Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 5/15 p. 15-20
  • Pakikinig kay Jehova Habang Palapit ang Wakas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pakikinig kay Jehova Habang Palapit ang Wakas
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Hindi Magtatagumpay ang Pagsisikap ng Tao
  • Lalong Malaking Pangangailangan na Makinig Ngayon
  • Pagka Sila’y Sumigaw ng “Kapayapaan at Katiwasayan!”
  • Nagtitiwala na Makaliligtas
  • ‘Pagtakbo’ kay Jehova
  • “Ang Kapayapaan ng Diyos” ang Mag-ingat Nawa sa Inyong Puso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Kapayapaan Buhat sa Diyos—Kailan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Tunay na Kapayapaan—Saan Kaya Magmumula?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Sino ang Aakay sa Sangkatauhan sa Kapayapaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 5/15 p. 15-20

Pakikinig kay Jehova Habang Palapit ang Wakas

“Maligaya ang tao na nakikinig sa akin . . . Sapagkat ang nakakasumpong sa akin ay tiyak na nakakasumpong ng buhay.”​—KAWIKAAN 8:34, 35.

1, 2. (a) Sa kabila ng kawalan ng kapayapaan sa buong kasaysayan ng tao, ano ang sinasabi ng iba ngayon? (b) Bakit ang tunay na kapayapaan sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao ay imposible?

SA KABILA ng kawalan ng kapayapaan sa buong kasaysayan ng tao, lalo na sa ika-20 siglong ito, sinasabi ng iba na ang mga bansa ay gumagawa ng mga hakbang upang lutasin ang kanilang mga di-pagkakaunawaan. Kanilang binabanggit ang bagay na nagdaraos ang mga lider ng daigdig ng mga summit meetings upang pag-usapan ang tungkol sa kapayapaan at lagdaan ang sarisaring mga kasunduan. Siyanga pala, ipinahayag pa man din ng United Nations ang nakaraang taon bilang ang “International Year of Peace”! Inaasahan noon pa na dito masasaksihan ang pasimula ng karagdagang pagsisikap ng mga bansa upang maitaguyod ang kapayapaan, taglay ang posibleng pagtatagumpay sa malapit na hinaharap.

2 Datapuwat, sa buong kasaysayan, ang ganiyan bang mga pagsisikap ay nagdala kailanman ng permanenteng kapayapaan? Kung iyan ay posible na gawin ng mga tao, disin sana’y nagkaroon na ng kapayapaan noong matagal nang panahong lumipas​—matagal na bago pa nagkaroon ng limang bilyong mga tao na baha-bahagi sa mahigit na 160 mga bansa, at may di-mabilang na sarisaring mga pilosopya sa pulitika, sa ekonomiya, at sa relihiyon. Subalit kailanman ay hindi nagkaroon ng kapayapaan; ang kapayapaan ay hindi rin naman magiging resulta ng pagsisikap ng mga lider ng daigdig na ito. Bakit hindi? Unang-una, dahilan sa ang mga suliranin ng sangkatauhan ay napakalubha na ngayon kung kaya’t hindi na malulutas sa pamamagitan ng pagsisikap ng mga tao lamang. Gaya ng wastong pagkasabi ng Jeremias 10:23: “Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.”

Kung Bakit Hindi Magtatagumpay ang Pagsisikap ng Tao

3. Sa anong iba pang dahilan hindi makapagdadala ng tunay na kapayapaan ang mga tao at mga bansa?

3 May isa pang dahilan kung bakit ang mga pagsisikap ng mga tao at mga bansa ay hindi kailanman makapagdadala ng tunay na kapayapaan. Tinutukoy ito ng Bibliya sa 1 Juan 5:19, na nagsasabi: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” Ipinakikita ng Apocalipsis 12:9 na ang “balakyot” na iyan “ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumadaya sa buong tinatahanang lupa.” Sa 2 Corinto 4:4 ay tinatawag siya na “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” Samakatuwid, ang buong kasalukuyang sistema ng makapulitika, pangkabuhayan, at relihiyosong pamamahala na lumikha nang gayon na lang kalaganap na karahasan ay bunga ng pamamahala ni Satanas, hindi ng pamamahala ng Diyos. Kaya naman, nang tinutukoy ang karunungan na nanggagaling sa Diyos, ang 1 Corinto 2:8 ay nagsasabi: “Ang karunungang ito ay hindi napagkilala ng sinumang pinuno ng sistemang ito ng mga bagay.”​—Lucas 4:5, 6.

