Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 9/1 p. 4-6
  • Espiritismo—Paano ba Ito Minamalas ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Espiritismo—Paano ba Ito Minamalas ng Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Panghuhula, Panliligalig, at Kamatayan
  • Ang Espiritismo at “ang mga Gawa ng Laman”
  • Ang Espiritismo ay Umaakay Tungo sa Kamatayan
  • Makinig sa Babala ni Isaias
  • Namamalaging mga Pakinabang
  • Espiritismo—Bakit Dumarami ang Interesado Rito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Bakit Malaganap ang Interes sa Espiritismo?
    Gumising!—2000
  • Labanan ang Balakyot na mga Puwersang Espiritu
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Kung Bakit Dapat Kang Mag-ingat sa Espiritismo
    Gumising!—2008
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 9/1 p. 4-6

Espiritismo​—Paano ba Ito Minamalas ng Diyos?

“ANG paggusto at hindi paggusto sa pare-parehong mga bagay, ito ang nagpapatatag sa pagkakaibigan,” ang sabi ng historiyador Romanong si Sallust. Oo, ang kaibigan ay isa na kapareho mo sa maraming bagay, isa na mapagtitiwalaan mo. Gayundin, tayo’y minamalas ng Diyos bilang mga kaibigan at pinapayagan tayo na lalong higit na lumapit sa kaniya kung gusto natin at hindi natin gusto ang kaparehong mga bagay na gusto niya at hindi niya gusto. Ito’y nangangahulugan na tayo’y naaakit sa mga katangian ng Diyos na tulad ng pag-ibig, kapayapaan, kabaitan, at kabutihan, at tayo’y taimtim na nagsisikap na sa ating buhay ay tularan ang mga katangiang ito.​—Galacia 5:22, 23.

Upang malaman kung may pagsang-ayon ang Diyos sa espiritismo, una muna’y suriin natin ang bunga nito. (Mateo 7:17, 18) Tumutulong ba iyon sa atin na mapaunlad ang kaakit-akit na mga katangian ng Diyos? Upang malaman ito, tingnan natin ang dalawang mga halimbawa sa tunay na buhay.

Panghuhula, Panliligalig, at Kamatayan

Si Asamaja Amelia, isang babaing nasa katanghaliang-edad sa Suriname, ay 17 anyos nang siya’y unang mapasangkot sa divination (panghuhula), isang anyo ng espiritismo. Yamang ang kaniyang mga inihula ay nagkatotoo at nakinabang naman sa kaniyang payo ang mga nagpahula, siya’y lubhang kinaaalang-alanganan sa kaniyang pamayanan. (Ihambing ang Gawa 16:16.) Subalit isang bagay ang nakabalisa sa kaniya.

“Ang mga espiritu na nagsalita sa pamamagitan ko ay mababait sa mga nagpatulong sa kanila,” aniya, “pero kasabay nito ay ginawa nilang miserable ang aking buhay. Pagkatapos ng bawat sesyon, para bang ako’y ginulpe at halos hindi ako makakilos. Pagdating ng gabi, inaasahan kong ako’y makapagpapahinga, subalit hindi ako hiniwalayan ng mga espiritu. Patuloy na inistorbo nila ako, kinakausap ako at pinananatiling gising ako. At anong pangit ng mga bagay na kanilang sinabi!” Siya’y nagbuntong-hininga at tumitig sa ibaba, at umiling-iling na parang nandidiri. “Mahilig silang makipag-usap tungkol sa sekso at iginiit nila na makipagtalik sa akin. Nakagigitla. Ako’y may asawa. Hindi ko gustong ako’y maging taksil sa asawa at sinabi ko iyon sa kanila. Hindi iyon nakatulong. Minsan isang di-nakikitang puwersa ang dumaig sa akin, hinipuan ako at pinisil ang aking katawan, at kinagat pa ako. Nadama kong ako’y kahabag-habag.”

‘Mga espiritong nanghihikayat sa imoralidad sa sekso? Malayong mangyari iyan!’ marahil ay ibubulalas mo. Ganiyan nga kaya kaimbi ang mga espiritung iyon?

“Masahol pa riyan!” ang sabi ni Izaak, na binanggit kanina. “Isang gabi kami ay sinundo upang tumulong sa isang babaing maysakit na pineperhuwisyo ng isang espiritu. Ang lider ng grupo​—ang medyum ng isang lalong malakas na espiritu​—ay nagsikap na itaboy ang espiritu. Sa buong maghapon ay nakiusap kami na tulungan ng kaniyang espiritu. Kami’y nagsayaw at tinugtog namin ang mga tambol, at unti-unting bumuti ang kalagayan ng babae. Ang nasabing lider ng grupo ay nag-utos na lumabas ang espiritu ng babae, at ito’y umubra. ‘Natamo natin ang tagumpay,’ ang may ngiting sabi ng lider. Pagkatapos ay umupo kami at namahinga.”

