Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 5/15 p. 3-4
  • Ano ang Nagawa ng Diyos Para sa Iyo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Nagawa ng Diyos Para sa Iyo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Walang-Hanggang Ebidensiya ng mga Kababalaghan sa Paglalang
  • Photosynthesis
    May Nagdisenyo Ba Nito?
  • Ang Lupa—Ito ba’y “Naitatag” Nang Di-Sinasadya?
    Gumising!—2000
  • Kung Papaano Natin Malalaman na May Diyos
    Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?
  • Kung Bakit Naniniwala sa Diyos ang Ilang Siyentipiko
    Gumising!—2004
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 5/15 p. 3-4

Ano ang Nagawa ng Diyos Para sa Iyo?

‘WALA!’ ang marahil ay itutugon ng iba. ‘Kailangan akong magpagal at mag-asikaso sa aking sarili.’ Kung ganiyan ang iniisip mo, magbulaybulay ka sumandali. Paano ka ba naging tao?

Mga siyam na buwan bago ka isinilang, dalawang pagkaliit-liit na organismo ang nagtagpo sa loob ng iyong ina. Sila’y nagsama at bumuo ng isang bago, natatanging organismo.

Ang mas malaki sa dalawang organismo ay isang ovum, o itlog, na nanggaling sa iyong ina. Ang mas maliit na organismo ay isang sperm o similya na galing sa iyong ama​—napakaliit kung kaya, ayon sa aklat ni Sheila Kitzinger na The Experience of Childbirth, kung lahat ng similya na pinagmulan ng lahat ng tao sa daigdig ay pagtatabi-tabihin, ang mga ito ay “may haba lamang na mahigit ng kaunti sa isang pulgada [2.5 cm].” Ngunit minsang magkahalo na ang similya ng iyong ama at ang itlog ng iyong ina, nabubuo ang iyong genetic code at ikaw ay ipinaglilihi!

Totoong masalimuot na mga kaayusan ng pag-unlad ang nagsisimula ngayon. Ang mga ito ay “totoong masalimuot na anupa’t, pagkatapos ng mahigit na isang siglo ng pag-aaral, ang mga siyentipiko ay hindi man lamang nakarating sa punto na maunawaan ang mga ito,” ang isinulat ni Andrea Dorfman sa Science Digest.

Bilang isang halimbawa ng mga kaayusan sa paglaki na nagiging palaisipan sa mga siyentipiko, ganito ang komento ng manunulat ding iyan: “Ang pagsubaybay sa paglaki ay isang suliranin na masalimuot din. Ang kaliwa at kanan na mga braso, halimbawa, ay lumalaki na lubusang walang kinalaman sa isa’t isa mula sa milimetro-ang-habang mga tumpok ng tisyu, gayunman ay nabubuo ang mga ito nang pare-pareho ang haba. Paano nalalaman ng mga selula kung kailan hihinto ng pagpaparami? . . . Bawat sangkap ay waring may panloob na paraan ng paglaki.” Hindi ba natin ikinagagalak na ganiyan nga iyan?

Ano ang sanhi at nasa likod ng paglaki sa lahat ng nabubuhay na organismo? Isa bang puwersang walang isip na tinatawag na kalikasan? Isang pamamaraang sapalaran na tinatawag na ebolusyon? Hindi baga maliwanag na ang nakapanggigilalas, na lubhang may pagkasarisari, at pagkaganda-gandang mga anyo ng buhay sa kabigha-bighaning planetang ito ay walang ibang makagagawa kundi isang Maylikha na makapangyarihan-sa-lahat? Kung gayon, hindi baga dapat tayong magpasalamat nang ganiyan na lamang dahil sa nagawa niya para sa atin?

Walang-Hanggang Ebidensiya ng mga Kababalaghan sa Paglalang

Araw-araw​—kahit na oras-oras​—tayo’y nakikinabang sa mga kababalaghan sa paglalang. Halimbawa, ano ba ang nangyayari pagka tayo ay natutulog? Kusang bumabagal ang pagtatrabaho ng ating isip at katawan. Ito ay hindi bunga ng ating sariling kagustuhan, sapagkat malimit na tayo’y nakakatulog nang hindi natin namamalayan. At anong laking kaginhawahan ang dulot ng isang mahimbing na tulog! Ang iba ay maaaring makatiis ng ilang mga linggo na walang pagkain, ngunit ang mga tao na mahigit na tatlong araw na hindi nakakatulog ay nagkakaroon ng problema sa pag-iisip, pagkakita, at pagkarinig.

Pagkagising mo sa umaga, marahil ay may magdadala sa iyo ng kapeng tinimplahan ng asukal. Ang asukal, na dati’y bihira at mahal, ay napakasagana ngayon na anupa’t bihirang mapag-isipan natin ito. Subalit paano nga ba nagiging gayon ang asukal? Iyon ay nabubuo sa mga halaman sa pamamagitan ng photosynthesis​—ang reaksiyon ng sikat ng araw pagka nakahalo ng tubig at carbon dioxide. Kasabay nito ay may isinisingaw na oksiheno, na kailangan ng lahat ng kinapal na nabubuhay sa lupa. Ang photosynthesis ay isang lubhang masalimuot na kaayusan na hindi pa lubusang nauunawaan ng mga siyentipiko. “Paano . . . nangyayari ang photosynthesis?” ang tanong ng aklat na The Plants. (Life Nature Library) “Ito’y gaya ng pagtatanong kung paano nagsisimula ang buhay​—basta hindi nga natin alam.”

Marahil habang iniinom mo ang iyong kape, naalala mo ang isang programa sa telebisyon noong nakaraang gabi. Sa mata ng iyong pag-iisip ay nakikita mo uli ang interesanteng mga tanawing iyon. Paano nga bang ang mga ito’y naihatid sa iyong utak, naimbak doon na tulad ng isang rolyo ng film, pagkatapos ay muling ipinalabas upang mapanood at maikuwento mo sa iba? Isang kababalaghan, hindi ba? Paano nakamit ng tao ang talino upang gawin ang kamangha-manghang mga bagay na kaniyang nagagawa? Tunay na hindi ito nanggaling sa mga hayop. Hindi baga totoong nakapanggigilalas ang utak ng tao?

Halos kasisimula pa lamang ng maghapon. Subalit anong dami ng dapat nating ipagpasalamat sa Maylikha! Subalit may higit at higit pa.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share