4. Ano ang resulta pagkatapos na ang ating mga unang magulang ay huminto ng pakikinig kay Jehova?

4 Nang si Satanas ay maghimagsik laban sa Diyos, kaniyang hinimok ang ating unang mga magulang na makinig sa kaniya sa halip na makinig sa Diyos. Bilang resulta, sila’y napahiwalay ng pagsunod sa Diyos at nagdala sa sangkatauhan ng mga 6,000 taon ng katakut-takot na hirap. Malinaw na sinasabi sa atin ng Bibliya na hinimok ni Satanas ang mga tao na maniwala na mas mapapabuti sila kung hindi sila makikinig sa kanilang Maylikha. (Genesis 3:1-5) Sa kaniyang karunungan, pinayagan ni Jehova na ang pangkalahatang sanlibutan ng sangkatauhan ay lumakad ng kaniyang sariling lakad, wala ng kaniyang patnubay, hanggang sa kasalukuyang panahon. At tunay, sa lahat ng mga siglong lumakad na ito, sapat-sapat na nakilala na isang kabiguan ang pamamahala ng tao.​—Deuteronomio 32:5; Eclesiastes 8:9.

5. Kahit na kung magtagumpay ng pagdadala ng kapayapaan ang pagsisikap ng tao, ano pa rin ang hindi maaalis sa atin?

5 Bukod diyan, nang si Adan at si Eva ay huminto ng pakikinig kay Jehova, na Bukal ng sakdal na buhay, sila’y naging di-sakdal at sa wakas ay namatay. Sa gayon, lahat ng kanilang mga inapo ay ipinanganak na di-sakdal. Ang sakit, katandaan, at kamatayan ang sinapit ng sangkatauhan. (Roma 5:12) Samakatuwid, kahit na magtagumpay ang mga tao ng pagdadala ng kapayapaan, hindi pa rin nila malulunasan ang minanang di-kasakdalan. Tayo ay magkakasakit pa rin, tatanda, at mamamatay. Yamang si Satanas ang may kagagawan nito, sinabi ni Jesus tungkol sa kaniya: “Siya’y isang mamamatay-tao [isang mamamaslang] buhat pa noong una, at hindi nanatili sa katotohanan.” (Juan 8:44) Talaga naman, pagka pinag-isipan mo ang bilyun-bilyong mga taong nabuhay at namatay noong nakaraan, para bagang si Satanas ang pumaslang sa kanilang lahat.

6. Sino ang mga maninira ng kapayapaan, at ano ang kailangang mangyari sa kanila?

6 Hinimok din ni Satanas ang mga iba pang espiritung nilalang na sumama sa kaniya sa paghihimagsik, at lahat ng mga balakyot na ito ay tumangging makinig nang si Jehova’y nagsalita. Kaya’t si Satanas, ang kaniyang mga demonyo, at ang mapaghimagsik na mga tao ang nagdala sa sanlibutang ito sa kasalukuyang kalagayan nito. Silang lahat ay kailangang mapaligpit, upang matapos ang kapaha-pahamak na 6,000-taóng ito ng pagsubok na magsarili na hiwalay sa Diyos. “Ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan,” tinitiyak sa atin ng Roma 16:20, “ang dudurog kay Satanas . . . sa pinakamadaling panahon,” pati sa kaniyang mga demonyo at sa lahat ng mga tao na tumatangging makinig pagka nagsasalita ang Diyos.​—Mateo 25:41.

