Tulong sa Paggawa ng Matatalinong Pasiya
SI Alice ay gumawa ng di-matalinong pasiya na naghatid ng kapinsalaan sa kaniya. “Inihiwalay ko ang aking sarili kay Jehova at sa kaniyang organisasyon,” inamin niya. Bagama’t sa wakas ay bumalik din siya, kinailangan ang mahigit na 13 taon upang magawa ang gayon—“miserableng mga taon” ang tawag niya rito.
Hindi dapat ipagwalang-bahala ng isang Kristiyano ang panganib ng paggawa ng di-matalinong pagpapasiya tungkol sa kaniyang paglilingkod sa Diyos. Hindi ibig sabihin na ang maling mga pasiya ay kusang ginagawa pagkatapos isaalang-alang ang mga katibayan na may kinalaman doon. Kung minsan ang mga ito ay ginagawa batay lamang sa likas na mga reaksiyon. Minsang manaig ang emosyon sa pagpapalabo sa suliranin at isang di-sakdal na puso ang umuugit sa kakayahang umisip, maaaring ang resulta’y lahat ng uri ng pinsala at pagdadalamhati.
Oo, “ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman.” (Jeremias 17:9) Gayunman, sinasabi sa atin ng Bibliya kung paano nabibigyan ng proteksiyon ang ating sarili. “Pagka ang karunungan ay pumasok sa iyong puso,” ang sabi nito, “ang pagkaunawa mismo ay mag-iingat sa iyo.” (Kawikaan 2:10, 11) Subalit paano nga natin napangyayari na ang karunungan ay pumasok sa ating puso?
Matuto Buhat sa Nakaraan
Subukan ito. Ilagay mo ang sarili sa kalagayan ng mga sinaunang lingkod ng Diyos na napaharap sa mga pagsubok katulad ng dinaranas mo. Halimbawa, ikaw ay nababahala sa isang sitwasyon sa loob ng lokal na kongregasyong Kristiyano. Purbahan mo na pag-isipan ang isang nakakatulad na sitwasyon na binabanggit sa Bibliya.
Kumusta naman ang kongregasyong Kristiyano sa Corinto noong unang siglo? Gunigunihin na ikaw ay kaugnay sa kongregasyon sa Corinto. Ikaw ay naging Kristiyano sa loob na lumipas na dalawa o tatlong taon. Anong laking kagalakan ang ikaw ay makaalam ng katotohanan sa loob ng 18-buwan na pamamalagi roon ni Pablo! Subalit ngayon, ang mga bagay-bagay ay waring masama ang tinutungo.
Isang hilig na magtayo ng mga pangkat-pangkat at maghati-hati ang sanhi ng pagtatalu-talo sa kongregasyon, at nagbabanta iyon sa pagkakaisa. (1 Corinto 1:10, 11) Ang pagkunsinti sa imoralidad ay nagsasapanganib sa espiritung umiiral doon. (1 Corinto 5:1-5) Ang pangmadlang paghihingahan ng mga di-pagkakaunawaan ng mga miyembro ng kongregasyon sa harap ng makasanlibutang mga hukuman ng batas ay pumipinsala sa malinis na pangalan niyaon.—1 Corinto 6:1-8.
Samantalang patuloy na ginuguniguni mong ikaw ay nasa sinaunang Corinto, ikaw ay nababahala dahil sa ang mga ilang miyembro ng kongregasyon ay laging nagtatalo tungkol sa mga bagay na hindi naman talagang gaanong mahalaga. (Ihambing ang 1 Corinto 8:1-13.) Ikaw ay pinalulumbay ng mga alitan, panaghilian, galit, at kaguluhan na nakikita mo. (2 Corinto 12:20) Oo nga, ikaw ay nababalisa dahilan sa pagmamataas ng ilan na anupa’t ang pamumuhay bilang Kristiyano ay nagiging mahirap. (1 Corinto 4:6-8) Ikaw ay nagdaramdam sa pagkabalita mo na mayroong iba na nag-aalinlangan pa man din sa puwesto at awtoridad ni apostol Pablo, anupa’t sila’y nagbibintang nang walang katotohanan, at kanilang kinukutya ang kaniyang kakulangan ng kahusayan na magsalita. (2 Corinto 10:10; 12:16) Ikaw ay nababahala dahil sa baka yaong mga taong hayagang nagtataguyod ng sariling mga opinyon ay makasira sa pananampalataya ng kongregasyon sa pangunahing doktrina.—1 Corinto 15:12.
