Magbubukas ng Isang Bagong Paaralan!
Taglay ng artikulong ito ang pinaka-buod ng pangkatapusang pahayag ng chairman sa graduwasyon ng ika-82 klase ng Gilead.
SAPOL nang pasimula nito noong Pebrero 1943, ang Watchtower Bible School of Gilead ay nakapagsanay na ng mahigit na 6,000 nag-alay na mga ministro ng mga Saksi ni Jehova para sa gawaing misyonero. Sa loob ng mahigit na 40 taon na ang mga misyonerong ito ay idinidestino, maraming mga lupain ang nabuksan upang tumanggap ng isang lubusang patotoo tungkol sa Kaharian. Sa paggunita sa naisagawa na ni Jehova, ang mga lingkod ng Diyos ay tiyak na nagagalak na makita ang katuparan ng isang kamangha-manghang hula.
Sa Isaias kabanata 49, talatang 9-12, inihula ng propeta ang pagpapalaya sa mga taong nakahilig sa katuwiran at mga nakabilanggo pa sa “Babilonyang Dakila.” Sa pamamagitan ng kaniyang pinahirang uring lingkod sa lupa, ang pag-uutos ni Jehova ay ipinahahatid: “Sabihin sa mga bilanggo, ‘Magsilabas kayo!’ sa mga nasa kadiliman, ‘Pakita kayo!’ Sila’y magsisikain sa mga daan . . . Sila’y hindi magugutom, o mauuhaw man, o mapapaso man ng matinding init o ng araw. Sapagkat Siyang may awa sa kanila ang papatnubay sa kanila, at sa tabi ng mga bukal ng tubig papatnubayan niya sila . . . Narito! Ang mga ito’y manggagaling sa malayo.” Mayroon bang nagsitugon? Oo, mayroon! Ang mga taong tapat-puso, daan-daang libo, ang nanggaling sa lahat ng direksiyon, nagpakita sa kanilang sarili na sila’y nagugutom sa katotohanan, at nagnanais na sila’y pakainin at maliwanagan ng Salita ng Diyos, at naghahangad na mapalaya sa espirituwal buhat sa “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 17:5) Ngayon sila ay nasa loob na ng makalupang sakop ng kaniyang organisasyong pang-Kaharian, at kumakain na ng saganang espirituwal na pagkain.
Katangi-tanging Pagsulong
Noong kalagitnaang-1940’s, ang mga lupain sa Latin Amerika at sa lugar ng Caribbean ang kabilang sa mga unang nakinabang sa mga misyonero ng Gilead. Kakaunti-kaunti ang mga mamamahayag sa mga lugar na ito, anupa’t nagharap ito ng tunay na hamon sa pagbibigay ng isang lubusang patotoo sa Kaharian. Halimbawa, ang Puerto Rico ay mayroong 25 lamang na mamamahayag noong 1944. Ang Costa Rica ay may 181. Ang Mexico ay may 2,431 mamamahayag noong 1944 nang dumating doon ang mga unang nagtapos sa Gilead. Subalit habang ang gutom-sa-katotohanang mga tao’y lumalabas sa relihiyosong kadiliman at nagpapakitang sila’y mga humahanap sa Kaharian ng Diyos, sila’y masigasig na nangaral, at ang iba’y nagpatala sa paglilingkurang payunir. Ang mga lalaki ay nagsikap na magkamit ng pananagutan. Ang resulta? Sa ngayon, ang Puerto Rico ay nag-ulat ng 21,943 aktibong mga ministro, makaapat na beses ang dami kaysa dami na aktibo sa 12 lupain na nag-uulat sa lugar ng Caribbean noong 1947. Mas marami ang mamamahayag ng Costa Rica ngayon kaysa 40 taon na ngayon ang lumipas sa buong Sentral Amerika. Noong Enero nang taon na ito, ang Mexico ay nag-ulat ng isang bagong pinakamataas na bilang na mahigit na 206,000 mamamahayag, na halos kasindami ng mga mamamahayag na nangangaral sa buong daigdig 40 taon na ngayon ang nakaraan.
Sa Timog Amerika ganiyan din ang nangyayari. Nang unang magpadala ng mga misyonero sa Argentina noong 1947, mayroon doon na 790 mamamahayag. Sa ngayon ay mayroong 63,613 aktibong mga ministro, 26 na beses ng dami ng nangangaral sa 12 iba’t ibang bansa sa Timog Amerika 40 taon na ang nakaraan. At kumusta naman ang Brazil? Nang ang unang mga misyonero ay ipadala roon noong 1945, mayroon lamang 394 na mamamahayag na nagsasagawa ng gawaing pagpapatotoo. Subalit sila’y nagtiyaga, at ang Brazil ay nakalampas na ngayon sa 200,000 mamamahayag. Iyan ay mahigit na 80 beses ng bilang ng mga aktibo sa buong Timog Amerika noong 1947. Ang mga ibang bansa sa kontinenteng iyan ay nag-ulat din ng natatanging mga pagsulong.