Ang kumukumpas na mga bisig ni Izaak ay namahinga sandali habang siya’y pansamantalang huminto na may ibig sabihin. Pagkatapos ay nagpatuloy siya: “Sandali na parang maayos naman ang lahat, subalit isang tili ang bumasag ng katahimikan. Kami’y nagdudumaling naparoon sa bahay na pinagmulan niyaon at nakita namin ang maybahay ng lider. Siya’y nagpapanangis. Sa loob ng bahay, aming natagpuan ang kaniyang munting anak na babae​—na ang ulo’y nakaharap sa may likod niya! May puwersa na pumilipit at bumali ng kaniyang leeg, at pinatay siya na tulad ng isang manok​—marahil, naghiganti ang pinalabas na espiritung iyon. Nakaririmarim! Ang mga espiritung iyon ay sadistikong mga mamamatay-tao.”

Ang Espiritismo at “ang mga Gawa ng Laman”

Ang mga gawang karumihan, ang seksuwal na imoralidad, at ang pagpatay​—gaya ng karanasan sa espiritismo na binanggit ng dalawa​—ay mga gawang tuwirang salungat sa personalidad ng Diyos. At iyan ay tumutulong upang makilala kung sinong talaga ang mga espiritung iyon. Baka sila ay magkunwaring mga mensahero ng Diyos, ngunit ang kanilang imoral at makamamamatay-taong mga gawa ay nagpapakilalang sila’y mga tagatulad sa kaaway ng Diyos at sa unang mamamatay-tao ng kasaysayan, si Satanas na Diyablo. (Juan 8:44) Siya ang kanilang lider. Sila ang kaniyang mga katulong​—mga balakyot na anghel, o mga demonyo.​—Lucas 11:15-20.

Ngunit marahil ay itatanong mo: ‘Ang mga maka-Satanas na ugaling ito ay makikita ba sa espiritismo sa pambihirang mga okasyon lamang? Masasabi bang ang espiritismo ay maglalagay sa atin sa kaugnayan sa mabubuting espiritu na makatutulong upang ako’y lalong mapalapit sa Diyos?’ Hindi, sa Bibliya ay binabanggit ang “pamimihasa sa espiritismo” na kaagapay ng iba pang “mga gawa ng laman” na tuwirang salungat sa mga katangiang Kristiyano.​—Galacia 5:19-21.

Sa Apocalipsis 21:8 “yaong mga namimihasa sa espiritismo” (“yaong nakikipag-usap sa mga demonyo,” The Living Bible) ay inuuri na kasama “niyaong mga walang pananampalataya at niyaong mga nakasusuklam dahil sa kanilang karumihan at mga mamamatay-tao at mga mapakiapid . . . at mga mananamba sa diyus-diyosan at lahat ng mga sinungaling.” Ano ba ang turing ni Jehova sa pusakal na mga sinungaling, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, at mga namimihasa sa espiritismo? Kaniyang kinapopootan ang kanilang mga gawa!​—Kawikaan 6:16-19.

Samakatuwid, ang pakikialam sa espiritismo ay katulad na rin ng pag-ibig sa kinapopootan ni Jehovang Diyos. Ito’y gaya ng pagtanggi kay Jehova, ng pagiging nasa panig ni Satanas, at pagpanig sa pusakal na kaaway ng Diyos at sa kaniyang mga katulong. Ngayon ay pag-isipan ito: Ibig mo bang maging malapit sa isa na kapanalig ng iyong mga kaaway? Siyempre hindi. Bagkus pa, lalayo ka sa indibiduwal na iyon. Maliwanag kung gayon, maaasahan natin ang gayunding reaksiyon ng Diyos na Jehova. Ang sabi ng Kawikaan 15:29, “Si Jehova ay malayo sa mga balakyot.”​—Tingnan din ang Awit 5:4.

Ang Espiritismo ay Umaakay Tungo sa Kamatayan

Ang pakikialam sa espiritismo ay isa ring panganib sa buhay. Minalas ito ng Diyos bilang isang dahilan para sa pagpaparusa ng kamatayan sa kaniyang mga lingkod sa sinaunang Israel. (Levitico 20:27; Deuteronomio 18:9-12) Kaya hindi nakapagtataka na ang mga namimihasa sa espiritismo ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:20, 21) Sa halip, “ang bahagi nila ay sa dagat-dagatang apoy,” na nangangahulugan na “ang ikalawang kamatayan,” o walang-hanggang pagkapuksa. (Apocalipsis 21:8) Totoo, sa ngayon mayroong mga relihiyon sa Sangkakristiyanuhan na kunsintidor sa espiritismo, subalit ang punto-de-vista ng Bibliya ay hindi nagbabago.

Ano kung nakagawa ka na ng mga unang hakbang sa paglakad sa daan ng espiritismo? Kung gayo’y mabuting huminto ka karaka-raka at umalis doon na dali-dali. Sundin ang kinasihang payo buhat sa Diyos na ibinigay ng propeta niyang si Isaias sa mga Israelita noong una. Ang kanilang kalagayan ay nahahawig sa mga tao sa ngayon na gumagawa ng mga karumal-dumal na gawain ngunit inaakala nila na sa ganoo’y sumasamba sila sa Diyos. Samakatuwid, mayroong mahahalagang aral sa kanilang karanasan. Anong mga aral?

