Ano Pang mga Ibang Pakinabang ang Umaagos Buhat sa Diyos?
NATUTUWA ka bang pagmasdan ang magagandang bulaklak, langhapin ang bango ng mga rosas, makinig sa awit ng mga ibon? Galak na galak ka ba sa pagkakita ng unang ngiti ng iyong sanggol? Hindi baga gustung-gusto mo ang katakam-takam na mga pagkain? At sino ang hindi humahanga sa isang bahaghari, sa maningning na paglubog ng araw, o sa mga bituin sa isang gabing maliwanag? Ang kamangha-manghang mga paglalaan ng Diyos ay walang katapusan, di ba?
Gayunman ay napakaraming mga taong naghihirap. Sa kabila ng katangian ng lupa na mapag-anihan nang sagana para lahat, angaw-angaw ang kapos sa pagkain. Angaw-angaw pa ang nalalason ng polusyon. At bilyun-bilyon sa ngayon ang apektado ng krimen, kasakiman, kaimbutan, at takot sa idudulot ng kinabukasan.
Yamang ang Maylikha ay napakabukas-palad sa kaniyang mga paglalaan, bakit nga totoong marami ang walang kaligayahan? Ang planetang ito ay isang kahanga-hangang lugar, ginawa para maligayahan tayo rito. Subalit ang sanlibutan—ang sangkatauhan—ay nasa isang kaawa-awang kalagayan. Para sa karamihan ng mga tao sa lupa, ang kinabukasan ay madilim, nakasisindak. Bakit? Ano ba ang nangyari? Ginawa ba ng Diyos ang tao at pagkatapos ay kaniyang pinabayaan na lamang? Mayroon bang makapagpapaliwanag tungkol sa kalagayang ito na isang palaisipan? Mayroon ba tayong pag-asa para sa hinaharap?
Isang Pinagmumulan ng Liwanag at Pag-asa
Halos 2,000 taon na ngayon ang lumipas isang pambihirang sanggol na lalaki ang isinilang—pambihira dahil sa ang kaniyang ina, si Maria, ay tao, at ang kaniyang ama ay ang Diyos mismo! ‘Imposible!’ ang sasabihin baga ng iba? Hindi, hindi para sa Pinagmulan ng paglilihi, ang Maygawa ng lahat ng masalimuot na mga anyo ng buhay. Ang munting sanggol na iyon ay lumaki upang maging ang sakdal na “tao, si Kristo Jesus.”—1 Timoteo 2:5; Mateo 1:18-25.
Iyon ay isang makasaysayang kapanganakan. Sa katunayan, ito’y kinikilala ng karamihan ng mga bansa sa pamamagitan ng pagpepetsa sa kanilang mga pangyayari sa kasaysayan bago nang kaniyang kaarawan bilang B.C.—bago kay Kristo. Datapuwat ang kaniyang mga taon ng kabataan ay ginugol nang tahimik bilang isang katulong na karpintero sa tahanan ng kaniyang ama-amahan sa Nazaret. Tatlumpung taon ang lumipas. At nang magkagayon, sa Ilog Jordan, inihandog ni Jesus ang kaniyang sarili upang gawin ang kalooban ng Diyos at siya’y nabautismuhan, at ang banal na espiritu ng Diyos na Jehova ay lumapag sa kaniya. (Mateo 3:13-17) Pagkatapos ay sinimulan ni Jesus ang isang puspusang kampaniya ng pangangaral at pagtuturo. Gaya ng inihula ni Isaias, “ang mga taong nakaupo sa kadiliman ay nakakita ng isang dakilang liwanag.”—Mateo 4:14-17; Isaias 9:2.
Si Jesus ay naging pinakatanyag at lubhang iginagalang na Guro magpakailanman. Wala nang ibang gurong tao na nakapag-iwan ng gayong kalaking impluwensiya sa sangkatauhan o nakapaglaan ng gayong kalaking espirituwal na liwanag at pag-asa. Ano ba ang kaniyang aklat-aralan? Ang Bibliya, gaya ng nabuo na noon—ang Kasulatang Hebreo, o “Lumang Tipan.” Pinapangyari ni Jesus na ito’y mabuhay. Maraming sinaunang hula ang natupad sa kaniya. (Ihambing ang Mikas 5:2 sa Mateo 2:3-6.) Pinatotohanan niya ang ulat ng Genesis tungkol sa pinagmulan ng tao. (Genesis 2:24; Mateo 19:3-6) Dinala ni Jesus, kaniyang pinalawak, at ibinorodkas sa lahat ng dako ang pangunahing tema ng Bibliya—ang pagbabangong-puri ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 4:23; 6:10) Isa pa, ang ulat ng buhay ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga gawa ay mga prominenteng bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, o “Bagong Tipan.” Oo, ang Bibliya ay isang kamangha-manghang kaloob buhat sa Diyos, isang sumisikat na liwanag sa isang madilim, at malungkot na sanlibutan.—Awit 119:105.
