Patuloy na Pasakop sa “Espiritu na Nagbibigay-Buhay”
“Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; sa laman ay walang anumang pakikinabangan.”—JUAN 6:63.
1. (a) Paano tinutulungan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod upang malabanan ang impluwensiya ng “hangin” ng sanlibutang ito? (b) Paanong ang pagpapaunlad ng mga bunga ng espiritu ng Diyos ay tutulong sa atin na magkaroon ng tamang hilig ng kaisipan?
ANG banal na espiritu ng Diyos na Jehova ay lubhang kailangan kung ibig nating malabanan ang impluwensiya ng “hangin” ng sanlibutang ito, o mga saloobin nito. (Efeso 2:1, 2) Kailangan din natin ang Bibliya, na may taglay ng mga pag-iisip ng Diyos na isinulat sa patnubay ng banal na espiritu. At kailangang taglay natin ang isang mapagpakumbabang saloobing Kristiyano na resulta ng pagpapaunlad ng mga bunga ng espiritu ng Diyos—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” Si apostol Pablo ay nagpayo: “Patuloy na lumakad ayon sa espiritu at hindi ninyo gagawin ang anumang pita ng laman. Sapagkat ang laman ay laban sa espiritu sa pagnanasà nito, at ang espiritu laban sa laman; sapagkat ang mga ito ay nagkakalaban sa isa’t isa, kung kaya’t ang mismong mga bagay na ibig ninyong gawin ay hindi ninyo ginagawa.”—Galacia 5:16, 17, 22, 23.
2. Paanong ang bunga ng espiritu ng Diyos ay naiiba sa ibinubunga naman ng paglakad ayon sa “espiritu ng sanlibutan”?
2 Sumulat din si Pablo: “Tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritung mula sa Diyos, upang ating makilala ang mga bagay na ibinigay sa atin ng Diyos nang may kagandahang-loob.” (1 Corinto 2:12) Ang “hangin,” o kaisipan ng sanlibutang ito ay pumapatay, subalit ang ibinibigay ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nagdadala ng buhay na walang-hanggan sa mga tumatanggap nito. Sinabi ni Jesus: “Ang espiritu ang nagbibigay-buhay, sa laman ay walang anumang pakikinabangan. Ang mga salita ko sa inyo ay pawang espiritu at pawang buhay.” (Juan 6:63) Yamang “sa laman ay walang anumang pakikinabangan,” kailangan natin ng tulong na nagmumula sa Diyos upang madaig ang kasalanan at mapaglabanan ang espiritu ng sanlibutan.
3, 4. (a) Ano ang kasakiman, at paano pinupukaw ng ‘pinuno ng hangin’ ang makalaman na pagnanasà sa materyal na mga bagay? (b) Paanong ang isang taong masakim ay isang mananamba sa idolo?
3 Sa naunang artikulo, tinalakay natin ang dalawang mapanganib na mga sangkap ng “hangin” ng sanlibutang ito—ginagawang laruan ang mga bagay na imoral at ang di-nararapat na mga istilo ng pananamit at pag-aayos. Subalit marami pang ibang mga sangkap. Halimbawa, ang hangin ng sanlibutang ito ay punúng-punô ng kasakiman, ng matindi at mapag-imbot na pagnanasà ng materyal na mga bentaha o materyal na mga bagay. Pinapangyayari ng ‘pinuno ng hangin’ na sa pamamagitan ng propaganda at pag-aanunsiyo ng sanlibutang ito ay madama mo na hindi natutupad ang iyong mga pangarap kung wala kang maraming materyal na mga ari-arian. Ang ganitong sangkap ng “hangin” ng sanlibutan ay maaaring makapagpahibang sa iyo sa ideya na ang mga ito ang mahahalagang bagay sa buhay. Ikaw ba ay naapektuhan na ng materyalistikong “hangin” na ito?
