Nakita Kong “ang Maliit” ay Naging “Isang Makapangyarihang Bansa”
AYON SA PAGKALAHAD NI WILLIAM DINGMAN
Ang taon ay 1936; ang lugar, Salem, Oregon, E.U.A. Dumalo ako sa pulong ng mga Saksi ni Jehova. Ibinangon ang tanong: “Nasaan ang lubhang karamihan?” (Apocalipsis 7:9, King James Version) Ako lamang ang baguhan, kaya ako ay itinuro nilang lahat at sinabi, “Ayun siya!”
SA KALAGITNAAN ng dekada ng 1930, talagang kakaunti lamang sa mga mga Saksi ni Jehova ang may pag-asa mula sa Bibliya na mabuhay nang walang hanggan sa lupa sa Paraiso. (Awit 37:29; Lucas 23:43) Nagbago nang malaki ang mga bagay-bagay sapol noon. Subalit hayaan ninyong ilahad ko ang mga pangyayari na umakay sa pagkanaroroon ko sa pulong na iyon sa Salem, Oregon.
Ang aking ama ay isang suskritor ng The Golden Age, isang dating pangalan ng magasing Gumising! Nang ako ay isang tin-edyer, nasisiyahan akong basahin ito, at nakumbinsi ako na naglalaman ito ng mahalagang katotohanan sa Bibliya. Kaya isang araw ay ipinadala ko ang isang kupon na nasa likod ng isang Golden Age. Iniaalok nito sa mambabasa ang 20 buklet, isang aklat, at ang pangalan ng pinakamalapit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nang matanggap ko ang literatura, nagbahay-bahay ako at naipasakamay ko ang lahat ng buklet gayundin ang aklat.
Nang panahong iyon ay walang nakikipag-aral ng Bibliya sa akin. Sa katunayan, wala pa akong nakausap na Saksi ni Jehova. Subalit ngayon, taglay ang direksiyon ng pinakamalapit na Kingdom Hall, nagbiyahe ako nang 40 kilometro patungong Salem, Oregon, upang dumalo ng pulong. Doon ako tinukoy bilang “ang lubhang karamihan,” nang ako ay 18 taong gulang pa lamang.
Bagaman halos wala akong paghahanda para sa ministeryo, nagsimula akong mangaral kasama ng Salem Congregation. Pinasigla akong ilakip ang tatlong punto sa aking pagpapatotoo. Una, na si Jehova ang Diyos; ikalawa, na si Jesu-Kristo ang Hari na kaniyang hinirang; at ikatlo, na ang Kaharian ang siyang tanging pag-asa ng sanlibutan. Sinikap kong ibahagi ang mensaheng ito sa bawat pintuan.
Pagkaraang makisama sa mga Saksi ni Jehova sa Salem sa loob ng dalawang taon, nabautismuhan ako noong Abril 3, 1938. Ang mga kaibigan sa Salem ay natutuwang makitang nagpapabautismo ang ilan sa amin na kabilang sa “lubhang karamihan.” Noong Pebrero 1939, ako ay naging isang payunir, o buong-panahong ministro. Noong Disyembre ng taong iyon, tinanggap ko ang isang paanyaya na lumipat sa Arizona kung saan mas malaki ang pangangailangan sa mga tagapaghayag ng Kaharian.
Pagpapayunir sa Arizona
Bago ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Arizona, at marami ang may maling pagkaunawa sa amin, kaya nang masangkot ang Estados Unidos sa Digmaang Pandaigdig II, nakaranas kami ng maraming pag-uusig. Halimbawa, samantalang ako ay naglilingkod sa Stafford, Arizona, noong 1942, pinag-usapan na uumugin kami ng isang grupo ng mga Mormon. Kami ng aking mga kaparehang payunir ay nagkataong naninirahan katabi ng bahay ng isang obispong Mormon na may paggalang sa amin at nagsabi: “Kung kasing-aktibo lang sana ng mga Saksi ang mga misyonerong Mormon, lalago ang Simbahang Mormon.” Kaya sa simbahan ay nagsalita siya at nagsabi: “Nakakabalita ako na may usap-usapan na uumugin ang mga lalaking Saksi. Buweno, kapitbahay ko ang mga lalaking iyon, at kung magkakaroon ng pang-uumog, mag-uumang ako ng shotgun mula sa kabilang bakod mismo. Gagamitin ang shotgun na iyon—pero hindi laban sa mga Saksi. Gagamitin ito laban sa mga mang-uumog. Kaya kung gusto ninyong mang-umog, alam na ninyo ang mangyayari sa inyo.” Hindi na natuloy ang pang-uumog.