Pagka Nakaharap sa Pagpapasiya
‘Hindi ganito ang dapat mangyari,’ ang himutok mo. ‘Bakit ba hindi ituwid ng matatanda ang mga bagay-bagay? Talagang may malaking pagkakamali.’
Ikaw ba ay aalis sa kongregasyon sa Corinto, ikakatuwiran mo na mas mabuti ang maglingkod sa Diyos sa ibang lugar? O ikaw ba ay magpapasiya kaya na pinakamagaling na ang huminto ng pakikiugnay sa mga kapuwa Kristiyano? Tutulutan mo ba na ang mga problemang ito ay magpalamig sa iyo sa iyong kagalakan at pagtitiwala na ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ang nagpapalakad ng mga bagay-bagay? Ikaw ba ay magkakaroon ng isang kaisipang mapamintas at mareklamo, anupa’t mag-aalinlangan ka sa mga motibo ng mga kapuwa Kristiyano? Ikaw ba ay manghihina sa pangangaral, at ikakatuwiran mo na walang gaanong halaga ang akayin mo sa ganoong kongregasyon ang mga taong interesado?
Kung titingnan ang sitwasyon sa paraang walang kinikilingan at sa punto-de-vista na pangkasalukuyan, madaling masasabi mo na ang iyong pasiya ay ang tapat na pananatili sa kongregasyon ng Diyos, bagama’t ito’y may mga kahinaan. Subalit kung ikaw ay mapapaharap sa isang nakakatulad na sitwasyon sa ngayon, ikaw kaya ay makapanatiling may malinaw na pag-iisip at isang pusong mahinahon? Ikaw ba ay magpapasiya ngayon gaya ng inaakala mong gagawin mong pagpapasiya kung ikaw ay nabuhay noon?
Pakikinabang sa Matalinong Payo
Ang mga Kristiyano sa Corinto na gumawa ng matalinong pagpapasiya ay yaong mga nanatili sa kongregasyon. Nadama nila ang gaya ng nadama ni Pedro mga ilan taon pa bago noon. Nang ilan sa mga alagad ay huminto ng pakikisama kay Jesus, sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino pa kami pupunta? Nasa iyo ang mga salita ng buhay na walang-hanggan; at kami’y sumampalataya at nakilala namin na ikaw ang Banal ng Diyos.” (Juan 6:68, 69) Maliwanag, tanging sa pananatili sa organisasyon ng Diyos maaari tayong makinabang sa payo nito.
Sa mga bagong kongregasyon, katulad niyaong kongregasyon noon sa Corinto, malimit na ang di-kasakdalan ng tao ang sanhi ng isang problema na anupa’t kakailanganin ang pagbibigay ng matinding payo. Subalit sa pagbibigay ng payo sa mga Kristiyano sa Corinto, naalaala ni Pablo na ang karamihan sa kanila ay “mga minamahal” pa rin. (1 Corinto 10:14; 2 Corinto 7:1; 12:19) Hindi niya kinalimutan na si Jehova’y nagpapakita ng di-sana nararapat na awa at nagpapatawad sa mga tumutugon sa Kaniyang pag-akay.—Awit 130:3, 4.
Mangyari pa, yamang sa kongregasyong Kristiyano ay naaakit ang lahat ng uri ng tao, ang iba ay nangangailangan ng mas matagal na panahon kaysa iba upang makatugon sa pag-akay na ito. Ito ay likha ng sarisaring kadahilanan. Ang mga ibang pagbabago ay lalong mahirap na gawin kaysa iba. At, bawat indibiduwal ay iba-iba ang kalikasan ng pangangatawan at kaisipan, ang kapaligiran, karanasan, at kalagayan. Kaya’t anong inam nga kung iiwasan ang labis na pamimintas at alalahanin na “ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan”! (1 Pedro 4:8) Ngayon, kung si Jehova at ang kaniyang Anak ay handang magtiis sa kahinaan at kawalang-gulang ng tao sa kanilang kongregasyon, hindi baga dapat din tayong magpakita ng gayong kaisipan?—1 Corinto 13:4-8; Efeso 4:1, 2.