Kung babaling tayo sa Dulong Silangan, makikita na naman natin ang kahanga-hangang katibayan ng pagpapala ni Jehova samantalang pinapangyayari ng nagpapalayang mensahe ng katotohanan ng Kaharian na libu-libo ang lumabas buhat sa kadiliman. Nang ang mga unang misyonero ay idestino sa Hapón noong 1949, wawalu-walong mamamahayag ang nag-uulat. Sa walong mga lupain sa Asia na nag-uulat ng gawain 40 taon na ngayon ang nakalipas, mayroong kabuuang 475 aktibong mga ministro. Sa ngayon, sa Hapón lamang ay mayroong 116,272.
Sa Timog Pasipiko ay dadalawa lamang ang sangay hanggang noong 1959. Sa tulong ng mga mamamahayag na nanggaling sa Australia na lumipat upang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan, at sa pagsisikap ng mga ibang mamamahayag ng kongregasyon at ng mga ilang misyonero, libu-libong mga tao ang naparatingan ng mabuting balita sa iba’t ibang isla na kinaroroonan nila. Mayroon na ngayong anim na karagdagang mga sangay sa panig na iyan ng larangan.
Ang kasaysayan ng pag-unlad ng Aprika ay kapana-panabik din. Ang 17 bansa na nag-uulat noong 1947 ay may 24,896 na mamamahayag lahat-lahat. Ngunit sa pagtulong ng mga misyonero sa mabilis na pagpapalaganap ng mabuting balita, daan-daang libo ang di-nagtagal nagpakita na sila’y humahanap kay Jehova at sa kaniyang katuwiran. Sa ngayon, sa Nigeria lamang, humigit-kumulang 130,000 Saksi ang masigasig na nangangaral ng balita ng Kaharian.
Walang alinlangan na ang nagpapalayang Salitang katotohanan ni Jehova ang gumagawa niyaong kaniyang kinalulugdan. Ito’y nagkakaroon ng tiyak na tagumpay sa layunin na kaniyang pinagsuguan nito. (Isaias 55:10, 11) Ngayon na ang gayong malaking aanihin ay tinitipon, ang Salita ring iyan ang nagbibigay-katiyakan sa atin na magbabangon si Jehova ng higit pang sinanay na mga pastol. (Ihambing ang Jeremias 23:4.) Ang Lupong Tagapamahala ay lubhang palaisip tungkol sa lumalaking pangangailangan para sa kuwalipikadong mga lalaki na mangangalaga sa mga pananagutan sa larangan at gayundin sa iba’t ibang sangay ng Samahan. Gumawa na ng mga hakbang upang makatulong sa pagtatakip ng pangangailangang ito.
Ang Ministerial Training School
Kayong mga nagtapos sa ika-82 klase ng Gilead pati na lahat ng naririto para sa nakapagpapatibay na okasyong ito, ay magagalak kayo na malaman na sa taglagas ng 1987 isang bagong paaralan ang bubuksan. Itong Ministerial Training School na ito, gaya ng ipapangalan dito, ay magiging isang bahagi ng Watchtower Bible School of Gilead, kaya’t mga kapatid na lalaki buhat sa mga ibang lupain ang makapag-aaral. Ang unang klase ay inaasahan na magsisimula humigit-kumulang Oktubre 1 ng taóng ito sa siyudad ng Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A., ang unang-unang sentro ng Samahan sa maagang pag-unlad nito. Pagkatapos ng unang klase, iba pang mga klase ang gaganapin sa regular na mga pagitan sa iba’t ibang panig ng Estados Unidos.
Tiyakang mga kahilingan ng Kasulatan ang kailangang matugunan niyaong mga tatanggapin dito. Ang unang sasanayin ay ang wala pang asawang mga elder at wala pang asawang mga ministeryal na lingkod na nasa mabuting kalusugan. Kung ang iba ay mga payunir, lalong mabuti. Yaong mga aanyayahang magsanay sa paaralan ay kailangang handa na maglingkod, pagkatapos ng kanilang pagsasanay, saanman may pangangailangan sa pambuong-daigdig na larangan. Kakailanganin dito ang espiritu ni Isaias, na kusang naghandog ng kaniyang sarili, at nagsabi: “Narito ako! Suguin mo ako.” (Isaias 6:8) Kayong mga nagtapos sa ika-82 klaseng ito, pati ng mga misyonerong naglilingkod na sa mahigit na isang daang lupain, ay makaaasang sa takdang panahon makakasama ninyo ang ibang sinanay na mga kapatid na lalaki na gagawang kaisa ninyo.