Sa tatlong taon kong pamamalagi sa Arizona, maraming beses kaming inaresto at ibinilanggo. Minsan ay ikinulong ako nang 30 araw. Upang kontrahin ang panliligalig ng pulisya sa aming ministeryo, bumuo kami ng tinatawag na flying squad. Sinabi sa amin ng nangangasiwang Saksi: “Kung ano ang tawag sa atin, ganoon tayo. Magsisimula tayo ng alas singko o alas sais ng umaga, mag-iiwan ng isang tract o buklet sa bawat pinto, at pagkatapos ay tatalilis na tayo.” Sinaklaw ng aming “flying squad” ang malaking bahagi ng estado ng Arizona. Gayunman, ito ay nabuwag nang dakong huli dahil hindi kami nagkakaroon ng pagkakataon na matulungan yaong mga interesado sa gayong uri ng pangangaral.
Ang Paaralang Gilead at Pantanging Paglilingkuran
Noong Disyembre 1942, isa ako sa ilang payunir sa Arizona na nakatanggap ng isang liham ng paanyaya sa isang bagong paaralang pangmisyonero na itinatag ng mga Saksi ni Jehova. Sa simula ay tinawag ang paaralan na Watchtower Bible College of Gilead. Nang maglaon ay binago ang pangalan tungo sa Watchtower Bible School of Gilead. Ang kampus ay malapit sa lunsod ng Ithaca sa gawing hilaga ng estado ng New York na halos 4,800 kilometro ang layo.
Pagkatapos ng maikling pagdalaw sa Oregon, noong Enero 1943, nilisan ng ilan sa amin na mga payunir ang mainit na Disyerto ng Arizona sakay ng bus na Greyhound. Pagkalipas ng ilang araw ay dumating kami sa aming destinasyon at nadatnan ang niyebe ng taglamig sa gawing hilaga ng New York. Nagbukas ang paaralan noong Pebrero 1, 1943, nang sa kaniyang talumpating pampasinaya ay sinabi ng presidente nito, si Nathan H. Knorr, sa sandaang estudyante: “HINDI layunin ng kolehiyong ito na sangkapan kayo upang maging mga ordinadong ministro. Mga ministro na kayo at aktibo na sa ministeryo nang maraming taon. . . . Ang kurso ng pag-aaral sa kolehiyo ay para sa bukod-tanging layunin na ihanda kayo na maging higit na may-kakayahang mga ministro sa mga teritoryo na inyong pupuntahan.”
Yamang hindi ako gaanong nakapag-aral sa sekular na paraan, sa simula ay hindi ako mapalagay sa Gilead. Subalit ang mga instruktor ay naging napakamaunawain sa akin, at nang maglaon ay nasiyahan akong maigi sa aking pag-aaral. Nagtapos ang aming klase pagkaraan ng limang buwan ng puspusang pagsasanay. Pagkatapos noon, ang ilan sa amin ay ipinadala sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, kung saan tumanggap kami ng karagdagang pagsasanay upang ihanda kami sa paglilingkod sa gawaing paglalakbay bilang mga tagapangasiwa ng sirkito. Ang unang atas ko ay sa Hilaga at Timog Carolina.
Noong mga unang araw na iyon, halos laging naglalakbay ang tagapangasiwa ng sirkito. Mamamalagi kami nang isang araw sa isang maliit na kongregasyon o dalawang araw kung malaki ito. Karamihan sa mga kongregasyon noon ay maliliit. Kaya pagkatapos gumugol nang isang buong araw, at kadalasa’y nananatili hanggang sa halos hatinggabi sa pagdalaw at pagsagot sa mga katanungan, bumabangon ako nang mga alas singko kinaumagahan upang maglakbay sa susunod na kongregasyon. Naglingkod ako nang mga isang taon sa pansirkitong gawain, at pagkatapos noon ay nagpayunir muna ako sa Tennessee at New York.