Makinig sa Babala ni Isaias

Sa pagmamasid sa unang kabanata ng Isaias ay makikita na “pinabayaan si Jehova” ng mga Israelita at sila’y “nagsiurong.” (Isa 1 Talatang 4) Bagama’t sila’y napalihis, sila’y patuloy na naghandog ng mga hain, gumanap ng mga kapistahang relihiyoso, at naghandog ng mga panalangin. Subalit sa walang kabuluhan! Palibhasa’y wala sila ng panloob na pagnanasang makalugod sa kanilang Maylikha, sinabi ni Jehova: “Ikukubli ko sa inyo ang aking mga mata. Bagaman kayo’y manalangin ng marami, hindi ko pakikinggan.” Ang mga Israelitang iyon ay naghimagsik laban sa kaniya sa gayong paggawa nila ng karumal-dumal, hanggang sa punto na ‘punô ng dugo ang kanilang mga kamay.’​—Isa 1 Talatang 11-15.

Sa ilalim ng anong mga kalagayan tatanggapin sila uli ni Jehova? Pansinin ang mga kahilingan na binabanggit sa Isaias 1:16. Sinabi niya: “Mangaghugas kayo; mangaglinis kayo.” Kaya kung ating didibdibin ang payong iyan, tayo’y hihinto o iiwas sa paggawa ng karumal-dumal na mga gawa, kasali na ang espiritismo, isa sa “mga gawa ng laman.” Yamang batid natin na ang masamang kaisipan na nasa likod ng espiritismo ay yaong kay Satanas na Diyablo, tayo’y mapopoot dito.

Pagkatapos ay dapat nating alisin ang lahat ng mga bagay na may kaugnayan sa espiritismo. Ganoon ang ginawa ni Izaak. Ang sabi niya: “Isang araw ay tinipon ko sa harapan ng aking bahay ang lahat ng aking mga bagay-bagay na may kinalaman sa espiritismo, kumuha ako ng palakol, at pinalakol ko upang magkadurug-durog. Ang aking kapitbahay ay nagtitili at sinabi niyang pagsisisihan ko ang aking ginawa. Samantalang ang babaing ito’y nagtititili, binuhusan ko ng gasolina ang mga pira-pirasong bagay na iyon at pinagsusunog kong lahat. Walang anumang natira.”

Iyan ay 28 taon na ngayon ang lumipas. Pinagsisihan ba ni Izaak ang kaniyang ginawa? Hindi. Sa ngayon, siya’y maligayang naglilingkod kay Jehova bilang isang ministrong Kristiyano sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Ang Isaias 1:17 ay nagbibigay pa ng ganitong payo: “Matutong gumawa ng mabuti.” Kailangan na pag-aralan ang Salita ni Jehova, ang Bibliya, upang matuklasan kung ano “ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) At ang pagkakapit ng bagong katutuklas na kaalamang iyan ay hahantong sa nakalulugod na mga pagpapala. Iyan ang natuklasan ni Asamaja.

Sa kabila ng mahigpit na pananalansang buhat sa mga kamag-anak at mga kalapit-bahay, si Asamaja ay lakas-loob na nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at hindi nagtagal ay umalpas siya sa espiritismo. Pagkatapos ay nag-alay siya ng kaniyang buhay sa Diyos na Jehova at siya’y nabautismuhan sa panahon ng isang asamblea. Ngayon, mga 12 taon na ang nakalipas, ganito ang may pasasalamat na sinabi niya: “Sapol nang ako’y bautismuhan, ako ay hindi na ginulo ng mga espiritu.” At nakangiting nagugunita pa niya: “Nang gabi pagkatapos na ako’y bautismuhan, ang himbing-himbing ng aking tulog at walang anumang istorbo kung kaya’t nahuli ako sa programa ng asamblea kinabukasan.”

Namamalaging mga Pakinabang

Sa ngayon, si Izaak at si Asamaja ay buong-pusong nakikiisa sa salmistang si Asap: “Ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin.” (Awit 73:28) Oo, ang paglapit kay Jehova ay nagdala sa kanila ng pisikal at emosyonal na mga pakinabang. Subalit higit sa lahat, nagbigay iyon sa kanila ng panloob na kapayapaan at ng isang matalik na kaugnayan kay Jehova.

Ang gayong mga pagpapala ay makapupong nakahihigit sa hirap at pakikipagpunyagi na kailangan upang maiwaksi ang pamatok ng espiritismo. Gayunman, ang pag-alpas ay isang mahigpit na pagsubok. Si Lintina van Geenen, isang babae na taga-Suriname, ay nagkaroon ng ganiyang karanasan. Ngayon, titingnan natin kung paano siya nakipagbaka ng maraming taon ngunit sa wakas ay nagtagumpay.

[Larawan sa pahina 5]

Si Asamaja Amelia ay nagbibida: “Ang mga espiritu . . . ay ginawa nilang miserable ang aking buhay. . . . At anong pangit ng mga bagay na kanilang sinabi!”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share