Masusumpungan Mo ba ang Tamang Relihiyon?
SI Ronald—binanggit sa naunang artikulo—ay nag-isip na dapat na siyang huminto sa kaniyang paghahanap ng isang relihiyon na magbibigay sa kaniya ng praktikal na tulong at patnubay. Subalit ipinasiya niya na bigyan ang kaniyang sarili ng huling pagkakataon. “Kung talagang may Diyos, ibig kong malaman niya na ako’y taimtim na humahanap sa kaniya,” sinabi niya. Kaya’t isang gabi ay nanalangin si Ronald: “Kung ikaw ay talagang isang maibiging Diyos, pangyarihin mo na masumpungan mo ako sapagkat marami nang taon na hinahanap-hanap kita at hindi kita matagpuan.”
Mga ilang araw lamang ang nakalipas nang siya’y nasa kaniyang trabaho, si Ronald ay inilagay upang magtrabaho sa isang gawain na ang karilyebo niya ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Siya’y nagsimulang magtanong sa babaing ito ng tungkol sa Bibliya. Ang mga sagot ang humila sa kaniya upang manabik. Hindi nagtagal at nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya nang palagian. Siya ay dumalo rin sa mga pulong ng lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Anim na buwan ang nakalipas nang makumbinsi si Ronald na natagpuan na nga niya ang isang relihiyon na nagpasigla sa kaniya upang ibagay ang kaniyang buhay sa isang kalakaran na pinakapraktikal. Makalipas ang tatlong taon na pakikisama sa mga Saksi ni Jehova, kaniyang ipinaliwanag sa isang liham sa magasing Bantayan ang mga ilang kapakinabangan na nakuha niya sa ganitong pakikisama.
Napawi Na sa Akin ang “Likas na Hilig na Pumatay”
Ganito ang isinulat ni Ronald: “Ang unang pakinabang sa pagkatuto ng katotohanan [ang turo ng Bibliya] ay ang pagkakaroon ko ng lalong mainam na kakayahang masupil ang aking galit. Matagal na ako’y napasangkot sa martial arts. . . . Ako’y nagsasanay noon mula sa anim hanggang walong oras maghapon, at sa tuwina’y napatimo sa aking kalooban ang pagnanasang mapaunlad ang isang likas na hilig na pumatay.”
Ang pakikipaglaban at ang pagpatay ay hindi mga epektibong paraan upang lutasin ang mga pakikipag-alitan ng isang tao sa kaniyang kapuwa-tao. Samakatuwid, ang isang mapapakinabangang relihiyon ay isang lakas na umaakay sa kapayapaan. Sinasabi ng Bibliya sa Roma 12:18: “Makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” Hindi sinasanay ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga katawan para sa pakikipaglaban, ni sinisikap man nila na protektahan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagkatuto ng paggamit ng mga baril. Sila’y kilala sa buong globo sa kanilang mapayapa, neutral na paninindigan kung panahon ng digmaan.
Sa pagkakita ng pagkapraktikal o ng potensiyal ng gayong relihiyon, isang madreng Romano Katoliko ang sumulat sa isang magasin ng simbahan sa Italya: “Anong laking kaibahan ang magiging kalagayan ng daigdig kung tayong lahat ay magising isang umaga na may matatag na pasiya na huwag nang gumamit ng mga armas uli, . . . gaya ng mga Saksi ni Jehova!”
Dahil sa mapayapang saloobing ito ng mga Saksi ay nakabuo sila ng isang pandaigdig na pagkakapatiran ng mahigit na tatlong milyong katao sa 208 mga bansa. Kanilang tinatrato ang isa’t isa bilang mga tunay na kaibigan, anuman ang kanilang bansang pinanggalingan, lahi, o katayuan sa lipunan. Ito’y lubhang praktikal sa isang nag-aaway-away na daigdig, lalo na kung kailangan ang tulong. Si Eva, isang dalagang taga-Sweden na isa sa mga Saksi ni Jehova, ay nakaranas nito.
Samantalang siya’y dumadalaw sa Gresya, si Eva ay nagkasakit ng meninghitis. Siya’y nawalan ng malay-tao, at nalason ang kaniyang dugo at inagasan siya ng dugo, kaya siya’y isinugod sa isang ospital sa Atenas, na kung saan wala siyang nakikilalang sinuman. Ang kaniyang ama na nasa Sweden ay pinatalastasan sa pamamagitan ng telepono. Tinawagan ng ama ang isang elder sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Tinawagan naman ng elder na ito ang mga Saksi na kilala niya sa Atenas. Mga kapananampalatayang taga-Gresya ang agad nakipagtalastasan kay Eva bagama’t hindi niya nakikilala ang mga ito.
