Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 10/1 p. 26-30
  • Nasaksihan Ko ang Kabutihan ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nasaksihan Ko ang Kabutihan ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Buong-Panahong Ministeryo
  • Pananalansang sa Panahon ng Kahibangan sa Digmaan
  • Ang Gilead at ang Atas sa Ibang Bansa
  • Paglilingkod sa Kabila ng Pagbabawal
  • Paglilingkod sa Puerto Rico
  • Nakita Kong “ang Maliit” ay Naging “Isang Makapangyarihang Bansa”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Paghanap Muna sa Kaharian—Isang Tiwasay at Maligayang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Bahagi 4—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Naging Maligaya Ako sa Pagbibigay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 10/1 p. 26-30

Nasaksihan Ko ang Kabutihan ni Jehova

Inilahad ni Lennart Johnson

LINGGO noon, Hulyo 26, 1931, nang ang pangalawang pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society, si J. F. Rutherford, ay magpahayag sa paksang “Ang Kaharian, ang Pag-asa ng Sanlibutan” sa coliseum ng Columbus, Ohio. Ang aming pamilya sa Rockford, Illinois, ay nakinig nito sa radyo. Ako’y 14 anyos lamang noon, subalit ang programang ito’y nag-alis, wika nga, ng isang makapal na takip sa aking mga mata.

Bagama’t ang aking ama ay interesado sa mensahe ng Kaharian, at nang magtagal ay pati ang aking kapatid na lalaki, ang aking ina ay sa tuwina nagwawalang-bahala. Si Itay ay namatay nang sumunod na taon, noong 1932. Ang iba pang mga pahayag na isinahimpapawid ng Watch Tower ay patuloy na nagpakain sa akin ng espirituwal na pagkain, subalit hindi nangyari kundi noong Abril 1933 natuklasan ko kung saan nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova, mga ilang milya ang layo at naroon sa kabilang panig ng ilog.

Anong laking sorpresa para sa munting grupong naroroon nang makita nila ang isang payat na tin-edyer na namisikleta upang makarating sa kanilang pulong para sa pag-aaral sa Vindication Book Two! Sa bawat pulong, patuloy na natuto ako ng higit at higit at makalipas ang dalawang buwan ay nagkaroon ako ng kagalakan na magbahay-bahay dala ang pabalita ng Kaharian. Ako’y nabautismuhan sa isang pangrehiyon (ngayo’y pansirkito) na asamblea nang taon ding iyon.

Pagkatapos ng klase araw-araw, ako’y gumugugol noon ng isang oras o higit pa sa pagdalaw sa mga kapitbahay na nasa palibot ng aming tahanan at dala-dala ko ang mensahe ng Kaharian. Nagkaroon din ako ng pagkakataon na magpatotoo sa paaralan. Halimbawa, sa isang kurso’y itinuturo ang teoriya ng apoy ng impierno at ng pagpaparusa. Ito ang nag-udyok sa akin na magbigay ng mga patotoo sa Kasulatan na ang mga patay ay hindi pinahihirapan kundi, bagkus, sila’y walang malay at nasa kanilang libingan taglay ang pag-asa na mabubuhay uli sila. Pinayagan ako ng guro na basahin ang isang mahaba-habang komposisyon sa harap ng buong klase.

Ang Buong-Panahong Ministeryo

Noong Mayo 1935, ako’y dumalo sa kombensiyon sa Washington, D.C., na kung saan idiniin ang pagpapayunir (ang buong-panahong ministeryo). Nang makabalik na ako sa tahanan, ako’y sumulat sa Watch Tower Society, at sila’y hindi lamang nagpadala sa akin ng isang listahan ng mga teritoryong maaaring gawin kundi rin naman, sa ikinamangha ko, naglakip pa sila ng mga ilang plano para sa pagtatayo ng isang house trailer. Noong mga kaarawang iyon malimit na ang pagpapayunir ay nangangailangan ng pagpunta sa mga ibang lugar, at ang trailer ay nagsisilbing tirahan. Kaya’t ipinasiya ko na maghanapbuhay para makabili ng isang kotse at isang trailer upang makabahagi ako sa buong-panahong ministeryo.

