Ang Aktibong Pangunguna Ngayon ni Kristo
“Ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—MATEO 28:20.
1. Sa paano ipinagkatiwala ni Kristo ang kaniyang “ari-arian” sa kaniyang mga alagad?
NANG malapit na malapit nang lisanin ni Kristo ang kaniyang mga alagad at magbalik sa langit noong 33 C.E., kaniyang “ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga ari-arian.” Ito’y nag-atas sa kanila ng pagiging “mga embahador na kumakatawan kay Kristo” at ipinagpapatuloy ang gawaing pangangaral na kaniyang pinasimulan, anupa’t pinalalawak iyon hanggang sa “kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” Bago siya lumisan sa kanila, kaniyang itinagubilin sa kanila na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa.” Mayroon ba tayong ebidensiya na siya’y nagbigay-pansin sa kung paano nila isinagawa ang tagubiling ito sa kanila? Oo mayroon tayo!—Mateo 25:14; 2 Corinto 5:20; Gawa 1:8; Mateo 28:19.
2. Ano ang nagpapakita na si Kristo ay maingat na sumusubaybay sa mga gawain ng mga kongregasyon noong unang siglo?
2 Mahigit na 60 taon pagkatapos na umakyat si Kristo sa langit, kaniyang ipinakita na sinusubaybayan niyang mabuti ang mga gawain ng mga kongregasyong Kristiyano sa lupa. Sa pahayag na ibinigay kay apostol Juan, na isang miyembro ng lupong tagapamahala noong unang siglo, nagpadala si Jesu-Kristo ng mga mensahe sa pitong kongregasyon na nasa Asia Minor. Sa lima sa mga ito ay sinabi niya: “Alam ko ang inyong mga gawa.” At kaniyang ipinakita na alam na alam niya ang nangyayari sa dalawa pang kongregasyon, ang Smirna at Pergamo. Siya’y nagbigay ng espisipikong pampatibay-loob at payo sa bawat kongregasyon. Walang alinlangan sa kanilang mga pag-iisip tungkol sa kung sino nga ang kanilang aktibong Lider.—Apocalipsis 1:11; 2:1–3:22.
3. Kanino talagang nauukol ang pitong mensahe, at ano ang nagpapatunay nito?
3 Sa aktuwal, ang pitong mensaheng iyon ay hindi limitado ang katuparan sa pitong kongregasyon sa Asia. Ang mainam na payo at ang mga babala na taglay nito ay nauukol sa lahat ng kongregasyon, mula noong unang siglo hanggang sa “araw ng Panginoon,” na kinaroroonan natin ngayon.a Ang mga mata ni Kristo, na inihahambing sa “ningas ng apoy,” ay patuloy na nagmamasid sa nangyayari sa loob ng “lahat ng kongregasyon.”—Apocalipsis 1:10; 2:18, 23.
Ang Panginoon at ang Kaniyang Alipin
4. Paano ‘naparoon sa ibang lupain’ si Kristo at saka bumalik “pagkatapos ng mahabang panahon”?
4 Pagkatapos na ihambing ang kaniyang sarili sa “isang tao, na nang paroroon na sa ibang lupain, [ay] tinawag niya ang kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga ari-arian,” ay sinabi pa ni Kristo: “Pagkatapos ng mahabang panahon ay dumating ang panginoon ng mga aliping yaon at nakipagtuos sa kanila.” (Mateo 25:14, 19) Noong 33 C.E. si Kristo ay “umakyat sa langit,” na kung saan siya ay naupo “sa kanan ng Diyos.” (1 Pedro 3:22) “Pagkatapos ng mahabang panahon,” nang siya’y mailuklok na noong 1914, si Kristo ay nagsimulang ‘manupil sa gitna ng kaniyang mga kaaway’ sa pamamagitan ng paghahagis dito sa lupa kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo. (Awit 110:1, 2; Apocalipsis 12:7-9) Pagkatapos ay ibinaling niya ang kaniyang pansin sa kaniyang mga alipin. Sumapit na ang panahon para makipagtuos sa kanila. Higit kaysa kailanman, siya ang kanilang aktibong Lider.