Nagugunita natin ang isang ilustrasyon na ginamit ni apostol Pablo, na nagpapakita kung paanong ang pagkakaisa at habag ay magkasama. Sinabi niya sa 1 Corinto 12:25, 26: “Hindi dapat magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan, kundi . . . ang mga sangkap nito ay dapat na magtinginan sa isa’t isa. At kung ang isang sangkap ay nahihirapan, lahat ng mga iba pang sangkap ay nahihirapang kasama nito.”
Ito ang naranasan ni Eva sa Gresya. Sa loob ng halos tatlong linggo ang kaniyang mga bagong kaibigan ay nag-asikaso sa kaniya. Siya’y gumaling at bumalik sa kaniyang tahanan. Ganito ang sabi niya: “Talagang naranasan ko ang pakinabang sa isang nagmamahalang pagkakapatiran.”
Hindi Hinahangad ang “Ekstrang Kikitain na Iyan”
Balikan natin ang liham ni Ronald. Pagkatapos ibalita kung paanong ang kaniyang bagong relihiyon ay tumulong sa kaniya na mapigil ang kaniyang galit, maiwaksi niya ang “likas na hilig na pumatay,” at maging lalong mapayapa, sinabi niya na ang turo ng Bibliya ay nagbigay sa kaniya ng isang timbang na pangmalas sa trabaho at salapi. “Ako ang numero unong computer operator ng aking pinagtatrabahuhang kompaniya,” ang sabi ni Ronald, “at dati-rati kahit na ako mapawalay sa aking pamilya at mga kaibigan ay hindi ko iniintindi upang ako’y makapagtrabaho ng obertaym. Mahigit na pitong taon na ako’y nagtrabaho sa gabi. Sa tuwina’y ibig kong mapasa-akin ang ekstrang kikitain na iyan.”
Ang gayong hangarin para sa “ekstrang kikitain na iyan” ay maaaring, sa katagalan, makapinsala, makaakay sa kapahamakan. “Sa iba, ang salapi ay nangangahulugan ng seguridad. Sa iba naman ito ay nangangahulugan ng kapangyarihan. Sa iba naman ito ay nangangahulugan na mabibili nila ang pag-ibig, at sa ikaapat na grupo ay nangangahulugan ito ng kompetisyon at pananalo sa laro,” ang sabi ng saykayatris na si Jay Rohrlich, na karamihan ng kliyente ay mga pinansiyal na ehekutibo sa distrito ng Wall Street sa New York.
Bilang komento sa pangungusap na ito, isang report sa magasing Science Digest ang nagsasabi: “Ang paniwala na maidudulot ng salapi ang mga bagay na ito . . . ay kadalasang humahantong sa di pag-aanak, di pagkakatulog, mga atake sa puso at mga problema sa pakikitungo sa isang asawa o sa mga anak. Ang payo ng Bibliya ay: “Ang inyong paraan ng pamumuhay ay maging malaya nawa sa pag-ibig sa salapi.” Natutuhan iyan ni Ronald at ikinapit naman niya. Napatunayan niya na lubhang kapaki-pakinabang iyan.—Hebreo 13:5.
Ang Tumpak na Pagkakilala sa Trabaho
Ang paghahanap ng salapi ang kadalasang humihila sa mga tao na sapilitang iakyat ang kanilang sarili sa hagdanan na magpapaasenso sa kanila sa kanilang karera. Ito’y maaaring magdulot sa pinakamalusog na tao ng kaigtingan at ligalig ng damdamin—hanggang sa punto ng pagpapatiwakal. “Isang lalaki, na dumating sa kaniyang trabaho isang umaga at nakita niya na inilipat ang kaniyang mesa, kaya siya’y umakyat sa taluktok ng gusali at lumundag.” Si Dr. Douglas LaBier ay nag-ulat na sa isang U.S.News & World Report na panayam ay may kaugnayan ang mga karera at emosyonal na mga problema.
“Ang kinakailangan,” ang sabi ni Dr. LaBier, “ay isang lalong maunlad na buhay, isang buhay na hindi lubhang nakasentro sa isang karera. Bukod sa mga bagay na gaya ng sapat na pagkain, pahinga at ehersisyo, ang mga tao na naghahangad ng higit pang timbang na pamumuhay ay nangangailangang mag-isip tungkol sa paggawa ng higit pa sa kanilang mga pami-pamilya at magpaunlad ng kahusayan na walang kaugnayan sa kanilang karera at nagbibigay sa kanila ng kaluguran.”