4 Sinasabi ng Bibliya: “Sinumang mapakiapid o mahalay o masakim na tao—na ibig sabihin ang pagiging isang mananamba sa idolo—ay walang anumang mamanahin sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.” (Efeso 5:5) Pansinin na ang isang taong masakim ay tunay na isang mananamba sa idolo. Baka isipin mo, ‘Tiyak naman, hindi ko aabutin iyan, na nagiging isang mananamba sa idolo.’ Subalit ano nga ba ang idolatriya? Hindi ba ito’y ang paglalagay ng isang bagay sa lugar ni Jehova at sa pagsamba sa kaniya, na nagbibigay ng atensiyon doon imbis na sa Diyos at sa paglilingkod sa kaniya? Maaaring bahagi ng kasakiman ang halos pagsamba na sa salapi at sa kapangyarihan at impluwensiya niyaon. Kung ang uunahin mo’y ang pagsisikap na makabili ng isang bagong kotse, ng isang video cassette recorder, o anupamang ibang materyal na mga bagay sa halip na palawakin ang iyong mga pagkakataon sa paglilingkuran kay Jehova, hindi ba ebidensiya iyan na ang “hangin” ng sanlibutang ito ay nakakaapekto na at nakapipinsala sa iyo? Hindi baga ang materyal na mga bagay ay nagiging mistulang mga idolo na sa iyo?
5. Paanong ang “hangin” ng sanlibutang ito ay punô ng mapag-imbot na pagnanasà sa kayamanan?
5 Kung ikaw ay naghahangad ng isang mataas na edukasyon o isang trabahong nagpapanhik ng malaking pakinabang, ginagawa mo ba iyon upang yumaman ka at magkaroon ng higit pang materyal na mga bentaha kaysa kinakailangan mo? Ikaw ba’y naiintriga ng mga pakanang biglang-yaman, na ibig mong mapasangkot sa mga ito? Ang “hangin” ng sanlibutang ito ay punô ng mapag-imbot na pagnanasà ng kayamanan at pagdaraya kung tungkol sa pagbabayad ng buwis sa gobyerno. Sa ganitong kapaligiran umuunlad ang sugal at mga aktibidades na katulad nito. Huwag kang patukso. Ang mga taong umiiwas sa impluwensiya ng “hangin” ng sanlibutang ito na punúng-punô ng kasakiman ay nakapagpapatunay na ang tunay na kaligayahan ay nanggagaling sa pagiging kontento na sa mga kinakailangan sa buhay at paglalagay sa unahan ng mga kapakanan ng Kaharian.—Mateo 6:25-34; 1 Juan 2:15-17.
Ang Wastong Paggamit sa Dila
6. Bilang mga Kristiyano ano ang maaaring maging epekto sa atin ng mga bukambibig ng sanlibutang ito?
6 Kumusta naman ang ating bukambibig? Mga kalaswaan, mga salita kung nagagalit, pagsisinungaling—ang “hangin” ng sanlibutang ito ay lubos na pinarumi ng ganiyang bulok na mga pananalita. Subalit, maging ang pananalita man ng mga ilang kaugnay sa kongregasyong Kristiyano paminsan-minsan ay makikitaan ng kagaspangan, at kabastusan pa nga. Mariing sinasabi sa atin ng alagad na si Santiago: “Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpuri at paglait. Hindi nararapat, mga kapatid ko, na ang mga bagay na ito’y magpatuloy nang ganiyan. Bumabalong ba sa iisang bukal ang tubig na matamis at ang tubig na mapait?” (Santiago 3:10, 11) Nakapulot ka ba ng ilang balbal na pananalita o salitang kalye ng sanlibutang ito? Ikaw ba’y may dalawang talasalitaan, isang ginagamit mo pagka mga Kristiyano ang kasa-kasama mo, at ang isa nama’y ginagamit mo sa mga iba pang lugar? Si Pablo ay sumulat: “Anumang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang anumang mabuti na ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nakikinig.” (Efeso 4:29) Anong pagkahala-halaga nga na gumamit ng wasto at malinis na pananalita sa tuwina!
7. Ano ang nasasaklaw ng ‘pagtatakwil sa kasinungalingan at pagsasalita naman ng katotohanan’?
7 Kailangan ding pakaingat tayo na sa tuwina’y magsabi ng katotohanan. Ang pagpapaliguy-ligoy o sadyang panlilinlang sa iba upang maiwasan ang pananagutan ay talagang kung tutuusin isang pagsisinungaling. Kaya’t tiyakin na sundin ang payo ni Pablo: “Ngayon na itinakwil na ninyo ang kasinungalingan, magsalita ang bawa’t isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa, sapagkat tayo’y mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.”—Efeso 4:25; Kawikaan 3:32.