5. Kailan dumating ang panahon ng pagtutuos, at paano ginanti ang mga tapat?
5 Ang modernong kasaysayan ng bayan ng Diyos ay nagpapakita na ang panahong ito ng pakikipagtuos ay dumating noong 1918-19. Ang talinghaga ng mga talento ay nagpapakita kung paano makikipagtuos ang Panginoon sa nalabi ng kaniyang pinahirang mga alipin. Sila’y kailangang magsulit isa-isa tungkol sa kung paano nila ginamit ang kaniyang mga ari-arian, “bawat isa’y ayon sa kaniyang sariling kakayahan,” o espirituwal na mga posibilidad. Yaong mga nagpalago ng ari-arian ay pumasok sa kagalakan ng kanilang Panginoon, na nagsabi sa kanila: “Nagtapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay.”—Mateo 25:15, 20-23.
6. Bumuo ng ano bilang isang grupo ang gayong tapat na pinahirang mga Kristiyano, at ano ang ipinagkatiwala sa kanila ng kanilang Panginoon?
6 Ang gayong indibiduwal na pinahirang mga Kristiyano ay nasumpungan na tapat na mga embahador ng ngayo’y nagpupunong Hari, na handang gumawa ng mga alagad para sa kanilang Panginoon. Bilang isang grupo sila’y nasumpungan na siyang “alipin” na tungkol sa kanila’y sinabi ng Panginoon: “Sino nga baga ang tapat at maingat na alipin na hinirang ng kaniyang panginoon sa kaniyang sambahayan, upang bigyan sila ng pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung pagdating ng kaniyang panginoon ay maratnan siyang ganoon ang ginagawa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kaniyang hihirangin siya na mangasiwa sa lahat ng kaniyang ari-arian.”—Mateo 24:45-47.
7. (a) Paanong higit na dumami ang “ari-arian” ni Kristo sapol noong 1914? (b) Ano ang nagpapakita na si Kristo ay siya ring aktibong Lider ng “mga ibang tupa”?
7 Ang “ari-arian” ni Kristo ay higit na dumami sapol noong 1914. Siya’y sinangkapan ng “kapangyarihang maghari,” may kinalaman sa dinagdagang awtoridad at lalong malalaking responsabilidad. (Lucas 19:11, 12) Una muna’y tinipon niya ang nalalabi pa sa “mga anak ng kaharian,” ang 144,000 pinahirang mga Kristiyano na “binili buhat sa sangkatauhan” upang maging mga hari at mga saserdote na makakasama niya sa langit. (Mateo 13:38; Apocalipsis 14:1-4; 5:9, 10) Pagkatapos, gaya ng makikita sapol noong 1935, kaniyang tinitipon ang “isang malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” na tungkol sa kanila’y sinabi niya: “Sila’y kailangan din namang dalhin ko.” (Apocalipsis 7:9, 10; Juan 10:16) Oo, siya ang Isang nagdadala upang matipon ang “mga tupa” na ito, at siya ang nagiging aktibong Lider. Kapuna-puna, ang tekstong Griego’y literal na nangangahulugan, “At yaong kinakailangan [para sa] akin na pangunahan.” Papaano siya masiglang nangunguna sa lahat ng kaniyang “mga tupa” sa ngayon?
Mga Tagapangasiwa sa Kanan ni Kristo
8, 9. (a) Anong pangitain ang tinanggap ni apostol Juan? (b) Ano ang inilarawan ng pitong kandelero at ng pitong bituin?
8 Si apostol Juan, isang miyembro ng lupong tagapamahala ng sinaunang kongregasyong Kristiyano, ay tumanggap ng isang pangitain na kung saan kaniyang “nakita ang pitong kandelerong ginto, at sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang anak ng tao . . . At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin.” Ipinaliwanag ni Jesu-Kristo kay Juan: “Ang banal na lihim ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ang pitong kandelerong ginto: Ang pitong bituin ay nangangahulugan ng mga anghel ng pitong kongregasyon, at ang pitong kandelero ay nangangahulugan ng pitong kongregasyon.”—Apocalipsis 1:12-20.