Mula sa Bibliya ay natututuhan ng mga Saksi ni Jehova na maging timbang tungkol sa kanilang trabaho at sa salapi. Sa Eclesiastes 4:4, 6 ay binabanggit ang pagpapagal na kinasasangkutan ng “pagiging magkaribal ng isa’t isa” at nagsasabi: “Maigi ang isang dakot na may kapahingahan kaysa dalawang dakot na may pagpapagal at paghahabol sa hangin.” Napatunayan ni Ronald na ito ay isang praktikal na karunungan. Siya’y nagbawas ng oras sa kaniyang paghahanapbuhay upang magkaroon ng higit na panahon para sa kaniyang espirituwal na mga kapakanan at para sa kaniyang pamilya at mga kaibigan.
Isang Lalong Maligayang Buhay Pampamilya
Ngayo’y sinasabi naman ni Ronald sa kaniyang liham na ang payo ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa at pagpapamilya ay tumulong sa kaniya na makitungo nang lalong may kapantasan sa mga situwasyon ng pamilya. Ito’y mahalaga ngayon na ang buhay pampamilya ay waring nagkakawatak-watak na sa maraming lugar. Sa mga bansang industrialisado ay iniulat na kumakaunti ang nagpapakasal, dumarami ang diborsiyo, umuurong ang bilang ng ipinanganganak.
Ang ganitong kalakaran ay nakakabahala sapagkat sa pamilya nasasapatan ang ilan sa pinaka-saligang mga pangangailangan ng tao. Sa isang surbey, ang Australyanong Sydney Morning Herald ay nagtanong sa 2,000 katao ng kung alin sa mga sumusunod ang nagbigay sa kanila ng pinakamalaking kasiyahan: ang trabaho, ang pamilya, ang mga kaibigan, ang mga libangan, ari-arian, o relihiyon. Ang lubhang karamihan sa kanila ay “pamilya” ang inilagay sa unang dako.
Ang mga Saksi ni Jehova ay interesado sa pagpapanatiling matibay ng kanilang mga pami-pamilya. Halimbawa, noong nakalipas na limang taon, ang kanilang dalawang magasing Ang Bantayan at Gumising! (may kabuuang sirkulasyon na humigit-kumulang 22 milyong sipi sa mahigit na 100 wika) ay may humigit-kumulang 60 praktikal na mga artikulo tungkol sa pagharap sa iba’t ibang situwasyon sa buhay pampamilya. Tiyak, ang isang nakasalig-sa-Bibliyang relihiyon na tumutulong sa mga tao upang mangalaga sa kanilang pamilya sa isang matalino at maibiging paraan ay praktikal.
Ang Malaking “Bakit?” ay Nasagot
Tinapos ni Ronald ang kaniyang liham sa pagsasabi: “Mayroong isang bagay na kadalasa’y sumasaisip pagka nagbasa ako ng pahayagan, nagmasid sa mga balita, nakipag-usap sa mga kamanggagawa, o ibalita sa iba ang aking pananampalataya. Iyon ay ang pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova ang nagbibigay sa akin ng sagot sa isa sa pinakamalaganap na itinatanong na mga katanungan sa daigdig—‘Bakit?’ Bakit narito na ang lahat ng krimen, karahasan, digmaan, imoralidad, sakit, gulo, bukod sa lahat ng araw-araw na mga problema? Sa pagkaalam na ang sistemang ito at ang mga problema nito ay pansamantala lamang isang mabigat na pasanin ang naalis sa aking balikat.”
Isinisiwalat ng Bibliya kung ano ang nasa likod ng kasalukuyang nakalilitong situwasyon ng daigdig. Ipinaliliwanag nito kung bakit ang orihinal na layunin ng Maylikha na gawing isang paraisong tahanan para sa sangkatauhan ang lupang ito ay hindi pa natutupad. Ipinaliliwanag nito kung paano aalisin ng Diyos ang lahat ng mga bagay na nakagagambala sa lupa at siya’y magtatatag ng isang permanenteng paraiso para tamasahin ng mga tao magpakailanman.—2 Pedro 3:9-13.
Upang ang isang relihiyon ay magbigay ng praktikal na pakinabang, kailangang magsibol iyon ng mabuting bunga. Lalong mabubuting mga tao ang kailangang isibol niyaon. Kailangang maipaliwanag niyaon kung bakit ang mga bagay-bagay ay gaya ng nakikita sa ngayon sa lupa. At kailangang maghasik iyon ng isang tiyak na pag-asa para sa hinaharap sa isip at puso ng mga tao. Ang gayong relihiyon ang hinanap ni Ronald, at kaniya namang nasumpungan iyon. Ang ganiyan ding pagkakataon ay bukás pa para sa iyo.—Mateo 7:17-20.
[Larawan sa pahina 5]
Mga tunay na magkakaibigan ang trato ng mga tunay na Kristiyano sa isa’t isa