Bakit ang Sangkatauhan ay Nasa Isang Magulong Kalagayan?
Sinasagot ba ng Bibliya ang tanong na iyan? Oo. Ipinakikita nito na hindi ito isang kaso na kung saan pinabayaan ng Diyos ang tao kundi, bagkus, pinabayaan ng tao ang Diyos. Ang saligang prinsipyo ng kalayaan ng pagpili ay kasangkot. Ang mga tao ay hindi nilikha na parang mga robot, isinaprograma na sumunod. Tayo’y maaaring pumili na sumunod o huwag sumunod.
Nang lalangin ng Diyos ang unang mag-asawang tao sa magandang Paraiso ng Eden, anong laking kaligayahan at kalayaan ang kanilang tinatamasa! Walang sakit, walang takot, walang mga pagkabalisa. Magagandang mga ibon at mga hayop ang naroroon, at sagana ang masasarap na pagkain. (Genesis 1:26; 2:7-9) Subalit, sumapit ang panahon na may lumitaw na di-nakikitang kaaway. Isang makapangyarihang espiritung nilikha ang naging ambisyoso, pinag-isipan niya na supilin ang sa hinaharap ay magiging pamilya ng tao. Sa pamamagitan ng pagsasalita ng unang kasinungalingan, kaniyang hinikayat si Eva, at si Adan ay nahimok na suwayin ang utos ng Diyos na huwag kumain ng bawal na bungangkahoy. (Genesis 3:1-7) Tulad ng napakarami sa atin sa ngayon, ang unang mga tao ay nag-isip na maaari nilang ‘gawin ang kanilang sariling kagustuhan.’ Subalit sa pamamagitan niyaon kanilang aktuwal na isina-ilalim ang kanilang sarili kay Satanas, ang diyos ng kasalukuyang masamang sistema ng mga bagay.—2 Corinto 4:4.
Ito’y nagbangon ng isang napakalaki at mahalagang isyu: Ang tao ba ay matagumpay na makapamamahala sa kaniyang sarili na wala ang Diyos? Kakailanganin ang malaking panahon upang malutas ang tanong na ito nang may kasiyahan. Samantala, si Adan at si Eva ay kinailangang maparusahan ayon sa parusa na iginawad ng Diyos—kamatayan. At yamang sila’y naging mga makasalanan na, sila o ang kanilang mga supling ay walang anumang pag-asa na magtamo ng buhay na walang-hanggan kung hiwalay sa Diyos.—Roma 5:12; 1 Corinto 15:21, 22.
Isang Maluwalhating Kinabukasan
Sapol noong kaarawan ni Adan marami nang salinlahi ang dumating at yumaon. At sa patuloy na nagbabagong tanawin ng pamumuhay ng tao, maraming uri ng mga pamahalaan ng tao ang sinubok na—awtokrasya, demokrasya, sosyalismo, komunismo, at iba pa. Subalit lahat ay nabigo. Mga suliraning pulitikal, sosyal, at internasyonal ang patuloy na dumarami; ganoon din ang kakila-kilabot na mga armas para sa lansakang pagpuksa ang nagbabanta ng pagpapatiwakal sa sanlibutan. Sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II, ipinangako ng mga pulitiko sa Kanluran na ang tagumpay ay magdadala ng kalayaan buhat sa paghihikahos at takot, subalit kapuwa lumulubha iyan.
Ano ba ang lunas? Ang isang malaganap na problema ay nangangailangan ng hindi biru-birong lunas—ang paglilinis sa buong globo at ang pagdadala ng isang bagong sanlibutan. Sino ang makagagawa nito? Tunay na hindi ang United Nations o anumang ibang kombinasyon ng makapulitikang mga bansa na kadalasa’y sumisira ng mga kasunduang pangkapayapaan halos bago pa matuyo ang tinta na ipinirma! Sila’y hamak na mga laruan lamang na nasa mahigpit na pananakal ng lakas na maka-Satanas. (1 Juan 5:19) Tanging si Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang makapagliligpit kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo, makapagwawakas sa kasalukuyang likong sanlibutan, at makapagdadala ng isang maluwalhating bagong sanlibutan sa ilalim ng makalangit na Kaharian na nasa kamay ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, bilang Hari ng mga hari.—Mateo 6:9, 10; Daniel 2:44; Apocalipsis 20:1-3.
Ano ba ang tutupdin ng Kahariang ito? Sino ang makaliligtas sa lubos na paglilinis sa buong globo, o Armagedon? Isang totoong interesanteng katotohanan na parami nang paraming mga tao ang nakakaalam na umaandar na ang makalangit na gobyernong ito at inihahanda nito ang mga tao upang makaligtas sa Armagedon! (Apocalipsis 16:14-16) Ano bang uri ng mga tao sila? Sinabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya ang maaamo [yaong mga natuturuan], sapagkat mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Sa ganito’y pinatunayan niya na totoo ang sinaunang hulang ito: “Bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsigawa nang ayon sa Kaniyang sariling ipinasiyang kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaypala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”—Zefanias 2:2, 3.