9 Bilang komento sa talatang ito, ang aklat na “Then Is Finished the Mystery of God” ay nagsasabi: “Ang gayon bang ‘mga anghel’ ay di-nakikita? Hindi. Tinanggap ni apostol Juan ang buong Apocalipsis buhat kay Jesu-Kristo sa pamamagitan ng isang makalangit na anghel, at magiging di-makatuwiran para sa kaniya na sumulat naman sa mga anghel sa langit, sa isang dakong di-nakikita. Hindi nila kailangan ang mga mensahe na isinulat sa pitong kongregasyon sa Asia. Ang saligang kahulugan ng titulong ‘anghel’ ay ‘mensahero; tagadala ng mensahe.’ . . . Yamang ang pitong simbolikong mga bituing ito ay nakita na nasa kanang kamay ni Jesus, sila’y nasa kaniyang pangangalaga at kargo at nasa ilalim ng kaniyang pangangasiwa, yamang ang kaniyang ‘kanang kamay’ ng ginagamit na kapangyarihan ay nakakapagdirekta at nakakaprotekta sa kanila. . . . Kung paanong ang ‘pitong kandelero’ na nakita sa pangitain noong ‘araw ng Panginoon’ ay lumalarawan sa lahat ng tunay na mga kongregasyong Kristiyano sa kasalukuyan, tunay na ‘araw ng Panginoon’ na ito sapol noong 1914 C.E., gayundin ang ‘pitong bituin’ ay sumasagisag sa lahat ng inianak-sa-espiritu, pinahirang tulad-anghel na mga tagapangasiwa ng gayong mga kongregasyon sa ngayon.”b—Pahina 102-4.
10. Anong karagdagang “ari-arian” ang ipinagkatiwala sa alipin?
10 Ang mga pinahirang tagapangasiwang ito sa kanang kamay ni Kristo ay pawang bahagi ng grupong kumakatawan sa “alipin” na Kaniyang hinirang na mangasiwa “sa lahat ng kaniyang ari-arian.” Dahil sa mismong ang Panginoon ng alipin ay binigyan ng lalong malawak na mga responsabilidad sapol noong 1914, “lahat ng kaniyang ari-arian” ay binubuo ng higit na maraming bagay para sa alipin kaysa noong nakaraan. Unang-una, bilang “mga embahador na kumakatawan kay Kristo,” ang nalabi ay mga embahador ngayon ng isang nagpupunong Hari sa isang natatag nang Kaharian. (2 Corinto 5:20) Sila’y inilagay na mga tagapangasiwa sa lahat ng espirituwal na mga bagay na pag-aari ng Panginoon sa lupa. Sila’y kailangang maglingkod bilang katuparan ng mga hula na natutupad sapol nang itatag ang Kaharian. Kasali na rito ang pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian . . . sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo.” (Mateo 24:14) Higit kailanman, sila’y kailangang gumawa ng “mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa,” sa ganoo’y tinitipon ang walang bilang na “malaking pulutong.” (Mateo 28:19, 20; Apocalipsis 7:9) Oo, ang “kanais-nais na mga bagay ng lahat ng mga bansa” ay isang bahagi ng naragdagang “ari-arian” ni Kristo sa lupa.—Hagai 2:7.
11. (a) Ano ang kailangan dahil sa naragdagang “ari-arian” na ito? (b) Sino ang nangangasiwa sa gawain, at paano?
11 Lahat na ito ay nangangahulugan ng higit pang gawain para sa grupong “alipin,” isang lalong malawak na larangan ng mga gawain, na literal na umaabot sa “buong tinatahanang lupa.” Nangangailangan din ito ng lalong malalaking punung-tanggapan at mga pasilidad ng sangay para sa pamamanihala ng gawain at sa paglimbag at pamamahagi ng literatura para sa pangangaral at personal na pag-aaral. Tulad din noong unang siglo, ang gawaing ito ay isinasagawa sa ilalim ng aktibong pangunguna ni Jesu-Kristo, na makasagisag na “nasa gitna ng mga kandelero,” o mga kongregasyon. Kaniyang pinangangasiwaan ang mga ito sa pamamagitan ng pinahirang mga tagapangasiwa, na kaniyang hinahawakan sa makasagisag na paraan “sa kaniyang kanang kamay.” (Apocalipsis 1:13, 16) Tulad noong mga sinaunang panahong Kristiyano, ang isang grupo ng mga pinahirang tagapangasiwang ito ang bumubuo ng nakikitang Lupong Tagapamahala ng kongregasyon ni Kristo sa lupa. Ang kaniyang “kanang kamay” ng ginagamit na kapangyarihan ang umaakay sa tapat na mga lalaking ito samantalang kanilang pinangangasiwaan ang gawaing pang-Kaharian.
