipag-alam sa pulisya. Sa paghahangad na maiwasan ang isang internasyonal na insidente at publisidad na makakasira sa kanila, sa wakas ay kanila kaming binigyang-laya bilang mga banyaga at, nang dakong huli, pati iba pang mga kapatid. Pagkatapos, ang ilan sa amin ay nagtipon sa tahanan ng magkakapatid na Serrano at ipinagsaya namin nang husto ang pagliligtas ni Jehova sa kaniyang bayan. Noong 1970 legal na kinilala ng Espanya ang mga Saksi ni Jehova. Sa ngayon tayo ay may tanggapang sangay malapit sa Madrid, at nitong nakalipas na taon ang organisasyon sa Espanya ay kinabilangan ng mahigit na 65,000 mga mamamahayag ng Kaharian, at may mga kongregasyon sa buong bansa.

Noong Hunyo 8, 1977, si Nathan H. Knorr ay namatay, tinapos ang kaniyang makalupang takbuhin, at ako ang humalili sa kaniya sa pagkapresidente ng Samahan. Si Brother Knorr ay naglingkod nang mahigit na 35 taon bilang presidente, mahaba kaysa alinman sa dalawang naunang mga presidente ng Samahan, sina Russell at Rutherford. Bilang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ako’y naatasan na maglingkod sa Komite sa Paglalathala at sa Komite sa Pagsulat ng Lupong Tagapamahala.

Isang malaking pribilehiyo at kaluguran nga ang patuloy na maglingkod sa mga tanggapan ng Samahan sa 25 Columbia Heights. Dito’y kailangan ang regular na paglalakad sa araw ng pagtatrabaho sa pagitan ng pangkalahatang mga tanggapan at ng tahanang Bethel​—isang mahusay na ehersisyo para sa nagkakaedad na katawan. Bagaman ako’y 93 anyos at ang aking paningin ay malabo na, ako’y totoong nagagalak at binigyan ako ni Jehova ng mabuting kalusugan, kaya naman kahit isang araw ay hindi ako nakapalya sa trabaho ng dahil sa sakit at ito’y sa loob ng 66 na taon sa Bethel, at ako’y nakapaglilingkod pa rin ng buong-panahon. Tunay na isang makalangit na biyaya ang ako’y naririto na sapol noong taóng 1920 at masaksihan ang paglago at paglawak ng organisasyon ng punung-tanggapan sa Brooklyn at sa buong daigdig.

Taglay ang lubos na pagtitiwala sa Pansansinukob na Soberano, si Jehovang Diyos, at sa kaniyang Mariskal de Kampo, si Jesu-Kristo, na nasa ibabaw ng di-mabilang na mga hukbo ng mga serafin, kerubin, at mga banal na anghel sa langit, inaasam-asam ko, sa sandaling isinusulat ito, kasama ang milyun-milyong mga kapuwa Saksi, ang ipinakikita ng Bibliya na darating sa hinaharap: ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa Armagedon, at ang pinaka-tugatog ay yaong tagumpay ng mga tagumpay ng Pansansinukob na Soberano, si Jehovang Diyos, na “mula sa walang-hanggan hanggang sa walang-hanggan.” Hallelujah!​—Awit 90:2, Byington.

[Larawan sa pahina 24]

Nasa gitnang ibaba kasama ng mga kamanggagawa sa Bethel 1920

[Larawan sa pahina 25]

Kasama ni N. H. Knorr 1961

[Larawan sa pahina 26]

Nagpapahayag sa isang kombensiyon sa Hapón 1978

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share