Lalong Malaking Pangangailangan na Makinig Ngayon

7. Bakit natin dapat pag-ibayuhin ang ating pagsisikap na maglingkod kay Jehova ngayon?

7 Tayo ngayon ay nasa dulung-dulo na ng pangkatapusang bahagi ng “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1-5) Kaya naman, may patuloy na lumalaking pangangailangan na makinig sa sinasabi sa atin ni Jehova. May katumbas na pangangailangan na pag-ibayuhin natin ang ating pagiging handa na magsakripisyo upang makapaglingkod sa kaniya. Bakit pag-iibayuhin natin ang ating pagsisikap? Sapagkat alam ni Satanas na mayroon na lamang siyang “isang maikling yugto ng panahon” na natitira. (Apocalipsis 12:12) Kaya tiyak na kaniyang pag-iibayuhin ang kaniyang pagsisikap na magpasamâ at magpahamak.

8. (a) Bakit ang gawaing pangangaral ay hindi mapahihinto ng mga kaaway nito? (b) Ano ang kailangan nating gawin upang tayo’y patuloy na tulungan ng Diyos?

8 Ang lalung-lalo nang ibig ni Satanas ay pahintuin ang mga Saksi ni Jehova sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Subalit hindi maaari iyan, sapagkat sa kanila’y ipinangako ni Jehova: “Anumang armas na gagawin laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.” (Isaias 54:17) Yaong mga sasalansang sa kaniyang mga lingkod ay “masusumpungang mga aktuwal na lumalaban sa Diyos.” (Gawa 5:38, 39) Sa gayon, taglay ang makapangyarihang tulong ng espiritu ni Jehova, si Kristo Jesus, at ang maraming mga hukbo ng mga anghel, ang gawaing pagbabalita ng Kaharian ay patuloy na tumitindi bawat taon. Upang patuloy na tulungan ng Diyos, ang mga lingkod ni Jehova ay maingat na sumusunod sa payo sa Santiago 4:7, 8: “Ipasakop ninyo ang inyong sarili, samakatuwid, sa Diyos; ngunit salansangin ang Diyablo, at tatakas siya sa inyo. Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo.”

9. Bakit hindi natin dapat maliitin ang abilidad ni Satanas?

9 Huwag ninyong maliitin ang abilidad ni Satanas na mandaya at puminsala. Ang Salita ng Diyos ay nagbibigay-babala: “Palaging talasan ang inyong pakiramdam, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila. Ngunit labanan ninyo siya, nang matatag sa pananampalataya.” (1 Pedro 5:8, 9) Kung alam mo na isang baliw na leon ang nakakawala sa iyong paligid, gagawa ka ng mga hakbang upang mabigyang proteksiyon ang iyong sarili at ang iyong pamilya. Kung tungkol naman kay Satanas, tayo’y kailangang maging lalong alisto, sapagkat tayo’y maaari niyang mapinsala nang walang-hanggan. Nakalulungkot sabihin, karamihan ng tao ay walang pananggalang sapagkat hindi man lamang nila alam na si Satanas ay umiiral. Bakit nga gayon? Sapagkat ang kanilang minamagaling ay ang huwag makinig sa Salita ni Jehova. At ano ang magiging resulta ng gayong hindi pakikinig? “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”​—Galacia 6:7.

Pagka Sila’y Sumigaw ng “Kapayapaan at Katiwasayan!”

10, 11. (a) Ano ang dapat nating isaisip tungkol sa ano mang tagumpay na maaaring makamit ng mga bansa sa pagtatatag ng kapayapaan? (b) Anong hula sa Bibliya ang may kaugnayan sa paghahanap ng kapayapaan ng mga bansa sa panahon natin? (c) Gaano ang itatagal ng gayong kapayapaan?

