Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 5/1 p. 21
  • Isang Gantimpala Ukol sa Katapatan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Gantimpala Ukol sa Katapatan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Diyos ay Hindi Nagtatangi”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Pinagkakaisa ng Pag-ibig ang mga Pamilya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • “Ang Salita ng Diyos ay Nagpatuloy sa Paglago”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Sabihin Mo sa Kanila na Mahal Mo Sila
    Mga Karanasan ng mga Saksi ni Jehova
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 5/1 p. 21

Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian

Isang Gantimpala Ukol sa Katapatan

ITO’Y sa Italya nangyari noon, 15 taon na ngayon ang nakalipas, nang si Mrs. B​—​—,15-anyos noon, ay makaalam ng katotohanan. Subalit, siya’y hindi sumulong noon, at sa gayo’y nakapag-asawa siya ng di-kapananampalataya. Gayunman ang mga binhi ng katotohanan ay nanatili sa kaniyang puso, at mga isang taon na ang nakalilipas siya’y pumayag na aralan siya ng Bibliya ng isa sa mga Saksi ni Jehova at siya’y nagsimulang dumalo sa mga pulong. Ang kaniyang asawa ay mahigpit na sumalansang at binantaan siya na palalayasin. Siya’y pinagbubuhatan nito ng kamay anupa’t kailangan siyang ipadoktor. Isang gabi ang asawang lalaki ay bigla na lamang dumating sa Kingdom Hall samantalang may pagpupulong, sinuntok niya ang isang kapatid na lalaki, binasag ang salamin sa pinto, at nagsisigaw sa matinding galit.

Nang ang babae’y umuwi, nakita niyang isinusi ng asawa niya ang pinto para huwag siyang makapasok. Hindi siya nawalan ng loob, kundi naparoon siya sa istasyon ng carabinieri (pulisya) upang ipabatid doon ang nangyari at pagkatapos ay natulog siya sa bahay ng isang tiyahin. Makalipas ang dalawang araw ang kaniyang asawang lalaki ay pumayag na siya’y umuwi sa kanila.

Ang asawang lalaki ay kilalang-kilala sa bayan. Kaniyang tinuligsa sa publiko ang mga Saksi ni Jehova, at sinabi niya na kanilang sinira ang kaniyang pamilya. Sa kaniyang kampanya laban sa Saksi, siya’y sinusuportahan ng klero. Isang pari ang may dalang idinidikit na mga sticker na may mga pananalitang ganito: “MGA SAKSI NI JEHOVA: Huwag ninyong gambalain ang katahimikan ng pamilyang ito. SALAMAT PO!” Ang mga sticker na ito ay ipinadikit niya sa mga pintuan ng mga bahay sa bayan. Lahat ay nag-uusap-usap tungkol sa mga Saksi ni Jehova at kanilang tinutuya at nililibak ang mga ito. Sa kabila nito, ang mga kapatid ay nagkaroon ng lakas ng loob at sila’y humayo sa kanilang ministeryo na taglay ang sigasig na higit kaysa dati. Karamihan ng mga pamilya ay hindi nagustuhan ang mga sticker sa kanilang pintuan. May mga bata, yaong mga pinapunta ng pari, na binigyan ng 100 lire sa kanilang pagdidikit ng mga ito sa mga pintuan, ayon sa ulat.

Samantala, ipinabatid naman ni Mr. B​—​— sa kaniyang maybahay na ito’y kailangang umalis doon sa kanilang tahanan, sapagkat siya’y gumawa na ng mga hakbang para sa isang legal na paghihiwalay. Subalit ang mga bagay-bagay ay nagsisimulang magbago sa bayang ito. Isang lokal na istasyon ng radyo ang nagtanghal ng isang programa, at ayon sa reporter ang kaso ay “isang maneobra na mapagdududahan, na ginamitan ng imbing paggawi.” Sa panahon ng programa, ipinaliwanag ng ating mga kapatid na sapilitang dinikitan ng mga sticker ang marami sa mga pamilya. Ito’y pinatunayan ng bagay na ang mga ito’y idinikit samantalang gabi kahit na sa mga ilang pinto ng mga Saksi ni Jehova at ng mga pamilya na tumatanggap sa kanila pagdalaw nila. Pinapurihan ng reporter ng radyo ang mga Saksi ni Jehova at sinabi niya na sila’y mga tao “na napakamagagalang, at sukdulan ng kabaitan.”

Sa wakas, sumapit ang panahon upang ang mag-asawa’y humarap sa hukom para pasimulan ang legal na paghihiwalay na hiniling ng asawang lalaki. Pinapurihan ng hukom si Mrs. B​—​— dahil sa kaniyang pagnanais na huwag humiwalay, at samantalang hinihintay niya ang demanda, siya’y binigyan ng hukom ng karapatan na mapasa-kaniyang poder ang mga anak. Sila’y maaaring patuloy na tumira roon sa kanilang tahanan, at ang kaniyang asawang lalaki ay kailangang magbigay sa kaniya ng 250,000 lire buwan-buwan. Tumanggi ang asawang lalaki, at ang sabi: “Ang bahay ay pag-aari ng aking ina, at ang aking maybahay ay hindi maaaring manatili roon.” Ang sagot ng hukom: “Ibig mong maging asawa at boss. Ang iyong maybahay ay kailangang laging umoo, at nang minsa’y nagsabi siya ng hindi. Kaya iyong ginulo ang buong bayan. Kung ang iyong maybahay ay nagtaksil sa iyo, ay maiintindihan ko, ngunit dahil sa bagay na ang sinusunod niya’y ang isang pananampalataya sa halip ng iba ay wala kang pakialam diyan.”

Si Mrs. B​—​— ay maligayang naglilingkod ngayon kay Jehova. (Mateo 5:10) Ang mga tao sa bayang ito ay nagbago na ng kanilang saloobin, at nagaganap dito ang kahanga-hangang mga pagpapaliwanagan tungkol sa Bibliya. Sila ay sumasang-ayon na hindi ang mga Saksi ni Jehova ang gumagambala sa katahimikan ng pamilya. Kung sakaling mayroon pang mga sticker sa mga pintuan, iyon ay wala nang anumang kabuluhan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share