Kung ikaw ay nakaugnay sa kongregasyon sa sinaunang Corinto, ang pakikinig sa maibigin ngunit mahigpit na payo ni Pablo ay nagpagunita sana sa iyo na si Kristo, bilang ulo ng kongregasyong Kristiyano, ay totoong interesado sa kapakanan niyaon. (Mateo 28:20) Disin sana’y pinatibay niyaon ang iyong pagtitiwala sa pangako ni Jesus na panatilihing nagkakaisa ang kaniyang mga tagasunod habang sila’y tumutugon sa tulong na inilaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47; Efeso 4:11-16) Oo, at ang mga salita ni Pablo ay nakatulong sana sa iyo na manatiling may kagalakan at katatagan kahit nasa ilalim ng kagipitan. Ikaw ay magtitiwala na bibigyan ka ng Diyos ng lakas upang harapin ang anumang suliranin na pansamantalang papayagan niyang umiral.
Hindi ibig sabihin na ang isang Kristiyano’y walang gagawing anuman kung isang masamang kalagayan ang lumitaw sa isang kongregasyon. Noon sa sinaunang Corinto, ang maygulang na mga lalaki na katulad nina Estefanas, Fortunato, Acaico, at mga iba pa buhat sa sambahayan ni Cloe, ay nagsikilos. Maliwanag na ipinaalam nila kay Pablo ang sitwasyon. (1 Corinto 1:11; 5:1; 16:17) Subalit nang kanilang magawa na iyon, may pagtitiwalang ipinaubaya nila sa kaniyang kamay ang mga bagay-bagay. Ang sigasig sa katuwiran ay hindi humila sa kanila na mawalan ng tiwala sa pangungulo ni Kristo o “magalit kay Jehova.”—Kawikaan 19:3.
Dahil sa ating sigasig sa katuwiran ngayon ay iiwasan natin ang kahit man lamang pag-isipan ang magmabagal sa pagganap sa bigay-Diyos na atas sa atin na mangaral ng mabuting balita. Ang paggawa ng gayon ay magpapakita ng kawalan ng pagmamalasakit sa iba at ng hindi natin paggawa ng ibig ni Kristo na gawin natin. “Kaya nga, mga kapatid kong minamahal,” ang payo ni Pablo, “kayo’y magsitatag, huwag makilos, na laging maraming gawain sa Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.”—1 Corinto 15:58.
Huwag Maging Walang Alam sa mga Hangarin ni Satanas
Ang mga di-pagkakaunawaan sa kongregasyon tulad niyaong umiral sa Corinto ay kung minsan lalong mahirap na pakitunguhan kaysa tuwirang pag-uusig. Sinasamantala ni Satanas ang gayong mga sitwasyon sa pagtatangka na hilahin tayo na gumawa ng mga maling pasiya na maglalayo sa atin kay Jehova. Subalit ‘tayo ay hindi walang malay sa mga hangarin ni Satanas.’—2 Corinto 2:11.
Sinabihan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na sila’y makikinabang kung susuriin nila ang rekord ng sinaunang mga lingkod ng Diyos. “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa,” aniya tungkol sa mga Israelita, “at nasulat upang maging babala sa atin na dinatnan ng mga katapusan ng mga sistema ng mga bagay.” (1 Corinto 10:11) Sa katulad na paraan, tayo sa ngayon ay makikinabang din sa maingat na pagsusuri sa rekord ng mga sinaunang Kristiyano. Halimbawa, maaari nating pag-isipan ang naganap sa Corinto. Ang pagbubulaybulay tungkol sa kung paano nga tayo gagawa ng mga tamang pasiya noon ay tutulong sa atin na maiwasan ang paggawa ng mga maling pasiya ngayon.
Pagkalipas ng 13 “miserableng mga taon” ng paghiwalay, ganito ang sabi ni Alice tungkol sa kaniyang unang pagdalo sa pulong sa Kingdom Hall: “Ako’y natatakot magsalita sapagkat baka ako mapaiyak. Ako’y nakabalik na—talagang nakabalik na. Parang hindi ko mapaniwalaan ito.” Kaya’t kayo’y maging disidido, sa kabila ng mga problema na maaaring bumangon, na manatili sa inyong matalinong pasiya na huwag kailanman umalis sa organisasyon ni Jehova! Ang inyong mga pagpapala sa pakikisama ninyo sa bayan ng Diyos ay marami. At ang mga ito ay hindi magwawakas.—Kawikaan 2:10-15, 20, 21.