Espiritismo—Bakit Dumarami ang Interesado Rito?
SI Frans ay pinaka-halagi ng lokal na simbahang Protestante. Kung mayroong gawain sa simbahan na dapat gawin, siya ang unang-unang gumagawa kaugnay niyaon. Si Wilhelmina ay isa ring may takot sa Diyos. “Kailangang magsimba ka,” aniya, at siya’y nagsisimba. Si Esther din naman ay palagiang nagsisimba at hindi lumalampas ang maghapon nang hindi siya nananalangin. Lahat silang tatlo ay may pare-parehong isa pang bagay: Sila’y mga espiritistang medyum din naman.
Ang tatlong taga-Suriname na ito ay hindi nag-iisa. Sa buong daigdig, mayroong lumalaganap na interes sa espiritismo. Pag-isipan ito: Sa Estados Unidos lamang, mga 30 magasin na sama-sama’y may sirkulasyon na mahigit na 10,000,000 ang nakaukol sa iba’t ibang larangan ng espiritismo. Tinatayang 2,000,000 katao sa Inglatera ang interesado sa paksa ring ito. Kamakailan ay nagsurbey sa Netherlands at ipinakita niyaon na ang mga naniniwala sa mahiwagang mga pangyayari ay matatagpuan sa mga naninirahan sa malalaking siyudad, sa mga taong mataas ang pinag-aralan, at sa mga kabataan. At, gaya ng mapatutunayan ng mga tao sa Aprika, Asia, at Latin Amerika, sa maraming mga bansa ang espiritismo ay naging isang mahalagang bahagi na ng araw-araw na pamumuhay. Hindi kataka-taka na ang mga awtor na sina John Weldon at Clifford Wilson ay may ganitong konklusyon sa kanilang aklat na Occult Shock and Psychic Forces: “Ang iba’t ibang komentarista ay waring naniniwala na tayo’y nasa panahon ng wala pang nakakatulad na muling pagbabangon ng okultismo.”
Oo, ang espiritismo at ang okulto—sa anyo ng astrolohiya, hipnotismo, parapsychology, extrasensory perception, madyik, interpretasyon ng mga panaginip, at iba pa—ay nakakaakit sa mga tao sa iba’t ibang kalagayan sa buhay. Bakit?
Unang-una, ang espiritismo ay hindi minamasamâ at pinahihintulutan pa nga ng mga ibang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Sinasabi nila na ang pakikipag-ugnayan sa mga espiritu ay isa lamang paraan ng pagiging lalong malapit sa Diyos.
Bilang halimbawa, nariyan si Izaak Amelo, isang 70-anyos na mangangalakal sa Suriname. Sa loob ng pitong taon siya ay isang respetadong miyembro ng konsilyo ng simbahan at isang kilalang-kilalang espiritistang medyum din naman. Nagugunita pa niya: “Tuwing Sabado ang aming buong konsilyo ng simbahan ay nagtitipon sa labas ng bayan upang kumunsulta sa mga espiritu. Kami’y nagpapatuloy na gayon sa buong magdamag. Pagsapit ng kinaumagahan, ang diákonó ay titingin sa kaniyang relo, at pagka mga alas-singko na, siya’y sisenyas sa amin na huminto na kami. Pagkatapos ay naliligo kami, nagbibihis, at saka tutungo sa simbahan—nasa oras para sa pagsamba kung Linggo ng umaga. Sa lahat ng mga taóng lumipas ang pastor ay hindi man lamang bumigkas ng di pagsang-ayon.”
Pagkatapos na pag-aralan ang kaugnayan ng espiritismo sa mga simbahan sa Suriname, pinatunayan ng Propesor na Olandes na si R. van Lier na marami ang may paniwala na ang espiritismo’y isang “suplementaryong relihiyon.” Sa isang pag-aaral na inilathala kamakailan ng Leiden University, binanggit din niya na ang espiritismo ay kinikilala bilang “isang bahagi ng isang malawak na kaayusang relihiyoso na kung saan ito’y nakatayong katabi ng Kristiyanismo.”
Subalit marahil ay itatanong mo, ‘Ang pagtanggap ba sa espiritismo ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay isang katiyakan na ito’y sinasang-ayunan ng Diyos? Ang pakikipag-ugnayan ba sa mga espiritu ay lalong higit na maglalapit sa iyo sa kaniya? Ano ba ang aktuwal na sinasabi ng Bibliya tungkol sa espiritismo?’
[Larawan sa pahina 3]
Nagugunita ni Izaak Amelo ang pakikibahagi ng isang buong konsilyo ng simbahan sa sesyon ng espiritismo