Nakikigalak sa ika-82 Klase ng Gilead
“TAYO’Y mga Kristiyano sa hirap man o sa ginhawa. Talagang tayo’y naliligayahan na naririto tayo.” Ganiyan pinasimulan ng chairman ang isang natatanging maghapunang pulong sa Jersey City Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses noong Linggo, na unang araw ng Marso. Sa labas, ay malakas ang ulan. Sa loob naman, yao’y araw ng graduwasyon para sa 24 na estudyante ng ika-82 klase ng Gilead. Samantalang nakamasid sa maliligayang mukha ng mga estudyante, sinabi ni chairman Theodore Jaracz ng Lupong Tagapamahala: “Maliwanag na sila’y sabik at nagagalak tungkol sa kanilang mga inaasahan. Yamang sinasabi ng Bibliya na ‘makigalak sa mga taong nagagalak,’ natitiyak ko na ganiyan ang damdamin ng lahat sa atin!” Ang palakpakan na kasunod ng komentong ito ang patotoo na sang-ayon nga ang lahat ng 4,557 mga naroroon.
Ang unang tagapagsalita sa programa ay si John Barr, isa ring miyembro ng Lupong Tagapamahala. Siya’y sumipi nang malawakan sa Awit 104, at kaniyang ipinakita na si Jehova’y hindi lamang lumikha ng lahat ng bagay, may buhay at walang buhay, kundi lumikha rin naman ng dako para sa bawat nilalang. Sinabi pa niya: “Ngayon, samantalang papunta kayo sa inyong destino, isipin: ‘Si Jehova ang naglagay sa akin dito.’ Huwag kalilimutan iyan kailanman.”
Ang susunod na nagsalita ay isang miyembro ng Watchtower Farms Committee, si John Stuefloten. Kaniyang ipinaalaala sa mga estudyante: “Sinasabi sa atin ng kawikaan: ‘Magbigay ka sa isang pantas at siya’y magiging lalong pantas.’” (Kawikaan 9:9) May limang buwan din na ang mga estudyante ay binigyan ng saganang espirituwal na pagkain. Walang alinlangan, sa araw na ito ng graduwasyon sila’y busog na busog sa espirituwal. “Subalit,” anang tagapagpahayag, “bahagya pa lamang kayong nakapagpapasimula!” Kaniyang hinimok ang mga estudyante na patuloy na lumago sa karunungan at kaawaan upang lalong matulungan nila ang mga iba.—Kawikaan 3:27.
Ang sumunod naman na nagsalita ay si George Gangas ng Lupong Tagapamahala at sa pamamagitan ng mga pihikang pananalita ay nagpahayag tungkol sa kaligayahan. Kaniyang ipinagunita sa mga nagtapos na sila’y naglilingkod sa “maligayang Diyos” at sinabi niya: “Kayo’y makakasumpong ng kaligayahan sa inyong mga destino sa ibang bansa.” Bakit? “Sapagkat si Jehova ang nagsusugo sa inyo upang magpalaya sa mga tao buhat sa pagkaalipin.”
Si George Couch ng Brooklyn Bethel Committee ay nagpahayag tungkol sa pagkabalisa. Kaniyang sinabi na ang mga estudyante ay hindi naman mga baguhan kung tungkol sa pagkabalisa. Ang hamon ng pag-aaral sa Gilead, ng pamumuhay sa Brooklyn Bethel, at pangangaral sa New York City ay nagdulot ng kaunting pagkabalisa. Ngayon ang mga estudyante ay nananabik sa kanilang pupuntahan bilang mga misyonero. Subalit ang makatuwirang pagkabalisa ay hindi isang kaaway. “Ang pagkabalisa ay tutulong sa atin na tayo’y mapasiglang gawin ang ating pinakamagaling,” ang paliwanag niya, at kaniyang hinimok ang mga estudyante na magtiwala kay Jehova at gawin ang pinakamagaling na magagawa nila sa pinag-atasan sa kanila.
Ang instruktor ng paaralan na si Jack Redford ang sumunod na nagpahayag. Siya’y nagbabala laban sa walang katuwirang pamimintas. Bumanggit siya ng mga halimbawa sa Bibliya ng mga padalus-dalos na paghatol na nagdulot ng mga problema noong bandang huli, at sinipi niya ang mga salita ni Jesus: “Huwag kayong humatol upang kayo’y huwag hatulan.” (Mateo 7:1) Ang ika-82 klase ay kumakatawan sa isang Diyos ng pag-ibig. Ang mga estudyante ay pinapunta sa kani-kanilang atas upang makiramay, hindi upang mamintas.