10 Huwag hayaang madatnan kayong di-mapagbantay sa anumang tagumpay na maaaring makamit ng mga bansa sa pagdadala ng kapayapaan. Laging isaisip na hindi ginagamit ni Jehova ang alinman sa mga ahensiya ng sanlibutang ito ukol sa layuning iyan. Si Jehova ay mayroong kaniyang sariling paraan ng pagdadala ng tunay na kapayapaan, at iyan ay sa pamamagitan lamang ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo. Kaya’t anumang tagumpay ang marahil ay makakamit ng mga bansa sa pagtatatag ng kapayapaan, iyon ay magiging sandali lamang at pakitang-tao. Sa totoo’y walang anumang nababago. Ang krimen, karahasan, digmaan, gutom, karalitaan, pagkakawatak-watak ng pamilya, imoralidad, sakit, kamatayan, at si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay naririto pa rin sa atin hanggang sa silang lahat ay lipulin ni Jehova. “Malibang si Jehova mismo ang nagtatayo ng bahay, walang kabuluhan ang masikap na pagpapagal doon ng mga nagsisipagtayo.”​—Awit 127:1.

11 Ipinakikita ng hula ng Bibliya na ang mga bansa ay gagawa ng sabay-sabay na pagsisikap tungkol sa kapayapaan sa panahon natin. Sinasabi nito: “Kayo na rin ang lubos na nakakaalam na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila’y hindi makatatakas sa anumang paraan.” (1 Tesalonica 5:2, 3) Ang sigaw na iyan ng “Kapayapaan at katiwasayan!” ay hindi mangangahulugan na napigil ang pagkabulok ng sanlibutang ito at nabago ang mga kalagayan. Ang 2 Timoteo 3:13 ay nagsasabi na “ang mga taong balakyot at mga magdaraya ay lalong sasamâ.” Ang mangyayari ang sa totoo lamang gaya ng sinabi ng pangulo ng isang organisasyong ukol sa kapaligiran: “Ang pangunahing suliranin na nakaharap sa lipunan ay na ito’y mahirap supilin.”

12. Ano ang alam ng mga lingkod ni Jehova tungkol sa tunay na kahulugan ng darating na sigaw tungkol sa ‘kapayapaan at katiwasayan’?

12 Marami sa sanlibutan ang maililigaw ng walang kabuluhang mga pag-asa sa panahon ng darating na sigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!” Subalit ang mga lingkod ni Jehova ay hindi maililigaw, sapagkat sila’y nakikinig pagka ang Diyos ay nagsasalita. Sa gayo’y alam nila buhat sa kaniyang Salita na ang gayong deklarasyon ay hindi magdadala ng tunay na kapayapaan at katiwasayan. Sa halip, iyon ang sa katunayan magiging pangkatapusang hudyat na “ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila.” Ito ang magbabalita ng napipintong pasimula ng “malaking kapighatian” na inihula ni Jesus para sa panahon natin. Sinabi niya: “Sapagkat kung magkagayo’y magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.”​—Mateo 24:21.

13. Paano inilalarawan ng Bibliya ang wakas ng mga pamamahala ng tao?

13 Sa panahon ng “malaking kapighatian,” ang pamamahala ng tao ay magwawakas. Sinasabi ng Awit 2:2-6: “Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda at ang matataas na pinuno ay nagsasanggunian laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran, na nagsasabi: ‘Lagutin natin ang kanilang tali at ating iwaksi sa atin ang kanilang mga panali!’ Siyang nakaupo sa kalangitan ay magtatawa; sila’y kukutyain ni Jehova. Sa panahong iyon ay magsasalita siya sa kanila sa kaniyang poot at babagabagin sila sa kaniyang kagalitan, na nagsasabi: ‘Ako, samakatuwid baga’y ako, ang nagluklok sa aking hari sa [makalangit na] Sion, na aking banal na bundok.’ ” Ang Awit 110:5, 6 ay nagsususog pa: “Si Jehova mismo . . . ang tiyak na dudurog sa mga hari sa araw ng kaniyang galit. Kaniyang tutuparin ang inihatol sa mga bansa.” Lahat ng mga panukalang makapulitika ay matatapos, sapagkat ang Isaias 8:9, 10 ay nagsasabi: “Mangagbigkis kayo, at kayo’y magkakawatak-watak! Mangagbigkis kayo, at kayo’y magkakawatak-watak! Magsanggunian kayo, at kayo’y masisira! Magsalita kayo ng anumang salita, at yao’y hindi tatayo, sapagkat ang Diyos ay sumasa-amin!”