Samantala, napasangkot ako sa paggamit ng isang sound car na binili ng aming kongregasyon upang ianunsiyo ang mensahe ng Kaharian. Nang isa pang kapatid na lalaki at ako ay maimbitahan sa Monroe, Wisconsin, upang magamit ito, nakilala ko at hindi nagluwat pagkatapos ay naging kabiyak ko si Virginia Ellis. Ngayon kami ay makapagtatrabahong magkasama upang ang kotse at trailer na iyon ay magamit sa pagpapayunir!

Noong taglagas ng 1938 ay namatay ang aking ina, at halos noon din si Harold Woodworth ay sumulat sa amin buhat sa New Mexico: “Pumarito kayo; malaki ang pangangailangan dito.” Kaya’t kami ay naglakbay patungong New Mexico, na isang pagbibiyahe sa katihan sa layong mga isang libo at anim na raang kilometro. Sa isang patunguhang direksiyon sa aming dinaraanan, isang telegrama ang sumapit sa amin. “Bumalik uli kayo sa bahay,” ang sabi nito. Ako’y inalok ng isang trabahong mahusay ang suweldo at may magandang pagkakataon na umasenso. Pinagpunit-punit ko ang telegrama. Kung ganoong tinulungan kami ni Jehova na maghanda para sa pagpapayunir, hindi ko tutulutang ang anuman ay makahadlang!

Noong Marso 1939 aming pinasimulan ang pagpapayunir sa palibut-libot ng Hobbs, New Mexico. Ito’y isang lupain na bakahan; mayroon din doong maraming bagong mga pamayanan sa minahan ng langis na madadalaw sa lugar na ito. Ang maliit na kongregasyon ay nagpupulong kung Biyernes at Linggo, kaya’t kami’y nagdadala ng literatura, tubig, pagkain, isang munting kalan, at isang tikluping higaan at ang Lunes hanggang Biyernes ng hapon ay ginagamit namin sa pangangaral sa mga lugar ng kabukiran. Pagsapit ng gabi, kami’y natutulog sa parang na ang pinaka-bubong ay ang langit at isang “sulo” ng minahan ng langis na karatig ang nagsisilbing pampalayo sa mga ahas. Ginugugol namin ang mga dulo ng sanlinggo sa bayan sa paggawang kasama ng kongregasyon.

Pagkaraan ng mga ilang buwan sa ganitong iskedyul, kami’y ipinadala ng Samahan sa Roswell at pagkatapos ay sa Albuquerque, New Mexico. Dito’y muli naming ginamit ang sound car, na lalung-lalo nang epektibo sa pagpapatotoo sa mga bayan-bayanan ng mga Indian sa lugar na ito. Nang ang bagong gawain na pagpapatotoo sa lansangan sa pamamagitan ng mga magasin ay magsimula maaga noong 1940, ikinagalak namin na makibahagi rito kasama ng mga kapatid sa Albuquerque.

Pananalansang sa Panahon ng Kahibangan sa Digmaan

Ang ikalawang digmaang pandaigdig ay nagsimula sa Europa noong nakaraang Setyembre, at isang panahon ng matinding pananalansang ang kasunod niyaon dahilan sa neutral na paninindigan namin sa pagsali sa digmaan. Minsan ang aking kamisadentro ay literal na pinilas sa likod ko nang ako’y nakikibahagi sa ministeryo.

Noong tag-araw ng 1940, ang mga kapatid ay namamahagi ng mga magasin malapit sa El Paso, Texas, at ang ilan sa kanila ay inaresto. Nang sumunod na Lunes si Harold Woodworth at ako ay naparoon upang tumulong sa kanila sa panahon ng kanilang paglilitis. Tinanong ko ang mga kapatid bago nagsimula ang sesyon ng hukuman, kaya naman napalutang ko ang kaugnay na mga punto sa pagtatanggol sa kanila. Pagkatapos na lahat sila’y mapawalang-sala, ako’y tinukoy ng balita sa pahayagan bilang isang “may kinabukasang batang-batang abugado na taga-Albuquerque.” Subalit ang totoo, si Jehova ang nagbigay sa kaniyang mga lingkod ng tagumpay nang araw na iyon!