8. (a) Paano kumikilos ang maraming mga taong makasanlibutan pagka sila’y nagalit? (b) Pagka tayo’y nahila na magalit, ano ang dapat nating gawin?
8 Ang walang pagtitimping pagbubuhos ng galit ay isa pang anyo ng espiritu ng sanlibutang ito. Maraming mga taong makasanlibutan ang dagling nawawalan ng pagpipigil sa sarili. Sila’y agad magsisiklab, pagkatapos ay ipangangatuwiran ang kanilang sarili sa pagsasabi na sila’y nag-aarya lamang ng galit. Subalit hindi ganito ang ipinayo ni Pablo, sapagkat siya’y sumulat: “Lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat ng kasamaan.” (Efeso 4:31) Ngunit ano kung taglay pa rin natin ang tumitinding galit sa kabila ng pagpapaunlad natin ng pagpipigil sa sarili at ng iba pang mga bunga ng espiritu ng Diyos? “Kayo’y magalit, subalit huwag magkakasala,” ang isinulat ni Pablo. “Huwag lubugan ng araw ang inyong galit, ni bigyan-daan man ang Diyablo.” (Efeso 4:26, 27) Kung gayon pagka tayo’y nahila na magalit, agad-agad na lutasin natin ang bagay na iyon, bago matapos ang maghapon. Sapagkat kung hindi, ang kapaitan at samâ ng loob ay magsisimulang mag-ugat sa puso, at ang mga ito’y mahirap nang limutin. Huwag mong payagan na ang iyong sarili ay lumanghap ng “hangin” ng magagalitin at mapaghiganting sanlibutang ito!—Awit 37:8.
9. Ano ang ilan sa karaniwang mga saloobin ng mga empleado, at bakit dapat nating suriin ang ating mga kinaugalian sa trabaho?
9 Kumusta naman ang iyong mga kinaugalian sa trabaho? Ang paglalakwatsa sa trabaho at pagnanakaw ng mga bagay-bagay sa isang among may patrabaho ay karaniwan sa ngayon. Nakasinghot ka ba nang bahagya ng “hangin” na ito? Nahawa ka na ba ng saloobin na ‘lahat naman ay gumagawa nito’? Huwag kalilimutan na ang paraan ng pagganap natin ng ating trabaho bilang mga Kristiyano ay maaaring magdala ng kapurihan o dili kaya’y kasiraan kay Jehova at sa tunay na pagsamba sa kaniya. Dahil ba sa iyong ikinikilos sa iyong trabaho ay ibig mong tanggihan ninuman ang katotohanang dala sa kaniyang tahanan ng isa sa mga Saksi ni Jehova? “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa,” ang sabi ni Pablo, “kundi bagkus magpagal . . . upang may maibigay siya sa nangangailangan.”—Efeso 4:28.
10. Sa pagganap sa sekular na trabaho, paano natin maipakikita na tayo’y hindi apektado ng mapag-imbot na “hangin” ng sanlibutang ito?
10 Bagaman ang relasyong panginoon-alipin na umiral noong unang siglo ay bihira na ngayon, ang mga empleadong Kristiyano ay maaaring matuto sa isinulat ni Pablo sa mga aliping Kristiyano sa Efeso 6:5-8. Ang mga manggagawang ito ay pinagsabihan na ‘maging masunurin sa kanilang panginoon, hindi gaya ng mga tagapagbigay-lugod sa tao, kundi gaya ng mga alipin ni Kristo.’ Samakatuwid ang isang Kristiyano ay hindi dapat na magmaneobra ng mga bagay-bagay upang maiwasan ang maghapong pagtatrabaho o ang pagbibigay ng ipinangakong mga kalakal o serbisyo. Kung ginagawa natin ang mga bagay-bagay “na gaya ng kay Jehova” ginagawa iyon, tayo’y magkakaroon ng tamang saloobin at hindi tayo maaapektuhan ng mapag-imbot na “hangin” ng katamaran ng sanlibutang ito.