Isang bagung-bagong kurikulum ang inihanda para sa Ministerial Training School. Ang paaralang ito ay itinatag para sa layunin na sanayin ang kuwalipikadong mga kapatid na lalaki na nagkaroon na ng kaunting karanasan sa organisasyon bilang mga elder o mga ministeryal na lingkod sa kongregasyon.
Kailangan ang Pagsulong
Pagkatapos ng kapistahang araw ng Pentecostes noong 33 C.E., ang kongregasyong Kristiyano ay totoong masigasig ng pangangaral ng mabuting balita sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at pagkatapos, nang maglaon, sa lalong malalayong panig ng lupa. (Gawa 1:8) Humigit-kumulang noong taóng 60 C.E. si apostol Pablo, na nanguna sa mga gawain na pagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga bansa, ay sumulat sa mga taga-Colosas, na ang sabi: “Ang pag-asang ito’y nabalitaan na ninyo nang ibalita ang katotohanan ng mabuting balitang iyon na ipinangaral sa inyo, kung paanong ito ay nagbubunga at lumalago sa buong sanlibutan.” Pagkatapos, kaniyang idinagdag na yaong mga kapananampalatayang iyon ay ‘hindi dapat mapahiwalay sa pag-asang dulot ng mabuting balitang iyon na kanilang narinig, at ipinangaral sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.’—Colosas 1:5, 6, 23.
Sa maikling panahon lamang, napalaganap ng mga sinaunang Kristiyano ang mabuting balita. Si Jehova ang nagbigay ng pagsulong, at ang bilang ng mga alagad ay lubhang dumami. Kaya kinailangan ang higit pang kuwalipikadong mga lalaki upang magturo sa kongregasyon at magpastol sa kawan. Isa sa mga kabataang tagapangasiwa na naatangan ng gayong pananagutan ay si Timoteo. Ano ba ang ipinayo ni apostol Pablo na gawin ni Timoteo? Siya’y hindi dapat maglubay sa kaniyang pagsasanay: “Kung ipaaalaala mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting ministro ni Kristo Jesus, na kinandili sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na sinusunod mo . . . Magsanay ka na ang pakay ay maka-Diyos na debosyon.” (1 Timoteo 4:6-8) Ito’y lalong higit na mahalaga kaysa pagbubuhos ng atensiyon sa isang personal na interes o gawain, kasali na kahit ang pag-eehersisyo at pagsasanay ng katawan. Upang lubusang maganap niya ang kaniyang ministeryo, kailangang bigyang pansin ni Timoteo ang kaniyang sarili at ang kaniyang turo.
Kayong mga nagtapos sa klaseng ito ng Gilead ay sinanay para sa inyong pagmimisyonero. Mainam na mga espirituwal na kaloob ang ibinigay sa inyo ng mga tagapangasiwa na kuwalipikadong magturo. Ngayon ay may nakalaang higit pang mainam na programa sa pagtuturo para sa kuwalipikadong mga lalaki na mayroong ilang karanasan sa pag-aasikaso sa pangkongregasyong pananagutan. Sila’y sasanayin na ang pakay ay maka-Diyos na debosyon, na tutulong sa kanila upang makapanatiling may tamang pangmalas at magsasangkap sa kanila upang mapatuon ang kanilang pansin na tungkol doo’y sumulat si Pablo kay Timoteo: “Huwag hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan. Kundi, ikaw ay maging halimbawa sa nagsisisampalataya, sa pagsasalita, sa ugali, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisang puri. . . . Patuloy na gawin mo ang pangmadlang pagbabasa, pagbibigay ng pangaral, pagtuturo. Bulay-bulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito, upang ang iyong pagsulong ay mahalata ng lahat ng tao.”—1 Timoteo 4:12, 13, 15.
Tulad ni Timoteo, tantuin ng mga kapatid na hinirang na nagkaroon ng pananagutan sa kongregasyon ngayon, kasali na ang nakababatang mga lalaki, na ito ay isang angkop at apurahang panahon upang ipakilala nila ang kanilang pagsulong. Sa paggawa ng gayon, kanilang taus-pusong patutunayan na sila’y nakakaabot sa mga banal na pamantayan at mayroon silang tunay na saloobin na asikasuhin ang espirituwal na mga kapakanan, sa gayo’y nagiging kuwalipikado para sa higit pang mga pribilehiyo sa paglilingkod.—Filipos 2:20, 21.
Dahilan sa pangangailangan na umiiral sa yugtong ito ng katuparan ng layunin ng Diyos, isang pribilehiyo ang ikaw ay magamit ni Jehova saanman sa loob ng kaniyang organisasyon. Anong laki ng ating pasasalamat sa kaniya bilang ating Dakilang Pastol at sa Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, para sa bago, napapanahong pang-organisasyong paglalaang ito, ang Ministerial Training School!