Patungong Cuba at Patuloy Hanggang sa Puerto Rico
Noong Mayo 1945, kasama ang ilang iba pa, ipinadala ako sa aking unang atas bilang misyonero sa ibang bansa, sa Cuba! Nang gabing dumating kami sa Havana, ang kabisera ng Cuba, namahagi kami ng magasin. Namalagi kami sa Havana hanggang sa makahanap kami ng isang tahanan sa Santa Clara. Ang buwanang panggastos ng bawat isa sa amin ay $25 lamang para sa lahat ng kakailanganin, kasali na ang pagkain at pambayad sa upa. Gumawa kami ng mga kama at muwebles na yari sa materyales na puwedeng gamitin at ginamit namin ang mga kahon ng mansanas para sa aming aparador.
Nang sumunod na taon ay naatasan ako sa pansirkitong gawain. Nang panahong iyon ay isang sirkito ang buong Cuba. Dahil ang tagapangasiwa ng sirkito na nauna sa akin ay may mahahabang binti at natutuwang maglakad, ang mga kapatid ay literal na tumatakbo upang makaagapay sa kaniya. Maliwanag na inakala nila na ganoon din ako, kaya isinaplano nila ang lahat ng bagay para sa aking pagdalaw. Hindi sila sabay-sabay na lumabas sa ministeryo nang araw na iyon kundi nagpangkat-pangkat sila at naghalinhinan sa paggawa na kasama ko. Sa unang araw ay dinala ako ng isang grupo sa isang malayong teritoryo; nang sumunod na araw ay isa na namang grupo ang nagdala sa akin sa isa pang malayong teritoryo, at gayundin ang sumunod. Napagod ako pagkatapos ng dalaw, subalit nasiyahan naman ako. Marami akong masasayang alaala sa kongregasyong iyon.
Pagsapit ng 1950 ay mayroon na kaming 7,000 mamamahayag ng Kaharian sa Cuba, mga kasindami ng nasa Mexico. Noong Hulyo ng taong iyon, dumalo ako sa Paglago ng Teokrasya na internasyonal na kombensiyon sa Yankee Stadium sa New York City. Pagkatapos noon, nakatanggap ako ng bagong atas bilang misyonero, sa Puerto Rico. Kabilang sa mga bagong misyonero mula sa ika-12 klase ng Gilead ay sina Estelle at Thelma Weakley, na sumama sa akin sa pagtungo sa Puerto Rico.
Pagkaraan ng walong taon ay ikinasal kami ni Estelle sa isang simpleng seremonya sa Bayamón, Puerto Rico, na ginanap sa entablado sa panahon ng intermisyon ng aming pansirkitong asamblea. Kapuwa bago at pagkatapos ng aming kasal, ako ay naglingkod sa pansirkitong gawain. Sa mahigit na sampung taon naming pamamalagi sa Puerto Rico, nasaksihan namin ni Estelle ang malalaking pagsulong—mula sa kaunti pa sa 500 mamamahayag tungo sa mahigit na 2,000. Natulungan namin ang marami hanggang sa punto ng pag-aalay at bautismo, at nakibahagi kami sa pagtatatag ng ilang bagong kongregasyon.
Noong Disyembre 1960, si Milton Henschel na galing sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, ay dumalaw sa Puerto Rico at nakipag-usap sa mga misyonero. Nagtanong siya kung magagawa ng ilan na tumanggap ng naiibang atas. Kami ni Estelle ay kabilang sa mga nagboluntaryo.
Ang Aming Tahanan sa Dominican Republic
Ang aming bagong atas ay ang Dominican Republic, at itinakda namin ang Hunyo 1, 1961, bilang ang petsa ng aming paglipat. Noong Mayo 30 ay pinatay ang diktador ng Dominican, si Rafael Trujillo, at kinansela ang lahat ng biyahe ng eroplano sa bansa. Subalit di-nagtagal ay muling nakabiyahe ang mga eroplano, at nagawa naming makalipad patungong Dominican Republic noong Hunyo 1 gaya ng nakaplano.