Sa Pamamagitan ng Espiritu
12, 13. (a) Dahilan sa mabilis na pagdami, anong tanong ang bumabangon? (b) Paano ginagamit ni Kristo ang espiritu upang masapatan ang pangangailangan para sa mga tagapangasiwa sa gitna ng kaniyang mga alagad sa lupa?
12 Ngayon na ang “mga ibang tupa” ay may bilang na mahigit na tatlong milyon, na organisado sa humigit-kumulang 52,000 kongregasyon, maliwanag na ang pinahirang nalabi ay nangangailangan ng tulong sa pangangalaga sa makalupang mga ari-arian ng Panginoon. Wala pang 9,000, kasali na ang maraming mga kapatid na babae, ay nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal, kaya’t wala kahit isang pinahirang tagapangasiwa para sa bawat kongregasyon. Ito ba ay nangangahulugan na si Jesu-Kristo ay hindi siyang may kapamahalaan sa mga kongregasyon kung saan doo’y walang inianak-sa-espiritung “anghel,” o ‘bituin’?
13 Hindi naman! Gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, noong unang siglo ay aktibong nanguna si Kristo sa kaniyang kongregasyon sa pamamagitan ng banal na espiritu. Sa ngayon ay ginagamit niya ang inianak-sa-espiritung mga miyembro ng Lupong Tagapamahala upang humirang ng mga tagapangasiwa na pinili buhat sa “mga ibang tupa.” Ang mga ito’y kailangang makatugon sa ganoon ding mga kahilingan na hinihiling sa pinahirang mga matatanda, ayon sa ibinalangkas sa mga teksto sa Kasulatan na gaya ng 1 Timoteo 3:1-7 at Tito 1:5-9. Ang mga kuwalipikasyong ito sa Kasulatan ay isinulat sa ilalim ng pangangasiwa ng banal na espiritu. Ang mga rekomendasyon at mga paghirang ay ginagawa pagkatapos ng panalangin at sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu. Sa gayong matatanda na di-pinahiran ay kumakapit din nang may katumbas na puwersa ang payo ni Pablo: “Asikasuhin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila’y hinirang kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa.”—Gawa 20:28.
14. (a) Paanong ang hula na ang Isaias 32:1, 2 ay natutupad na? (b) Paanong lahat ng matatanda ay kailangang pasakop sa “kanang kamay” ni Kristo?
14 Kaya naman, sa libu-libong mga kongregasyon, ginagamit ng matuwid na nagpupunong Haring si Jesu-Kristo ang “mga ibang tupa” bilang “mga prinsipe” upang magbigay ng proteksiyon sa kaniyang “mga tupa” buhat sa espirituwal na hangin, bagyo, at tagtuyot. (Isaias 32:1, 2) Tulad ni David noong sinaunang panahon, ang mga matatanda, sila man ay pinahiran o “mga ibang tupa,” ay nananalangin kay Jehova: “Ang iyong espiritu ay mabuti; akayin nawa ako nito sa lupain ng katuwiran.” (Awit 143:10) At dinidinig ni Jehova ang kanilang panalangin. Sa pamamagitan ng kaniyang Anak, Kaniyang pinagkakalooban sila ng Kaniyang espiritu, at ginagamit ni Jesus ang ganitong paraan upang aktibong mapangunahan ang kaniyang mga alagad sa lupa. Natural, lahat ng matatanda ay kailangang magpasakop sa “kanang kamay” ni Kristo ng kapangyarihan, patnubay, at pangangasiwa, na kaniyang ginagamit sa pamamagitan ng espiritu at ng inianak-sa-espiritung mga miyembro ng Lupong Tagapamahala.
Sa Pamamagitan ng mga Anghel
15. Ano pang ibang mga kaparaanan ang magagamit ni Kristo upang aktibong pangunahan ang kaniyang mga alagad sa lupa?
15 Sa naunang artikulo ay binanggit na gumamit ng mga anghel noong unang siglo upang akayin at iligtas ang mga sinaunang Kristiyano at tulungan sila sa kanilang gawaing pangangaral. Magiging makatuwiran ba na isipin na ang ating nagpupunong Haring si Jesu-Kristo ay hindi na gumagamit ng mga anghel sa aktibong pangunguna sa kaniyang mga alagad ngayon? Ito’y hindi lamang magiging di-makatuwiran kundi magiging hindi rin naman naaayon sa Kasulatan.
