Gaano Kapraktikal ang Modernong-Panahong Relihiyon?
“INIHAGIS ko ang Bibliya sa aking silid-aralan nang papunta ako sa aking silid-tulugan. Naisip ko na hindi ko na uli ito pupulutin o kaya naman ay magsisimba pa ako sa iba. Ako’y naghahanap na sa loob ng humigit-kumulang anim na taon. Gayumpaman ay wala akong nasumpungang tulong.”
Si Ronald, isang 26-anyos na computer operator, ay dumanas ng ilang kahirapan at nangamba siya na baka mapahamak ang kaniyang buhay. Wari ngang walang praktikal na kapakinabangang maidudulot sa kaniya ang relihiyon. “Ayaw ko na,” ang sabi niya.
Maraming tao, tulad ni Ronald, ang nasisiraan ng loob sa relihiyon. Kumusta ka naman? Sa palagay mo kaya’y nakatutulong sa mga tao sa praktikal na paraan ang relihiyon at inaakay sila upang sila’y maging lalong mabubuting mga magkakamanggagawa, magkakapitbahay, mga asawang lalaki, mga asawang babae, mga magulang, o mga anak? Ang relihiyon kaya ay naging isang lakas na nagdadala ng kapayapaan at pagkakaisa sa pagsasamahan ng mga tao? Tinulungan ba sila nito na maunawaan ang layunin ng buhay? Ito ba’y nakapaghasik sa kanilang mga isip at mga puso ng tiyak na pag-asa para sa hinaharap?
Kulang ng Praktikal na Patnubay
Sa masalimuot na daigdig na ito, ang mga tao ay nangangailangan ng pantas, malinaw na patnubay. Ito ba’y maaasahan nila na manggagaling sa espirituwal na mga lider? Sa isang liham sa isang kolumnista sa isang magasin, isang babae ang nagreklamo:
“Wala tayong naririnig ngayon sa ating simbahan . . . sa loob ng ilang panahon na ngayon kundi pag-ibig, pag-ibig, pag-ibig. . . . Ano nga ba ang nangyari sa ‘Huwag kang’—‘Huwag kang papatay. Huwag kang magnanakaw,’ at ang mga iba pa? Kailangang tayo’y malimit paalalahanan na ang ilang mga bagay ay Huwag-huwag. . . . Subalit ni hindi man lamang natin naririnig ang salitang ‘Sala’ ngayon. Para bang ito’y iniiwasan nila na animo’y isang marungis na apat-letrang salita.”
Maliwanag iyan, inakala ng iba na ang kanilang mga tagapayo sa relihiyon ay naging totoong maluwag, sige-sige na lamang. Ang gayong espirituwal na mga tagaakay ay mahihina. Sila’y katulad ng isang doktor na pinagtatakpan ang problema ng pasyente at ang inihahatol ay gamot na may banto. Ano ang ilan sa mga dahilan ng gayong kakulangan?
Nasa Kagipitan ang Propesyon
Ang isang tao na nagpapasan ng sariling mabibigat na problema ay hindi makagugugol ng malaking panahon at pagod sa pagtulong sa iba. Sang-ayon sa pag-uulat ng mga pahayagan ay nagpapakita na parami nang paraming mga klero ang lubhang nabibigatan sa kanilang mga problema sa kanilang propesyon at maging sa kanilang sariling mga problema. Narito ang mga ilang halimbawa:
“Bagaman ang igting at pagkahapo ay karaniwan sa maraming propesyon sa ngayon, sa klerong Judio higit saanman lalong malubha ito,” ang sabi ng klinikal na sikologong si Dr. Leslie R. Freedman pagkatapos ng apat-na-taóng pag-aaral sa pamantasan tungkol sa klerong Judio.
“Kung ako’y may anak, hahangarin ko kayang siya’y maging isang pari? Nakalulungkot sabihin, ang sagot ko ay kailangang hindi,” ang sabi ng isang pari, si William Wells, sa isang pag-uulat tungkol sa mga problema ng mga klerigo. Bakit hindi? Sinabi niya na hindi niya maaaring himukin ang isang binata na pag-isipan ang isang propesyon na sinasalot ng “alitan, kaguluhan, at kawalang kasiguruhan gaya ng mga paring Romano Katoliko sa ngayon.”
Ang mga pari sa Suportado-ng-estado na Simbahang Lutherano sa Sweden ay nasa malubhang suliranin din. Isang pang-araw-araw na pahayagan sa Sweden ang nagsasabi: “Ang mga pari ay may mga problemang sikolohikal, na sa matitinding kaso ay humahantong sa pagpapatiwakal. . . . Ang propesyon ng klero ay nasa kagipitan.”
Ang Nakaaabalang Pagkakabaha-bahagi
Sa mga bansa na kung saan ang mga lider relihiyoso ay nasasangkot sa nakahahapong mga digmaan na nagdudulot ng pagkabaha-bahagi, sila’y nahahadlangan ng pagbibigay ng wastong atensiyon sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sila’y may bahagi rin sa pananagutan sa pagkasawi ng mga kalalakihan at sa pagkaubos ng salapi na maaari sanang ginugol sa materyal na kapakinabangan ng mga mamamayan.
Mayroong mga tao sa lahat ng panig ng daigdig na nawalan ng tiwala sa relihiyon at nagwawalang-bahala na sa relihiyon. Ang pangangaunti ng mga miyembro at ng mga nagsisimba ay iniulat sa mga lugar na gaya baga ng Sweden, Finland, Alemanya, Britaniya, Italya, Canada, at Estados Unidos.
Ikaw ba’y isa sa mga tao na, tulad ni Ronald, nag-aakalang sila’y ayaw na ng relihiyon? Subalit, maaari kaya na may isang relihiyon na napatunayang praktikal para sa marami? Ang sumusunod na artikulo ang tatalakay nito.