Gayundin naman, ang mga kapatid ay ikinulong dahil sa pangangaral sa ibang siyudad. Pagkatapos na humarap ako sa hukuman bilang kanilang tagapagtanggol, si Brother David Gray at ako ay nagdala ng liham sa bawat opisyal sa siyudad. Binanggit sa liham ang legal na karapatan ng mga Saksi ni Jehova na gawin ang kanilang gawain, at nagbabala iyon na kung ang mga Saksi’y patuloy na liligaligin, ang mga opisyales ang mananagot sa anumang pinsala na maaaring maging resulta.

Tinanggap ng alkalde ang liham at binasa iyon nang walang imik, subalit sinabi sa amin ng hepe ng pulisya: ‘Dito sa Kanluran, ang mga tao’y lumalabas ng bayan upang magbiyahe, at . . . bueno . . . sila’y hinahanap ng iba pagtatagal, at sila’y hindi na kailanman masusumpungan.’ Subalit, hindi isinakatuparan ang pagbabanta; bagkus, ang mga bagay-bagay ay tumahimik, at ang demanda sa hukuman laban sa mga kapatid ay iniurong.

Halos sa panahong ito ako ay inatasan ng Watch Tower Society bilang isang lingkod ng sona (ngayo’y tinatawag na tagapangasiwa ng sirkito). Ang atas na teritoryo sa akin ay ang kalakhang bahagi ng New Mexico at ang isang bahagi ng Texas.

Ang Gilead at ang Atas sa Ibang Bansa

Noong 1943 si Virginia at ako ay tumanggap ng imbitasyon na mapabilang sa ikalawang klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Pagkatapos ng graduwasyon noong Enero 1944, kami ay naatasan munang gumawa kaugnay ng Flatbush Congregation sa Brooklyn, New York. Kami’y doon naninirahan sa likod ng pabrika ng Samahan sa isang matandang gusali na nang malaunan ay giniba nang palakihan ang pabrika sa Adams Street.

Subalit, nang sumapit ang panahon ay aming tinanggap ang atas sa amin sa Dominican Republic, na kung saan si Rafael Leónidas Trujillo Molina ang ganap na diktador. Nang kami’y dumating noong Linggo, Abril 1, 1945, si Virginia at ako ang siya lamang mga Saksi sa bansa. Kami’y naparoon sa Victoria Hotel at kumuha roon ng tuluyan​—$5 isang araw ang bayad para sa dalawa sa amin, kasali na ang komida. Nang mismong hapon din na iyon pinasimulan namin ang unang pantahanang pag-aaral sa Bibliya.

Ganito nangyari iyon: Dalawang babaing taga-Dominican Republic na aming inaralan ng Bibliya sa Brooklyn ang nagbigay sa amin ng mga pangalan ng mga kamag-anak at mga kakilala, na ang isa sa kanila ay isang nagngangalang Dr. Green. Nang aming dalawin siya, nakilala rin namin ang kaniyang kapitbahay na si Moses Rollins. Pagkatapos sabihin sa kanila kung paano namin nakuha ang kanilang mga pangalan at mga tirahan, sila’y nakinig na mainam sa mensahe ng Kaharian at pumayag na aralan sila ng Bibliya. Hindi nagtagal at si Moses ang naging unang lokal na mamamahayag ng Kaharian.

Nang mismong gabing iyon kami’y sinamahan ni Dr. Green sa paghahanap ng bahay samantalang kami’y nasa pang-itaas na kubyerta ng isang dalawang-palapag na bus. Sa wakas ay nakaupa kami ng isang maliit na tahanang kongkreto roon sa kabisera, sa Ciudad Trujillo (ngayo’y Santo Domingo). Noong Hunyo apat pang mga misyonero ang nakasama namin. Nagbukas ng ikalawang tahanang misyonero, at pagkatapos higit pang mga misyonero ang dumating. Nang sumapit ang Agosto ng 1946 kami’y may pinakamataas na bilang na 28 mamamahayag. Hindi nagtagal at marami pang mga misyonero ang nagsidating, at sila’y pinaglaanan din ng mga tahanan. Patuloy ang pagsulong!