Nagtitiwala na Makaliligtas

14. Bakit tayo nagtitiwala na may mga makaliligtas sa katapusan ng sanlibutang ito?

14 Tayo’y nagtitiwala na patuloy na patatalastasan ni Jehova ang kaniyang bayan upang sila’y makagawa ng nararapat na mga hakbang upang makaligtas sa dumarating na “malaking kapighatian.” Paano natin matitiyak iyan? Sapagkat ang hula sa Apocalipsis 7:9, 14 ay nagpapakita na “isang malaking pulutong” ang makaliligtas nga. Bakit? Sapagkat sila’y nakikinig pagka nagsasalita si Jehova at sila’y natuturuan nang husto. Sa ganitong paraan nagagawa ng mga nasa “malaking pulutong” ang sinasabi ng Apocalipsis 7:15: “Sila’y naghahandog sa kaniya ng banal na paglilingkod araw at gabi.” Sa ganoo’y ginagawa nila ang kalooban ng Diyos, sila’y mayroong pagsang-ayon niya, at protektado upang makaligtas sa katapusan ng sanlibutang ito.​—1 Juan 2:15-17.

15. Paano inilalarawan ni Joel ang pagdurog sa sistemang ito, at ano ang magiging resulta para sa mga lingkod ng Diyos?

15 Ang Joel 3:13-16 ay tumutukoy rin sa pagkaligtas ng mga lingkod ng Diyos pagka ang sistemang ito ay dinurog na gaya ng mga ubas sa alilisan ng alak. Sinasabi nito: “Gamitin ninyo ang karit, sapagkat hinog na ang aanihin. . . . Ang kamalig ng alak ay umaapaw; sapagkat ang kanilang kasamaan ay naging malaki na. Mga karamihan, mga karamihan ang nasa libis ng pasiya, sapagkat malapit na ang araw ni Jehova sa libis ng pasiya. Araw at buwan ay magdidilim nga, at ang mismong mga bituin ay aktuwal na hindi magbibigay ng kanilang liwanag. At buhat sa [makalangit na] Sion ay uungal si Jehova mismo . . . Mayayanig nga ang langit at lupa; ngunit si Jehova ay magiging kanlungan sa kaniyang bayan.”

16. Ano pang mga ibang hula ang nagpapakita na iingatan ni Jehova ang kaniyang bayan upang makaligtas sa pagkawasak ng sanlibutan?

16 Gayundin, sa Isaias 26:20, 21, ay sinasabi sa atin ni Jehova ang tungkol sa darating na panahong iyon: “Ikaw ay parito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa palibot mo. Magkubli kang sandali hanggang sa ang galit ay makalampas. Sapagkat, narito! si Jehova ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang hingan ng sulit ang kasalanan ng mga tao sa lupa laban sa kaniya.” Kung gayon, ang Zefanias 2:2, 3 ay nagpapayo: “Bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat ng maaamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa Kaniyang sariling ipinasiyang kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaypala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”

‘Pagtakbo’ kay Jehova

17. (a) Ano ang kailangang gawin upang makamit ang pagliligtas ni Jehova? (b) Ano ang pagkakamali ng mga tao noong bago sumapit ang Baha sa sanlibutan noon?

17 Ang Kawikaan 18:10 ay nagsasabi: “Ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog. Tumatakbo rito ang matuwid at naliligtas.” Ikaw ba ay ‘tumatakbo’ kay Jehova? Alalahanin ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga tao noong kaarawan ni Noe. Sila’y “nagsisikain at nagsisiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at pinapag-aasawa naman ang mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi nila pinansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” (Mateo 24:38, 39) Ang pagkakamali nila ay ang pagiging abalang-abala sa lahat ng bagay at hindi sila nakinig sa Diyos nang siya’y magsalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Noe, “isang mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Dahil sa hindi sila nakinig, nang dumating ang Baha ay “tinangay silang lahat” at nangalipol.