Ang bansa ay nasa kaguluhan nang dumating kami, at abalang-abala ang mga militar. Ikinabahala ang pagsiklab ng rebolusyon, at sinisiyasat ng mga sundalo ang lahat ng nasa lansangang-bayan. Pinahinto kami sa ilang checkpoint, at sa bawat isa sa mga ito ay sinisiyasat ang aming bagahe. Inilabas ang lahat ng laman ng aming mga maleta, maging ang napakaliliit na bagay. Iyon ang aming pasimula sa Dominican Republic.
Nanatili kami sa kabisera, ang Santo Domingo, nang ilang linggo bago kami nagtuloy sa aming unang atas sa La Romana. Sa panahon ng diktadura ni Trujillo, napabatiran ang publiko na ang mga Saksi ni Jehova ay mga Komunista at sila ang pinakamasamang uri ng tao. Bunga nito, labis na pinag-usig ang mga Saksi. Subalit unti-unti naming nabago ang maling akala.
Pagkatapos makapagtrabaho nang kaunting panahon sa La Romana, muli na naman kaming naglingkod sa pansirkitong gawain. Pagkatapos, noong 1964, naatasan kami bilang mga misyonero sa lunsod ng Santiago. Nang sumunod na taon ay nagkaroon ng himagsikan sa Dominican Republic, at muli na namang naligalig ang bansa. Sa panahon ng alitang iyon ay inilipat kami sa San Francisco de Macorís, isang bayan na kilala sa pakikisangkot nito sa pulitika. Gayunpaman, nakapangaral kami nang walang hadlang. Nakabuo pa nga kami ng isang bagong kongregasyon sa kabila ng pulitikal na kaguluhan. Sa mga sumunod na taon, nagkaroon ng iba pang pagbabago sa aming atas bago kami naatasang-muli sa aming kasalukuyang tirahan sa Santiago.
Talaga namang nakita namin ang pagpapala ni Jehova sa gawain dito sa Dominican Republic. Nang dumating kami noong 1961, may mga 600 Saksi at 20 kongregasyon. Ngayon ay may halos 20,000 mamamahayag na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mahigit na 300 kongregasyon. Ang pag-asa para sa higit pang paglago ay malaki, gaya ng ipinakikita ng dumalo na 69,908 sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 1996. Iyan ay mga tatlo’t kalahating ulit ng bilang ng mga mamamahayag!
Ngayon ay Isang Makapangyarihang Bansa
Bagaman ang tanawin sa sanlibutan ay patuloy na nagbabago, ang mensahe ng Bibliya na ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay hindi pa rin nagbabago. (1 Corinto 7:31) Si Jehova pa rin ang Diyos, si Kristo ay Hari pa rin, at ang Kaharian ay lalo nang nakita higit kailanman bilang ang tanging pag-asa ng sanlibutan.
Kasabay nito, isang kamangha-manghang pagbabago ang naganap sa gitna ng bayan ni Jehova sapol nang daluhan ko ang pulong na iyon sa Salem, Oregon, mga 60 taon na ang nakararaan. Ang lubhang karamihan, o malaking pulutong, ay tunay ngang naging malaki, anupat umaabot na sa mahigit na limang milyon. Ito ay katulad na katulad ng inihula ni Jehova sa kaniyang bayan: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging isang makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sariling kapanahunan nito.”—Isaias 60:22.
Pagkalipas ng halos 60 taon sa buong-panahong ministeryo, ako’y natutuwa na matamasa ang kagalakan ng patuloy na pangangaral at pagtuturo sa pinag-atasan sa akin bilang misyonero. Kay dakilang pribilehiyo na magkaroon ng bahagi sa gawaing ito at makitang “ang maliit” ay maging “isang makapangyarihang bansa”!
[Larawan sa pahina 21]
Kasama ang aking asawa, sa Dominican Republic