16, 17. Anong patotoo mayroon tayo na ginagamit ni Kristo ang mga anghel sa pag-aani sa “mga anak ng kaharian” at sa pagtitipon sa “mga ibang tupa”?
16 Sang-ayon sa talinghaga ni Jesus ng trigo at ng mga damong pansira, ang panahon ng pag-aani ay darating sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” na nagsimula noong 1914. Sa panahon ng pag-aani, “ang mga anak ng kaharian” ay ihihiwalay sa “mga anak ng balakyot.” Sino ang gagamitin ng Panginoon upang gumawa ng pag-aani? “Ang mga mang-aani ay ang mga anghel.” Isinusog pa ni Kristo: “Susuguin ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nakapagpapatisod at ang mga nagsisigawa ng katampalasanan.” (Mateo 13:37-41) Ginagamit ni Kristo ang mga anghel upang magbigay ng proteksiyon sa kaniyang mga kapatid sa lupa.
17 Ngunit kumusta naman ang “mga ibang tupa”? Si Kristo ba ay gumagamit ng mga anghel upang tipunin sila? Tiyak iyan! Ang talinghaga niya ng mga tupa at ng mga kambing ay nagsasabi: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao’y pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing.” (Mateo 25:31, 32) Ginagamit ni Kristo ang kaniyang mga anghel sa gawaing pagbubukud-bukod na ito. Kung paanong isang anghel ang umakay sa mga hakbang ni Felipe patungo sa bating na Etiope, ganoon din na maraming ebidensiya sa ngayon na ginagamit ni Kristo ang kaniyang mga anghel upang akayin ang mga hakbang ng kaniyang mga Saksi patungo sa mga taong tulad-tupa. Maraming tao ang nagpatunay sa bagay na sila’y nananalangin noon at humihingi ng tulong mga ilang saglit bago ang isang Saksi’y tumuktok sa kanilang pintuan.—Gawa 8:26, 27.
Lubos na Pagtitiwala sa Pangangasiwa ni Kristo
18, 19. Salig sa nangyari noong unang siglo, sa anong bagay tayo nagtitiwala?
18 Noong unang siglo, ang mga kalagayan ay hindi laging nagpapangyari na gamitin ni Kristo ang lupong tagapamahala sa Jerusalem upang lutasin ang isang espisipikong problema. Nang si Pablo’y mapabukod sa hilagang Asia Minor at kinailangan na malaman niya kung aling teritoryo ang susunod na gagawin, si Kristo ay kumilos sa pamamagitan ng espiritu. (Gawa 16:6-10) Sa ngayon ang mga Saksi ni Jehova ay may pagtitiwala na ang alinman sa kanilang mga kapatid na pansamantalang napahiwalay sa Lupong Tagapamahala dahilan sa pag-uusig ay nasa ilalim pa rin ng aktibong pangunguna ni Kristo, sa pamamagitan ng espiritu at ng alalay ng mga anghel.
19 Noong sinaunang mga panahong Kristiyano, ang mga ilang disisyon na ginawa ng lupong tagapamahala ay maaaring mahirap na maunawaan noong panahong iyon. Marahil ay ito ang nangyari nang si Pablo ay pabalikin sa Tarso o nang siya’y suguin sa templo pagkatapos ng kaniyang ikatlong paglalakbay misyonero. (Gawa 9:30; 21:23-25) Gayunman, si Kristo ay aktuwal na nasa likod ng gayong mga disisyon. (Gawa 22:17-21; 23:11) Sa ngayon ay makapagtitiwala tayo na anuman ang ipahintulot ni Kristo na mangyari sa kaniyang mga alagad sa lupa ay may dakilang layunin, gaya rin noong unang siglo.
20. Sa ano tayo kumbinsido, at sa ano tayo disidido?
20 Kung gayon, pagka ating nabasa sa Bibliya na si Kristo “ang ulo ng katawan, ang kongregasyon,” tayo’y kumbinsido na siya’y hindi isang Ulo sa pangalan lamang. (Colosas 1:18) Batid natin, buhat sa karanasan, na siya’y isang tunay, na aktibong Ulo. Pagka ating binasa ang aklat ng Mga Gawa at nakita kung paano pinangasiwaan ni Kristo ang mga bagay-bagay sa mga sinaunang Kristiyano, makikita natin na ang ganoon ding paraan ang ginagamit niya ngayon. Nakikita natin ang ebidensiya ng paggamit ni Kristo ng banal na espiritu, ng mga anghel, at ng “tapat at maingat na alipin” at ng Lupong Tagapamahala nito, sa paghirang sa kuwalipikado sa espirituwal na mga matatanda. Palibhasa’y may pagtitiwala tayo sa aktibong pangangasiwa ni Kristo sa mga bagay-bagay, tayo’y disidido na magpatuloy na “salitain ang katotohanan” at lumago sa pag-ibig “sa lahat ng bagay sa kaniya na siyang ulo, si Kristo.”—Efeso 4:15.