Pagkain, Inumin, at Libangan
11. Paano naapektuhan ng makasanlibutang saloobin sa pagkain at inumin ang iba sa mga lingkod ni Jehova noong mga sinaunang panahon sa Bibliya?
11 Naapektuhan ka ba ng sanlibutan sa kaniyang labis-labis na paggamit ng pagkain at inumin? Ang saloobin nito ay ‘kumain, uminom, at magsaya, sapagkat bukas makalawa ay baka tayo mamatay na.’ (1 Corinto 15:32) At ang espiritung ito ay nakaapekto sa ilang mga lingkod ng Diyos, kahit na noon pa mang sinaunang panahon. Gunitain ang okasyon sa iláng nang ang mga Israelita ay “nangaupo upang kumain at uminom. Pagkatapos ay nagsitindig sila upang magkatuwaan.” (Exodo 32:6) Ang ‘pagkakatuwaan’ na iyon ay humantong sa walang pagpipigil na kalibugan at idolatriya, kung kaya’t ang galit ng Diyos ay nagsiklab laban sa kanila. Kailanman ay huwag nating tularan ang ganiyang landasin.—1 Pedro 4:3-6.
12. Kung ang ating mga kaugalian sa pagkain at pag-inom ay kailangang bigyan-pansin, ano ang dapat nating gawin?
12 Binigyan tayo ni Jehova ng pagkarami-raming sarisaring masasarap, katakam-takam, at masustansiya na mga pagkain at inumin, subalit ibig niyang gamitin natin ang mga bagay na ito nang katamtaman. Sa Bibliya ay minamasamâ ang katakawan at paglalasing. (Kawikaan 23:20, 21) Kaya maging tapat ka sa iyong sarili at itanong mo ang ganito: May lugar pa ba para mapahusay ko pa ang aking kaugalian sa pagkain at pag-inom? Kung kailangan na gumamit ka ng higit na pagpipigil sa sarili, kilalanin mo ang bagay na ito at kumilos ka na kasuwato ng iyong mga panalangin upang tulungan ka ng espiritu ng Diyos na mapagtagumpayan ang problemang ito. “Huwag kayong maglasing ng alak, na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo’y patuloy na mapuspos ng espiritu,” ang sabi ni Pablo. (Efeso 5:18) Oo, kayo’y mapuspos ng espiritu ng Diyos, at huwag padala sa walang pagpipigil na espiritu ng sanlibutang ito! “Kumakain man kayo o umiinom o anuman ang iyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Corinto 10:31) Gayunman, kung patuloy din na nagkakaproblema kayo tungkol dito, patulong kayo sa mga lalaking maygulang sa espirituwal sa kongregasyon.—Galacia 6:1; Santiago 5:14, 15.
13. (a) Paanong makikita na nagtagumpay ang Diyablo sa pagpapasamâ sa karamihan ng libangan ngayon? (b) Paano natin maiiwasan ang ganitong saloobin ng sanlibutan sa libangan?
13 Ang sanlibutang ito ay lubhang sugapa na sa sports, musika, at sarisaring anyo ng libangan. Maliban sa kung lumalabag sa mga simulain ng Kasulatan, ang pagtatamasa ng kasiyahan sa ganiyang mga bagay ay hindi naman masasabing mali. Subalit ang problema ay nasa bagay na si Satanas, “ang pinuno na may kapangyarihan sa hangin,” ay nagtagumpay sa pagpapasamâ sa karamihan ng libangan ngayon. (Efeso 2:2, The Jerusalem Bible) Malimit, imoralidad ang itinataguyod, ang karahasan ay ipinagkikibit-balikat, at ang tagumpay sa pamamagitan ng panlilinlang, pandaraya, at pamamaslang pa nga ang mapapanood. Pagka ating pinanood ang ganiyang mga libangan, ang mga saloobing ito ay ating nilalanghap ng puspusan at pumapasok sa ating sistema at malamang na tayo’y mapinsala ng lason na taglay nito. Isa pa, kahit na sakaling hindi naman labag sa Kasulatan ang ilang uri ng libangan, may panganib na tayo’y maging sugapa na sa mga iyan, kung kaya’t kaunting panahon na lamang ang natitira para sa espirituwal na mga bagay. Kung gayon, kailangan tayong maging pihikan. Gumamit ng kaunting panahon upang maglibang-libang nang katamtaman ayon sa paraang makapagpapalusog at mapapakinabangan, subalit iwasan ang pagtulad sa mga pagmamalabis ng sanlibutan. Mabuti man o masama ang amoy ng “hangin” na nanggagaling sa sanlibutan, ito ay marumi at nakamamatay!—Kawikaan 11:19.