Ang instruktor ng Gilead na si Ulysses Glass ay sumipi ng kawikaan sa Bibliya: “Hindi ang matutulin ang nananalo sa takbuhan, ni ang malalakas man ang sa pagbabaka.” (Eclesiastes 9:11) Ang resulta ng isang bagay ay hindi laging nakasalalay sa ating likas na abilidad. Sa gawaing misyonero, kadalasan iyon ay nakasalalay sa pananampalataya at sa pagtanggap mo sa isang hamon. Ang ika-82 klase ay binigyang-komendasyon ng tagapagpahayag dahil sa pagiging matatag, maaasahan, hindi pabagu-bago. Ang ganiyang mga katangian ay pakikinabangan nila.
Ang huling tagapagpahayag sa umaga, ang presidenteng si Frederick Franz ng Watch Tower Society, ay nagpahayag na ang graduwasyon ng ika-82 klase ay nagbangong-puri sa pananampalataya niyaong mga nagpasimula ng paaralan noong madidilim na araw ng Digmaang Pandaigdig II. Binanggit niya ang tungkol sa pangalang Gilead, at maliwanag na iyon ay isang salita sa Bibliya na ang ibig sabihin ay “Bunton ng Patotoo.” (Ihambing ang Genesis 31:43-53.) Ang mga misyonero ng Gilead na nanatiling tapat sa kanilang mga atas ay nagsisilbing isang bunton ng patotoo. Sila’y isang buháy na pagpapatotoo sa katotohanan.
Pagkatapos ay tinanggap ng mga estudyante ang kanilang diploma, at ang umagang sesyon ay natapos sa pagbabasa ng isang liham ng pasasalamat buhat sa ika-82 klase. Pinuna ng mga estudyante na ‘ang pagpapala ni Jehova ang siyang nagpapayaman.’ Kaya naman, sinabi nila, “Ipinadama sa amin ni Jehova na kami’y yaong mistulang 24 na pinakamayayamang tao sa lupa!”—Kawikaan 10:22.
Sa hapon, pagkatapos ng isang pinaikling Pag-aaral sa Watchtower, ang mga estudyante ay nagtanghal ng isang nakalulugod na programa. Nagtapos iyon sa pamamagitan ng pagpapahayag ng taus-pusong pagpapahalaga sa kanilang mga magulang, na ang kawalang-imbot at pagtataguyod sa kanilang mga anak ang nagbigay pagkakataon sa mga ito upang humayo at maging mga misyonero.
Ang programa ng mga estudyante ay sinundan ng pagtatanghal ng isang napapanahong drama, at pagkatapos ang chairman, si Theodore Jaracz, ay nagbigay ng mga pangwakas na komento. At anong laking sorpresa ang inilabas ng Samahan sa mga huling sandaling ito! Ipinabatid ng tagapagpahayag na hindi na magtatagal at ang Samahan ay magbubukas ng isang bagong paaralan, ang Ministerial Training School, para sa unang pagsasanay sa walang-asawang mga matatanda (elders) at ministeryal na mga lingkod. Lahat ay nagbigay ng pantanging pansin nang ipahayag ng chairman ang isa sa mga kahilingan para sa pag-aaral sa bagong paaralan: ang pagsang-ayon na “maglingkod kung saan nangangailangan sa pandaigdig na larangan.”
Masiglang palakpakan ang sumalubong sa balita tungkol sa bagong paaralang ito. (Higit pang detalye nito ang nasa susunod na artikulo.) Ang programa ay nagtapos sa pamamagitan ng awit at ng isang panalangin ng pasasalamat kay Jehova. Pagkatapos lahat ay naglabasan upang magsiuwi nang maulap na gabing iyon sa New Jersey. Medyo umaambon pa noon nang bahagya, ngunit hindi gaanong pinansin ng karamihan. Lahat ay nakikigalak pa sa ika-82 nagtapos na klase ng Gilead.
[Larawan sa pahina 26]
Mga Nagtapos sa ika-82 Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga numero ng mga hanay ay mula sa harap palikod, at ang mga pangalan ay nakatala mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Gish, L.; Evans, E.; Dean, S.; Hanson, R.; Suomalainen, A.; DuBose, D.
(2) Wallenberg, P.; Wallenberg, M.; Bauer, O.; Suomalainen, H.; Taylor, B.; DiStefano, G.
(3) Scott, K.; Evans, M.; Taylor, A., Jr.; Lindby, J.; Hanson, C.; Holmkvist, M.
(4) Sampson, T.; Gish, T.; Ball, D.; DuBose, J.; Dean, T.; Scott, D.