[Mga talababa]
a Para sa hustong paliwanag tungkol sa pitong mensaheng ito at kung kanino nauukol ito, tingnan ang aklat na “Then Is Finished the Mystery of God,” kabanata 7 hanggang 14, na lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Ang labas ng The Watchtower ng Disyembre 15, 1971, ang nagbigay ng higit pang paliwanag tungkol dito, at ang sabi: “Tiyak, hindi isang indibiduwal na matanda, presbitero, tagapangasiwa o pastol, kundi ang buong ‘lupon ng matatanda’ ang tinukoy ng niluwalhating Panginoon, si Jesu-Kristo, na ang ‘anghel’ na isinagisag ng isang makalangit na bituin. . . . Ang ‘lupon ng matatanda’ (o presbiteryo) doon sa Efeso ay kailangang kumilos na gaya ng isang bituin sa pagbibigay ng makalangit, na espirituwal na liwanag sa kongregasyon na doon sila ginawa ng banal na espiritu na mga pastol.”
Mga Pangunahing Punto na Dapat Sariwain
◻ Ano ang patotoo na maingat na sinubaybayan ni Kristo ang mga gawain ng mga kongregasyon noong unang siglo?
◻ Sino ang hinirang ni Kristo upang mangasiwa sa lahat ng kaniyang “ari-arian,” at kasali na rito ang ano?
◻ Sino ang isinasagisag ng pitong bituin sa kanang kamay ni Kristo?
◻ Paano ginagamit ni Kristo ang banal na espiritu, ang mga anghel, at ang pinahirang Lupong Tagapamahala sa pangunguna sa kaniyang kongregasyon ngayon?
◻ Bakit tayo lubos na makapagtitiwala sa pangangasiwa ni Kristo sa mga bagay-bagay ngayon?
[Kahon sa pahina 20]
Ang mga pagsubok na dumarating dahilan sa mga digmaan, rebolusyon o tahasang pag-uusig at opisyal na mga pagbabawal ay maaaring magpahinto sa ating pagsambang Kristiyano sa pagsasagawa nito sa isang lubusang organisadong paraan. Baka may bumangong mga kalagayan na anupa’t imposibleng ganapin ang mga pulong ng malalaking kongregasyon. Ang pakikipagtalastasan sa tanggapang sangay ay maaaring pansamantalang mapahinto. Ang mga pagdalaw ng mga tagapangasiwa ng sirkito ay maaaring pansamantalang matigil. Baka hindi dumating ang mga bagong publikasyon. Kung mangyari sa iyo ang alinman sa mga bagay na ito, ano ang dapat mong gawin?
Ang sagot ay: Sa ilalim ng umiiral na mga kalagayan, gawin ang anumang maaari mong gawin, at hangga’t magagawa mo, ayon sa paraan ng dalisay na pagsamba. Posible ang personal na pag-aaral. Kadalasan ang maliliit na grupo ng mga kapatid ay maaaring magtipon para mag-aral sa mga tahanan. Ang mga publikasyon na pinag-aralan noong nakaraan at ang Bibliya mismo ay maaaring gamitin para sa mga pulong. Huwag kayong labis na mababahala o mababalisa. Karaniwan, hindi nagtatagal at naibabalik ang pakikipagtalastasan sa responsableng mga kapatid. Ang Lupong Tagapamahala ay humahanap ng mga paraan upang makipagtalastasan sa mga kapatid.
Subalit kahit na ikaw ay mapahiwalay sa lahat ng iyong mga kapatid na Kristiyano, laging isaisip na ikaw ay hindi napapahiwalay kay Jehova at sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo.—Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, pahina 168.
[Larawan sa pahina 17]
Si Kristo ay makasagisag na nasa gitna ng mga kongregasyon, hawak ang mga tagapangasiwa sa kaniyang kanang kamay