Paglilingkod sa Kabila ng Pagbabawal

Nang sumapit ang 1950 kami’y umabot na sa mahigit na 200 mamamahayag. Gayunman, dahil sa ang mga Saksi ni Jehova’y mahigpit na kumakapit sa kanilang pagkaneutral, ang ating mga kabataang kapatid ay ipinakulong ng gobyerno ni Trujillo. Pagkatapos, na sukdulan sa lahat, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay lubusang ipinagbawal noong Hunyo 21, 1950.

Yamang hindi sila makapagtipon sa mga Kingdom Hall, ang mga kapatid ay tahimik na nagtipun-tipon sa maliliit na grupo sa mga pribadong tahanan. Doon ay nag-aral kami ng mga artikulo sa Bantayan na mimeograpo. Lahat ng mga tapat ay lubhang nagpahalaga sa espirituwal na lakas na patuloy na ibinigay sa kanila ni Jehova samantalang sila’y nasa maliliit na grupo sa pag-aaral.

Ang Linggo ang araw namin ng pagdalaw sa maraming mga kapatid na taga-Dominican Republic sa mga piitan ni Trujillo. Kami’y kinakapkapan pagpasok na namin, at inaalam kung sino nga kami talaga. Kung minsan kami’y pinalilibutan ng mga sundalo pagka kasama namin ang mga kapatid na ito, at binabantayang maingat. Minsan ay nakasama namin si Stanley Aniol na taga-Chicago, at dumadalaw noon sa kaniyang anak na babaing misyonera, si Mary (ngayo’y si Mary Adams, na naglilingkod sa Brooklyn Bethel). Palibhasa’y naantig ang kaniyang damdamin dahil sa katapatan ng mga kabataang kapatid sa Dominican Republic, malumanay na hinagkan ni Brother Aniol ang lahat sa kanila samantalang nagmamasid ang mga kawal.

Sa katapusan ng pagdalaw, samantalang kami’y naglalakad sa pangunahing kalye sa lugar ng komersiyo, isang kotse na punô ng mga tauhan ni Trujillo ang dahan-dahang sumunod sa amin. Ito ang isa sa mga tanyag na pamamaraan ni Trujillo sa paghahasik ng takot sa mga tao. Nang sabihin namin kay Brother Aniol kung bakit gayon, bahagya man ay hindi siya natigatig. Oo, kailangang huwag pansinin ang pagsisikap ni Trujillo na takutin kami at kailangang maglagak ng buong tiwala kay Jehova.

Kung minsan mga nagkukunwaring kapatid, mga espiya ni Trujillo, ang dumadalaw sa aming tahanan, at sinasabing sila’y mga kapatid. Kaya kinakailangan na kami’y maging “maingat na gaya ng mga ahas subalit walang malay na gaya ng mga kalapati.” (Mateo 10:16) Ang gayong mga tao ay sinusubok namin sa pamamagitan ng sumasaliksik na mga katanungan upang matiyak kung sila’y talagang mga kapatid natin o hindi.

Nang panahon ng pagbabawal mga ilang tagapagpahayag ang nagbibigay ng pahayag sa Memoryal sa tatlong iba’t ibang mga grupo sa pag-aaral, anupa’t sila’y naglalakbay nang tahimik upang huwag mamalayan buhat sa isang lugar tungo sa susunod na pupuntahan nila. Malimit na bumubuhos ng ulan kung gabi ng Memoryal, at yamang ang hukbo ni Trujillo ng mga espiya ay natatakot sa malakas na ulan gaya ng mga tao sa mga ibang lugar na natatakot sa malakas na bagyo ng yelo, iyon ay naging isang pagpapala sa amin.

Yamang ang muling pagpasok sa bansa ay tatanggihan ng gobyerno ni Trujillo karamihan ng mga misyonero ay hindi dumalo sa internasyonal na mga kombensiyon sa New York City noong 1950 at 1953. Kami’y nakontento na lamang sa pagbabalita sa kombensiyon na inilathala sa The New York Times, at nalathala ang magagandang mga larawan sa kombensiyon at ang detalyadong araw-araw na mga paglalarawan ng programa. At, ipinalabas ng isang teatro roon ang tungkol sa maraming nabautismuhan sa kombensiyon ng 1953.