Ang maaamo ay hindi lamang makakaligtas sa Armagedon kundi, sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa Diyos, sila’y magmamana rin naman ng buhay na walang-hanggan. Paano? Gaya ng binanggit na, ang napakalaking pamilya ni Adan ng mga inapo ay nawalan ng pag-asang magtamo ng buhay na walang-hanggan dahil sa kaniyang makasalanang pagsuway. Ang kamatayan ay sumapit sa buong lahi ng tao sa pamamagitan ni Adan. Yamang siya’y isang sakdal na tao, isa ring sakdal na tao ang kailangan upang tumubos, o bilhing muli, ang iniwala ni Adan. Si Jesu-Kristo ang nagpunô ng pangangailangang iyan at ibinigay ang kaniyang buhay “upang ang lahat ng sumasampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 3:16.
Ang paglalaang pantubos na ito ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao. Ito’y gagamitin hindi lamang sa mga makaliligtas upang pumasok sa bagong sanlibutan kundi rin naman pati sa mga magbabalik buhat sa mga patay. Iyan ba ay totoong kagila-gilalas kung pakikinggan? Sinabi ni Jesus: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagkat dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas, ang mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-muli sa buhay, ang mga nagsigawa ng masama ay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” Anong laking kaligayahan! Totoong nakagagalak para sa mga makaliligtas sa Armagedon, na sasalubong sa kanilang mga minamahal na bumalik na nang buháy!—Juan 5:28, 29.
Anong luwalhating kinabukasan at pag-asa! At lahat na ito ay inilaan ng isang maibiging Maylikha, si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang sinisintang Anak, si Jesus. Bagama’t sa ngayon ang pananaw ay napakadilim at nakababahala, ang kinabukasan ay punô ng liwanag at pag-asa para roon sa mga nag-aaral ng Bibliya at kumikilos ayon sa nakapagpapatibay-loob na pabalita nito. Tayo’y nabubuhay sa mga panahong nakaliligaya. Ang Kaharian ng Diyos ay naririto na. (Mateo 24:33, 34) Purihin si Jehova, ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog”!—Santiago 1:17.
Samantalang binubulaybulay mo ang maraming paraan ng pakikinabang natin sa mga paglalaan at mga layunin ng Diyos, marahil ay nakadarama ka ng matinding damdamin na magpasalamat at ipahayag iyon sa anumang paraan. Subalit kung ikaw ay nagsisimula lamang na makaunawa at tanggapin ang tunay na pag-asa ukol sa hinaharap, marahil ay nanaisin mo na higit pang magsaliksik. Hinihimok ka namin na gawin iyan. Patuloy na mag-aral ng Salita ng Diyos sa tulong ng mga lathalain na katulad nito na magpapalawak ng kaalaman at pagpapahalaga mo sa maluwalhating mga layunin ng Diyos.
Yaong mayroon nang malinaw na pagkakilala na tanging ang Kaharian ng Diyos ang lunas sa mga kaabahan ng sangkatauhan ay marahil makadarama ng gaya ng nadama ng kinasihang salmista na nagsabi: “Ano ang aking ibabayad kay Jehova dahil sa lahat niyang kabutihan sa akin?” (Awit 116:12) Ang gayong mga tao na naniniwalang ang pagsasabi sa iba tungkol sa nagawa na ng Diyos para sa atin at sa maluwalhating kinabukasan na iniaalok niya sa mga taong umiibig at naglilingkod sa kaniya ay nagdadala ng matinding kasiyahan at tunay na kagalakan. Bakit? Sapagkat, gaya ng sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
[Kahon sa pahina 5]
SI JESU-KRISTO AY—
◆ Tumupad ng maraming sinaunang hula, halimbawa, Mikas 5:2; Mateo 2:3-6
◆ Nagpatunay na totoo ang ulat ng Genesis tungkol sa pinagmulan ng tao—Mateo 19:3-6
◆ Pinalawak niya at ibinorodkas ang pangunahing tema ng Bibliya, ang pagbabangong-puri kay Jehova sa pamamagitan ng Kaharian—Mateo 4:23; 6:9, 10; Lucas 8:1
◆ Binayaran niya upang mapasauli ang iniwala ni Adan, isang sakdal na buhay ng tao, sa ganoo’y pinapangyayari na ang mga sumasampalataya sa Kaniya ay magtamo ng buhay na walang-hanggan—Juan 3:16
[Larawan sa pahina 7]
‘Ano ang iyong ibabayad kay Jehova dahil sa lahat niyang kabutihan?’