18. Bakit ang kanilang basta pagiging “mabubuting” mga tao ay hindi nagligtas sa mga pinuksa sa Baha?

18 Marami sa mga nangamatay sa Baha ang walang alinlangan ang turing sa kanilang sarili’y “mabubuting” mga tao, yamang hindi naman sila kasangkot sa karahasan na laganap sa lipunan noong mga araw na iyon. Subalit ang basta pagiging “mabubuting” mga tao ay hindi nagligtas sa kanila. Sa pamamagitan ng kanilang kawalang interes ay kanilang ipinagkibit-balikat ang kasamaan noong kanilang kaarawan. Ang mapanganib ay na hindi sila ‘tumakbo’ kay Jehova; sila’y hindi nakinig nang ang lingkod ng Diyos ay magsalita. Kaya naman hindi sila gumawa ng nararapat na mga hakbang para sa kaligtasan. Sa kabilang dako, yaong mga nakinig ay nakaligtas.

19. Anong kahanga-hangang pakinabang ang inaani ng mga lingkod ni Jehova kahit na ngayon, at bakit?

19 Sa ngayon ang Diyos ay nagsasalita ng kapayapaan sa mga taong nakikinig sa kaniya. Ano ba ang resulta nito sa kanila? Ang Isaias 54:13 ay nagsasabi: “Lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.” Oo, “ang kaniyang bayan ay pagpapalain ni Jehova mismo ng kapayapaan.” (Awit 29:11) Kaya naman, sa gitna ng marahas na sanlibutang ito, ang mga Saksi ni Jehova ay may tunay, na di-masisirang kapayapaan sa isa’t isa. Sila’y may isang nag-iibigang pandaigdig na kapatiran na hindi matutularan ng mga lider ng daigdig, ng kanilang mga bansa, at ng kanilang mga relihiyon. Bakit hindi? Sapagkat ang mga ito ay hindi talagang nakikinig pagka ang Diyos ay nagsasalita. Kaya naman hindi sila kumikilos ayon sa kaniyang sinasabi. Subalit ang mga Saksi ni Jehova ay nakikinig sa Diyos. Kanilang dinidibdib ang mga salita sa Eclesiastes 12:13: “Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”

20. Ano ang kailangang gawin ng bawat tao na ibig makaligtas tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos?

20 Iyan ang kailangang gawin ng bawat tao​—oo, lahat ng may ibig na mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sila’y kailangang ‘tumakbo’ kay Jehova nang walang pagpapaliban. Oo, sila’y kailangang akayin ng bigay-Diyos na karunungan na ang kumakatawan ay nagsasabi: “Dinggin ninyo ako; oo, maliligaya ang mga nag-iingat ng aking mismong mga daan. Makinig kayo sa disiplina at kayo’y magpakapantas, at huwag kayong magpabaya. Maligaya ang tao na nakikinig sa akin . . . Sapagkat ang nakakasumpong sa akin ay tiyak na nakakasumpong ng buhay.”​—Kawikaan 8:32-35.

Paano Mo Sasagutin?

◻ Bakit ang pagsisikap ng tao ay hindi kailanman magtatagumpay sa pagdadala ng kapayapaan?

◻ Bakit mayroon ngayong lalong malaking pangangailangan na makinig kay Jehova?

◻ Anong talaga ang kahulugan ng napipintong pagsigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!”?

◻ Ano ang kailangan nating gawin kung ibig nating makaligtas tungo sa bagong sistema ng Diyos?

[Larawan sa pahina 17]

Gaya ng isang umuungal na leon, pinag-iibayo ni Satanas ang kaniyang pagsisikap na magpasamâ at magpahamak

[Larawan sa pahina 18]

Pagka ang sistemang ito ay dinurog na gaya ng mga ubas sa alilisan ng alak, “si Jehova ay magiging kanlungan ukol sa kaniyang bayan”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share