Noong 1956 si Roy Brandt at ako ay tinawag para sumagot sa mga opisyal na katanungan. Mga opisyales ng gobyerno ni Trujillo ang maaga pa roon ay nag-anyaya na kay Brother Manuel Hierrezuelo na pumaroon at makipagkita sa kanila. Subalit nang malaunan si Manuel ay ibinalik sa kaniyang pamilya na isang bangkay na. Kaya ngayon, ano kaya ang kalalabasan ng mga bagay-bagay para sa amin?

Nang kami’y dumating doon, kami’y magkabukod na tinanong, at maliwanag na ang aming mga kasagutan ay inirekord. Wala nang naganap pang anuman noon, kundi paglipas ng dalawang buwan ibinalita ng mga pahayagan na inaalis na ng gobyerno ni Trujillo ang pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova at na maaari na naming hayagang ipagpatuloy ang aming mga gawain. Muling humanap ng maaaring gawin na mga Kingdom Hall, at ang gawain ni Jehova ay patuloy na umunlad.

Gayunman, noong Hunyo 1957 isang marahas na bagong daluyong ng pag-uusig ang nagsimula na naman, at lahat ng mga misyonero ay pinatalsik sa bansa. Ang aming paglisan ay tunay na isang malungkot na araw para sa amin. Kami ni Virginia ay naglingkod ng 12 taon sa Dominican Republic at nasaksihan namin ang pagdami ng mga Saksi roon buhat sa aming dalawa lamang hanggang sa ito’y maging mahigit na 600. Noong 1960 ang ikalawang pagbabawal sa gawain ay inalis, at ang bilang ng mga mamamahayag ay nagpatuloy na lumago hanggang sa ngayon ay mayroon na itong humigit-kumulang 10,000!

Paglilingkod sa Puerto Rico

Nang kami’y dumating sa Puerto Rico noong Agosto 1957, naroon na ang mga kapatid na Kristiyano at pati mga reporter ng pahayagan upang tumanggap sa amin. Ang resulta nito na pagbabalita ng mga pahayagan ay isang malawak na pagpapatotoo. Nang panahon na iyon, ang dami ng mga mamamahayag ng Kaharian ay wala pang 1,200 sa Puerto Rico; ngayon ay mayroon nang halos 22,000!

Noong 1958 inanyayahan ako ng Samahan upang maging isang naglalakbay na tagapangasiwa. Kaya, sa lumakad na mga taon ay nakilala namin at naging kamanggagawa namin ang maraming tapat na mga kapatid sa lahat ng panig ng Puerto Rico at ng Virgin Islands. Sa kalaunan, kami ng aking maybahay ay naging mga miyembro ng pamilyang Bethel sa bansang ito. At sapol nang itatag ang Komite ng Sangay rito, ako’y pinagpala ni Jehova sa pagiging isang miyembro nito.

Ako’y lipos ng kaligayahan sa personal na pagtanggap ko kay Jehova ng ayon sa inihula’y “makasandaan ngayon . . . mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak.” (Marcos 10:30) Sa anumang ibang paraan ay hindi ko na gugustuhing gugulin ang aking buhay kundi sa paglilingkod sa kaniya. Kaya naman, sa aking paggunita sa humigit-kumulang 48 taon sapol nang ako’y magpayunir, ikinagagalak kong sabihin na, tunay nga, nasaksihan ko na si Jehova ay mabuti!​—Awit 34:8.

Samantalang ang inilahad sa itaas na istorya ng buhay ni Lennart Johnson ay matatapos na ang paghahanda, si Virginia Johnson ay namayapa sa kaniyang pagtulog noong Enero 31, 1987

[Blurb sa pahina 27]

Si Jehova ang nagbigay sa kaniyang mga lingkod ng tagumpay!

[Blurb sa pahina 28]

Lahat ng mga tapat ay lubhang nagpapahalaga sa espirituwal na lakas na patuloy na ibinibigay ni Jehova sa kanila

[Larawan sa pahina 29]

Kami ni Virginia ay gumawang kasama ng maraming tapat na mga kapatid buhat sa lahat ng panig ng Puerto Rico

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share