Pagmamalaki ng Lahi—Ito’y Isang Masamang Hangin
14. Kung tungkol sa mga problemang panlipunan, paano tayo maaaring maapektuhan ng “hangin” ng sanlibutang ito?
14 Ang medyo mapandayang sangkap ng “hangin” ng sanlibutang ito ay ang pagmamalaki ng lahi at bansa. Itinataguyod ng iba ang maling ideya na may mga lahing matataas na uri at mayroon namang mabababang uri. Ang nasyonalismo ay nag-uudyok sa mga tao na malasin ang kanilang bansang tinubuan bilang mas mataas na uri kaysa lahat ng mga iba pa. Ang totoo, marami ang bagaman di dapat ay naghihirap at napagkakaitan ng mga pangunahing karapatan at pangangailangan ng tao dahilan sa kaimbutan at pagmamataas ng iba. Ang resulta’y pagkakapootan, at karahasan pa nga. Marami ang nagbabangon ng rebolusyon, at sila na ang nagpapatupad ng kanilang sariling batas, anupa’t naniniwala sila na malulutas nila ang mga problemang panlipunan ayon sa kanilang sariling paraan. Baka tayo man ay mapasangkot sa mga ideyang ito. Pagka ating nasaksihan o tayo man ay dumanas ng mga kaapihan at pagkatapos ay mapakinggan natin ang mga taong masidhing nagtataguyod ng pagbabago sa lipunan, tayo’y maaaring maimpluwensiyahan kung hindi tayo maingat. Maaaring magsimulang magbago tayo ng ating neutral na paninindigan at kumampi sa kabilang panig. (Juan 15:19) At lalong malubha, baka tayo’y matukso na sumali sa pagpipiket, pangangampanya, o paggamit ng karahasan upang sapilitang magkaroon ng mga pagbabago.
15. Anong landasin ang ipinapayo ng Bibliya pagka ibig nating ‘ipaghiganti ang ating sarili’?
15 Maaaring magkaroon ng masamang epekto sa espiritu ng kongregasyon ang pagkamakalahi o pagkamakabayan. (Ihambing ang Gawa 6:1-7.) Subalit magkakaroon tayo ng tamang espiritu kung susundin natin ang payo: “Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyang daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ” (Roma 12:18, 19) Yamang lahat ng lahi ay galing sa unang mag-asawa, at ang Diyos ay walang itinatangi, walang dako ang pagmamalaki ng lahi o bansa sa kongregasyong Kristiyano.—Gawa 10:34, 35; 17:26; Roma 10:12; Efeso 4:1-3.
Ang Nagbibigay-Buhay na “Hangin” ang Laging Langhapin
16. Ano ang tutulong sa atin upang maiwasan natin na tayo’y maapektuhan ng espiritu ng sanlibutang ito?
16 Tinalakay natin ang pangunahing nakamamatay na mga sangkap ng “hangin,” o espiritu ng sanlibutang ito. Ito’y nakapalibot sa atin at may puwersa ito na anupa’t kung papayagan natin na magkaroon ng guwang ang ating espirituwalidad, ang masamang “hangin” na ito ay dagling papasok upang punuin ang guwang na iyon. Ang tagumpay sa paglaban dito ay depende nang malaki sa kung gaano ang ating pag-ibig sa mga bagay na dalisay, malinis, at matuwid, at kung gaano ang pagkapoot natin sa mga bagay na di-dalisay, marumi, at masamâ. Ang tamang “hangin” ang laging lalanghapin natin kung sa tuwina’y pinauunlad natin ang tamang kaisipan katugon ng pag-akay ng banal na espiritu ni Jehova.—Roma 12:9; 2 Timoteo 1:7; Galacia 6:7, 8.
17. Ano ang dapat gawin kaagad-agad kung ating mapansin na may bahagyang “hangin” ng sanlibutan na pumapadpad patungo sa atin?
