Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Sinabi ni Moises sa mga Israelita na “ang mga bagay na isiniwalat ay nauukol sa atin at sa ating mga anak hanggang sa panahong walang-takda.” (Deuteronomio 29:29) Sa “mga bagay na isiniwalat” na ito ba ay kasali ang liwanag na pinasisikat sa Salita ng Diyos sa mga huling araw na ito?
Hindi, hindi wasto na ang pagkaunawa sa mga hula na ipinagkaloob sa atin sa mga huling araw na ito ay ipantay sa “mga bagay na isiniwalat” na tinatalakay ni Moises.
Ayon sa konteksto ng mga salita ni Moises, “ang mga bagay na isiniwalat” na kaniyang tinutukoy ay may kinalaman sa tipang Kautusan. (Deuteronomio 29:25) Ipinakita ni Moises na ang “mga bagay na isiniwalat” na ito ay may dalang mga pananagutan. Ang hindi pamumuhay ng ayon sa mga responsabilidad na ito ay magpapangyari kay Jehova na disiplinahin ang kaniyang bayan.
Mangyari pa, ang tipang Kautusan ay isang pagsisiwalat buhat sa Diyos na Jehova. Dito’y nauna ang mga iba pang pagsisiwalat sa mga patriarka, kay Noe, at sa buong nalakaran nang panahon pasimula pa kay Adan. Si Moises ang ginamit upang isulat ang mga bagay na isiniwalat hanggang sa kaniyang panahon, at ang mga iyon ay iningatan para sa atin sa unang limang aklat ng Bibliya. Nang malaunan, gaya ng pinaliliwanag ng artikulong “Ang mga Bagay na Isiniwalat ay Nauukol sa Atin” (Ang Bantayan, Mayo 15, 1986), sa “mga bagay na isiniwalat” na ito ay kasali ang lahat ng impormasyon na naisulat sa Bibliya.—2 Timoteo 3:16.
Samakatuwid, ang Bibliya ay naglalaman ng “banal na mga salita ng Diyos,” ang mga bagay na isiniwalat niya. (Roma 3:2) Nang ang likas na mga Judio ay mapatunayang di-tapat, ang pinahirang mga Kristiyano ang naging mga katiwala ng “mga bagay na isiniwalat” na ito, at ang kongregasyong Kristiyano ang naging “haligi at suhay” para sa mga ito. (1 Timoteo 3:15; 1 Corinto 4:1) Kung gayon, ang mga miyembro ng kongregasyong iyan ngayon ay wastong makapagsasabi rin ng mga sinabi ni Moises, na “ang mga bagay na isiniwalat ay nauukol sa atin.”
Sa ngayon, si Jehova ay nagpasikat ng matinding liwanag sa “mga bagay na isiniwalat” na ito. Gaya ng inihula ni Daniel, ang bayan ni Jehova ay ‘nagparoo’t parito’ sa kinasihang Salita, at ‘sumagana ang tunay na kaalaman.’ (Daniel 12:4) Sa gayon, ngayon ay alam natin kung sino ang “mga ibang tupa.” (Juan 10:16) Ating nakikilala ang “malaking pulutong.” (Apocalipsis 7:9-17) Nakikita natin ang katuparan ng talinghaga ng mga tupa at mga kambing. (Mateo 25:31-46) Ang gayong mga bagay ay isiniwalat, o ipinaalam, sa atin subalit hindi sa diwa ng “mga bagay na isiniwalat” na nasusulat sa kinasihang Salita ni Jehova.
Samakatuwid, hindi wasto na ang gayong mga pagsulong sa kaunawaan ay ipantay sa kinasihang mga pagsisiwalat na bumubuo ng “mga bagay na isiniwalat” na nakasulat sa Bibliya. Bagkus, sa pamamagitan ng masinsinang pag-aaral ng Bibliya, ang bayan ni Jehova ay may kasamang panalangin na humanap ng tamang pagkaunawa sa “mga bagay na isiniwalat” na iyon. Si Jehova, sa pamamagitan ng banal na espiritu, ang nagbigay ng unawang iyan sa kaniyang sariling itinakdang panahon.
Sinasabi sa atin ng Bibliya na “ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat ng paliwanag nang paliwanag hanggang sa malubos ang araw.” (Kawikaan 4:18) Ang tumitinding liwanag na pinasisikat ni Jehova sa “mga bagay na isiniwalat” ang nagpapakita na ang “araw” na iyan ay palapit nang palapit at nagpapatunay din na ang kaniyang pagpapala ay sumasa-kongregasyong Kristiyano sa ngayon.