Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
“Ang Salita ng Diyos ay Nagpatuloy sa Paglago”
ANG Kristiyanong kongregasyon ay lumago buhat sa mga 120 miyembro hanggang sa mahigit na 3,000 sa sandaling panahon lamang pagkatapos na ito ay itatag. (Gawa 1:15; 2:41) Ipinaliliwanag ng Bibliya na “ang salita ng Diyos ay nagpatuloy sa paglago, at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na dumarami nang labis sa Jerusalem.” (Gawa 6:7) Pagkaraan lamang ng ilang taon, ang bagong-tatag na kongregasyon ay naging isang organisasyong umaabot sa iba’t ibang kontinente na may mga Kristiyano sa Aprika, Asia, at Europa.
Ang Kristiyanong kongregasyon sa ngayon ay dumaranas din ng mabilis na paglago. Halimbawa, sa Mexico, ang bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian ay lumago nang mahigit sa 130,000 hanggang 443,640 sa loob lamang ng limang taon! Noong 1995, 1 sa bawat 59 katao sa Mexico ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo na ginanap ng mga Saksi ni Jehova. Subalit, hindi pa natatapos ang espirituwal na pag-aani sa bansang iyan, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan.—Mateo 9:37, 38.
Sa isang bayan sa estado ng Chiapas, walang tumatanggap ng pantahanang pag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, kahit na 20 taon na silang nangangaral ng mabuting balita sa lugar na iyon. Maliwanag na marami sa mga taganayon ang natatakot sa isang lalaki na kilala sa pagiging marahas. Natatakot sila sa gagawin niya kung matutuklasan niyang sila’y nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi.
Dalawang may lakas ng loob na Saksi na lumipat sa lugar na iyon ang nagpasiyang harapin ang suliranin sa pamamagitan ng tuwirang pagpunta sa taong iyon. Nang makarating sila sa kaniyang tahanan, ang kaniyang asawa ang nagbukas ng pinto at matamang nakinig sa kanilang mensahe. Siya’y partikular na interesado sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa pamumuhay sa isang paraiso sa lupa. Subalit sinabi niya na gagawin ng kaniyang asawa na mahirap ang mga bagay-bagay para sa kaniya kung siya ay mag-aaral ng Bibliya. Ipinaliwanag ng mga Saksi na kung hindi niya susuriing mabuti ang sinasabi ng Bibliya, hindi niya kailanman matututuhan kung papaano paglilingkuran ang Diyos at tatamasahin ang buhay sa lupa magpakailanman. Pumayag siyang mag-aral ng Bibliya.
Gaya ng inaasahan, hindi natuwa ang kaniyang asawa sa naging pasiya niya. Pinagbawalan siya na gumamit ng kaniyang sasakyan patungo sa mga pulong Kristiyano, bagaman maaari niyang gamitin iyon sa ibang bagay. Sa kabila ng pagsalansang ng lalaki, siya ay regular na naglalakad patungo sa pinakamalapit na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, na sampung kilometro ang layo. Di-nagtagal at napansin ng iba sa bayang iyon ang kaniyang lakas ng loob at determinasyon. Nagsimulang makinig ang mga tao nang dumalaw ang mga Saksi sa kanilang tahanan. May ilan na nagsimula pa ngang sumama sa babae sa mga pulong. Pagkaraan ng maikling panahon, nagdaraos na ang mga Saksi ng 20 pag-aaral sa Bibliya sa bayang iyon!
Ang isang kaibigan ng babaing ito ay nagpasiya ring mag-aral ng Bibliya sa kabila ng pagsalansang ng kaniyang asawa. Nakapagtataka, siya’y pinasigla ng asawa ng unang babae upang gawin iyon. Nang ang lalaking ito ay makipag-usap sa asawa ng ikalawang babae, huminto na ang pagsalansang. Kaya 20 taon ang lumipas nang sa wakas ang binhi ng katotohanan sa Bibliya ay sumibol, na may mahigit 15 na nag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa mga pulong Kristiyano, kasali ang dalawang babaing ito, na nagpapahayag ngayon ng mabuting balita.