17 Sa anumang paraan, huwag hayaan na ang anumang sangkap ng mabahong “hangin” ng sanlibutang ito ay mag-amoy na mabango sa iyo. Ang pinuno ng “hangin” na ito ay nakababatid kung ano talaga ang kailangan upang maakit ang mga pandamdam at mapukaw ang hangarin na kalimitan ay humahantong sa kasalanan. (Santiago 1:14, 15) Lumagi ka sa lugar na may karatulang “bawal manigarilyo,” ang espirituwal na paraiso ni Jehova. Kung mapansin mo na may bahagyang “hangin” ng sanlibutang ito na pumapadpad patungo sa iyo, iwasan iyon. Lumihis ka roon tulad sa kung paano iiwasan mo ang nakamamatay na lason. “Mag-ingat nga kayong lubos kung paano kayong lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong, na lubusang sinasamantala ang tamang-tamang panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay masasamâ. Kaya nga iwanan na ninyo ang pagkawalang-katuwiran, kundi patuloy na unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.”—Efeso 5:15-17.
18. Ano ang magiging espiritu niyaong magkakapribilehiyo na mabuhay sa isang nilinis na lupa?
18 Kalooban ng Diyos na maglingkod tayo sa kaniya bilang mga tagapag-ingat ng katapatan. Ang paggawa ng gayon ay mangangahulugan ng buhay sa kaniyang bagong sistema, na ngayo’y napakalapit na. Pagka tayo’y lumanghap ng hangin doon, anong laking kaginhawahan ang madarama natin! Walang nakamamatay na mga polutante, kundi dalisay na hangin na tumutustos-buhay. Magkakagayon nga ang pisikal na hangin at, lalong mahalaga, ang espiritu niyaong mga taong magkakaroon ng pribilehiyo na mamuhay sa nilinis na lupa. Sila’y magkakaroon ng isang saloobing masunurin, mapagpakumbaba, madaling tumugon. Ang “hangin” ng matandang sanlibutang ito, na punô ng paghihimagsik, kabulukan, at kasamaan, ay wala na sa panahong iyon.—Apocalipsis 21:5-8.
19. Sino ang mga makaliligtas upang mabuhay sa bagong sistema ni Jehova?
19 Tunay, hindi natin gustong makabilang sa mga taong lumalanghap ng “hangin” ng sistemang ito pagsapit ng Armagedon pagka inalis na ni Jehova ang polusyon at ang mga lumilikha ng polusyon. Pagka wala na ang matandang sanlibutan at ‘ang pinuno ng hangin’ ay naibulid na sa kalaliman, anong laking kaginhawahan nga! Lahat ng umiibig kay Jehova at patuloy na umiibig sa mga bagay na malilinis, desente, at matuwid ay naroon. Ibig ni Jehova na sila’y dumoon at kaniyang tutulungan sila sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Kaniyang bibigyan sila ng buhay na walang-hanggan sa isang malinis, malusog na bagong sistema. Huwag sana nating maiwala ang pribilehiyong iyan nang dahil sa paglanghap ng nakamamatay na “hangin” ng matandang sistemang ito!
Paano Mo Sasagutin?
◻ Paano nagiging mananamba sa idolo ang isang taong masakim?
◻ Paanong ang “hangin” ng sanlibutang ito ay makakaapekto sa iyong bukambibig?
◻ Anong espiritu ang dapat makita sa mga empleadong Kristiyano samantalang gumaganap sila ng sekular na trabaho?
◻ Paano mo maiiwasan na maapektuhan ng saloobin ng sanlibutang ito sa pagkain, inumin, at paglilibang?
◻ Anong espiritu kung tungkol sa lahi at pagkamakabansa o nasyonalismo ang hindi dapat makapasok sa kongregasyong Kristiyano?
[Larawan sa pahina 16]
Ang iyo bang pamilya ay may sapat na lakas sa espirituwal upang mapaglabanan ang “hangin” ng sanlibutang ito?
[Larawan sa pahina 17]
Kung ginagawa natin ang mga bagay-bagay “na gaya ng kay Jehova” ginagawa iyon, tayo’y hindi maaapektuhan ng mapag-imbot na “hangin” ng katamaran ng sanlibutang ito